Nakaluhod na ako ngayon habang walang tigil sa paghampas sa akin si Mama dahil sa nagawa kong isang malaking pagkakamali. Gaya ko ay umiiyak na rin siya.
“Hindi kita pinalaki para maging ganiyan ka lang Heaven! Alam mo naman ang klase ng buhay natin tapos ito pa ang isusukli mo? Pagkatapos ka naming igapang sa pag-aaral mo!” galit na galit niyang sigaw sa’kin. Halos magwala na siya sa sobrang galit.
“Aahhh! Ma masakit na po,” nakikiusap ko ng saad sa kaniya nang hilain niya ang buhok ko. Halos gusto niya na akong patayin dahil sa nagawa ko. Wala ng tigil ang pag-iyak ko dahil wala akong karapatan para magalit din kay Mama. I know, I disappointed her.
“Wala kang karapatang masaktan Heaven! Pinalaki ka namin at pinagtapos ng pag-aaral at alam mo namang ikaw lang ang inaasahan namin para makapagtapos din ang mga kapatid mo pero anong ginawa mo?! Nagpabuntis ka sa isang lalaking hindi mo naman kilala? Anong kahihiyan ba ang idadala mo sa pamilyang ito?!” umiiyak at galit na galit niyang sigaw. Wala akong magawa kundi ang malugod na tanggapin ang p*******t niya sa akin.
Ako ang nagkamali kaya dapat ko lang tanggapin ang galit niya. Nang malaman kong buntis ako, hindi ko rin alam ang gagawin ko, nagagalit din ako sa sarili ko dahil sa kapabayaan ko sa sarili ko. Hinayaan kong angkinin ako ng isang estranghero noong gabing yun.
Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari, na alam ko lang na magbubunga ang gabing yun, sana tumanggi na lang ako sa mga kaibigan ko, sana hindi na lang ako sumunod sa kanila ng sa ganun ay naiwasan ko ang pangyayaring ito.
“Halos katatapos mo pa lang ng pag-aaral Heaven tapos ito ang gagawin mo sa amin?! Kung alam ko lang na ganito ang gagawin mo, sana hindi na lang kita pinag-aral!” napayuko ako, hindi ko kayang makitang umiiyak at nagagalit si Mama. Halos hingalin na siya sa sobrang galit sa akin.
Muling lumandas ang mga luha ko. Tama si Mama, isa akong kahihiyan sa pamilya namin. Halos igapang nila ang pag-aaral sa akin tapos ito lang ang isinukli ko sa kanila. Iningatan ko ang sarili ko ng maraming taon, hindi ako pumasok sa kahit anong relasyon para maiwasan ang ganitong pangyayari pero sinong mag-aakala na ng dahil lang sa isang gabi ay mabubuntis ako ng isang lalaking hindi ko kilala.
Muli akong sinabunutan ni Mama at tiniis ko yun, wala akong ginawa kundi ang umiyak at tiisin ang p*******t niya. Mabait si Mama pero sadyang may hangganan ang kabaitan ng isang tao.
Patuloy ang pag-iyak ni Mama, hinahampas-hampas niya na ang didbib niya dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya. Last year lang ako grumaduate at isang taon pa lang din akong nakakatulong sa kanila kaya hindi ko masisisi si Mama.
Muling lumapat sa pisngi ko ang sampal niya, alam kong namumula na ang mga pisngi ko pero wala akong karapatan para labanan siya, because it’s all my fault.
“Tita! tama na po,” humarang na sa akin si Aleena, ang kaibigan kong bagong dating lang. “Alam ko pong nagkamali si Heaven pero hindi niya naman po sinasadya eh.” Pagpapaliwanag ni Aleena para kumalma naman si Mama pero wala ring nangyari.
“Hindi niya sinasadya? Hindi niya ba sinasadya na ibukas ang dalawa niyang binti at ihain yun sa lalaking hindi niya naman kilala ha?! Anong klaseng pag-iisip ba merona ng kaibigan mo Aleena?!” galit na galit ding sigaw ni Mama kay Aleena.
Nilapitan ni Aleena si Mama para pakalmahin ito, inalalayan niyang umupo si Mama at inabutan niya ng tubig.
“Tita, kumalma po muna kayo. Baka masobrahan niyo po ang p*******t kay Heaven. Alam naman po nating buntis siya diba? Kumalma po kayo, please.” Nakikiusap niyang saad kay Mama pero napayuko na lang ako nang umalis si Mama. Hindi ko rin alam kung anong gagawin sa akin ni Papa kapag nalaman niyang ang panganay niyang anak ay nabuntis ng isang estranghero.
Nilapitan ako ni Aleena at inalalayang tumayo. Muntikan pa akong matuma nang manghina ang tuhod ko dahil sa tagal kong nakaluhod sa malamig at matigas na sahig.
“Ayos ka lang? Bakit ba hinayaan mong saktan ka na lang ni Tita?” nag-aalalang anas ni Aleena.
“Kasalanan ko naman Aleena, naiintindihan ko ang galit niya.” nahihiya kong sagot sa kaniya.
“Wala kang kasalanan, kasalanan namin ito eh. Kung hindi ka lang sana namin pinilit na makipagblind date nung gabing yun hindi ka malalasing at hindi ka maliligaw sa isang kwarto.” Inilingan ko si Aleena, alam kong sinisisi niya rin ang sarili niya at halos palagi siyang nagsosorry sa akin kapag naalala niya kung anong nangyari sa amin ng isang estranghero.
“Hindi niyo kasalanan kung bakit ako nalasing. Ako yung nag-inom nang nag-inom para mabawasan ang kabang nararamdaman ko. Ano ng gagawin ko?”
“Kilala mo naman yung nakasama mo nung gabing yun diba? Bakit hindi mo siya puntahan at sabihin ang ipinagbubuntis mo?”
“Nasisiraan ka na ba? Hindi ko gagawin yun.” Napabuntong hininga naman si Aleena na para bang kinakalma niya ang sarili niya.
“Heaven, hindi naman mabubuo ang nasa sinapupunan mo ng wala kang kasama. Anong gusto mo? Palakihin ng mag-isa ang bata? At least may katulong ka para palakihin yan saka galing naman siya sa mayamang pamilya. Isa siyang tagapagmana ng isang kompanya diba? Ang pinakabata sa pamilya nila, kahit sabihin mo na lang sa kaniya ang tungkol sa dinadala mong anak niya, kahit sustento na lang ang hingin mo sa kaniya.”
“Hindi pa ako nababaliw para gawin yun Aleena, ano na lang ang iisipin niya sa’kin? Na ginagamit ko ang bata para sa pera?” napabuntong hininga naman siya. Nakilala ko ang lalaking yun bago ako umalis sa hotel at wala akong pakialam kahit sinong lalaki pa siya o kung anong katayuan niya sa lipunang ito.
Kinalimutan ko na nga ang nangyari diba? Tinanggap ko ng nawala na ang ireregalo ko sa mapapangasawa ko dapat pero bakit naman nagbunga pa? Bakit naman hinayaan ng lalaking yun na may mabuo sa nangyari sa amin?
Halos bagsak ang balikat ko, hindi ko alam kung anong ipapaliwanag ko kay Papa.
“Diyan ka na muna, bibili lang ako ng yelo para ipahid sa mukha mo baka kasi magpasa yan bukas.” Paalam ni Aleena, tinanguan ko na lang siya. Ramdam ko ang sakit ng pagkakasampal sa akin ni Mama at hanggang ngayon ay nang-iinit pa rin yun sa pisngi ko pero hindi ko yun alintana dahil ano bang dapat kong gawin?
Napahawak ako sa sinapupunan ko, hindi ako makapaniwalang magiging ina na ako. Hindi nga ako kabilang sa teenage pregnancy pero nabuntis naman ako ng walang partner. Ano na lang iisipin ng ibang tao kapag nalaman ang tungkol dito?
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko. Anong buhay ang ibibigay ko sa magiging anak ko? Baka katulad ko ay mahirapan lang siya lalo na at wala naman akong kasama para buhayin siya. Kung kailan naman sumasapat na ang pangangailangan namin sa araw-araw, dun naman ako nagdagdag ng gastusin.
Bakit ko ba siya sinisisi? Hindi niya naman kasalanang nabuo lang siya sa sinapupunan ko. It’s still my fault, hindi niya piniling mabuo sa sinapupunan ko, nabuo siya dahil sa kapabayaan ko. Napasapo na lang ako sa noo ko, bakit ba kasi nag-inom pa ako nung gabing yun bago kitain ang dapat ay kablind date ko, ayan tuloy, ibang kwarto ang napasok ko.
Kahit anong paninisi pa ang gawin ko sa sarili ko, hindi ko naman na yun maibabalik pa. Hindi naman isang bagay na hiniram lang ang nasa sinapupunan ko para ibalik ko ulit.
Simula nang malaman ni Mama ang tungkol sa ipinagbubuntis ko ay hindi niya na ako kinausap. Sa tuwing magkakasalubong kaming dalawa sa sala ay hindi niya ako kinikibuan. Gusto ko sana siyang kausapin pero alam kong galit pa siya kaya hinayaan ko na lang muna. Lalamig din siguro ang ulo niya dahil wala naman kaming choice kundi ang tanggapin ang dinadala ko.
“Ma, papasok na po ako sa trabaho ko.” paalam ko sa kaniya pero wala akong narinig na sagot mula sa kaniya.
“Ate, baon po namin.” saad ng pangalawa kong kapatid kaya kinuha ko ang wallet ko sa bag ko. Sa akin na nakaasa ang baon ng mga kapatid ko at ang iba nilang pangangailangan sa pag-aaral kaya hindi ko masisisi si Mama kung galit siya dahil sa ginawa ko.
“Aral kayong mabuti ha? Ingat kayo sa pagpasok.” Nakangiti kong saad sa kanila.
“Salamat Ate, ikaw din, ingat ka.” nginitian ko na lang sila. Tatlo pa sila na nag-aaral, bunso naman kasi ang mga kapatid kong lalaki. Dalawa kaming babae at dalawang lalaki. Muli kong tiningnan si Mama na nasa kusina pero wala akong narinig sa kaniya kaya tipid na lang akong ngumiti saka pumasok na sa trabaho ko.
Halos maya’t maya ay hinihingal ako dahil sa bilis kong mapagod. Gawa ba ito ng ipinagbubuntis ko? Ang aga-aga pa lang pero pakiramdam ko pagod na pagod na ako.
“Heaven, nasaan na yung mga ipinapakuha kong papeles!” rinig ko na namang sigaw ng manager namin kaya mabilis akong tumakbo papuntang stock room para kunina ng mga hinahanap niyang papeles. Napahawak na lang ako sa tiyan ko nang maalala kong may dinadala nga pala ako. Hindi ako pwedeng magpabaya, hindi na gaya ng dati ang katawan ko, kahit tumakbo ako nang tumakbo ay walang mangyayari sakin.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko nang maramdaman ko ang pagkahilo. Napahawaka ko sa pader dahil parang umiikot na ang paningin ko. Ipinilig ko ang ulo ko para mawala ang hilo ko. Sinubukan kong maglakad ng diretso pero pagewang-gewang na ako. Umayos ka Heaven kung ayaw mong mawalan ng trabaho.
Sinampal ko ang sarili ko nagbabakasakaling magising ang diwa ko. Ikinurap-kurap ko ang mga mata ko pero talagang hindi ko na kaya. Nakahawak na ako sa pader habang naglalakad makarating lang sa manager namin para ibigay sa kaniya ang mga papeles na kailangan niya.
“Ma’am, ito na po.” Saad ko pero nagdadalawa na ang paningin ko. Hindi ko alam kung saan ko iaabot ang papel dahil dalawa na ang nakikita ko. Muli kong ipinikit ang mga mata ko para sana maging maayos ang pakiramdam ko pero tuluyan nang umikot ang paningin ko at nabitawan ko na ang mga papeles.
“Heaven!” rinig kong tawag nila sa pangalan ko pero tuluyan na akong bumagsak sa sahig. Napahawak na lang ako sa tiyan ko dahil inaalala ko ang baby ko.
“Tumawag kayo ng tulong, jusko!” rinig ko sa nag-aalala nilang tinig. Naramdaman ko pa ang bahagyang pagtapik ng kung sino man sa pisngi ko para gisingin ako pero tila wala na akong lakas.
“Excuse me, ako ng bahala sa kaniya.” rinig ko sa isang tinig ng lalaki. Naramdaman ko ang pagbuhat niya sa akin pero hindi ko na magawang imulat pa ang mga mata ko para sana tingnan siya. Nahihilo na ako at pakiramdam ko ay masusuka ako ano mang oras pero kailangan kong pigilan dahil nakakahiya kung sino mang lalaki ang may buhat buhat sa akin ngayon kung susukaan ko pa siya.
“Ang baby ko,” mahina kong saad pero hindi ko alam kung narinig ba niya yun. Bago pa man ako maidala sa hospital ay tuluyan na akong nawalan ng malay.
***
Hindi ko alam kung ilang oras na ang lumipas simula nang mawalan ako ng malay sa office. Tulad nga ng inaasahan ko nasa hospital na ako. Napahawak na lang ako sa ulo ko nang panandalian akong makaramdam ng pagkahilo.
Dahan-dahan akong bumangon saka ko inilibot ang paningin ko sa buong kwarto pero wala akong kasama. Iniwan na ba nila ako rito? Hinilot ko ang sintido ko. Problema ko na nga ang pangangailangan namin sa araw-araw, dumagdag pa ang pagpapahospital ko ngayon.
Napabuntong hininga na lang ako. Nang bumukas ang pintuan ay napatingin ako dun at pumasok ang isang lalaking hindi ko naman kilala.
“You’re awake, that’s good then. Bumili ako ng pagkain mo sa labas kaya lumabas na muna ako kanina. How’s your feeling? Are you okay now?” tanong niya sa akin pero kunot noo akong nakatingin sa kaniya. Nakita ko na ba siya? Pero kahit titigan ko siya wala akong maalalang nakita ko na siya kahit sa kompanya. Kilala ko naman na lahat ng mga katrabaho ko sa kompanya pero hindi ko pa siya nakikita dun.
“Salamat sa tulong mo pero magkakilala ba tayo?” nahihiya kong tanong sa kaniya pero ngumiti lang siya sa akin. May itsura naman siya, tipo ng lalaki na kababaliwan ng babae pero wala akong panahon para sa mga lalaki.
“We don’t know each other pero ayaw ko ng may nangyayari sa mga empleyado ko sa kompanya dahil kapag may nangyari sayo, responsibilidad ko yun.” Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Ibig bang niyang sabihin siya ang anak ng mga nagmamay-ari ng kompanyang pinagtatrabahuan ko?
“Anak po kayo ni Sir at Ma’am Zapanta?” hindi ko maitago ang gulat sa boses ko. Nginitian at tinanguan niya naman ako kaya sa sobrang pagkataranta ko ay tumayo ako para magbigay galang sa kaniya pero pinigilan niya ako.
“Hindi mo kailangang gawin yan, ayos lang. Sakto lang din naman ang pagkawala mo ng malay kanina dahil ayaw ko pang pumasok sa kompanya so I stayed here para bantayan ka. Kumusta ang pakiramdam mo? Masyado ka bang pinapagod sa kompanya para umabot sa pagkawala mo ng malay?” umayos ako ng upo saka umiling sa kaniya.
“Hindi naman po Sir, ayos lang naman po ako. Pwede na nga po akong lumabas mamaya eh, nahilo lang po ako.”
“Good then,” aniya saka inihanda na ang mga binili niyang pagkain kanina. Nahihiya na tuloy ako, malay ko bang siya ang anak ng may-ari ng kompanyang pinagtatrabahuan ko. Naabala ko pa siya.
“Pasensya na po kayo Sir pero okay naman na po ako kaya hindi niyo na po kailangang magstay dito.” nahihiya kong saad sa kaniya.
“Huwag kang mag-aalala, wala naman akong gagawin. Pinapagod mo ang sarili mo aware ka man lang ba na nagdadalang tao ka? Ang sabi ng Doctor yun ang dahilan kung bakit nawalan ka ng malay kanina.” nahihiya naman akong napayuko, ano na lang ba ang iisipin niya sa akin?
“Pasensya na po,” tanging saad ko na lang.
“You don’t need to say that dahil kailangan talagang intindihin ng kompanya ang katulad mo. Sagot na rin ng kompanya ang hospital bills mo dahil nasa trabaho ka ng mangyari yun.” Hindi ko na alam kung anong sasabihin ko sa kaniya dahil sa kabaitan niya. Ang gwapo pa niya sa tuwing ngingiti siya.
Hinayaan niya naman na akong kumain muna saka siya naupo sa sofa. Paano ko ba siya pasasalamatan? Nahihiya ako dahil siya na nga nagdala sa akin sa hospital, nag-alaga at nagbantay tapos sagot pa ng kompanya ang gastos ko rito.
Maya-maya ay may kumatok sa pintuan kaya binuksan niya yun pero nang makita ko kung sino ang pumasok ay halos mabulunan ako. Mabilis akong uminom ng tubig saka ko tiningnan uli dahil baka namamalikmata lang ako pero nakailang kurap na ako sa mga mata ko, siya pa rin ang nakikita ko. Patay na. Ano bang ginagawa niya rito?
Mabilis kong inilagay sa side table ko ang pagkain ko saka nahiga at itinalakbong sa buong mukha ko ang kumot. What he is doing here? Damn it!
“Nasabi nila sa akin na nandito ka araw, what are you doing here?” rinig ko sa boses niya. Napapalunok na lang ako, magkakilala ba sila ni Sir Zapanta? Natatandaan ko ang mukha ng lalaking nakasalo ko noong gabing yun at alam kong siya ang lalaking nandito ngayon sa kwarto ko. Bakit nandito ka?
Hindi ko alam ang gagawin ko, hindi naman ako makakaalis dito dahil kapag tumakbo ako palabas, nakakahiya naman kay Sir Zapanta baka isipin niyang tinatakasan ko siya.
“Sino bang idinala mo rito?” rinig ko pang tanong niya. Huwag sana kayong lumapit sa akin. Please, please.
“An employee, oh, ang bilis niya namang nakatulod, never mind. Bakit ka pala pumunta rito? Hindi mo na ako hinintay sa office para dun na lang sana tayo nag-usap. Hindi na ba makapaghintay ang sasabihin mo?” natatawang wika ni Sir Zapanta, hindi ko alam ang pangalan niya kaya apilido niya na lang ang itatawag ko sa kaniya.
Anong ginagawa ng lalaking yun dito sa hospital? Isang buwan na ang nakalipas simula nung una at huli ko siyang nakita pero bakit ngayon pa siya nagpakita at talagang sa ganitong pagkakataon pa talaga?
Hinding hindi ko makakalimutan ang mukha ng lalaking siyang ama ng dinadala ko.