"Wag kang maniwala sa maligno, bata. Walang maligno rito sa gubat!"
Hilaw siyang natawa. Nakisabay sa matanda kahit pa nagtataka sa inasta nito. Ngayon lang siya nakakita ng taong humahalakhak ng husto sa salitang maligno.
Ang mga taong-bayan kasi, isang sambit lang sa salitang 'yon ay manlalaki ang mga mata sabay sita sa kaniya. Hindi raw dapat binabanggit ang salitang 'yon at baka may makarinig na hindi isang tao.
Pinagkibit-balikat lang 'yon ni Estong.
"Pero 'yan ang sinabi ng mga tao," depensa niya. "Yong pinakamatandang tao sa bayan, palaging sinasabing may maligno dito sa gubat."
"Sino ba 'yang pinakamatanda?" natatawang tanong nito.
"Si Ka Berting. Noong araw daw na naghahanap siya ng panggatong sa pusod ng gubat, may nakita siyang maligno. Simula no'n, hindi na siya bumalik ni lumapit man lang sa kagubatan. Palaging sinasabing may malignong papatay sa kaniya."
"Pagkatapos?"
"Hindi niyo alam ang kasunod niyon, 'Yo?" takang tanong niya. Walang ni isang tao sa bayan ang hindi alam ang tungkol sa kuwento ni Ka Berting.
Pati mga bata ay alam na alam 'yon dahil palaging 'yon ang ginagawang panakot ng mga magulang.
"Hindi." Umiling ang matanda. "Hindi ako nagsusuot sa palengke para makinig sa kuwe-kuwento lang."
Nagkibit-balikat si Estong saka pinagpatuloy ang pagku-kuwento. "Kumalat sa buong Sitio ang kuwento. Ilang araw niyon ay kumalat na rin ang sabi-sabi sa ibang Sitio. May ilang nagtangkang pumasok sa pusod para tingnan kung totoo ba ang sinabi ni Ka Berting."
Ngumiti ang matanda. "Pero hindi na nakabalik ang mga nagtangkang pumasok sa pusod," patuloy nito sa kuwento niya.
"Alam mo 'yon, 'Yo?" manghang tanong niya.
"Oo naman!" Natawa na naman ang matanda. "Nando'n ako sa panahong nasa labas ng kagubatan ang mga tao at naghihintay sa pagbabalik ng mga nangahas na pumasok sa pusod ng gubat. Ilang araw silang nasa labas, ngunit lumipas ang mga buwan na hindi pa rin nakakabalik ang mga pumasok."
Malungkot na ngumiti si Estong at napatingala sa mga puno. May ilang sinag na lumusot sa mga sanga nang umihip ang hangin. Hindi na niya kita ang araw sa itaas.
"Mukhang hapon na, 'Yo." Tumayo siya. "Tara na, 'Yo."
Tumango ang matanda. Lumapit naman siya sa bungkos at muling hinawakan ang dulo para mahila niya.
"Pagkatapos," patuloy ng matanda. Nasa tabi na niya ito at marahang sumasabay sa kaniya. "May nag-iiyakan."
"Akala ko, 'Yo, hindi mo alam ang kuwento na 'yan?"
"Hindi ko talaga alam," tanggi ng matanda. "Hindi ko alam 'yong sinasabi mong Ka Berting. Hindi ko kilala 'yon." Umiling-iling pa ang matanda. "Ang alam ko lang ay nagkukumpulan ang mga tao sa labas ng kagubatan para maghintay sa kalalakihang pumasok sa pusod ng gubat.
Lumipas ang mga araw, buwan, at taon na walang ni isang lumabas mula sa madilimn na daan patungo sa pusod. Nagsimula na ring mawalan ng pag-asa ang mga tao na makakalabas pa 'yong mga lalaki. Nagsiiyakan ang mga maybahay."
Bumuntong-hinga siya. Hindi niya naabutan ang sinasabi nitong pagkukumpulan dahil nangyari 'yon na wala pa ang mga magulang niya sa San Roque.
Lumaki siyang puno ng pangaral at pananakot ukol sa kakahuyan. Minsan nang may nagkuwento sa kaniya ukol sa nangyari pagkatapos kumalat ang tungkol sa nangyari kay Ka Berting. Pero hindi naman siya nakinig dahil hindi naman siya interesado sa mga chismis na kumakalat sa lugar.
"Wala pa ring balita hanggang ngayon, 'Yo?" tanong niya.
Lumapad ang ngiti sa mga labi ng matanda. "Ilang taon nang lumipas, bata. Malamang patay na ang mga lalaking pumasok sa kagubatan."
Humugot siya ng malalim na hininga. "Kaya pala sobra ang takot ng mga tao kapag pinag-uusapan ang kakahuyan."
"Oo. Takot na takot sila dahil sila mismo ang saksi sa pagkawala ng halos sampung lalaking hindi na nakalabas ng pusod."
"Wala bang nagtangkang sumunod sa kanila?"
"Wala." Natawa na naman ang matanda. "Walang ni isang nagtangkang sumunod sa kanila."
"Bakit naman, 'Yo?" Nagbaba siya ng tingin. "Bakit walang sumunod sa loob?"
Nalungkot siya sa nalaman. Sabi ng matanda na nagsiiyakan ang mga maybahay ng kalalakihang pumasok sa pusod. Hindi niya lubos maisip na walang ni isang nahabag sa iyak at naglakas-loob na sundan ang mga lalaking pumasok.
"Dahil natatakot sila, bata." Binasa ng matanda ang tuyong labi at sinulyapan siya. "Takot silang pumasok sa loob."
"Bakit sila matatakot? 'Yong mga naunang pumasok, malalakas ang loob. Bakit hindi nila ginaya ang mga 'yon?"
Natawa na naman ang matanda. "Hindi takot na pumasok ang nauna dahil hindi naman sila nakatira sa Sitio na katabi ng kakahuyan."
Huminto sa paghakbang si Estong. Narating na nila ang ibabaw ng mababang burol at nakita niya mula sa itaas ang kabahayan na ilang metro pa ang layo mula sa paanan ng burol.
Tiningnan niya ang matanda. "Hindi taga rito?"
"Oo." Nag-iwas ng tingin ang matanda at tinanaw ang lawak ng San Roque. "Ang mga taong naglakas-loob na pumasok sa pusod ay taga ibang Sitio. Hindi sila naniniwalang may maligno kaya malalakas ang loob. Pero tingnan mo ang nangyari sa kanila." Lumapad ang ngiti sa mga labi ng matanda. "Hindi na nakabalik ang mga pangahas."
"Masaya ka yata, 'Yo?"
"Hindi," mabilis na tanggi ng matanda. "Hindi ako masaya. Pero nakakat'wang hindi na nakabalik ang mga pangahas. Dahil sa nangyari ay hindi na nahimasok ang ibang Sitio sa Sitio mo, bata."
"Sitio ko?" Nangunot ang noo niya. "Alam mo kung sa'n ako nakatira, 'Yo?"
Nagusot ang mukha ng matanda, saka ngumiti sa kaniya. "Wala nang ibang nangahas na pumasok sa pusod kung hindi ikaw lang, bata. Alam kong sa malapit ka lang nakatira dahil takot ang mga taong nasa sentro."
Nagbaba siya ng tingin. "Lahat ng tao takot sa kakahuyan, 'Yo."
"Pero hindi ang henerasyon mo. Hindi na takot ang henerasyon mo dahil kadalasan sa inyo ay hindi nakita ang nangyari ilang taon nang nakalipas. Ang nakakatanda sa Sitio ang nakakita ng nangyari kaya sila ang takot pa rin sa pusod ng kagubatan hanggang ngayon."
Lumunok siya. Sapol siya sa sinabi ng matanda. Hindi niya nakita ang nangyari noon at tanging sabi-sabi lang ang nakaabot sa kaniya. Noong bata ay takot siya. Pero ngayong matanda na siya ay parang nawala ang takot niya sa sabi-sabi.
Lalo na nang magsimula siyang kumuha ng panggatong sa pusod ng kagubatan.
Simula noong una niyang tapak sa loob ay wala namang nangyaring kakaiba. Wala siyang naranasang kababalaghan. At higit sa lahat, wala siyang nakitang maligno. Kaya nawala na nang tuluyan ang takot niya sa pusod ng kagubatan.
Bumuntong-hinga siya at muling tumingin sa matanda. "Kailangan ko nang umuwi, 'Yo." Bumaling ang tingin niya sa papalubog na araw. "Malapit nang gabi."
"Ayos lang, bata." Ngumiti ang matanda. "Mauna ka na. Susunod ako."
Tumango siya rito at bumaba sa burol habang hila-hila ang bungkos ng mahogany. Malamig ang hangin dahil hapon na sa oras na 'yon.
Wala rin siyang nakitang mga tao sa ibaba. Siguro nakauwi na ang karamihan sa mga bahay.
Huminto siya saglit at lumingon sa itaas ng mababang burol kung saan nakatayo ang matanda kanina. Pero wala na siyang nakitang tao roon.
Nasa'n ang matanda? Akala niya ay susunod ito sa kaniya?
Nagkibit-balikat siya at mabilis na hinila ang bungkos ng mahogany pauwi sa kanila. Tumingala siya sa himpapawid at hinabol ang papalubog na araw sa kanluran.