Chapter Two

2000 Words
KATATAPOS lang mag-mop ni Aniya sa loob at labas ng canteen ay tinawag na naman siya ng OIC nila na si Glenda. Kuwarenta anyos na ito. Siya na lang palagi ang nakikita nito sa tuwing may biglaang iuutos. “Punta ka sa opisina ng presidente dali! Magdala ka ng mop!” natatarantang utos nito. “Sige po!” Tumalima naman siya. Hindi pa niya na-meet nang personal ang presidente ng ospital kaya kinakabahan siya. Tatlong buwan pa lamang siya roon sa ospital. Nakaisang katok lang siya sa pinto nang may bumukas. Naudlot ang pagbati niya nang mapansin ang lalaking nagbukas ng pinto para sa kanya. Ito ‘yong pogi na binunggo niya sa school, na tila hindi tinuruan ng magulang kung paano ngumiti. “H-hi po!” naiilang na bati niya rito. Wala itong imik. Iniwasan kaagad siya nito ng tingin. Pumasok naman siya. “Good afternoon po, madam!” bati niya sa presidente. “Sa ‘yo rin, hija,” ganti nito habang abala sa binabasang malaking aklat na bughaw. Sinimulan naman niya ang pagma-mop ng sahig na tinapunan ng dilaw na likido. Amoy pinya ito. Habang abala ay panay ang sipat niya sa guwapong binata na nakaupo sa couch sa may gawing kaliwa ng silid. May binabasa itong makapal na papeles habang nakadikwatro. Kahit saang naggulo niya ito tingnan, nakatutulala ang kaguwapuhan nito. Sakto lang ang kaputian nito, pinoy talaga. Matangkad ito, siguro malapit na sa six feet ang taas. Katamtaman ang laki ng katawan nito na may muscles na pang-hunk celebrity. Fitted ang suot nitong puting polo shirt kaya bakat ang pamumukol ang dibdib nito, mga braso at puson. Clean cut ang buhok nito na abuhin kaya maaliwalas tingnan ang mukha. Ang tangos ng ilong nito na makitid, katamtaman ang kapal ng kilay na bumagay sa almond shapes nitong mga mata. Ang bibig nitong malimit magsalita, mapupula, maninipis na naghuhugis puso-na parang kay sarap humalik. Parang lang naman, malay ba niya kung hindi rin ito marunong humalik. Kumurap-kurap siya nang mapansing sinulyapan siya ng lalake. Awtomatikong kumabog ang dibdib niya. The way he stare, parang hinihigop siya ng mga mata nito. Ang lalim kung tumitig, nakalulunod ng damdamin. Ang hirap hulaan kung ano ang iniisip nito. Ang sungit nitong tingnan pero gusto niya ang appeal nito, parang bidang lalake sa mga nababasa niyang nobela na introvert. Naku! Wala na pala siyang nilalampaso sa sahig, natuyo na. “Okay na po, madam,” sabi niya sa ginang. “Sige, maari ka nang umalis. Salamat,” seryosong turan nito, abala pa rin sa ginagawa. Bago siya tuluyang umalis ay sinulyapan niya ang lalake. Saka niya naisip, bakit ito naroon sa opisina ng presidente at parang feel at home? Binuksan na niya ang pinto habang bitbit ang gamit panlinis. Isang sulyap ulit. Saktong sinipat din siya ng binata. Hindi niya napigil ang kanyang ngiti. Pagkuwan ay lumabas na siya. Naka-fix na ang ngiti sa kanyang mga labi. Natural na masayahin siya, palangiti pero iba ang epekto sa kanya ng lalaking iyon. Pati puso niya ay napapangiti ng presensiya nito. Bumalik ang dalaga sa trabaho niya sa hallway. Nag-mop siya ng sahig doon. Ilang oras na lang ay mag-a-out na siya. Pero hindi pa roon natatapos ang pagkakayod niya. Lilipat naman siya sa isa pang kumpanya na pinagsisilbihan niya. NATATARANTA si Aniya nang tumawag ang kapitbahay nila’ng si Mang Anding at sinabing dadalhin daw ng mga ito sa ospital ang nanay niya. Naroon siya sa Golden Goose Hotel sa Quezon City at nagtatrabaho bilang housekeeper. Night shift ang duty niya roon at anim na oras lang dahil working student siya. Special job offer iyon ng may-ari para sa mga estudyante. Pagkatapos sa ospital ay diretso siya roon bilang isa sa kanyang part-time jobs. Nagpaalam siya sa kanilang OIC. Ayaw pa siya nitong payagan dahil may malaking events na nagaganap sa hotel. Nakipagtalo na siya rito sa front office. “Bakit ngayon pa, Aniya? Alam mo naman na busy tayo, eh. Marami tayong lilinisin mamaya,” inis na palatak ni Erma. “Kailangan po kasing isugod sa ospital ang nanay ko. Kailangan ko siyang puntahan!” umiiyak nang sabi niya. “Baka may kaagak ka lang na magdadala sa kanya. Saka mo na siya puntahan pagkatapos ng duty mo,” pilit nito. “Hindi puwede,” giit din niya. “What’s happening here?” baritonong boses ng lalake na namagitan sa kanila. Nabaling ang tingin ni Aniya sa matangkad na lalake’ng nakasuot ng abuhing tuxedo. Saka niya natanto na ito si Mr. Nash Dela Rama, ang may-ari ng hotel na iyon. Isang sikat na athlete at model si Nash na lihim niyang hinahangaan. Once in a blue moon lang ito naglalagi roon sa hotel sabi ng ibang katrabaho niya. Naroon ito dahil sponsor nito ang venue ng events na pinapangunahan ng ilang sikat na artista. May kinalaman daw ang events sa nalalapit na movie festival. Mas guwapo pala ni Nash sa personal. Nang maalala ang problema ay isinantabi niya ang paghanga kay Nash. Nagmakaawa siya rito na payagan siyang makaalis. Kinapalan na niya ang kanyang mukha. “Sir, please, kailangan kong puntahan ang nanay ko sa ospital,” samo niya rito, halos lumuhod na sa harapan nito. Galit na sinipat ni Nash si Erma. “May emergency pala, bakit hindi n’yo siya pinayagang umalis, Ate Erma?” kastigo nito sa ginang. “Eh kasi sir-” “I don’t care what your reasons are! I didn’t treat my employees like this while you?” “Sorry po.” “Sige na, ako na ang bahala rito,” anito sa ginang, sa mahinahong tinig. Nakonsensya rin si Aniya nang makitang galit na galit si Nash kay Erma. Umalis ang ginang na pupungas-pungas. Binalingan naman siya ni Nash, kalmado na ito. “You can leave now,” anito pagkuwan. “Salamat po, sir!” bulalas niya. Aalis na sana siya. “Wait!” pigil nito. Nilingon niya itong muli at hinintay ang sasabihin. “What is your name?” seryosong tanong nito. “Uh… Aniya Antolo po,” naiilang niyang tugon. Matipid na ngumiti ang lalake. “Okay, you may go,” sabi nito. “Sige po.” Patakbo na siyang lumabas ng hotel bitbit ang kanyang shoulder bag.  NAISUGOD sa pampublikong ospital ang nanay ni Aniya sa Taguig. Mabuti malapit lang iyon sa inuupahan nilang bahay. Ayon kay Mang Anding, bumubili raw ito sa tindahan nila nang biglang hinimatay ang nanay niya. Halos gumuho ang mundo ni Aniya nang sabihin ng doktor na mayroong coronary heart disease ang kanyang ina. Tila may libu-libong punyal na tumulos sa kanyang dibdib-labis itong nagpupuyos sa kirot. Napahagulgol siya sa harap ng doktor. Hinagod ni Mang Anding ang kanyang likod. Napayakap siya nang mahigpit dito. Kahit hindi niya totoong ina si Lolita, minahal niya ito bilang totoong magulang. Itinuring din siya nito’ng totoong anak matapos siyang ampunin sa isang Orphanage sa Pangasinan. Sanggol pa lang siya noong kunin siya ng madre matapos mamatay ang tunay niyang ina dahil sa aksidente. Nasagasaan ng bus ang kanyang ina, dalawang buwan matapos siyang ipanganak. Ulilang lubos ang kanyang ina at dayo sa Pangasinan kaya wala masyadong nakakilala. May isang kaibigan lang itong babae na tumulong pero hindi inako ang pagpapalaki sa kanya kaya iniwan siya sa orphanage. Ayon sa kaibigan ng kanyang totoong ina, nabuntis ng dayuhang sundalo ang nanay niya at hindi pinanagutan. Wala nang balita ang mga ito sa kanyang ama na isang Spanish-American. Gayunpaman, masaya siya na inampon siya ni Lolita kahit pitong taong gulang na siya noon. Mabait ito at kaagad niyang nakasundo. Lumipat sila roon sa Maynila dahil doon ang nagtatrabaho si Lolita noon. Ngunit dahil hindi na nito kayang magtrabaho nang mabigat, sa bahay na lang ito at nagbukas ng sari-sari store. May bahay ito sa Pangasinan na iniwan ng nawawala nitong asawa pero ayaw nitong tumira roon. Naaalala lang daw nito ang masaklap na sinapit nito roon. Hindi nito naikuwento ang buong pangyayari. Sinabi lang ni Lolita na iniwan ito ng asawa at dinala ang anak nitong lalaki na kasisilang. Hanggang sa panahong iyon ay hinahanap pa rin nito ang nawawalang anak. “Bakit kailangang mangyari ito kay Nanay?” humihikbing wika niya habang nakasubsob ang mukha sa dibdib ni Mang Anding. “Hindi natin hawak ang kapalaran natin, ineng. Huwag kang paghinaan ng loob. Pagsubok lamang ang mga ito,” nakikisimpatiyang wika ni Mang Anding. Kumalas siya rito. “Salamat po sa malasakit. Kung wala kayo, baka hindi nakaabot sa ospital si Nanay,” gumaralgal ang tinig na sabi niya. “Walang anuman. Malapit na kaibigan ko si Lolita. Napakabuti niyang tao.” “Pero malaki pa ho ang utang namin sa inyo.” “Hayaan mo na muna iyon. Ang mahalaga ay makaraos kayong mag-ina. Ako na muna ang magbabayad sa upa ninyo kay Ate Karidad.” Namilog ang mugto niyang mga mata. “Labis na po iyon. May sasahurin pa naman ako ngayong buwan para pambayad ng upa.” Nakatatandang kapatid ni Mang Anding ang may-ari ng bahay na inuupahan nila. May kasungitan iyon kaya ayaw niya na nahuhuli ang bayad ng upa. Makaririnig na naman siya ng masasakit na salita. Tinapik ng ginoo ang kanang balikat niya. Matipid itong ngumiti. “Ako na ang bahala. Kakausapin ko rin si Koreng na salitan kaming magbantay rito kay Lolita habang nag-aaral at nagtatrabaho ka,” sabi nito. Nabuhayan siya ng pag-asa. “Marami pong salamat!” Napayakap siyang muli sa ginoo. Tunay na mabuti ang Diyos. Sa panahon ng kagipitan, may mga tao itong ginagamit upang magmalasakit sa kapwa. Malalaki na ang mga anak ni mang Anding. Pulis na ang panganay nitong lalake. Ang dalawang babae ay nurse sa Canada. Ang bunsong lalake na si Jonie ay nag-aaral ng marine engineering, na masugid niyang manliligaw. Umuwi muna si Mang Anding kaya siya ang nagbantay sa walang malay niyang ina. Pasado alas-tres na ng madaling araw. Hindi siya makatulog dahil sa labis na pag-aalala. Ayaw niyang isipin na malala na ang karamdaman ng kanyang ina. Hindi pa siya handang mawala ito. Marami pa siyang pangarap para sa kanilang mag-ina. Ipapasyal pa niya ito sa Germany, isa sa bansang gusto nitong mapuntahan. Iniisip kasi nito na baka doon tumira ang asawa nito at anak. Wala kasing balita na naroon sa Pilipinas ang asawa nito. “‘Nay, baka hindi na ako magiging doktor. Pagka-graduate ko, magtatrabaho na ako kaagad sa ospital para makapag-ipon ako ng pamasahe natin papuntang Germany. Iapapasyal kita sa magagandang lugar. Kakain tayo ng masasarap na hindi pa natin natitikman. Hindi ba, gusto mong makita ang nawala mong anak? Hahanapin natin siya at magkakasama kayong muli,” puno ng antisipasyong sabi niya sa kabila ng paninikip ng kanyang dibdib. Walang puknat sa pagpatak ang kanyang luha habang nakaluklok sa silya sa may gilid ng kamang kinahihigaan ng kanyang ina. Hawak niya ang kanang kamay nito. Hindi niya maitatago ang katotohanan na mahirap maka-recover ang taong may coronary heart disease-lalo sa katulad ng kanyang ina na singkuwenta anyos na at may iba pang nararamdaman sa katawan. Na-diagnose rin ito na may diabetes. Gayunpaman ay malakas ang kanyang pananalig na magkakasama pa sila nito nang matagal. Second-year college na siya sa kursong Bachelor of Science in Medical Technology. Balak sana niya na magtuloy sa medicine pagka-graduate niya. Ngunit mukhang malabo na iyong mangyari gayong self-supporting siya sa pag-aaral at dinapuan pa ng malubhang karamdaman ang kanyang ina. Dalawang oras lang ang naitulog ni Aniya. Dumating naman si Aleng Koring na asawa ni Mang Anding at pinalitan siya sa pagbabantay. Umuwi lamang siya at nagbihis ng uniporme. Tiyak na gabi na siya makababalik sa ospital dahil kailangan niyang magtrabaho pagkatapos ng klase. Mabuti apat lang ang subject niya sa araw na iyon. Alas-tres ng hapon ay pumasok na siya sa ospital. Ang problema, pagsapit ng alas-sais ay ginupo na siya ng antok. Pagkatapos mag-mop ng sahig sa pasilyo ng emergency room ay hindi siya nakapagpigil. Humiga siya sa bench sa gilid ng pasilyo patungong laboratory. Wala na siyang pakialam sa makakita sa kaniya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD