Kabanata 2

2715 Words
Halos manginig ang tuhod ko kanina, pinagpapawisan na rin ako sa loob ng kumot. Bakit siya lumilitaw ngayon? Wala akong planong kausapin siya o sabihin ang tungkol sa dinadala ko. Natatakot ako, kaya ko naman sigurong palakihin na lang ng mag-isa ang anak namin. Ang mundo nila ay malayo sa mundo ko, mahirap silang abutin at hindi ako makikisama sa katulad nila dahil ako nababagay sa perpekto nilang mundo. Nakaginhawa na lang ako nang marinig ko kaninang paalis na siya at ilang minuto lang din ang pagitan ay nagpaalam na ako kay Sir Zachary, iyun pala ang pangalan ng nag-iisa anak ng mga Boss namin sa kompanya. Maaga pa naman pero pinauwi niya na ako at bukas na lang daw ako pumasok sa kompanya. Hindi na ako tumanggi dahil natatakot akong baka magkita pa sila ni Sir Zachary at yung lalaking yun. Umuwi ako sa bahay na parang pagod na pagod. Hindi ko alam kung hanggang kailan ako magiging ganito dahil sa pagbubuntis ko. Nakakahiya namang magtake ako ng leave para lang dito, ayaw ko namang abusuhin ang kabaitan ni Sir Zach. “Nandito na po ako Ma.” Wika ko nang makita ko si Mama. Blangko lang niya akong nilingon saka niya ako nilampasan. Hindi man lang siya nagtanong kung bakit ang aga kong umuwi. Tipid na lang akong ngumiti, of course she’s still mad at me. Nagpunta na ako ng kusina para magtingin kung anong iluluto para sa panghapunan namin. Hindi pa rin talaga ako iniimikan ni Mama. Nalaman na kaya ni Papa? Napabuntong hininga na lang ako, siguradong katulad ni Mama hindi niya ako iimikan. “Hi Ate, ang aga mo po yata ngayon.” nilingon ko ang bunso naming kapatid na lalaki. Nginitian ko naman siya at bahagyang pinisil ang pisngi niya. “May nangyari lang sa office bunso kaya maagang umuwi si Ate. Ano bang gusto niyong ulamin ngayon? Ipagluluto ko kayo.” Gumuhit naman ang excitement sa mukha ng kapatid ko kaya natawa ako. “Pwede bang yung bulalo Ate? Ang tagal ko na kasing hindi nakakatikim nun eh, please?” pinagkiskis pa niya ang dalawa niyang palad na para bang nagmamakaawa kaya lalo akong natawa. “Oo na po, bibili lang ako sa palengke.” Sagot ko sa kaniya kaya halos tumalon talon pa siya sa sobrang tuwa pero natigilan din ako dahil hapon na. Imposibleng may maabutan pa akong karne ng baka sa palengke. “Bukas na lang pala ng umaga tayo mag-ulam nun bunso, siguradong ubos na yun sa palengke pero huwag kang mag-aalala. Magluluto pa rin ng masarap si Ate para sa inyo.” ginulo ko ang buhok niya at ngumiti pa rin siya sa akin. Inutusan ko na siyang magbihis, nagtingin na lang ako ng pwede kong iluto para sa hapunan namin ngayon. Pagsapit ng gabi ay hindi sumabay si Mama sa pagkain namin. Ilang beses ko siyang tinawag pero hindi niya ako inimikan kaya inutusan ko si Anica na tawagin si Mama para kumain pero sinabi lang ni Mama na busog pa siya. “Ate, nag-away ba kayo ni Mama? Kahapon pa siya tahimik eh.” Tanong sa’kin ni Anica, pangalawa sa aming magkakapatid. “Wala akong matandaan baka pagod lang si Mama kaya wala siyang ganang sumagot. Kumain na lang kayo.” Saad ko sa kanila na ikinatango naman nila. Tiningnan ko si Mama na nasa sala dahil kita naman ang sala namin mula rito sa kusina. Nagtatahi siya ng mga napunit na naman na short ng mga kapatid kong lalaki. Hinayaan ko na lang siya, magkakaayos naman siguro kami kapag lumipas na ang galit niya. Matatanggap niya rin siguro ang magiging apo niya kahit na hindi plinado. Wala akong pakialam sa sasabihin ng mga kapitbahay namin basta ang mahalaga hindi ako pumatay ng inosenteng buhay para lang masabi na isa pa akong dalaga. Kinabukasan, naggagayak na ako papasok ng kompanya dahil medyo maayos naman na ang pakiramdam ko. Mag-iingat na lang siguro ako sa bawat kilos ko. Matapos kong bigyan ng baon ang mga kapatid ko ay nagpaalam na silang papasok na sila. Ilang minuto ang lumipas at kukunin ko na sana ang gamit ko para pumasok sa kompanya nang lumapit sa’kin si Mama. “Ma,” gulat ko pang tawag sa kaniya dahil simula nung isang araw, ngayon lang siya lumapit sa akin. “Kailangan mong sumama sa’kin Heaven.” Malumanay niyang saad sa akin kaya nagtataka ako kung saan kami pupunta. “Saan tayo pupunta Ma?” tanong ko sa kaniya pero hindi niya ako inimikan. Hinawakan niya ako sa kamay at inakay akong lumabas ng bahay. Pagdating namin sa labas ay may taxi ng naghihintay sa amin. Wala akong idea kung saan kami pupunta. “Ma may pasok pa po ako, saan ba tayo pupunta?” tanong ko ulit sa kaniya. Natatakot akong baka malate ako sa trabaho ko ibawas pa yun sa sahod ko. Hindi naman ako inimikan ni Mama, salubong ang mga kilay niya at para bang malalim ang iniisip niya. Hindi nagtagal ay huminto na kami at pinababa ako ni Mama. Nagtataka ako kung anong gagawin namin dito. “Anong gagawin natin dito Mama?” tanong ko sa kaniya, kinakabahan ako dahil nasa labas kami ng clinic. Muli akong hinawakan ni Mama sa kamay at hinila ako sa loob. Nagulat pa ako nang batiin ng isang doctor si Mama na para bang magkakilala sila at mas lalo akong nagulat nang nakapagset ng schedule dito si Mama. “Ma,” kinakabahan ko ng tawag sa kaniya, hindi maganda ang pakiramdam ko sa gagawin namin dito sa clinic. “Dito na lang po tayo Ma’am.” tawag sa akin pero umiling ako. “Ma!” sigaw ko na sa kaniya pero hinigpitan niya ang pagkakahawak sa akin. “Para sayo ang ginagawa ko Heaven! Pwede ba, makicooperate ka na lang dahil sisirain mo lang ang buhay mo kapag ipinagpatuloy mo ang ipinagbubuntis mo!” “Ma, naririnig mo ba ang sinasabi mo?! Huwag mo namang gawin sa akin ito.” nakikiusap kong saad sa kaniya pero inilingan lang ako ni Mama. “Sa ayaw at sa gusto mo, ipapalaglag natin ang batang yan! Hindi rin naman planado ang pagkakabuo niya sa mundong ito kaya sumunod ka na lang sa akin. Hindi pa naman huli ang lahat para sayo Heaven.” “Hindi ko po kaya!” inalis ko ang pagkakahawak sa’kin ni Mama at akma na sanang aalis nang muli niya akong hilain. “Nasisiraan ka na ba talaga ng bait Heaven?! Gusto ko lang mapabuti ang buhay mo at pwede ka pa namang bumuo ng pamilya mo kapag maayos na ang buhay mo! Ano ba ang hindi mo maintindihan dun? Paano mo bubuhayin ng mag-isa ang anak mo?! Wala na akong pakialam kung hindi mo na kami matulungan pero sana isipin mo naman ang buhay mo. Simula bata ka pa lang alam mo na ang hirap, ramdam mo na ang bigat ng mundo at ayaw kong dalhin mo pa rin yun hanggang ngayon, ayaw kong dalhin mo pa rin yun hanggang sa mga magiging anak mo. Ayaw ko ng mahirapan pa ang buhay mo!” mabilis na pumatak ang mga luha ko dahil habang binibigkas ni Mama ang mga salitang yun ay umiiyak siya. Napaupo na lang din siya sa upuan habang umiiyak. Wala na kaming pakialam sa iisipin ng doctor at mga nurse sa clinic na ‘to. “Anak, ayaw ko ng dalhin mo pa rin ang bigat ng buhay. Wala kaming maipapamana ng Papa mo sa inyo kaya pinipili ko kung anong mas makakabuti sayo.” mahina niya ng saad dahil humihikbi na siya. “Naiintindihan ko po Ma pero hindi ito ang solusyon. Hindi ko kayang pumatay ng inosenteng bata para lang maging mabuti ang buhay ko. Umuwi na po kayo at papasok pa ako sa trabaho ko.” mabilis kong pinalis ang mga luha sa pisngi ko at lumabas na ng clinic na yun. Nasasaktan ako habang nakikita kong nasasaktan at umiiyak si Mama pero hindi ko kayang gawin ang gusto niya. Palalakihin ko na lang ang batang nasa sinapupunan ko dahil kapag pinatay ko siya habang buhay kong dadalhin ang guilty at konsensya ko. Gusto ko sanang yakapin si Mama, naiintindihan ko naman siya dahil magandang buhay lang ang hangad niya sa aming magkakapatid pero this time, maling desisyon ang gusto niya. Maghapon akong tulala sa pagtatrabaho ko. Mabuti na lamang at nagagawa ko pa rin ng tama ang trabaho ko pero hindi pa rin maiwasang sigawan ako ng manager namin dahil nawawala ako sa sarili ko. Hindi ko man lang marinig ang tawag niya kaya nagagalit siya. Nang makalabas ako sa kompanya ay isang buntong hininga ang pinakawalan ko. Bagsak na bagsak ang balikat ko at para akong pagod na pagod. Dumiretso na ako sa bahay pero napakunot na lang ako ng noon ang makita ko lahat ng mga gamit ko na nasa labas. Nagmadali akong tumakbo para malaman ko kung anong nangyayari. Bakit nasa labas lahat ng mga gamit ko. “Tita, kumalma po kayo. Huwag niyo naman pong gawin kay Heaven ‘to. Kayo ang kailangan niya ngayon.” rinig kong nakikiusap na saad ni Aleena kay Mama. “Ma, bakit niyo inilalabas lahat ng mga gamit ko?” naguguluhan kong tanong sa kaniya. “Hindi ako papayag na hindi ka pananagutan ng walanghiyang nakabuntis sayo kaya dadalhin kita sa kaniya.” galit na galit na naman niyang saad sa akin saka ibinato sa labas ang isa ko pang bag na may mga lamang damit ko. “Ma, mag-usap naman tayo. Huwag naman pong ganto.” Pinipigilan ko siyang huwag ilabas ang mga gamit ko pero wala akong nagawa. Kukunin ko sana at muling ipapasok ang mga gamit ko nang pigilan ako ni Mama. “Hindi ako papayag na sisirain lang ng lalaking yun ang buhay mo Heaven. Hindi ako papayag na nagpapalaki ka mag-isa ng anak niyo habang siya nagpapakasasa sa buhay!” “Ma, nakikiusap ako, huwag po ganito. Pag-usapan naman po muna natin, huwag po kayong magpadalos-dalos oh.” Halos umiiyak ko ng pakiusap sa kaniya. “Oo nga po Tita, pag-usapan niyo po muna ni Heaven.” Nag-aalala na ring singit ni Aleena. “Wala ng dapat pang pag-usapan, nakapagdesisyon na ako at yun ang mas makakabuti sayo Heaven.” Desidido na talagang wika ni Mama, muli niya akong hinila nang may dumating ng taxi. Tiningnan ko si Aleena para humingi ng tulong pero napayuko na lang siya at katulad ko ay umiiyak na rin siya. “Ma, umuwi na tayo, huwag na nating palakihin pa yung gulo. Hindi ko naman hinahangad na panagutan ako ng lalaking yun eh. Hindi ko na kailangan pa ang lalaking yun kaya please umuwi na tayo.” Pinagkiskis ko na ang mga kamay ko habang nagmamakaawa sa kaniya. “Hindi Heaven, pareho niyong ginaw ayan kaya pareho niyong palakihin.” Madiin niyang saad, kinakabahan na ako kung saan kami papunta. Natatakot akong baka sinabi ni Aleena kung sino ang lalaking nakasama ko noong gabing yun. Paulit-ulit akong nagmakaawa kay Mama pero sarado ang isip niya. Bakit kailangan pang umabot sa ganito? Alam kong nag-aalala lang siya sa kinabukasan ko pero kailangan pa niyang ipilit sa akin ang lalaking yun. “Ma, umuwi na tayo, bumalik na tayo sa bahay.” Muli kong saad sa kaniya pero hindi siya sumagot. Hindi ko alam kung gaano na kami kalayo sa bahay dahil ilang oras na kaming bumabyahe. Hindi nagtagal ay huminto na kami. Tiningnan ko kung nasaan na kami at sa itsura pa lang ng mga bahay dito ay sigurado akong lahat sila ay nasa high class. Muli akong hinila ni Mama palabas at nang makita niya ang address sa isang gate ay sunod-sunod niyang pinindot ang door bell. “Ma, ano bang ginagawa niyo? Nasaan ba tayo? Umuwi na po tayo.” Saad ko sa kaniya pero mahigpit lang ang hawak niya sa akin at halos mamula na ang kamay ko sa pagkakahawak niya. Halos magulat ako nang may lumabas mula sa gate. “Ano bang kailangan niyo? Bakit ba pinaglalaruan niyo ang door bell?” tanong ng isang babaeng nasa mid 40s niya pero hindi halata sa itsura niya. “Dito ba ang bahay ni Desmond Velasquez?” nagulat ako sa pangalang binanggit ni Mama. No, no please. Paulit-ulit akong umiiling kay Mama pero hindi niya ako nilingon at seryoso lang siyang nakatingin sa mga taong nasa gate. “Ito nga, ano bang kailangan niyo?” sagot naman ng isang matanda. Hindi ko sila mga kilala. “May kailangan ba kayo sa apo ko? Hindi naman siguro kailangang paulit-ulit na pindutin ang door bell kung may kailangan kayo dahil maririnig naman namin kayo sa loob.” Mahinahon niyang sagot kay Mama. “Mabuti naman at tama ang address na napuntahan namin dahil ang magaling niyong anak o apo ay nabuntis ang anak ko at bilang ina ay hindi ako papayag na sisirain niya ang buhay ng anak ko. Ginusto niya yan, sinarapan niya kaya dapat lang na panagutan niya. Harapin niya ang responsibilidad niya.” “Ma, umuwi na po tayo. Hindi ko ipipilit ang sarili ko sa kaniya. Promise po kaya kong palakihin ang magiging anak ko pero huwag naman pong ganito!” nakikiusap ko ng sigaw sa kaniya pero mukhang sarado na ang isip niya. Wala na siyang pinapakinggan. “Manatili ka sa kanila Heaven, panagutan ng walang hiyang lalaking yun ang ipinagbubuntis mo.” akma na sanang tatalikod si Mama nang hawakan ko siya. “Ma please,” “Oh my God!” sigaw ng babaeng mas bata sa lola yata ng lalaking yun nang itulak ako ni Mama kaya napaupo ako sa mainit na semento. Hinawakan ako ng isang babae at hindi ko napigilang umiyak nang umalis na si Mama. Talagang iniwan niya na ako rito, hindi man lang ba niya inisip kung magiging maganda ba ang buhay ko sa mga taong hindi ko naman kilala? “Are you okay iha? Wala bang masakit sayo?” nag-aalalang tanong ng Ginang. Inalalayan niya akong tumayo at wala akong nagawa nang tuluyan nang mawala sa paningin ko si Mama. Hindi ko alam kung nasaan na ako. Paano niya nalaman kung saan nakatira si Desmond? Kilala ng halos lahat si Desmond dahil siya lang ang nag-iisang successor ng kompanya nila pero hindi ko kilala ang pagkatao niya. Nakilala ko lang siya noong mawala na sa akin ang epekto ng alak. “Pumasok ka na muna iha dahil mainit ang singaw ng semento.” Malumanay namang wika sa akin ng Ginang. Gusto kong umiyak, gusto kong habulin si Mama pero nanghihina ang tuhod ko. Anong gagawin ko rito? “Yaya, pakipasok naman ng mga gamit niya.” utos niya sa yaya nila. Kahit na gaano kaganda ang lugar nila hindi ko magawang iappreciate yun dahil na kay Mama ang laman ng isip ko. Muling lumandas ang mga luha ko, tuluyan niya na akong ipinagtabuyan, bigla niya na lang akong itinapon sa pamilya ng lalaking yun. Hindi ko naman kailangan ang tulong niya, hindi ko gustong ipilit ang responsibilidad sa lalaking nakabuntis sa akin. Pinaupo nila ako sa malambot nilang sofa at nakatingin ang dalawang Ginang sa akin. “Uminom ka muna iha, tahan na sa pag-iyak dahil kung buntis ka nga hindi yan makakabuti.” Malugod kong tinanggap ang ibinigay niyang tubig sa akin. Nakaupo silang dalawa sa harapan ko at hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin dito. Sa katayuan nila sa buhay siguradong mayayaman din ang gusto nila para sa anak nila kaya ano lang ba ako? Isa lang akong basahan sa mundo nila. Hindi ko nga alam kung maniniwala ba silang nabuntis ng anak nila ang isang katulad ko. Nahihiya akong iniyuko ang ulo ko dahil sa itsura ko. Nakapants at t-shirt lang ako. Narinig ko ang buntong hininga ng isang Ginang, ang Ginang na tumulong sa’kin para tumayo kanina. Sa tingin ko ay siya ang ina ng lalaking yun. “Kung talagang nabuntis ka ng anak kong si Desmond, dapat lang talagang panagutan ka niya.” “Po?” gulat kong sagot sa Ginang. Hindi yun ang inaasahan kong sasabihin nila dahil ang alam ko sa mga katulad nila, huhusgahan nila ang katulad ko, hindi hahayaang madapuan ng isang katulad ko ang anak nila pero ano itong naririnig ko mula sa kanila?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD