RUAN'S POV
Nandito ako ngayon sa labas ng YGA at hinihintay ang aking beloved brother na si Russel. May usapan kasi kami na magkikita ngayon dahil may ipapautos na naman siya sa akin. Okay lang naman iyon basta ba ay babayaran niya lang ako ng malaki.
May ilang mga estudyanteng babae ang napapatingin sa akin kaya kinikindatan ko sila na kinakikiligan nila. Iba na talaga 'pag gwapo!
Ilang minuto lang akong naghintay sa labas ng gate hanggang sa makita ko na si Russel na naglalakad papalapit sa akin at may kasama itong isang maganda at sexy na chicks na sa pagkakatanda ko ay Alanis ang pangalan. Ito na yata ang girlfriend niya na tinutukoy niya.
Shet! Napakagat-labi ako at tinitigan ang kanyang mapuputing legs hanggang sa mapadako ang tingin ko sa dibdib niya. Hindi naman gaano kalaki ito 'di katulad sa mga naging ex ko pero pwede na. Maganda siya at mukhang inosente.
Sa lahat yata ng babaeng nakita ko ay siya ang pinakamaganda sa lahat. Naka jackpot ang kapatid ko, ah?
Nakita ko naman ang matatalim na titig sa akin ni Russel habang ang girlfriend naman niya ay nakayuko at parang nahihiya sa akin. Ngumiti na lang ako nang makalapit na sila.
"Hello my brother! Siya ba si Alanis?" Tanong ko at tinignan ulit si Alanis na nakayuko pa rin.
"Oo, siya nga at pwede ba, Ruan? Tigilan mo na nga 'yang kakatitig mo sa girlfriend ko!" May bahid pa ng iritasyon na sabi ni Russel kaya napatawa na lang ako.
"Sorry naman. Maganda kasi siya e. Ahm.. Hi, Alanis! ako nga pala si Ruan, ang nag-iisang kapatid ni Russel."
Lumingon na sa akin sa wakas si Alanis at tumango lang ito. Ang hinhin naman niya.
"Ikaw Ruan, ihatid mo na muna si Alanis sa bahay nila at maiiwan muna ako dito sa YGA. Kapag may ginawa kang kalokohan sa kanya ay malalagot ka sa akin." Banta niya.
Mukha namang nagulat si Alanis dahil binilin siya ni Russel sa akin.
"Huh? Russel, kaya ko-"
"Hindi. Ihahatid ka ng kapatid ko pauwi. May importante lang kaming pag-uusapan ni Ruan mamaya dito sa YGA." Napabuntong-hininga na lang si Alanis at tumango ito.
Aba? Sunod-sunuran pala siya kay Russel at itong si Russel naman ay kung todong makabakod na sa girlfriend niya. Kung sa bagay, maganda at sexy si Alanis at tiyak na maraming lalake ang nagkakagusto dito.
Magpasalamat na lang si Russel at kapatid ko siya at binabayaran niya ako kundi baka inagaw ko na rin sa kanya 'tong girlfriend niya.
Wala pang babaeng tumatanggi sa isang Ruan Madrid.
"Huwag kang mag-alala my dear brother, iingatan ko 'tong chicks mo. Ihahatid ko siya sa kanila ng buo." Natatawa kong sabi na parang ikinatakot pa ni Alanis.
"Siguraduhin mo lang."
Biglang namang hinapit ni Russel sa baywang si Alanis at hinalikan ito. Natawa pa ako nang hindi siya hinahalikan pabalik ni Alanis pero nang hinawakan ni Russel ng mahigpit ang braso ng girlfriend niya ay hinalikan na rin niya ang kapatid ko pabalik.
Mukhang may hindi tama.
Nang matapos na sila ay biglang may hinagis si Russel sa akin. Nasalo ko naman ito at natuwa ako dahil credit card niya iyon.
"I love you, baby. See you tomorrow." Sabi pa ni Russel at hinalikan ng mabilis si Alanis. Tumango lang si Alanis doon.
Tinignan ulit ako ng masama ni Russel at bumulong siya sa akin. "Tandaan mo 'yung sinabi ko. You know what I can do, Ruan."
Ngumisi lang ako. "Tumutupad naman ako sa usapan natin basta money money lang 'yan." Natawa lang siya ng peke at umalis na papasok sa YGA.
Bumaling naman ako kay Alanis. "May motor akong dala. Doon tayo sasakay."
"Ah, sige." mahinhin niyang sabi.
Nagtungo na kami ni Alanis sa parking lot ng YGA at pinuntahan ang nakapark kong motor. Binigyan ko siya ng helmet saka ko naman isinuot ang sa akin. Sumakay na ako sa motor ko at ngayon ay pinapasakay ko na rin siya.
Mukha siyang tensyonado at hindi makahawak sa akin kaya ako na mismo ang naglagay ng mga kamay niya sa baywang ko.
"Kumapit ka at baka mahulog tayo nito." Natatawa kong sabi. Hindi naman siya nagsalita.
Sinimulan ko nang paandarin ang motor ko. Tahimik lang si Alanis sa likod ko.
Napailing ako. Nakakabaliw pala ang babaeng 'to. Kaya hindi na ako magtataka kung bakit baliw na baliw sa kanya si Russel.
"Saan ba ang bahay niyo?" Tanong ko at nilakasan ang boses ko para marinig niya ako.
"S-Sa Artemis Subdivision."
Artemis Subdivision? Hmm. Pang mayamang village. Jackpot na talaga si Russel sa kanya.
Nakarating na kami sa Subdivision nila at itinuro naman niya sa akin ang direksyon ng bahay nila. Bumaba na kami sa motor ko at tinanggal ang helmet ko.
Medyo nahihirapan siyang magtanggal ng helmet niya kaya lumapit ako sa kanya at tinulungan siya.
"Salamat." Sabi niya nang matanggal ko na ang helmet niya.
Napatitig ako sa kanyang mukha pababa sa kanyang labi, leeg at hanggang sa dibdib niya. Tangina! Nakakaakit ang kainosentihan niya. Napaiwas na lang ako ng tingin.
"S-Sige, pumasok ka na sa inyo." Nautal kong sabi.
Ngumiti naman siya. "Kamukhang-kamukha mo si Russel. No wonder na magkapatid talaga kayo." Sabi pa nito at pumasok na siya sa loob ng bahay nila.
Napangiti naman ako at napakagat-labi.
Dumiretso na kaagad ako ng YGA at nadatnan ko si Russel na nasa tapat na ng gate ng YGA.
"May ginawa ka bang masama kay Alanis?" Sabi niya nang makalapit na ako sa kanya. Napahalakhak naman ako saka umiling.
"Oy! Wala akong ginawa sa girlfriend mo, ah? Dear brother kita kaya hindi kita tataluhin." Umirap lang siya sa sinabi ko at pinagkrus ang kanyang mga kamay.
"May nahanap ka na bang lugar kung saan hindi na kami matatagpuan pa ng mga kamag-anak ni Alanis? o ng kahit sino?" Tumango ako at kumindat.
"Ako pa. Salamat pala sa credit card mo, mahal kong kapatid. The best ka talaga!" Winagayway ko pa ang credit niya at hinalikan ito.
"Mukha ka talagang pera." Sabi niya pero hindi ko na lang iyon pinansin.
Pera at babae lang naman ang kailangan ko. Tutal, ganon rin naman ang tatay namin ni Russel.