Kabanata 4.2 : Handaan

1165 Words
Lumunok si Jowee at pinahid ang gilid ng labi. "Ba't nandiyan ka pa?" malumanay na nitong tanong sa kaniya. Nag-iwas siya ng tingin at lihim na napangiti. "Mag-aaral ka ba sa SRNHS?" tanong niya. Bukas ay may pasok. Naalala niyang sinabi ni Gerald na sa SNRHS na mag-aaral ang anak ng Kapitan. Malamang na si Jowee ang tinutukoy nito. Kung mag-aaral ito sa paaralang pinapasukan niya ay magiging masaya siya. Maaari siyang maging kaibigan nito. O kaya maaari niyang tulungan sa mga takdang-aralin na hirap itong sagutan. Sa gano'ng paraan ay magiging mas malapit siya kay Jowee. Napabuntong-hinga siya sa iniisip. Masyadong mataas ang estado ng buhay ni Jowee. Mukhang mahihirapan siyang maging kaibigan ng babaeng anak ni Kapitan. "Uh." Tinabi ni Jowee ang mangkok sa duyan saka siya tinitigan nang husto. "Transferee ako. Bakit mo natanong?" Natuwa si Estong sa malumanay nitong boses. Akala niya ay galit ito dahil sa matitigas nitong pantataboy sa kaniya. Pero habang kausap niya ito ay napagtanto niyang mabait si Jowee. Naalala niya noon na may isang lalaking lumalapit kay Rowena para makipagkilala. Nagugusot ang mukha ng kaibigan niya sa tuwing nakakasalubong ang lalaking 'yon sa hallway. Hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman ang pangungulit ng lalaki kay Rowena. Kaya naman, siya na mismo ang nagkusang nagtaboy sa lalaki para sa kaibigan niyang si Rowena. At ngayon, napagtanto niyang kaya nagsusungit si Jowee sa kaniya ay dahil hindi pa siya nito lubusang kilala. 'Yan din ang ginawang excuse ni Rowena nang magsungit ito sa lalaking aali-aligid. "Doon ako nag-aaral. Kung gusto mo ay maaari kitang ipasyal sa buong eskwelahan," ngiti niyang anyaya. "Are you sure with that offer?" Tiningnan siya ulit nito mula ulo hanggang paa. "How old are you?" "Kinse." Nangunot ang noo ni Jowee. "But you're not the average 15-year-old boy. You seem like... 19." Natawa si Estong. Hindi niya alam kung paghanga iyon o panlalait. Marami kasing matatanda ang nagsasabi no'n. Masaya siya sa papuring natatanggap mula sa mga ito. Pero sa katulad niyang kabataan, ang gano'ng salita ay hindi isang papuri kung hindi isang panghahamak sa pagkabata niya. Nagiging tampulan kasi siya ng tukso sa mga kabataang kaedaran niya. Ayon sa mga ito, may lahi siyang engkanto kaya hindi normal ang pangangatawan niya para sa isang kinse-anyos na bata. Gayon pa man, ngumiti siya kay Jowee para ipakitang nasiyahan siya sa sinabi nito. "Lumaki ako sa trabaho kaya ganito ang katawan ko." "Okay." Ngumiti si Jowee. Nahigit naman ni Estong ang hininga nang masilayan ang magandang ngiti ng dalagang kaharap niya. "Offer accepted. Pero sa susunod na linggo pa ako papasok," dagdag ni Jowee. "Ayos lang." Ngumiti siya't tumango. "Nais ko ring maging pamilyar ka muna sa lugar na ito. Para mas madali sa 'yong maging mamamayan ng Sitio." Nawala ang ngiti sa mga labi ni Jowee habang nakatitig sa nakangiti niyang mukha. Kinabahan bigla si Estong. Kumabog nang mabilis ang dibdib niya dahil sa kaba. May nasabi ba siyang hindi maganda? Akmang magsasalita siya nang maunahan siya ni Jowee. "You look handsome when you're smiling," bulong nito. Napaikhim bigla si Estong. Tumaas ang kompiyansa sa sarili. Akala niya ay hindi nito nagustuhan ang sinabi niya at akmang babawiin na niya sana. Lumapad ang ngiti sa mga labi ni Estong. "Salamat. Marami ang nagsasabi ng ganiyan." "Ows." Tumaas ang kilay ni Jowee saka tumawa. "Hindi na kita iko-compliment. Alam mo na pala." Natawa rin si Estong. Pati si Jowee ay natawa si sarili nitong biro. Naupo siya sa lupa at nakipagkuwentuhan sa anak ng Kapitan. Ilang oras ang ginugol nila sa pagkukwentuhan. Tagilid na ang sikat ng araw nang magpaalam siya kay Jowee. Kapwa may ngiti sa mga labi. "Kailangan ko nang umuwi," paalam niya. Nagbaba ng tingin si Jowee sa relong nasa sariling bisig at natutop ang bibig. "It's almost one? Wow, ansarap mo palang kausap." Natawa na naman siya. Kanina pa siya halakhak nang halakhak sa mga kuwento ni Jowee. "Ikaw din naman. Masaya kang kausap," puri niya. Totoo. Akala niya ay seryoso si Jowee. Pero nang magsimula itong magkuwento ay daig pa nito ang isang tagapagsalita sa radyo. Marami itong baong mga kuwento tungkol sa paaralang una nitong pinasukan sa primarya hanggang sekundarya. Halos hindi na siya siya makasingit sa dami nitong dalang kuwento. "Palaging sinasabi ni Itay na 'wag raw akong magtiwala sa isang bagong kakilala. Pero..." Ngumiti si Jowee sa kaniya. "Hindi ka naman mukhang masama. Nakikita kong isa kang disenteng lalaki." Naiduyan na yata siya sa alapaap dahil sa pinagsasabi ni Jowee. Ito ang unang beses na may isang taong makailang ulit siyang pinuri. Bunos pang maganda ang pumuri sa kaniya. "Salamat." Umikhim siya. "Uuwi na ako, Jowee." "Okay." Hinatid siya ni Jowee ng tingin. Hindi naman nawala ang ngiti sa mga labi niya. Unang pagkakataong pinangiti siya ng isang babae kaya hindi niya malilimutan ang araw na 'yon. At habang binabagtas ang daan pauwi ay napapangiti siya. Nakita 'yon ni Rowena na kasalukuyang nagdidilig ng halaman. "Estong!" tawag nito. Huminto si Estong at nilingon si Rowena. Kumaway ito sa kaniya at bumungisngis. "Musta ang pista? Ansaya mo yata ngayon, Estong!" "Halata ba?" natatawa niyang sagot. "Hindi kita nakita sa bahay ni Kapitan." "Ah, mamayang gabi lang kasi ako makikikain. Nakita mo ba si Kuya? Nauna na siya ro'n." Umiling siya. "Hindi." "Ay." Ngumuso si Rowena saka ngumiti. "May assignment pala ako, Estong." Natawa siya. "Bigay mo sa akin ang notebook mo mamaya. Nandito lang ako sa bahay." "Sige! Bayaran nalang kita." "Kahit 'wag na," tanggi niya. "Sus. Bayaran nalang kita. 'Wag ka nang tumanggi riyan." Ngumiti si Estong. "Baka hindi mo pa napag-aralan ang leksyon niyo. 'Wag mong iasa lahat sa 'kin, Wena." "E, hindi a!" Hilaw na ngumiti si Rowena. "Ang totoo niyan, napag-aralan ko na 'yong leksyon. Kaya lang marami pa kasi akong gagawin dito kaya hindi ko masasagutan ang assignment." "Gano'n ba?" Tumingin siya palampas kay Rowena saka binalik ang tingin sa kaibigan. "Sige. Hihintayin kita sa bahay." Kumaway si Rowena. Isang ngiti ang sinukli niya at pumasok na sa bakuran ng bahay. Tiyak niyang kanina pa naghihintay ang kaniyang ina. "Ma?" tawag niya nang makapasok sa pinto. "Pupunta ba kayo sa bahay ni Kapitan mamaya?" Lumabas mula sa kusina ang ina niya. May hawak itong sandok na gawa sa kahoy at ngumiti pagkakita sa kaniya. "A, mamayang hapon. Sasabay ako kay Rowena. Nabusog ka ba?" Tumango siya. "Pupunta na ako sa kakahuyan para kumuha ng panggatong. Maraming bahay ang nangangailangan ngayon. Baka makabenta ako, Ma." "Sige, ayos 'yan Estong. May pinrito akong hinog na saging dito. Kainin mo kapag nakabalik ka na mula sa kakahuyan." Ngumiti siya at kinuha ang sumbrerong abaka sa likod ng bukas na pinto. Akmang lalabas siya nang tinawag siya ulit ng ina. Lumingon siya. "Bakit, Ma?" "Suot mo ba ang habak?" tanong nito. Wala sa sariling humawak siya sa nakataling maliit na basyo ng bala sa bandang tiyan niya. Ngumiti siya't tumango sa ina. "Hindi ko po inaalis ang bigay niyong habak." "Mabuti naman. Mag-ingat ka sa kakahuyan, Estong!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD