Part 1
“ATE DINDIN!”
Pansamantalang binitiwan ni Geraldine ang mga resibong inayos niya nang mabosesan ang kapatid. “Oh, bakit, Nancy? Napatawag ka? Collect ba ito?”
Tumawa ang kapatid niya. “Ang dami mong pera pero kuripot ka pa rin,” kantiyaw nito. “Hindi, ‘no! Charged sa akin ito. Gusto ko lang malaman kung tinext ka na ni Mark.”
Tumaas ang kilay niya. “Sino na naman iyon? Puwede ba, tigilan ninyo na ako. Kaya kong maghanap ng lalaki sa sarili kong paraan,” may pagtataray na wika niya. Bagaman nami-miss niya ang kanyang sariling pamilya, kapag ganoon naman ang paksa ng usapan ay naiisip niya minsan na sana ay hindi na lang siya tinatawagan. Pagod na siya sa wala na yatang katapusang pagrereto ng mga ito ng kung sinu-sinong lalaki para sa kanya.
She was only twenty-eight. Wala siyang love life but then who’s complaining? Masaya siya sa ginagawa niya. She had three small businesses and they were all lucrative. Hindi niya problema ang kawalan ng love life kung sa ngayon lang.
“Ate, guwapo si Mark. Matangkad saka hunk! Parang si Carlos Agassi, patandain mo lang nang kaunti ang mukha. Saka businessman din, tiyak magkakasundo kayo. Ang dami ngang—”
“Stop it!” iritadong saway niya. “Tumigil na kayong lahat, ha?” at tumikwas lang ang sulok ng labi niya nang mapansing halos tinagalog lang niya ang naunang sinabi. “May boyfriend na ako, okay?”
Abot na abot ng pandinig niya ang naging reaksyon ni Nancy. “May… may boyfriend ka na? Kailan? Bakit hindi mo sinasabi sa amin? Taga-saan? Guwapo ba? Anong pangalan?”
Napabuntong-hininga si Dindin. Trust her family to be so inquisitive about her life. “Hindi ko sinasabi sa inyo kasi alam kong mangungulit kayo. Matagal na kami. Six months.”
“Six months! Six months ka nang may secret sa amin? Kaya nga ba kasumpa-sumpa itong hika kong ito, eh. Kung nagkataon na hindi grabe ang hika ko, luluwas ako linggo-linggo. And I’m sure, imposibleng hindi makaligtas sa akin ang secret mo na iyan. Ano ang pangalan?” kulit nito.
Nalukot pati ang ilong niya bilang reaksyon. Nahagip ng tingin niya ang resibong nasa mesa niya. Matthew Beltran ang nakasulat na customer’s name doon. Without any thinking ay nagsalita siya. “Matthew Beltran.”
“Matthew Beltran! Geraldine Beltran! Bagay na bagay, Ate!” tila sinusundot sa tagiliran na wika nito. “Kailan kayo magpapakasal? Hindi na uso ang long engagement ngayon. Don’t tell me hindi pa siya nagpo-propose?”
“Puwede ba, Nancy? Daig mo pa ang armalite sa katatalak mo at baka atakehin ka pa ng hika diyan. Nag-propose na siya sa akin at tinanggap ko naman so stop asking, okay? Ibaba mo na itong telepono at mahal na ang babayaran mo. Isa pa, I’m busy. Mamaya ka na lang tumawag sa akin kapag off-peak na.”
“Pero, Ate, may isa pa akong sasabihin sa iyo,” anito.
“Ano na naman?” kapos sa interes na sabi niya.
“G-Gusto ko nang mag-asawa, eh.”
Siya naman ang nagulat. “Nancy, nababaliw ka na ba? Beinte-uno ka lang!
“Legal marrying age na iyon,” wika nito. “Saka thirty-one na si Bremond. Kung maghihintay pa kami nang matagal, magmumukha na siyang lolo ng magiging anak namin. Saka gusto ko na ring mag-asawa, Ate. Financially secured naman siya at regular na rin ako sa rural bank dito. Pumayag na rin sina Mamang at Papang. Ang inaalala lang namin ay ikaw. Mahahakbangan kita, Ate. Baka lalo kang hindi makapag-asawa.”
Ilang sandali bago niya nagawang sumagot. “Di, mag-asawa ka,” walang tonong sabi niya. “Sagot ko ang cake mo.”
“Okay lang sa iyo, Ate? Paano iyong pamahiin? Baka tumandang-dalaga ka, siyempre magi-guilty ako.”
“Nancy, alam ko namang kapag may gusto kang gawin ay walang makakapigil sa iyo, eh. Kaysa naman magkipagtanan ka pa, sabihin mo na kina Papang na okay lang sa akin na mauna kang mag-asawa. Oo nga pala, alam mo na rin naman na hindi ko maiiwan ang negosyo ko. Hindi ako makakauwi sa pamahikan pero siyempre, darating ako sa kasal mo.” At bago pa nakapiyok ang kapatid niya ay mabilis na niyang idinugtong: “Huwag mo akong kukuning abay. Iyong mga pinsan na lang natin diyan na ka-generation mo ang kunin mo.”
“Ate, isama mo ang fiancé mo sa kasal ko, ha? Sasabihin ko na agad kina Mamang na may boyfriend ka na diyan. Tsk, iyon pa namang co-teacher niya mukhang balak din sanang ireto sa iyo. Teka, kamag-anak ba niya si Cito Beltran? Iyong napapanood sa TV?”
“Shut up, Nancy. Ibaba mo na ang telepono at marami pa akong gagawin. Kumusta na lang sa kanilang lahat diyan, okay? Bye.”
Nakahinga siya nang putulin na rin ni Nancy ang linya. “Matthew Beltran,” bulong niya at dinampot ang papel na nasa mesa niya. Resibo iyon ng mga made-to-order specialty cakes na ginagawa niya kaya talagang buong pangalan ang nakasaad doon. “Who are you?” she asked to herself.
Wala siyang matandaang customer na ganoon ang pangalan. Pinag-aralan niya ang detalye ng inorder nito. Pangkaraniwang cake lang ang order kaya hindi na rin siya nagtaka. Kung nagkataong wedding cake iyon o para sa isang debut, tiyak na siya ang tatawagin ng assistant niya upang makipag-usap sa customer.
“Matthew Beltran,” she said again at bahagyang nakadama ng guilt. Hindi naman niya sinasadyang gamitin ito dangan nga lang at nakukulitan na siya sa kapatid niya. At upang pagaanin nang kaunti ang kalooban, inisip na lang niya na ordinaryong pangalan naman ang Matthew. At ang mga Beltran ay marami din naman. Pero curious pa rin siya kaya tinawag niya ang assistant niya.
“Yes, Ate?” anito.
“Tess, natatandaan mo ba ang customer na ito? Kamakalawa ang date of pick-up ng order niya.” Ipinakita niya ang resibo.
Umiling ito. “Off ako niyan, Ate. Saka si Maita din siguro ang nag-entertain sa kanya. Si Maita ang nakapirma sa job order, eh.”
“Sige, di bale na lang.”
Inasikaso niya ang mga resibo at doon itinuon ang isip. Ayaw niyang isipin ang Matthew Beltran na iyon. Ayaw din niyang isipin ang balak na pag-aasawa ni Nancy. At ayaw din niyang isipin ang tungkol sa mapapangasawa nito na si Bremond.