Kabanata 3 : Sa Bahay ng Kapitan

2240 Words
Alas-dos pa lang ng madaling araw at hindi pa man tumitilaok ang mga tandang ay umalingawngaw na ang iyak ng mga kinakatay na baboy. Dinig na rinig ang iyak ng mga ito sa bawat baranggay sapagkat tulad ng Kapitan ng Sitio Bundok, may handaan din magaganap sa ibang Sitio dahil ngayong araw ang katapusan ng piyesta. Halos lalaki lahat ang lumalabas sa kani-kaniyang bahay, naghahanda naman ang mga maybahay, habang tulog-mantika naman ang mga bata. May ilang nagising dahil sa iyak ng mga baboy, lalo na 'yong malapit sa katayan. Hindi na bago ang ganitong eksena kay Estong sapagkat taon-taon mula nang tumuntong siya sa edad na walo ay tumutulong na siya sa pagkakatay ng mga baboy. Raket na rin habang walang klase sa araw na 'yon. "Ayos ka lang bro?" Kasalukuyan siyang naliligo sa lilim ng temporary shelter na nasa gilid lang ng isang malaking tangke. Puno ng dugo ang buong katawan niya, dahil malikot ang baboy na k*****y ng grupo niya kanina. Kaya ngayong patay na ang baboy ay inabisuhan siyang maligo sa gilid ng tangke. Mabuti nalang talaga at may nagpahiram sa kaniya ng damit. Malamig pa naman ang tubig sa tangke, at giniginaw na siya sa ihip ng hangin sa madaling araw. "Bro, tinatanong kita." "Ha?" Napalingon siya sa nagsalita. Si Gerald. Nagpupunas ito ng kamay gamit ang isang maliit na tuwalya. Tumango sya. "Ayos lang naman." Natahimik sila. Narinig ni Estong ang magkasunod-sunod na tilaok ng tandang. Minabuti niyang bilisan ang pagliligo upang makahanap ng bagong raket sa ibang bahay. "Uuwi na ngayon ang anak ni Kapitan galing sa lungsod," sabi ni Gerald. Sumalop siya ng tubig sa balde saka nagbanlaw. Nanigas ang kalamnan niya sa ginaw. "B-Babae?" "Oo. Ayon sa girlpren ko, galing daw sa girl's academy. Mula first year highschool doon na nag-aaral. Pero mukhang lilipat sa SRNHS." "Ah." Tinapos na niya ang pagliligo. Inabot niya ang tuwalya at nagpunas. "Sa'n ang sunod na raket?" "Sa bahay ng Kapitan." Natigilan si Estong. "Hindi ba nando'n sina Tiyago?" "Umalis ang hambog. Nagwawala na naman ang asawa kaya naiwan ang mga pinsan niya doon." Ngumisi si Gerald at umiling. "Anong alam ng mga pinsan sa pagkakatay? Puro pagwapo lang naman ang 'yon." Natawa siya. "Tara na," aya niya saka mabilis na sinuot ang kamisetang bigay ni Gerarld. "Salamat pala sa damit," aniya. "Wala 'yon. Mabuti nalang at mas mataas ka pa sa mga batang kaedad mo." "Dahil sa trabaho," natatawa niyang saad. "Saka mana sa ama," bulong niyang dagdag. Sabay silang humakbang pabalik sa kulungan ng baboy. Nakahiga na sa kawayang higaan ang baboy at kasalukuyang pinaliliguan ng mainit na tubig, saka mabilis na kiniskis ang balahibo gamit ang kutsilyo. "Kayo na bahala dito bro. May papaluin pa kami sa babuyan ni Kapitan," paalam ni Gerald sa kagrupo. "Kayo, Andeng at Josa, sumama kayo sa amin." Isang maliit na flashlight lang ang hawak ni Andeng na nauuna sa grupo. Madilim pa ang paligid at tinatanglawan ng liwanag na nanggagaling sa kabahayan ang daang tinatahak ng apat. Malamig ang hangin pero sanay na ang katawan ni Estong. "Madali na tayo. Mag-uumaga na," sabi ni Andeng. "Alas-tres pa lang," sabat ni Josa saka humikab. "Kumusta ang asawa mo?" "Nakaluwas na." Tumakbo pahabol kay Andeng si Josa. "Naks, balato naman diyan pre!" Isang batok ang natanggap nito. "Heh! Magbanat ka ng buto! Gayahin mo itong si Estong. Napakasipag. Ikaw ang matanda, pero mas lamang ang bata kaysa sa 'yo!" "Di 'yan bata. Kinse na 'yan. Saka di pa sumisikat ang araw pero mataas na ang dugo mo." "Malapit na tayo," saad ni Gerald. Umiling nalang si Andeng at tumahimik na. Nasa likuran lang ng tatlo si Estong at tahimik na nakasunod. Ilang minuto pa at narating na nila ang bahay ng Kapitan. Sinalubong sila ng tagapangalaga ng bahay saka iginaya sa likod-bahay. Pasimpleng tiningala ni Estong ang tatlong-palapag na bahay ng Kapitan. Nakabukas na lahat ng ilaw sa unang palapag, habang may panaka-nakang bukas sa pangalawang palapag, at madilim sa pangatlo. Pero ang nakapukaw sa kaniyang pansin ay ang anino sa bintana ng pinakadulong kuwarto sa pangalawang palapag. "Estong!" Napatingin siya kay Andeng. Tumango siya saka patakbong sumunod sa grupo. Ilang minuto din ang nilakad nila bago narating ang destinasyon. Nakahinga nang maluwag si Estong nang makitang bukas ang malaking ilaw sa naglalakihang tent hindi kalayuan sa kulungan ng baboy. Doon na siguro kakatayin ang mga baboy. "Tingnan mo, yosi ang agahan," bulong ni Andeng sa kaniya. Nag-angat siya ng tingin sa tinuro nitong grupo ng kalalakihang nakatambay sa labas ng kulungan ng baboy. Humihithit ng sigarilyo at dinig pa niya ang kwentuhan ng mga 'to. Naunang lumapit sina Josa at Gerald sa mga tambay. Mabilis naman silang sumunod sa dalawang lalaki. Sinulyapan siya saglit ni Andeng. Alam na niya. Mukhang maaga silang mapapaaway. "Mga pre," bati ni Gerald. "Tinawagan kami ni Tiyago. Kami na ang papalo sa baboy at kayo ang kakatay." Ilang segundong tiningnan ng mga lalaki si Gerald, saka sabay na nagtatawanan. Nagtaas ng kamay ang lalaking nakasandal sa puno ng niyog na ilang dipa lang mula sa pasukan ng kulungan. "Papalo ba kamo? E, ba't apat kayong sumugod dito? Sobrang bigat ba ng martilyo?" asar nito sa kanila. Nangunot ang noo ni Estong pero pinili niyang tumahimik. Marami ang bilang mga ito - mga nasa pito o walo. Dalawa ang nakasandal sa labas na dingding ng kulungan, at tatlo ay nakaupo sa tambak ng malalapad na bato sa hindi kalayuan, at ang natira ay nasa harapan ni Gerald, humihithit ng sigarilyo at bumubuga ng usok diretso sa mukha ng katrabaho niya. Umambang aabante si Estong pero pinigilan siya ni Andeng. "Baboy ang papaluin, hindi tao," bulong nito sa kaniya. "Alam ko," matabang na sagot niya rito. Naramdaman niya ang nanunuyang ngisi ni Andeng. "Kaya na 'yan ni Gerald. 'Wag kang sumugod, bata." "Hindi ako bata." Ginulo lang nito ang buhok niya at humalukipkip sa tabi niya. Bumungtong-hinga siya at nakinig kung paano kinumbinse ni Gerald ang tatlong patpating lalaki na umalis sa daraanan nila. Madilim pa rin ang paligid at tanging ang malaking ilaw sa tent na nasa likuran niya ang nagbibigay liwanag sa kanila. Kaya hindi niya masyadong nakita ang takot sa mukha ng tatlong lalaki nang pinakita ni Gerald ang mga brasong batak sa trabaho. "Tara na," natatawang aya ni Josa sa kanila nang gumilid ang tatlong lalaki para bigyan sila ng daan papasok sa kulungan. "Ayos ng mga braso mo brad, sobrang laki!" komento nito kay Gerald. Natawa lang ang huli at hindi na nagsalita. Malamlam ang liwanag ng bombilya sa gitna ng kulungan. Dumiretso sila sa dulo. May malaking martilyo na doon, saka sisidlan. Agad na pinulot ni Gerald ang martilyo at naghanda na sila. Tatlong pukpok bago natumba ang baboy. Naglabas ng kutsilyo si Andeng at kinilitan ito sa leeg. Kinuha naman ni Josa ang sisidlan at sinalo ang dugo ng baboy. Habang siya.... nanonood lang. "Hawakan mo ang kamay, bro, at iikot mo," utos ni Gerald. Agad siyang tumalima. Pumasok siya sa kulungan at hinawakan ang kamay ng baboy. Akmang igagalaw para mas mabilis ang pagtagas ng dugo, nang bigla nalang itong nangisay. Nabigla si Estong kaya nabitawan niya ang kamay ng baboy. Umigik ito at tumayo. Dahil sa laki nito, sinubukan ni Estong na humakbang paatras, kaso naapakan niya ang dumi ng baboy at nadulas siya. Napahiga siya sa semento. "Estong!" tawag ni Andeng. "Aba... para namang pirst taym mo sa ganito. Umalis ka diyan bago ka pa mahiga -" Pero huli na. Nahigit ni Estong ang hininga nang bumagsak ang baboy sa kaniya. Narinig niya ang mabilis na kilos ng mga kasama at ilang segundo pa ay nawala ang bigat sa harapan niya. Tinulungan naman niya ni Andeng upang makatayo nang maayos. Sinulyapan niya ang baboy, hinang-hina na ito at hindi na makatayo. "Bakit ba sa tuwing katayan, ikaw ang dehado?" tanong ni Andeng. Nagbaba siya ng tingin sa suot. May malaking mantsa ng dugo sa damit niya. At hindi lang iyon dahil nahigaan niya kanina ang dumi ng baboy. "Malas na araw brad," natatawang sambit ni Josa. Umiling na lang si Gerald at hinawakan ang kamay ng baboy. Humawak naman sa kabila si Josa at sabay ng mga itong inilipat ang k*****y sa isang wheeled cart. "May kakilala akong katulong ni Kapitan. Hintayin mo nalang siya rito para sa bagong damit at..." Sinulyapan siya ni Gerald at tiningnan mula ulo hanggang paa. "sabon. Maligo ka ulit." Tumango siya. "Salamat." Tinapik siya ni Andeng sa balikat at nilagpasan siya. "Umuwi ka na sa inyo pagkatapos, Estong. Kita nalang tayo mamaya sa handaan." "Sige." Tinanaw niya ang tatlo na paalis ng kulungan habang tulak-tulak ng mga ito ang kariton na lagayan ng baboy. Napangiwi siya nang maamoy ang baho ng dumi ng baboy. ISANG ORAS yata siyang naghintay sa kulungan. Pakiramdam niya, natuyo na nang husto ang mantsa sa damit niya, at nangangati na rin siya sa dumi. Minabuti niyang magbanlaw gamit ang hose na ginagamit pa sa pagliligo ng baboy. "Kuya." Natigilan siya saka napatingin sa harapan. May babaeng nakadamit katulong doon. May dala itong supot na sa tingin niya ay ang sinabi ni Gerald. Pinatay niya ang hose saka humakbang palapit sa babae. "Pasensya na ngayon lang. Hindi ko kasi alam na malayo pala ang babuyan mula sa main house." "Ayos lang." Tinanggap niya ang inabot nito. "Salamat." Tumalikod siya at humakbang pabalik sa pwesto niya kanina pero umikhim ang babae at nagsalita. "Kuya, may banyo sa main house. Doon nalang po kayo maligo dahil wala pong sabon. Papunta na ako rito nang maalala ko 'yon, at hindi na ako nag-atubiling bumalik dahil matatagalan na naman ako. Marami pa kasing trabaho sa main house." "Sige." Sabay silang naglakad palabas ng babuyan. Nakita niya ang mga pinsan ni Tiyago na abala sa p******y ng baboy. "Sandali," pigil niya sa katulong. "Sa gilid tayo dumaan." "Okay po." Iginiya niya ang katulong sa gilid ng tent habang matalas ang tingin sa mga lalaking naghahalakhakan habang nagkakatay. Wala si Gerald kaya nag-alala siyang baka pagtrip-an siya ng mga ito. May kasama pa naman siyang babae. "Anong pangalan mo?" tanong niya. "Ester po, Kuya." Tumango siya saka tumahimik na. Binagtas nila ang madilim na daan papunta sa main house. Madilim pa rin ang paligid kaya kitang-kita niya mula sa puwesto ang nagliliwanag na bahay ng Kapitan. Plano niyang umuwi pagkatapos maligo. Kailangan pa niyang daluhan ang ina niya at nakatitiyak siyang gising na 'yon sa mga oras na 'to. "Sa backdoor po kayo dumaan, Kuya. Kumaliwa po kayo tapos may makikita kayong pinto doon. CR na po 'yon," sabi ni Ester nang maabot na nila ang main house. "Sa'n ka?" tanong niya. "Tutulong po ako sa paghahanda ng bakuran para sa handaan." "Ah. Salamat." "Walang anuman po, Kuya. Una na po ako." Kumaway si Ester bago patakbong tinungo ang gilid ng bahay para dumaan papunta sa harap. Tumingala si Estong bago sumugod sa back door. Bukas ang pinto. Pumasok siya at sinalubong siya ng dividing wall. Dinig niya ang ingay ng kubyertos sa likod ng pader kaya napagtanto niyang doon nagluluto ang mga tao. Dumiretso siya sa daan pakaliwa. Nilagpasan niya ang pintuan papuntang kusina, saka nagpunta sa dulo ng hallway. Huminto siya. May dalawang pinto doon. Pinili niyang buksan ang puting pinto. Sumalubong sa kaniya ang maaliwalas at malawak na banyo. Agad siyang nagtungo sa ilalim ng shower at mabilis na naligo gamit ang timba at tabo. Pagkatapos, nagbihis siya. Isinilid niya ang maruming damit sa supot at humakbang palabas ng pinto. Pero nahinto siya nang may nagsalita. "Who are you?" Nanigas ang kalamnan ni Estong sa gulat. Mabilis siyang umikot at nakita niya ang isang babae. Nakalugay ang basa at hanggang baywang na buhok, makinis at maputi ang balat, maganda... at nakatapis lang ng tuwalya. Napatingin siya sa likuran nito, at nakita niyang nakahawi na ang kurtina ng bathtub. Mukhang nandito na ang babae bago pa man siya pumasok sa banyo. "I'm asking you. Tell me who you are!" Nagitla si Estong sa biglaang sigaw nito. Sasagot sana siya nang makarinig siya ng katok mula sa pinto. "Maam Jowee? Tapos na po ba kayo? Kanina pa kayo nandiyan sa loob." Napansin niya ang pamumutla ng babae. Nagpalinga-linga ito saka muling tumingin sa kaniya. "Hide in there!" turo nito sa bathtub. Ilang segundo siyang hindi makakibo. "Hide in there! O gusto mong sabay tayong malagot kay Itay!" "Itay?" "I said hide!" impit nitong tili. Doon lang nakakilos ang katawan niya. Mabilis siyang humakbang paabante. Nilagpasan niya ang babae at nahiga sa bathtub, hindi alintana ang tubig na yumakap sa katawan niya. Hinawi nito ang kurtina para maitago siya. "Wait a minute!" sigaw ng babae. Narinig niya ang mga yabag at pagbukas ng pinto. "Ay, ang ganda mo, Maam." "No need to mention." "Ayos lang po ba sa inyo ang banyong ito? Hindi naman po kayo nag-allergy? Pasensya na talaga, Maam. Ang plano ay ngayong umaga ipapaayos ang tubo sa itaas, pero hindi namin inasahan na kaninang madaling araw kayo dadating." "It's not your fault, and don't worry. I don't mind." Narinig niya ang pagsara ng pinto. Nakahinga nang maluwag si Estong. Pero... tama kaya ang hinala niyang ang babaeng nakasalamuha ay ang anak ng Kapitan? Naupo siya at nagbaba ng tingin sa suot. Basa na naman siya. Ilang tuyong damit pa kaya ang ibibihis niya sa araw na 'yon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD