Chapter 1

1268 Words
Chapter 1: ISABELLA Hindi ko alam kung gaano na ako katagal na nakatitig sa salamin ng bintana kung saan kita ko ang repleksyon ko. Ang sabi nila ay ako si Isabella Marquez, twenty three years old. Limang taon nang nanirahan sa Italya, naroon din daw ako nang pumanaw ang mga magulang ko. Ang sabi nila ay pumanaw ang magulang ko dahil sa isang car crash. Magmula noon ay bumalik daw ako sa Pilipinas upang balikan ang mga naiwanang ari-arian ng magulang ko. Apat na linggo pa lang daw ako sa Pilipinas, at ang naging gabay ko at katuwang ay ang Tita Alison ko na siyang kasama ko pagkagising ko kahapon. Pumikit ako at muling inulit sa isipan ko lahat ng impormasyong sinabi sa akin ni Tita Alison. Ngunit kahit anong pikit ko ay ayaw rumehistro ng kahit anong imahe sa utak ko. Tanging boses lang ni Tita Alison ang nasa isip ko. Nang imulat ko ang mga mata ko ay muling nagkalat ang pait sa dibdib ko. Kahit ang sarili kong anyo ay hindi ko maalala. Hindi ko makilala. Kahapon ay basta na lang akong nagising na nasa isang silid na ako na puro puti lang ang nakikita. Mula sa pader, kurtina, ceiling. Kasama ko ang isang babaeng mukhang may edad na pero maganda pa, at ang nagpakilalang doctor na siyang gumamot sa akin. Nang imulat ko ang mga mata ko ay may kung ano na sa sistema ko. Wala akong alam sa kahit anong nasa paligid ko. Ni hindi ko nga alam noong una kung paano magsasalita. Tinulungan lang ako ng doctor upang mailabas ang boses ko. Unti-unti ay kahit papaano'y nakagalaw na ako at medyo alam ko na kung nasaan ako. Pero wala akong maalala na kahit ano. Maski ang pangalan ko. Gulong-gulo ako. May kung ano sa dulo ng utak ko na gusto kong hilahin pero hindi ko maabot. Nahihirapan akong intindihan ang sarili ko. Hindi ko alam kung paano. Napahikbi ako nang makita ko ang patak ng luha ko sa repleksyon ko sa salamin ng bintana. Sa lahat ng meron ako, ang luha ko na lang yata ang kilala ko. Alam kong naririto ito dahil nasasaktan ako. Nalulungkot, pero hindi ko alam kung bakit. Mabilis kong pinunasan ang luha ko nang marinig ko ang pagpihit ng doorknob at ang pagbukas ng pinto. Ang sabi nila ay naka-coma raw ako ng dalawang linggo, at doon ay naisailalim na ako sa surgery. Mahina pa ang katawan ko kaya kailangan ko pa ng wheelchair para makaalis sa puwesto. Pero ulo ko na lang ang may makapal na benda, at konting tapal lang sa iilang sugat na natamo ko. Ang sabi nila ay kagaya ng magulang ko, car crash din ang nagdala sa akin sa ganitong situwasyon. Suwerte ko na lang daw na amnesia lang ang natamo ko't hindi ako binawian ng buhay. Pero suwerte nga ba? Ano bang silbi ng pagkaligtas ko kung namatay naman ang alaala ko? "Hi, Hija! Tamang-tama't gising ka, dahil dinalhan kita ng pagkain." Binalingan ko si Tita Alison na ngayon ay nasa may mesa, isa-isang nilalabas mula sa paper bag ang ilang mga hugis parisukat, na tingin ko ay naglalaman ng pagkaing sinasabi niya. Kahit malayo ako ay kitang-kita ko ang logo niyon na kung hindi ako nagkakamali ay logo ng pinagbilhan niya. Ewan ko pero parang pamilyar sa akin ang disenyo niyon, pero hindi ko maalala kung saan ko iyon nakita. "Paborito mo ang mga 'to. Siguradong matutuwa ka." Napaiwas ako ng tingin dahil sa sinabi niya. Paborito ko? Hindi ko pa iyon natitikman ay nasa panlasa ko na ang pait. Ni pangalan nga't anyo ko ay hindi ko maalala, paborito pang pagkain? Ramdam kong natigilan siya sa ginagawa niya. Isang buntong-hininga ang pinakawalan niya bago ko naramdaman ang yabag niya palapit sa akin, kaya naman napatingin uli ako sa kaniya. Naupo siya sa kama ko na nasa gilid lang ng wheelchair ko. Gusto ko kasing matanaw ang labas ng hospital, kaya naman nagpatulong ako kanina sa nurse na makaupo sa wheelchair at makalapit sa malapad na bintana. Kinuha niya ang isa kong kamay at ipinatong iyon sa tuhod niya. "Hindi ba't sinabi ko na sa 'yo, na mahirap man ang kalagayan mo ngayon, magpasalamat na lang tayo na buhay ka. May second chance ka pa para mabuhay, 'di ba?" Nagpilit ako ng ngiti. Gusto kong sumang-ayon, pero gusto ko rin umalma. Gusto kong maging grateful para sa second chance na ipinagkaloob sa akin, pero ang hirap din kasing pigilin na magdamdam. Paano ba ako mabubuhay nang hindi ko kilala ang sarili ko? Hindi ko alam kung sino ako. Ang hirap. Pero imbes na sabihin pa ang nararamdaman ko ay tumango lang ako. Pilit na pinapaniwala ang sarili at si Tita Alison na ayos na ako. Hinaplos niya ang pisngi at may baba ko. "Tama 'yan, dapat tanggapin mo na ang kalagayan mo, lalo na kapag nakilala mo na si Adonis." Nangunot-noo ako. Hindi ako sigurado kung nalagpasan lang ng pandinig ko ang pangalan na iyon, pero bakit hindi sa akin pamilyar ang pangalang binanggit niya? "Adonis? Sino pong Adonis?" Kinuha niya ang dalawa kong kamay at magaang pinisil iyon. "Hija, may hindi pa kasi ako nasasabi sa 'yo." Nanahimik lang ako at hinintay siyang tapusin ang sinasabi. "Bago ang aksidente, ikinasal ka kay Adonis." "Po? Kasal?" "May asawa ka, Bella. Wala siya rito ngayon dahil alam niya ang kondisyon mo, kaya mas minabuti namin na ako muna ang magpakilala sa 'yo hanggang maging komportable ka." Umiling-iling ako at hinagod ang buhok ko. Halos sabunutan ko ang buhok kong naiipit sa benda. Sinusubukan kong piliting alalahanin ang mga alaalang sinabi niya, pero kahit anong piga ko sa utak ko, wala akong maalala. May asawa ako? Paano? Paanong ngayong wala akong maalala? Kung sarili ko nga ay hindi ko maalala, ang alaala pa kayang may minamahal ako?! "Bella, Bella, please," may halong pag-aalala at pagpapakalma na tawag sa akin ni Tita Alison, habang pinipigilan ang mga kamay ko. "Tita, I can't do it. Hindi ako puwedeng magkaroon ng asawa sa ganitong situwasyon! Paano ko aalalahanin kung bakit ko siya pinakasalan? Kung bakit ko siya minahal? Sobrang unfair nito!" Tumango-tango siya. "Alam naming 'yan ang magiging reaksyon mo, kaya nga hindi muna siya sumama rito. Pero Hija, mas magiging unfair kay Adonis kung hindi mo siya pipiliting tanggapin." Bumuntong-hininga ako. Alam ko naman iyon, pero paano? Hindi ko alam kung paano. Sa katunayan hindi ko pa alam kung paano magsisimulang muli ngayong wala akong alam sa nakaraan ko, kung anong buhay ko dati at kung anong kaya kong gawin. Hindi ko na yata kakayanin kung pati ang asawa ko ay nalimutan ko pa. "Tita, hihiwalayan ko na lang po siya." Nakita ko ang panic sa mukha ni Tita Alison at magkakasunod ang kaniyang pag-iling. "No! Don't, please. Kung alam mo lang kung gaano ka-depressed si Adonis dahil sa aksidente, at nang sabihin ko sa kaniya kahapon na wala kang maalala, hindi mo kakayaning iwan siya sa ere." Napaiwas ako ng tingin. Mabilis na gumapang ang konsensya sa sistema ko. Pakiramdam ko ay kasalanan ko ito, na malaki na kaagad ang pagkukulang ko. Hinawakan niya ako sa may baba para muling ibalik ang tingin ko sa kaniya. "Hiwalayan mo siya kung hindi mo na kaya, pero please, bigyan mo muna siya ng chance na kilalanin siya. Isa pa, kakailanganin mo rin ang presenya niya para bumalik ang mga alaala mo." Walang nagagawa na tumungo na lang ako. Kahit puno ako ng pagdududa ay hindi na ako tumanggi pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD