"Hi Lester, kumusta ka? ", ang wika ni Trisha habang lumalapit sa kanya.
Kumapit ito sa kanyang braso at sinandal ang ulo sa kanyang balikat kung kaya napahinto siya sa paglalakad.
"Ok lang naman ikaw?", ang wika ni Lester at ngumiti kay Trisha.
"Ok lang din", ang kinikilig na sabi ni Trisha.
"Oyyyy Trisha may gusto kay Lester", ang asar na sabi ng mga kaklase ni Trisha.
Ngumiti ngiti lang si Trisha habang mahigpit na nakakapit sa braso ni Lester. Naglakad na muli si Lester, malapit naman na din ang kaniyang silid aralan. Ngunit sumabay lang si Trisha sa kanya at hindi parin bumibitaw kay Lester. Ng makalapit na sila sa pintuan ay hinarap ni Lester si Trisha.
"Sige na balik kana doon papasok na din ako", ang wika ni Lester at tinapik ang balikat ni Trisha.
"Ang gwapo mo talaga lalo na pag malapit", ang wika ni Trisha at hinaplos ang mukha ni Lester.
Napangiti si Lester sa sinabi at ginawa ni Trisha ngunit ng lumingon siya sa may pintuan ng kanilang silid aralan at nakita niyang nakatayo doon si Cindy at pinagmamasdan sila. Agad na pumasok si Cindy kung kaya nagpaalam na siya kay Trisha at agad na pumasok sa loob.
Nakita niyang nakaupo na si Cindy at nagbabasa ng kanyang libro.Linapitan niya ito at umupo sa tabi niya.
"Sorry best natagalan ako", ang sabi ni Lester at pinapakiramdaman ang kaibigan.
"Okay lang",, ang matamlay na sabi ni Cindy.
"Inuuna kasi ang landi", ang bulong niya muli.
Magsasalita sana si Lester dahil hindi nito narinig ang sinabi ni Cindy ngunit pumasok na ang kanilang guro upang simulan ang kanilang leksyon kaya bumalik na siya sa kanyang upuan. Hindi umiimik si Cindy at nakatuon ang atensyon sa kanilang klase, samantalang hindi mapakali si Lester dahil gusto niyang magpaliwanag sa kaibigan.
Ng matapos ang kanilang klase ay agad na inayos ni Cindy ang kanyang mga gamit at dali dali na itong tumayo at saka naglakad palabas.
"Best sandali lang hintayin mo ako", ang sabi ni Lester.
Ngunit tila walang narinig si Cindy at derederetso na ito sa paglabas.
Agad na inayos ni Lester ang mga gamit at saka pinasok sa loob ng kanyang bag. Agad siyang lumabas ngunit pagdating niya doon ay wala na si Cindy Hindi na niya makita ang kaibigan kung kaya nagsimula na siyang maghanap. Sinundan niya ng tingin ang mga estudyante na nagsisilabas ngunit wala siyang Cindy na makita.
"Ang bilis naman nun", ang wika niya sa kanyang sarili at napakamot sa ulo.
Tumakbo si Cindy upang hindi siya maabutan ni Lester, doon siya tumungo sa rooftop upang makalanghap ng sariwang hangin. Napaupo siya sa gilid at tinakpan ang mukha gamit ang kanyang mga kamay. Naramdaman niyang tumutulo na ang kanyang luha. Hindi niya alam kung bakit ganun ang nararamdaman niya, kung bakit siya umiiyak.
Pero isa lang ang alam niyang dahilan nasaktan siya sa nakita niya kanina. Si Lester na may kausap na babae at tila ba naglalambingan. Nagtagal siya doon ng ilang minuto ng may marinig siyang yapak palapit sa kanya. Agad siyang tumayo upang iwasan kung sino man ang nagmamay-ari ng yapak, iniisip niyang baka si Lester iyon.
Paglingon niya ay laking gulat niya ng makitang si Bryan pala ang sumunod sa kanya. Seryuso ang mukha nito at tila nag-aalala. Lumapit siya kay Cindy at ibinigay ang hawak niyang panyo, kinuha naman ito ni Cindy at pinunasan ang pisngi nitong mga luha.
"Salamat", ang wika ni Cindy habang nagpupunas.
"Ano bang iniiyakan mo?", ang tanong ni Bryan.
"Ahm wala may kaunting problema lang sa bahay", ang pagdadahilan ni Cindy.
"O dahil nagseselos ka sa nakita mo kanina?", ang seryusong tanong ni Bryan.
Napatigil si Cindy at tumingin kay Bryan, hindi ito makasagot dahil totoo ang sinabi ng kaharap.
"Pano mo nga pala alam na andito ako?", ang wika ni Cindy upang mabago ang usapan nila.
"Nakita kitang tumatakbo nung palabas na tayo sa classroom kaya sinundan nalang kita", ang sagot ni Bryan.
"So you mean kanina kapa dito?" ang tanong ni Cindy.
"Yup", ang sagot ni Bryan.
Napayuko nalang si Cindy dahil sa hiya.
"Mabutibpa umuwi na tayo anong oras na baka hanapin ka sa inyo", ang sabi ni Bryan.
"Sige tara na", sagot ni Cindy, kukunin na sana niya ang gamit niya ng biglang kinuha ito ni Bryan.
"Ako na magdadala, ihahatid na kita sa sakayan", ang sabi ni Bryan.
Wala ng magawa si Cindy kundi sumunod nalang kay Bryan dahil nauna na ito at dala ang gamit niya. Hinatid nga siya ni Bryan sa sakayan ng tricycle pauwi sa kanila at hindi umalis si Bryan hanggat hindi umalis ang tricycle na sinasakyan niya. Napangiti siya sa ginawa ni Bryan, bigla itong bumait at hindi makikitaan na naging bully siya nung bata sila. Ibang-iba na ito ngayon kaya naging adonis ito sa room nila dahil sa gwapo naman talaga ito. Muling bumalik sa ala-ala niya ang nakita niya kanina kaya napasimangot na naman siya
Nagmamadaling umuwi si Lester baka nauna na ang kaibigan niya, dadalawin nalang niya ito upang makausap. Ayaw niyang nagtatampo sakanya ang kaibigan niya at lalong ayaw niya na iniiwasan siya nito. Kung kaya pagkalapag niya sa kanyang mga gamit ay agad na siyang nagpalit at pumunta na sa bahay nila Cindy. Kumatok ito ng ilang ulit at ng bumukas ang pinto ay ang ina ni Cindy ang bumungad.
"Oh iho pasok ka", ang wika ng ina ni Cindy kay Lester.
Pumasok naman si Lester at sumisilip sa may kwarto ni Cindy at nagbabakasakaling dudungaw ang dalaga. Naupo siya sa sala at saka muling bumaling sa ina ng kaibigan.
" Nakauwi kana pala nasaan si Cindy hindi ba kayo magkasama?", ang usisa ng ginang.
"Po? wala pa si Cindy?", ang nagtatakang tanong ni Lester.
"Hindi pa wala pa siya dito", ang nag-aalalang sabi ng ina ni Cindy.
"Eh nauna na po siyang umalis kanina sa classroom eh hindi ko na po siya nahabol", ang wika ni Lester na nag-aalala na din. Tatawagan sana ni Mrs. Carmen ang anak upang tanungin kung nasaan na ito, ng biglang may pumaradang tricycle sa harap ng bahay nila.
Parehong pumunta sina Mrs. Carmen at Lester sa pintuan upang tignan ang dumating at si Cindy iyon. Halatang wala sa ayos ang mukha ng dalaga dahil nakasimangot ito. Agad siyang pinagbuksan ng kanyang ina ng gate at sinalubong.
"Anak bakit ngayon ka lang, bakit hindi ka nakasakay sa kotse? Asan si Mang Dong?", ang usisa ni Mrs. Carmen sa anak.
"Hindi na po ako sumakay mommy nag tricycle nalang ako para naman ma experience ko ang sumakay ng tricycle. Tinawagan ko naman na po si Mang Dong upang umuwi na", ang pagdadahilan ni Cindy sa ina.
"Kung ganun nalang pala dapat nakisabay ka na kay Lester baka mamaya kung ano na mangyari sayo", ang wika ni Mrs. Carmen.
"I don't need him mommy kaya ko na sarili ko", ang wika ni Cindy sabay pasok sa loob ng bahay.
Laking gulat niya ng makita si Lester na nakatayo malapit sa may pintuan ng kanilang bahay. Hindi niya napansin ang presensya ng binata dahil sa lalim ng kanyang iniisip. At dahil na din sa sama ng loob niya sa lalaki at alam niyang narinig nito ang kanyang sinabi. Sumunod ang kanyang ina at pinagmamasdan silang dalawa, napapangiti ito dahil napapansin niyang may tampuhan ang dalawa.