Kabanata 5.1: Kakahuyan

1055 Words
Madilim-dilim ang paligid kahit pa nakapaskil sa kalangitan ang araw. Natatakpan ang sinag niyon ng nagtataasang mga punongkahoy sa kakahuyan. Hindi na bago kay Estong. Sa ilang taong pangunguha ng panggatong, nakasanayan na niyang maglakbay sa pusod ng kagubatan. Kabisado na niya ang daan papasok at palabas ng kakahuyan, kaya kahit hindi nasisinagan ng araw ang loob niyon ay malaki pa rin ang kompiyansa niya. Makakalabas pa rin siya. Ilang minuto niyang tinungo ang mas malalim pang parte ng kagubatan. Panaka-naka siyang tumitingala at nang mapansin ang mga nagkukumpulang mahogany ay napangiti siya. "Nakita ko rin kayo," bulong niya. Inilabas niya ang panputol ng kahoy. Lumapit siya sa unang mahogany at pinagtataga ang katawan niyon hanggang bumagsak ang puno sa lupa. Mabilis ang naging kilos niya. Nagtaga pa siya ng ilang mahogany bago isa-isang pinutol ang mga dahon ng puno. Binungkos niya ang mga 'yon. Huminto siya saglit at pinahid ang pawis sa noo. Nilibot niya ang tingin para maghanap ng mansanitas para kay Rowena. Sumagi kasi sa isip niya ang nakasimangot nitong mukha noong nakaraan. Nangako siyang babawi sa kababata kaya hindi niya dapat malimutan ang paborito nitong mansanitas. At binggo na nakakita siya ng isang punong hitik sa bunga. Iniwan niya saglit ang binubungkos na mahogany at nilapitan ang puno. Pumitas siya at sinilid sa bulsa bago bumalik sa puwesto niya kanina at pinagpatuloy ang pagbubungkos. Tahimik lang ang paligid, pero habang nagbubungkos siya ay may nagsalita sa likuran niya. "Bata." Huminto siya sa ginagawa saka lumingon sa likod. Isang matandang lalaki ang nakita niya. Singkit ang mga mata nito at may pagkamoreno. Ang pinagtataka niya ay ang malaking ngisi sa mga labi nito. "Bakit, 'Yo?" tanong niya. "Napadaan lang ako sa parteng 'to. Nakita kitang nagbubungkos ng kahoy at baka gusto mong tulungan kita?" alok nito. Umiling siya at marahang ngumiti sa matanda. "Wag na, 'Yo. Kaya ko na ho 'to." "Hindi ka dapat tumatanggi," sita nito at lumapit sa kaniya. "Ako na ang nag-aalok ng tulong at 'wag kang tumanggi ng alok mula sa nakakatanda sa 'yo." "Ah." Nawalan siya ng salita. Hilaw nalang siyang ngumiti at hinayaan ang matandang tulungan siya sa pagbubungkos. Walang salita silang nagbungkos, at nang matapos ay tahimik nilang binagtas ang daan palabas ng kakahuyan. Panaka-naka namang sinusulyapan ni Estong ang matandang lalaki. Hindi ito pamilyar. Ngayon lang niya nakita ang mukha nito kaya sa'n kaya ito nakatira? Mukhang hindi naman dayo dahil nakasuot ng pangkaraniwang damit na sinusuot ng kababayan niya. "Bakit mo ako tinitingnan nang ganiyan, Bata?" natatawang tanong ng matanda. Napaiwas naman siya ng tingin. Ngayon lang tumaas ang kuryosidad niya sa isang tao. Siguro dahil 'yon sa katotohanang walang ibang taong nagpupunta sa loob ng kakahuyan para dumaan. Nakapagtataka ang sinabi nito sa kaniya kanina. Maraming haka-haka at kuwentong bayan ukol sa kakahuyang kinukuhanan niya ng panggatong. Sabi ng mga matatanda ay tahanan daw ito ng mga engkanto. Sabi naman ng ilan na may mga hindi mapaliwanag na kababalaghan ang nangyayari sa pusod ng kakahuyan kaya hindi nagsasadya ang mga tao sa parteng iyon. Pero para kay Estong, ang haka-hakang 'yon ang dahilan kaya malaya siyang nakakapunta at nakakakuha ng panggatong sa pusod ng kagubatan. Wala siyang kakompitensiya. Sayang nga lang at hindi malalaman ng taong-bayan ang yaman na tinatago ng pusod ng kagubatan. "Bata," tawag ulit ng matanda. Natatawa na ito ngayon. "Bakit nga ba masama ang tingin mo sa akin?" Bumalik siya sa realidad. Nasa tabi pa pala niya ang matanda. Umikhim siya. "Ngayon ko lang kayo nakita, 'Yo. Taga ibang Sitio ka, 'yo?" tanong niya. "Hindi naman." Ngumiti ang matanda. "Nasa paligid lang ang bahay ko." "Sa Sitio namin?" Nagkibit-balikat ang matanda. "Gano'n na nga." "Pero." Nilaktawan ni Estong ang isang may kataasang ugat ng puno sa daan. Pinagbuti niya ang paghila ng bungkos ng mahogany. "Hindi pamilyar ang mukha mo, 'Yo." Natawa na naman ang matanda. "Nasa paligid lang ako, Bata." "Sa'n pala kayo, 'Yo?" "Sa palengke. May bibilhin lang para sa asawa ko." Huminto saglit sa paghakbang si Estong at huminga nang malalim. Tinanaw niya ang mababang burol na dadaanan niya bago marating ang kabahayan. "Pagod ka na, Bata?" tanong ng matanda. Tumango siya. Luminga siya sa paligid at naghanap ng pwedeng maging upuan. "Nagmamadali ba kayo, 'Yo?" "Hindi naman." "Ah." Nilapag ni Estong ang bungkos sa gilid ng daan at nilapitan ang isang malapad na bato sa gilid ng isang matabang puno. Naupo siya ro'n at pinahid ang pawis sa noo. "Pahinga na muna ako, 'Yo." "Ayos lang," ngiti ng matanda. "Napagod din ako. Uupo ako sa isang ugat," paalam nito. Naupo ang matanda sa ugat ng isang matandang puno. Nakaangat ang ugat sa lupa kaya maaring maupo ro'n. Nasa tapat lang din 'yon ng malapad na batong inuupuan ni Estong. "Nasa'n ang magulang mo, Bata?" tanong bigla ng matanda. Pasimple siyang sumimangot. Napansin niyang kanina pa siya nito tinatawag na bata, at hindi niya gustong tawagin siya nito ng bata. Hindi na siya bata. Binatilyo na siya. "Nasa bahay," sagot niya. Ayaw naman niyang sitahin ang matanda. Kapag kasi sinita niya ito ay magmumukha siyang walang respito sa nakakatanda. Ang tinuro pa naman ng ina niya ay maging magalang sa mga taong mas matanda kaysa sa kaniya. "Bakit ikaw ang kumukuha ng panggatong?" "A, hindi kaya ni Mama na kumuha ng panggatong." "Ang ama mo?" Naningkit ang mga mata ng matanda. "Siya dapat ang gumagawa sa trabahong 'to." "Wala na siya." Lumunok siya at nag-iwas ng tingin. "Matagal nang patay si Papa." Napakurap ang matanda. Nakita pa niya sa gilid ng mata ang pagkunot ng noo nito. Nagtaka naman si Estong sa inasta ng estranghero. Saka nakapagtataka rin ang walang preno nitong mga tanong sa kaniya. Umikhim siya. "Bakit pala tinatanong niyo ang mga 'to, Yo?" "Ah... wala naman, bata." Ngumisi ang matanda. "Palagi na kasi kitang nakikitang kumukuha ng panggatong dito." Palagi? Nangunot ang noo niya at muling binalik ang tingin sa matanda. "Palagi? Anong ibig sabihin niyo, 'Yo?" Nagkibit-balikat ang matanda. "Palagi. Sa tuwing dumadaan ako sa kakahuyan, nakikita kitang kumukuha ng panggatong." Sa sandaling 'yon, naalala niya ang kuwe-kuwento sa bayan. "Ah, palagi kayong nandito 'yo? Hindi ba kayo takot sa mga maligno?" Nabigla siya nang bigla nalang humalakhak ang matanda. Ilang segundo itong natawa sa sinabi niya, habang nakatitig lang si Estong sa mukha nito. May nakakatawa ba sa tinanong niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD