“Hoy Paul!” ang narinig kong pagtawag ng taong nasa aking harapan.
“H-ha, ah oo…” naging tugon ko naman.
“Anong oo? Eh wala naman akong tinatanong. Kanina pa ako naka-nganga dito eh hindi ka naman pala nakikinig,” sabi niya.
“Ay, sorry Janet,” paumanhin ko.
“Alam mo, napapansin ko nitong mga nakaraang araw na madalas kang wala sa sariling pag-iisip. May problema ka ba, ha?” pag-aalala ni Janet.
“Huh? Anong pinagsasabi mo diyan?” maang-maangan ko.
“Eh, palagi ka na lang kasing nakatulala. Parang tumatagos hanggang sa outer space iyang pag-iisip mo. Hindi mo na nga magawang pansinin ang mga tao sa paligid. Hindi ka nakikinig sa mga tumatawag sa’yo, mga nagpapapansing mga babae hindi mo na rin pinapansin, pati professors natin nakakahalata na rin. Ano bang bumabagabag diyan sa isip mo? Share mo naman sa akin at baka may maitulong ako.” mahabang litanya ng kaibigan kong si Janet.
“Wala nga. Siguro inaantok lang ako…” maiksi kong tugon.
“Paul, tingnan mo nga ako sa mata,” may pagka-awtoridad niyang utos sa akin. Tumalima naman ako para walang gulo.
Tinitigan niya ang aking mga mata na parang inuusisa kung may makikita ba siyang mali. “Ano ba iyang ginagawa mo?”
“Tinitingnan ko lang kung totoo ba iyang sinasabi mo sa akin,” sagot niya sa tanong ko.
Bahagya akong natawa sa sinabi niya. “May ganyan ba talaga?” tanong ko ulit. Ngunit hindi niya ako sinagot bagkus nagpatuloy lang siya sa ginagawang walang ka-kwenta-kwenta.
“O, ano…may nahanap ka bang kasinungalingan?” tanong ko maya-maya pa.
“Hmmm, parang wala naman. Ang laki na ng eyebags mo o,” sagot niya. “Bakit, hindi ka ba nakatulog kagabi? Sandali…gumagala ka tuwing gabi no? Naku! Naku! Naku! Huwag mo na’ng i-deny pa, Paul. Party goer ka talaga at kitang-kita ko diyan sa mga mata mo. Ayan oh,” pang-aakusa niya habang tinuturo ang direksiyon ng mga mata ko.
“Party goer ka diyan. Para sa kaalaman mo, hindi ako kailanman naggagala sa gabi at lalong hindi ako gumala kagabi. Nag-aral kaya ako para sa test natin mamaya at hindi ko namalayan ang oras kaya ginabi ako ng tulog,” mariin kong sabi sa kaniya. “Baka ikaw ang naglalakwatsa sa gabi. Huhulaan ko lang ha…pumunta ka na naman sa paborito mong videoke bar at nag-concert buong magdamag.”
“Hoy, grabe ka naman. Pero paano mo nalaman? Siguro pinapasundan mo ako no? Sinasabi ko na nga ba eh, stalker talaga kita,” pagpapatawa naman niya.
“Sinasabi mo diyan?”
“Paul, huwag mo na kasing ipagkaila pa. Kasalanan ang magsinungaling kaya aminin mo na’ng fan na fan ka sa akin at na gustong-gusto mong maka-duet ako. Anyways, close naman tayo kaya okay lang sa akin…”
“Janet, naririnig mo ba ang sarili mo? Feeler ka din ano. Kahit kailan ay hinding-hindi mo ako magiging fan dahil ayokong maging sangkot sa rason kung bakit bumagyo kagabi sa kaka-kanta mo…”
“Ay grabe siya oh,” at nagtawanan na lang kami.
Sa katunayan, member talaga siya sa isang singing club at isa siya sa mga sikat na personalidad sa buong campus. Parang nasa kaniya na din ang lahat kasi mayaman, maganda, maputi, matangkad, parang artista, pinagkakaguluhan ng mga kalalakihan, at talented. Hindi lang siya kumakanta kundi marunong ding tumugtog ng gitara, violin, piano, saxophone, drums, at iba pa. Naglalaro din siya ng volleyball. Kaya wala na akong ibang masabi pa sa kaniya.
Iyon ang naging takbo ng biruan namin ng kaklase kong si Janet. Ang simpleng pangungusisa niya ay nauwi sa pag-aasaran sa isa’t-isa. Mabuti na lang at nawala rin sa isip niya ang madalas kong pagkatulala.
Ang totoo kasi niyan, maraming mga bagay ang bumabagabag sa akin. Una, ang aksidenteng paghalik ni kuya sa akin noong umuwi kami galing sa laro niyang basketball. Naguguluhan ako. Talaga bang aksidente lang ang tagpong iyon? O baka naman intensiyon talaga ni kuya na mahalikan ako sa labi? Pangalawa, iyong nangyari sa amin sa may bundok. Ang eksenang iyon ba’y pawang ordinaryong pagpapalabas lamang ng libog at pagpapaligaya? Parte lang ba iyon sa sinasabi nilang pag-eeksperimento? Normal lang ba iyon kay kuya na nakikipagyarian sa kaparehing kasarian? May dapat ba akong ikatakot sa nangyari o ikagalit dahil ginamit lang ako ni Kuya Benedict? Pangatlo, hindi pa niya alam ang aking buong pagkatao. Paano ko kaya ipagtatapat sa kaniya na hindi ako isang straight? Ano kaya ang magiging reaksiyon niya? Magagalit kaya siya. mandiri, o kaya’y makaramdam ng pagta-traydor? Ano kaya ang kahihinatnan kapag nalaman na niya ang tunay na ako? Iiwas kaya siya?
Ang saklap naman ng ganito.
Nakakalito at nakakalungkot.
Nalilito ako sa mga pangyayaring isa-isang nagsisipag-datingan sa aking buhay. Parang binabato ako ng mga equations at problems sa general math na dapat kong solusyunan. Mahirap para sa aking baguhan pa lamang at kasisimula pang magdiskubre ng mga karampatang formula sa pagso-solve nung problem. Walang mama na tumutulong sa akin at walang bespren na nagpapaliwanag sa bawat hirap ng sitwasyon. May Uncle Edwin at Kuya Benedict nga akong nakakasama pero hindi ko naman magawang dumunog sa kanila. Sa tingin ko kasi ay hindi nila ako maiintindihan kagaya ng pag-intindi ni mama at Giordale sa akin. Kaya nalulungkot ako sa tuwing naaalala ko sila. Iyon ang dahilan kung bakit napapa-tulala na lang ako minsan.
Gayumpaman, sa bawat araw na lumilipas ay pinipilit ko ang sariling isawalang bahala na lang ang mga bagay na iyon. Nag-pokus na lang ako sa pag-aaral. Nagampanan ko naman nang maayos ang pagiging iskolar. Naging seryoso ako at isinantabi na muna ang mga hindi importanteng bagay na magpapagulo lang sa aking isipan at magdudulot ng problema. Naging top scorer ako lagi sa mga exams, performances, at projects. Naging dean’s lister na din ako.
Masaya ako at todo naman ang suportang binibigay sa akin ni Kuya Benedict. Kahit punong-puno ng mga katanungan ang aking isipan tungkol sa mga nakaraang pangyayari sa amin ay hindi ko na ito inintindi pa. pansin ko din ang nag-uumapaw na kasiyahan ni kuya dahil sa aking achievements. At ayokong sirain ito nang dahil lang sa mga bagay na walang kabuluhan.
“Achiever ka talaga no?” bungad sa akin ni kuya habang naglalakad kami palabas ng campus pauwi.
“Paano mo nasabi kuya?” tanong ko sa kaniya.
“Eh, hindi pa ba sapat kung tawagin ang natatanggap mong awards at grades para sabihin ko iyon?” pabalik niyang tanong sa akin.
“Naku, tamang diskarte lang naman at aral ang gawin para makamit ang mga bagay na iyon. ‘Focus’ ang kailangan,” sagot ko naman pag-emphasize sa salitang focus.
“Sabagay, tama ka din naman. Pero likas kasi sa’yo ang katalinuhan eh kaya madali mo lang iyong nakuha. Scholar ka nga diba?”
“Parang ganun na nga siguro. Pero ikaw kuya, matalino ka rin naman ah.”
“Aba, oo naman siyempre. Eh, saan mo pa ba namana iyang katalinuhan mo edi sa akin mismo. Kuya mo kaya ako…”
Bahagya naman akong natawa sa kaniyang sinabi. “Ang yabang.”
“Kaya proud na proud ako sa’yo tol eh,” sabi niya sabay gulo sa aking buhok na ikina-inis ko naman.
“Kuya, ginulo mo na naman ang buhok ko! Kakainis ka talaga,” naiinis kong sambit.
Tumawa lang siya at sinabing, “Tol, mag-celebrate tayo sa mga achievements mo.”
“Huh? May ganun pa talaga kuya? Eh hindi naman iyon malalaking achievements kagaya ng pagpasa sa isang bar exam kung saan top notcher ako.”
“Ano ka ba tol. Oo nga hindi iyon kalakihan kompara sa ganoon kalaking mga bagay pero kung para sa isang average na estudyante lang, napakalaki na ang mga iyon kung ituring. Subukan mo ngang ilagay ang sarili na hindi ka masyadong gifted sa katalinuhan, diba maiisip mo rin na sana ikaw yung achiever na iyon. na sana ganoon ka din ka-talino, ka-pursigido, at gifted. Baka nga maisip mo na rin na sana may ganoon ka ding ka-gwapuhang taglay,” napa-isip naman ako sa sinabi ni kuya kahit natatawa sa huli niyang sinambit.
“Oo nga no,” ang tanging lumabas sa aking bibig.
“Kaya kahit maliit man iyan o malaking achievement…dapat nire-recognize mo iyan tol bilang biyaya at nararapat na i-celebrate dahil hindi lahat ng tao sa mundo ang nararanasan ang tinatamasa mo.”
“Sige na nga. Payag na akong mag-celebrate. Pero ikaw ang taya dahil pinilit mo ako,” sabi ko na lang.
“Oo naman walang problema. Kakain lang tayo sa doon sa paborito kong kainan at naging tambayan na rin kapag walang ibang magawa.”
“Maganda ba doon kuya?” pang-uusisa ko naman.
“Oo naman. Kaya nga paborito ko diba at siguradong magugustuhan mo din doon,” sagot ni kuya.
“Weeee…siguraduhin mo lang kuya ha dahil kapag hindi ko nagustuhan ang lugar, talagang iihi ako mismo sa loob ng restaurant na iyon at sa harap ng mga kumakain doon,” pagbabanta ko.
“Hoy, grabe ka naman. Sige huwag na lang tayong tumuloy. Nakaka-pressure ka naman eh,” aniya.
“Biro lang naman kuya. Ito naman oh, ambilis maniwala…siyempre hindi ko magagawa ang ganoong kahihiyan no,” pagbawi ko naman.
“Alam ko naman. Atsaka kaya din naman kita dadalhin doon dahil may ipapakilala ako sa’yo,” biglang pag-anunsiyo niya.
“Talaga? Sino naman siya kuya?”
“Mamaya ko na sasabihin sa’yo pagdating natin doon.”
At wala na kaming inaksaya pang oras at pinuntahan na kaagad ang sinasabi ni kuyang magandang kainan. Sa isang banda, tumatak talaga sa isip ko ang sinabi niyang taong ipapakilala sa akin. Nagtatanong ang isipan ko kung sino ang taong iyon. Girlfriend kaya niya? Hindi ko pa kasi nalalaman kung may jowa na ba talaga si Kuya Benedict. Wala din naman akong nakikitang babaeng nakakasama niya kahit andaming nagpapakita ng interes sa kaniya. At wala din siyang ipinakilala sa aking jowa maliban na lang sa sinabi niya noong isang araw na may special someone na daw siya. tinatanong ko kung sino pero ayaw naman niyang sabihin. Kaya naisip ko na baka ito na iyong araw na ibubunyag niya ang kaniyang ‘special someone’.
Sa kabilang banda naman, habang pinapaharurot ni Kuya Benedict ang kaniyang motor, hindi ko maiwasang ma-excite sa pupuntahan namin. Ewan ko pero pakiramdam ko’y punong-puno ako sa tuwa at galak na hindi kayang ipaliwanag. Pakiwari ko’y magkakagusto talaga ako sa kainang iyon kahit hindi pa kami nakakarating.
At doon ko na nakompirma kung bakit nang marating na namin mismo ang pamilyar na pamilyar sa aking lugar.
“Andito na tayo tol. Welcome to the Native Haus Café!” sabi ni kuya.