Kabanata 2 : Ang Binatilyo

2952 Words
Ang kagubatan ay karagatan man din. Iyon ang paniniwala ni Estong, sapagkat lumaki siyang kaisa ng kaparangan. Gaya ng paglalarawan sa karagatan na isang lugar na puno ng misteryo, para sa kaniya'y nakakubli rin sa bawat puno, halaman, maging sa mga hayop at simoy ng hangin ang lihim ng kalikasan. Kahit na kabisado na niya ang galaw nito, ngunit may mga karunungang tanging ito lang ang nakakaalam. At kailanman man ay hindi niya ito sinubukang alamin, dahil nirirespito niya ang kalikasang nagpapakain sa kanila ng kaniyang ina. "Bai, kilala mo ba 'yong bagong chick sa tapat ng bahay niyo?" Pinulot ni Estong ang isang bungkos ng mahogany saka kinaladkad palayo. Nakasunod lang sa kaniya ang kaibigang si Yalke na may dalang limang sigarilyas na pinitas pa nito sa punong nadaanan nila kanila. "Bagong chick?" hingal na tanong niya. Pinaglaruan ni Yalke ang hawak na sigarilyas. "Oo," anito. Nadulas sa daliri nito ang isang bunga at gumulong sa gilid ng burol. "Sayang," reklamo nito. "Sinong chick?" "Yong babae sa tapat ng bahay niyo, bai. 'Yong maiksi ang buhok, may pagkamorena, saka may malaking dimple sa kanang pisngi!" Natawa si Estong. "Hindi 'yon bago. Si Wena 'yon, kababata ko." "Sa SRNHS nag-aaral?" Tumango siya. "E, ba't hindi mo pinakilala sa akin?" "Kailangan ba?" Nagkamot ng batok si Yalke saka kinagat ang isang sigarilyas. Binulsa nito ang ilan sa mga bunga saka itinaas ang dalawang kamay at pinagsiklop sa likod ng ulo. Ininguso nito ang kagat-kagat na sigarilyas at hinayaang mahulog sa tuyo at kulay kayumangging lupa. "Pakilala mo naman ako bai," sulsol ni Yalke. Humugot nang malalim na hininga si Estong saka marahas na nilapag sa lupa ang bungkos ng mahogany. Nag-angat siya ng tingin sa harap at tiningnan kung malayo pa ba ang bahay niya o hindi. "Tibo 'yong si Wena," sabi niya saka nagpahid ng pawis sa noo. "Tibo?" Natawa si Yalke. "Kaya pala hindi mo pinopormahan. Tsk, sayang bai." "Wala akong panahon sa ganiyan, Ke." Ngumuso si Yalke saka naupo sa lupa. Nasa itaas na sila ng burol kaya kitang-kita nito ang kabuuan ng Sitio Bundok sa bayan ng San Roque. Walang anu-ano'y tinuro nito ang isang malaking bayan na nasa gilid lang ng kakahuyan. "Mansyon Jimenez, bai. Sabi ng tiya ko na may kayamanan daw riyan. Ano? Sama ka sa Sabado?" Ngumisi si Estong at napailing. "Wala ka bang gagawin? Baka hinahanap ka na sa inyo." "Nando'n ang Mama ko." Tinuro ni Yalke ang direksyon ng Poblacion. Hindi kita ang establishimento sa sentro dahil sa naglalakihang punong-kahoy na nakaharang sa paningin nila. "Nagbo-volunteer sa simbahan. Alam mo namang relihiyoso ang mga 'yon." "Ba't di ka sumama?" tanong niya saka binuhat na naman ang bungkos at sumulong. Tumayo si Yalke at sumunod sa kaniya. Ngumiwi ang kaibigan. "Mababagot lang ako sa simbahan." Natawa siya. "Aayawan ka ng crush mo." "Si Jane?" Bumusangot si Yalke. "Ni hindi ako pinapansin ng babaeng 'yon. Puro Diyos ang lumalabas sa bibig. Lumayo nga ako bago pa man ako mabagot sa sharing niya kuno." "Ayaw mo na sa kaniya?" "Hmm... pass na ako. Baka bigla akong masunog 'pag hahawakan ko siya. Takot ko lang masunog." Humalaklak si Estong. Naabot na nila ang paanan ng burol at ngayon ay binabagtas na ng dalawa ang daan papunta sa bahay niya. "Maiba ako bai, sabi ni Alkan na may handaan daw sa susunod na araw sa bahay ng kapitan. Imbitado ang lahat ng nakatira sa baranggay. Pupunta ka ba?" Nakatuon ang paningin ni Estong sa harap. "Anong ganap?" "Katapusan ng piyesta yata." "Ah." Bumuntong-hinga si Estong. "Baka -" "Bawal tumanggi!" putol ni Yalke sa sasabihin niya. "May pustahan kami ni Alkan. Siya ang mananalo kung hindi ka pupunta." "Labas ako diyan." "Pero bai -" "Ikaw ang pumusta, hindi ako. Kaya ikaw ang umayos niyan." "Ipagpapaalam kita kay Aling Nena!" Nahinto saglit sa paghakbang si Estong saka kunot-noong bumaling kay Yalke. Nakangisi ang huli at pasipol-sipol pa. "Hindi siya papayag," sabi niya saka nagpatuloy sa paghakbang pasulong. Patakbong humabol si Yalke. "Iiyak ako sa harap niya." "Kung kaya mo." "Kaya ko!" "Patunayan mo." "Bai naman, alam mong minsan lang ako manalo sa pustahan namin ni Alkan. Luging-lugi na ako, o." "Ikaw ang lugi, hindi ako." "Bai!" Ngumuso si Yalke saka pinagkrus ang mga braso. "Basta... papayag si Aling Nena! Tapos ang usapan!" "Bahala ka." Natahimik na si Yalke nang mapadaan sila sa kabahayan. May ilang kababaihan kasi na nagdidilig ng halaman sa kanilang bakuran, habang ang ilan naman ay nakaupo sa lanai at pakanta-kanta. Mukhang nahiya ang kwelang kaibigan ni Estong. "Estong! Mamaya na ang bayad ko sa panggatong, ha?" sigaw ng isang aleng namamaypay habang nakaupo sa lanai ng bahay. "Walang problema, Aling Susan," sagot ni Estong sa matanda. "Ay, napakabait na bata. Salamat, iho!" Ngumiti si Estong saka nagpatuloy sa paghakbang. Nakasunod lang sa kaniya si Yalke na tahimik lang sa likuran niya. Maya-maya pa’y biglang may humarang na babaeng nasa mid-40s sa harapan ng dalawa. Agad itong nakilala ni Estong kaya bahagya siyang yumukod para magbigay galang. "Aling Letecia," bati niya. Mahinhing natawa ang ale saka tinuro ang likuran ng bahay nitong nasa kaliwa lang ng kinatatayuan nilang tatlo. "May ilang malalaking troso ako sa likuran, baka pwede mong sibakin mamaya kapag -” "Ano ho?" putol ni Yalke. "Si Estong, magsisibak? Naku, Ale, baka iba nalang. Hindi niyan kayang magsibak ng kahoy!" Tumalas ang tingin ng Ale kay Yalke. "Wag kang mangialam, bata." "Ako na ang bahala, Aling Letecia," salo ni Estong. Bumaling ulit ang masungit na Ale kay Estong at ngumiti nang pagkatamis-tamis. "Salamat, dong." At umalis ito nang walang paalam. Sumimangot si Yalke. "Ang sungit naman no'n bai." "Sanayan lang 'yan." "Pero magsisibak ka nang kahoy?" "Minsan." Nagpatuloy sa paghakbang si Estong. "Sanay na akong magsibak, kaya hindi na bago sa akin 'yan. Isa pa, malaking tulong sa amin ni Mama." Natahimik na naman si Yalke. Bumuntong-hinga si Estong. Sa kanilang magkakaibigan, siya ang pinakamahirap, nakaluluwag-luwag naman si Yalke, at pinakamayaman si Alkan. Wala namang kaso sa kanila kung sino ang mayaman o hindi, nagkakaintindihan naman sila kapag nagkakasama, at nauunawaan ng dalawang kaibigan kung bakit kailangan niyang magsumikap. Pero may mga panahon talagang nagkakaroon ng sigalot sa pagitan nilang tatlo ngunit naaayos naman nang hindi pa lumulubog ang araw. "Libre ka ba bukas bai?" biglang tanong ni Yalke. Sumulyap siya saglit sa kaibigan at muling binalik ang tingin sa harap. "May klase bukas." "Heeh." Ngumisi si Yalke. "Liban muna tayo bukas. Birthday ni Sam." "Sam?" "Yong pinsan kong hilaw. Yong muntik nang makahalik sa 'yo." Napakurap si Estong saka natawa. "Pinsan mo pala 'yong babaeng maganda." "Aba bai..." Tumaas-baba ang kilay ni Yalke. "Type mo? Pakilala kita sa kaniya?" Umiling si Estong. "Wala akong gusto sa pinsan mo. Saka, alam mong kailangan kong magpursige. May usapan pa kami ni Maam Odet." "Ah, 'yong matabang guro sa Fourth year?" Mas lalong lumaki ang ngisi sa mga labi ni Yalke. "Type ka no'n, bai. Ingat ka do'n." Natawa si Estong at napailing. Ang Maam Odet niya ang nagbibigay allowance sa kaniya buwan-buwan. Ang usapan nila ay kailangan niyang panatilihing mataas ang grado. Bale, iskolar siya ni Maam Odet. Nang ipaalam niya ito sa ina niya, walang patumpik-tumpik itong sinadya ang bahay ni Maam Odet sa sentro at nagpasalamat sa guro. Kahit pa kase libre ang matrikula sa paaralang pinapasukan niya, ngunit may mga bayarin pa rin na minsan ay hindi kayang bayaran ng ina niya. Mabuti nalang at binayayaan ng katalinuhan si Estong, kaya kahit pa rumaraket ay napapanatili niya pa rin ang sariling pangalan sa listahan ng nangunguna sa klase. Minsan, nauuligan niya ang ilang kaklaseng naiinggit sa kaniya dahil siya ang bukambibig ng mga guro. Hindi lingid sa kaalaman niya ang paninirang-puri na ginagawa ng ilan sa kaniyang kakilala ngunit binabalewala lang iyon ni Estong. At sa panahon na napupuno na siya sa inis ay tatahimik siya't didiretso sa kakahuyan pagpatak ng alas-kuwatro y medya sa hapon. Bumabalik siya sa kinalakihang misteryo, doon sa lugar kung saan kulay itim ang lupa at kulay dilaw ang mga dahon... sa lugar kung saan yumayakap sa kaniya ang simoy ng malamig na hangin... kung saan humaharana sa kaniyang pandinig ang huni ng mga ibon at mahinang ungol ng mga hayop... at kung saan siya malaya. Sa lugar na iyon lang tumatahimik ang mundo ni Estong. Para bang nagiging kaisa niya ang kalikasan sa tuwing naroroon siya sa kakahuyan. "Bai," pukaw ni Yalke. Nagitla si Estong saka nagpalinga-linga. Nasa tapat na sila ng bahay niya. Bumaling siya kay Yalke. "Gusto mong pumasok?" "Uh..." Tumingin si Yalke sa nakabukas na pintuan ng bahay. "Nandiyan ba ang mama mo?" Tumango siya. Hilaw na ngumiti si Yalke saka lumunok. Natawa siya sa reaksyon ng kaibigan saka napaikhim. "Tara," aya niya at naunang pumasok sa maliit na kawayang bakod na pinanday at tinayo niya noong nakaraang buwan. Sumunod sa kaniya ang kaibigan habang lumilinga-linga sa paligid. "Medyo malaki rin ang bakuran niyo, bai," puna nito. Patingin-tingin ito sa maliit na pechay sa gilid ng daan. "Sa papa ko 'to, pamana sa aming mag-ina. Ito lang yung iniwan niya kaya hindi na lumipat si Mama." Isang maliit na lote at bahay ang naipundar ng ama niya nang buhay pa ito. Wala itong naiwang pera sa pagiging tricycle driver at wala ring naiwang negosyo kaya kumayod nang husto ang ina niya matapos siyang ipanganak. Wala nang natirang kamag-anak ang Papa niya, samantalang nasa La Union ang ilang kamag-anak ng ina niya. Wala na silang komunikasyon sa malayong kamag-anak doon at wala naman din silang pera para sa pamasahe paluwas ng Luzon, kaya ilang taon din silang naburyo sa San Roque at hindi niya alam kung makakaluwas pa ba sila o hindi na. Minabuti niyang pagsumikapan ang pag-aaral upang makakuha ng iskolarship paluwas sa Maynila, at doon maghahanap ng trabaho at kalaunan ay maaari na niyang mailuwas ang ina na kumakayod para sa kanilang dalawa. "Mabait ba ang Mama mo, bai?" tanong ni Yalke. Saka iniwas ang tingin sa tanim na pechay. Tiningnan nito ang ilang nalantang halaman ng kamatis. Nagkibit-balikat siya. "Depende." Napangiti siya pagkuwan. "Hindi ko pa kayo pinakilala sa kaniya. Magugulat 'yon." "Hindi mo sinabing may kaibigan kang pogi na katulad ko?" "Hindi. Pero nagtanong siya noong linggo tungkol sa inyo. At mukhang may tampo." Nilapag niya ang bungkos sa gilid ng pintuan at bumaling kay Yalke na pasilip-silip sa loob ng pinto. "Nakilala niya ang mama mo noong linggo sa sentro. Kaya tara. Ipakilala kita para mawala ang tampo niya." "Hanep bai, kung hindi nagkita yung Mama mo at Mama ko, hindi mo ako ipakilala sa kaniya?" Nagkibit-balikat na naman si Estong. "Hindi naman kailangan." "Wow!" Pabirong sinapak ni Yalke ang balikat ni Estong at natawa. "Masikreto ka rin pala, ah. Ngayon ko lang nalaman. Tsk. Lugi si Alkan. Dapat nandito yung pangit na yun para makita ko kung pa'no yun titiklop sa mama mo," bungisngis ni Yalke. "Estoooong!" Sabay na lumingon ang dalawang binatilyo sa dalagitang tumatakbo palapit sa kanila. "Estong! Yong mansanitas ko!" Hilaw na ngumiti si Estong at napakamot ng batok. "Nalimutan ko, Wena. Pasensya na. Nagpunta kasi si Ke sa kakahuyan kaya nawala sa isip ko." HINIPAN ni Rowena ang sabog na bangs saka huminga nang malalim. Naiinis pa siya hanggang ngayon dahil kaunting oras lang at matatapos na ang labada niya, kaso inutusan siya ng kaniyang Kuya para sabihin kay Manang Nena ang tungkol sa handaan ni Kapitan sa susunod na araw. Ayaw pa sana niyang sumunod kaso binantaan siya ng Kuya niyang ihahatid sa bahay ng Kapitan para tumulong sa paghahanda sa huling araw ng piyesta. Lugi siya. Ayaw na ayaw niyang gumawa ng trabaho na walang bayad. Sayang ang pagod niya gayo’ng marami namang tao ang gustong magboluntaryo sa bahay ng mabait na Kapitan. Nang makita niya si Estong na buhat-buhat ang isang bungkos ng mahogany, alam na niyang galing ito sa kakahuyan. Naalala niya bigla ang sinabi niya rito kahapon na magpapapitas siya ng paboritong mansanitas sa kakahuyan. At nainis siya lalo nang sabihin nitong nalimutan ang mansanitas niya. Nagsalubong ang kilay niya sa sinabi nito at napatingin sa kasama nitong lalaki. Malalaki ang dalawang mata nitong nakatitig sa kaniya. Ngumiwi siya saka tinuro ang lalaki. "Ito ba?" angil niya kay Estong. Nakita niya sa gilid ng mata ang pagtango ni Estong. Mas lalong naningkit ang mga mata niya sa lalaki. "Huy, kung makatitig ka... parang may tumubong pangalawang ulo sa balikat ko, a. Sino ka ba?" "Yalke," pigil-hinga nitong tugon sa tanong niya. Natawa siya. "Ok, Yakult. Wag mo na akong titigan nang ganyan at sasapakin kita." Nakita niya ang pagbago ng mukha ni Yalke habang napahalakhak si Estong. Napailing nalang siya saka hinawi ang dalawang lalaki at dumaan sa gitna ng mga ito. Pumasok siya sa loob ng bahay na gawa sa pawid at yero. "Nandito ba si Manang Nena?" tanong niya habang nililibot ang tingin sa loob. Isang maliit na espasyo lang ang kinuha ng sala ng bahay. Bilang lang din sa daliri ang mga muwebles. Walang makabagong kagamitan pwera sa isang radyo na sikat pa noong dekada 90. May apat na upuang kawayan sa gilid, na magkatapat at kakasya sa tigtatatlong taong mauupo sa bawat upuan. May maliit na mesa sa gitna na pinatungan ng flower vase na sa tingin niya ay nabili ni Manang Nena nito lang linggo sa sentro. May laman iyong sariwang bulaklak. Sa kaliwa ng mga upuan ay ang malaking pintuan na papunta yata sa kusina. Kitang-kita niya kasi mula sa pwesto ang mesang kainan ng mag-anak. Narinig niya ang yabag ng dalawang lalaki sa likuran, papalapit sa kaniya, kaya nauna na siyang lumapit sa upuang kawayan at naupo. "Baka nasa kusina," sagot ni Estong. "Hahanapin ko muna." Tumango siya. Sinenyasan ni Estong ang kaibigan nitong lalaki na maupo sa upuan at humakbang papuntang kusina. Tumalima ito. Tahimik itong naupo sa tapat niya. Sinundan ng tingin si Estong hanggang mawala ito sa paningin niya, saka pa siya humarap sa lalaki. Titig na titig ito sa kaniya. Sumimangot siya. "Ano bang problema mo?” inis niyang tanong. Nag-iwas ng tingin ang lalaki. Napairap siya. Ilang minuto silang tahimik hanggang sa napagdesisyunan niyang maunang magsalita. "Ako si Rowena." "Wena," rinig niyang bulong nito. Nainis siya lalo. "Close friends lang ang tumatawag sa aking Wena," angil niya. Hinawakan ni Yalke ang baba saka ngumisi. "E, gusto kong Wena. May magagawa ka?" "Ikaw -" Naputol ang sasabihin niya nang marinig niya si Estong. "May ipapakilala nga ako, Ma." Napatingin siya sa pintuan ng kusina. Niluwa niyon si Manang Nena kasunod si Estong. "Sino bang yaong ipakilala mo?" boses ng ina ni Estong. Napangiti si Rowena saka tumayo. "Manang Nen -" "Ako po ang ipapakilala ni Estong. Kaibigan niya po. Yalke ang ngalan," putol ni Yalke sa sasabihin niya. Nakatayo na rin ito at malaki ang ngiti habang nakaharap sa ina ni Estong. Pinandilatan niya ng mga mata si Yalke pagkuwan ay humalukipkip at sumimangot. Walang 'yang lalaking tagaputol sa sinasabi niya. Padabog siyang naupo ulit sa upuang kawayan. Napansin pa niya ang saglit na sulyap ni Yalke sa kaniya bago yumukod sa harap ng matanda. "Nakilala na raw kayo ni Mama kaya ako na ang nagsadya rito para pormal na magpakilala sa inyo, Maam." Tumayo ito nang maayos. Nangunot ang noo ni Manang Nena saka taimtim na tinitigan si Yalke. Maya-maya pa'y ngumiti ang ginang. "Ikaw nga siguro ang anak ng yaong babaeng nakilala ko sa sentro. Siya, buti at napadalaw ka, iho. Hindi kasi palakwento itong anak ko at hindi ko alam na may naging kaibigan na siyang katulad mo." "Ma," awat ni Estong sa ina. Namumula pa ang pisngi nito na parang nahihiya sa sinasabi ng ina. Napansin iyon ni Yalke kaya ngumisi ito. "Maam, ano kasi, kaya ako napadalaw dito kasi iimbitahan ko sana si Estong bukas para sa birthday party ng pinsan ko. Ayaw pumayag ng anak niyo kaya sumugod ako rito." Naningkit ang mga mata ni Estong at humalukipkip habang nakatingin kay Yalke. Hindi pinansin ng huli ang tingin ni Estong at nagpatuloy. "Saka sa susunod na araw, may handaan sa bahay ni Kapitan. Imbitado po lahat ng tao sa baranggay, pero itong kaibigan ko po..." Ngumisi si Yalke. "Napaka-good boy. Ayaw sumama kahit wala namang klase sa araw na yon." Marahang natawa ang ginang. "Alam mo na sa yaong kaibigan mo. Siya, papayagan ko siya sa handaan ni Kapitan pero may klase pa kayo bukas." Ngumuso si Yalke. "Kahit isang araw lang, Maam?" "Baka sa susunod na siguro iho," tanggi ni Manang Nena. "Aha!" sigaw ni Rowena at muling tumayo. Nakahalukipkip pa rin siya pero may munting ngiti sa mga labi. "Mabuti naman Manang at hindi ka po nagpadala sa lalaking ito..." Tinuro niya si Yalke. "Sinasabi ko na nga ba, isa siyang malaking bad influencer kay Estong," parinig niya. Nabaling ang tingin ni Manang Nena sa kaniya. "Hindi ko napansing nandito ka, Wena. Anong sadya mo diri? At hindi maganda ang mga salita mo kay Yalke, Wena." Nawala ang ngiti sa mga labi ni Rowena. Umikhim siya. "Ah, nasabi na ni Yakult esti Yalke, Manang. Iimbitahan ko rin sana kayo sa handaan ni Kapitan." "Hmm..." Ngumiti ang ginang. "Tiyak akong pupunta do'n, iha. Sige na, maari kayong maghintay saglit diri habang hinahanda ko ang nilagang saging, para makapag-meryenda kayo." Mabilis na umalis ang ginang at muling bumalik sa kusina. Humakbang palapit si Estong kay Yalke at ngumisi. "Nasa'n ang iyak mo, Ke?" tanong ni Estong. Napatingin na rin siya kay Yalke. Hilaw itong ngumiti sa kanila at nagkamot ng pisngi. Tumaas ang kilay niya sa inasta nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD