Panimula

3082 Words
Panimula "Ikaw si Tanika 'di ba?" tanong ng maputi at mahabang buhok na babae.  Humigpit ang hawak ko sa dalawang straps ng bag bago tumango. Ang ganda niya, para siyang manika tapos iyong damit niya pa parang iyon mga lagi kong nakikita ko sa mall. Nakaramdam ako ng hiya dahil sa suot kong damit na pamana pa galing sa pinaglumaan ng mga pinsan ko. "Gusto mo maglaro muna tayo? Wala pa naman si Daddy." aya niya, Daddy ang tawag nila kay Tatay?  Nagdalawang-isip ako, hindi ako sanay na may gustong makipaglaro sa akin. Iyong mga bata kasi sa amin ay ayaw akong kalaro dahil daw ampon at mabaho ako. "S-Sige,"  Binigay niya sa akin ang isa niyang manika. Ngunit bago ko pa iyon mahawakan ay may humablot na iyon mula sa kaniya. Tumingala ako at nakita ang matangkad na lalaki at mukhang masungit. Halatang matanda siya sa amin ni Doreen. Nakaramdam agad ako ng takot dahil iyong ekspresiyon ng mukha niya ay katulad sa mga nang-aaway sa akin. "Kuya El, naglalaro lang kami ni Tanika." sabi ni Doreen at pilit kinukuha sa tinawag niyang Kuya El ang manika.  Lalong itinaas ng lalaki ang manika para hindi maabot ni Doreen. "Hindi ka dapat nakikipaglaro sa kaniya, anak siya sa labas ng Daddy mo."  Nanginig ang maliit at manipis kong labi sa sinabi niya sa sobrang lamig nang pagkakasabi niya. "Kuya El hindi mo dapat sinasabi 'yan! Bad ka, isusumbong kita kay Ate Cheri." sigaw ni Doreen pero hindi siya pinakinggan ng lalaki. Kumuyom iyong kamay ko sa duster na suot. Hindi ko napansin na unti-unti na pala akong humahakbang palayo sa kanila. Sa hindi malamang dahilan ay natatakot ako sa lalaking ito, ang sama kasi ng tingin niya sa akin.  "Totoo naman, kabit ng Daddy mo ang Nanay niya. Dapat galit ka sa kaniya kasi inaagaw niya ang Daddy mo sa 'yo."  "Ang sama-sama mo talaga! Sabi ni Ate Cheri, walang kasalanan si Tanika kasi bata lang siya!" umiiyak na sigaw ni Doreen. Pilit niya rin na tinutulak ang lalaki pero higit na maliit ito kaya walang nangyari roon. Nagsisimula na rin na magtubig ang mata ko sa nakikitang pag-iyak ni Doreen. Ako siguro ang dahilan kung bakit siya umiiyak. Natatakot ako, tuwing may ummiyak na bata sa amin ay ako ang lagi nilang sinisisi kahit wala naman akong ginagawa. Lagi akong pinagagalitan ni Mama sa tuwing may nagsusumbong na ako raw ang may kasalanan, lagi akong napapalo, nahihila ang buhok ko at pinagsasabihan na huwag makipaglaro sa mga bata dahil wala akong karapatan. "Hindi ako ang masama, sinasabi ko lang na huwag kang lalapit sa babaeng iyan. Kukunin niya sa 'yo ang lahat." Binalingan ako ng lalaki nang masamang tingin. "Hindi ka dapat sumama kay Tito Herman!"  Halos tumalong ang puso ko sa bigla nitong pagsigaw sa akin. Mas lalong bumuhos ang mga luha sa mata ko sa sobrang takot, sasaktan niya rin ba ako? "El! Doreen! Anong nangyayari rito? Bakit umiiyak si Doreen?" Tinignan ako ni Madam Regina, ang Mommy ni Doreen. "Anong nangyari, Tanika?" mahinahon nitong tanong pero natatakot ako kaya humakbang ulit ako paatras.  Ayaw ko rito, mas natatakot ako rito. Mas gusto kong kasama si Mama kahit na lagi niya akong inuutusan at sinasaktan.  "Tita, iyang si Tanika po inaway si Doreen." sumbong noong si El.  Umiling ako ng ilang beses. Bakit ba siya nagsisinungaling? Hindi ako ang nagpaiyak kay Doreen. Wala akong ginagawa sa kaniya. "Tanika?" tanong ni Madam Regina sa akin.  "H-Hindi ko po alam," wika ko sa nanginginig na boses ko.  Sakto na bumaba din si Ate Cheri na may hawak na laptop sa kamay niya. "Anong nangyayari?" tanong nito.  Humakbang sa gitna si El at itinuro ako. "Iyan, Ate Cheri! Inaway niya si Doreen," sumbong niya. Bago pa ako malingon ni Ate Cheri ay tumakbo na ako palabas ng malaki nilang bahay. Iyak ako ng iyak hanggang sa nasa kalsada na ako. Naririnig ko sila na tinatawag ako pero hindi ako lumilingon dahil natatakot ako na baka saktan nila akong lahat kapag nahuli nila ako.  Huminto lang ako sa may puno sa tapat ng maisan. Wala ng makakita sa akin dito kasi matataas ang mais at malayo na ito. Umupo ako roon at umiyak ng umiyak. Ilang beses kong hiniling na sana nanaginip na lang ako.  Hanggang sa magdilim na ay naroon pa rin ako. May mga lamok na rin na kumakagat sa paa ko, pero mas okay na ito kaysa naroon ako sa malaking bahay na iyon na parang isang sakit na pinandidirihan nila.  Si Doreen kaya umiiyak pa rin ba siya? Siya lang kasi ang kumausap sa akin sa mga tao sa bahay na iyon. Sa tingin ko ay marami rin siyang pinsan katulad ko pero ang pinagkaiba lang namin ay nakikisingit lang ako sa kanila.  Tama naman iyong lalaking si El, e. Kinuha namin si Tatay sa kanila.  Ibinaon ko ang mukha sa mga tuhod ko at ilang beses na pinagsisihan ang pagsama kay Tatay. Dapat mas pinilit ko pa si Mama na huwag akong iwan, kung mahihirapan lang din naman ako ay gusto ko na lang na maghirap kasama si Mama. "Hoy! Tanika!" Nang marinig ang pamilyar na boses ay nagtago ako sa likod ng puno. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang kamay ko sa boses niya na ngayon ay kinamumuhian ako.  Sa lahat ng mga nang-away sa akin ay sa kaniya ako pinakanatatakot at naiinis. "Bakit mo kasi inaway iyong bata? Mas may isip pa sa 'yo si Doreen." Medyo pangmatanda ang boses na iyon.  "E, kuya sabi mo masama ang mang-agaw ng may pamilya. Iyong babaeng iyon ay inaagaw ang pamilya nina Doreen, at Tita Regina."  Kumirot ang puso ko sa sinabi. Hindi ko gustong mang-agaw ng pamilya. Gusto ko lang na makasama si Mama at Tatay ng madalas.  "Isusumbong kita kay Papa mamaya, ang bata-bata mo pero bully ka agad."  Hindi ko namalayan na nakatulog na ako sa ilalim ng punong iyon. Nagising na lamang ako na lulan na ng kotse. Agad akong bumangon dahil sa takot, pero agad din na naiyak nang makita si Tatay.  "T-Tatay, ibalik niyo na lang po ako kay--" "Shh, pasensya ka na, ah. Hindi kita pwedeng pabayaan. Pangako gagawin lahat ni Tatay para sa 'yo."  Iyon ang pinanghawakan ko habang binabagtas muli namin ang pabalik sa bahay nila. Hindi binitawan ni Tatay ang kamay ko hanggang makapasok kami sa bahay nila.  "Eldon mag-sorry ka!" sambit ni Ate Cheri.  Sumimangot ang mukha ni Eldon. "Ayaw ko nga, hindi--" "Isa, ibabalik kita sa grade 4." sabi ni Madam Regina.  "Sorry!" wika niya habang masama pa rin ang tingin sa akin. "O-Okay lang," lalo akong nagsumiksik sa gilid ni Tatay dahil sa talas ng tingin niya sa akin. Nilapitan ako ni Madam Regina, lumuhod siya sa harap ko at hinaplos ang buhok ang hanggang baywang kong buhok.  "Huwag mo na ulit uulitin iyon, ah? Hindi kami galit sa 'yo kaya huwag ka na basta-basta umaalis ng bahay natin."  Bahay natin.  "H-Hindi po kayo galit?" maingat kong tanong. "Siyempre hindi, sa wakas dalawa na ang mabibihisan ko." Mahinahon nitong wika sa akin. Uminit ang puso ko sa sinabi kaya unti-unting may namuo na ngiti sa labi ko. Lumawak ang ngiti niya nang makita iyon. Habang kumakain ay kasama namin ang mga buong pamilya ng Puangco. Kasama rin namin ang mga kapatid ni Tatay na ramdam ko na hindi maganda ang tingin nila sa akin. Mabuti na lang at iyong mga pinsan ni Doreen at El ay walang alam o baka walang pakialam lang sa nangyayari.  "Sama ako, Mommy. Gusto ko rin ihatid si Tanika sa kwarto niya." nakangusong sabi niya kay Madam Regina.  "Of course, baby." malambing naman niyang pagpayag.  Umiwas ako ng tingin sa kanila. Kahit kailangan hindi naging ganiyan kalambing sa akin si Mama pero okay lang sa akin, ang mahalaga kasama ko siya. Sabi kasi sa mga napapanood ko na may mga magulang na ipinapakita ang pagmamahal nila sa tuwing sinasaktan nila ang mga anak nila. Tapos na kaming kumain. Pinauna na kaming umalis dahil may pag-uusapan daw ang pamilya ni Tatay. Iyong mga pinsan naman ni Doreen ay nasa sala ay naglalaro.  "Ayaw mo ba na manuod kasama sila?" bulong ko sa kaniya habang paakyat kami. "Hayaan mo sila, galit pa rin ako kay kuya El dahil sa ginawa niya sa 'yo. Basta ako hindi ako magagalit sa 'yo kasi sabi ni Mommy at Daddy ay magkapatid tayo." saka niya ako niyakap patagilid.  Napangiti ako dahil buti pa si Doreen ay bati ako. Namangha ako sa itsura ng kwarto ko, halos kulay pink at maraming laruan. Hindi maalis ang tingin ko sa kama na halatang malambot kahit hindi ko pa higaan. Hindi ko akalain na makahihiga ako sa ganitong kama, sa malamig na semento lang kasi kami natutulog ni Mama. "Sa akin po ito lahat?" manghang tanong ko.  "Oo, galing kay Doreen ang ibang stuff toys na nariyan."  "Wow, thank you, Doreen."  Umalis na agad silang dalawa para matulog na raw ako, pero hindi ko iyon ginawa kasi tumalon-talon ako sa kama. Niyakap-yakap ko rin ang mga stuff toys na naroon dahil sa wakas hindi na ako mag-iisa.  "Ikaw si A1, ikaw naman si A2 kasi magkamukha naman kayo. Magkaiba lang kayo ng kulay." natutuwa kong sabi. Natigilan lang ako dahil bumukas ang pintuan. May sumilip ang na ulo pero hindi pumapasok. Tumayo ako para buksan iyon.  Nang makita na si Kuya El iyon ay humakbang agad ako paatras sa kaniya. Aawayin na naman niya ba ako tulad kanina? Maliit lamang siyang pumasok sa kwarto ko. "M-Mahilig ka ba sa pink?"  Umiling agad ako.  "Sa mga stuff toys?" Umiling ulit ako.  Kumunot ang noo niya sa akin. "E, saan ka mahilig? Bata ka ba talaga?"  Hindi ko alam kung bakit niya ako kinakausap, parang kanina lang ay galit siya sa akin. Hindi ko siya gustong kausapin dahil baka magsimula na naman ang away.  "M-Mahilig akong magbasa,"  Humakbang siya papasok kaya umatras ulit ako.  "Takot ka na ba sa akin?" nakangising tanong niya. Tumango ako, totoo naman, e. Nakatatakot siya, ang sakit ng mga salitang sinasabi niya tungkol sa akin. Alam ko na bata lang din siya katulad ko pero grabe iyong mga sinabi niya sa akin. "Dapat lang kasi mas matanda ako sa 'yo. Ilang taon ka na ba?"  "7,"  Iyon ang una naming maayos na pag-uusap. Umalis din siya kasi tinatawag na siya ng Mommy niya.  Kinabukasan ay hindi naging maganda ang gising ko dahil sa masamang panaginip. Nanaginip ako na nasa gilid ng bangin kasama si Mama. Hindi ko napigilan na umiyak nang maalala na naman ang mga sumunod na nagyari sa panaginip ko. Itinulak niya ako sa bangin, hindi maalis sa isip ko iyong ngiti niya matapos niya akong itinulak. Hindi rin ako nakatulog ng maaga dahil hindi ako sanay na mag-isa.  "Good morning A1, at A2." bati ko sa kanila. Silang dalawa ang pinili kong maging katabi kagabi noong hindi ako makatulog. "Dito lang ako sa kwarto para hindi sila mag-away sa baba."  Bumukas ang pintuan kaya umayos agad ako ng pagkakaupo. Napangiti ako dahil si Tatay at si Doreen iyon.  "Good morning, Tantan." masigla niyang bati sa akin. "Tantan na lang tawag ko sa 'yo, ah."  "Sige ba!" pagpayag ko.  "Bumaba na kayong dalawa at kakain na rin tayo mayamaya."  Nag-stay na muna kaming dalawa ni Doreen sa kwarto ko at naglaro ng mga manika niya. Pansin ko lang ay puro mga stuff toys ang nasa kwarto ko at walang manika. Siguro paborito talaga ni Doreen ang mga manika.  Bumaba rin kami nang tawagin kami ni Madam Regina para kumain na rin. Nauna si Doreen dahil sabi ko ay ililigpit ko na muna ang pinaghigaan ko.  "Hoy,"  Umayos agad ako ng tayo nang makita si El sa may labas ng pintuan ko.  "Bakit?"  "Oh," inaabot niya ang isang paper bag. Nagdadalawang isip ako kung lalapit ba ako. Hindi naman nawala ang takot ko sa kaniya. "Ang arte," siya ang lumapit.  "I-Iwanan mo na lang diyan," pero nakalapit na siya sa akin.  "Libro 'yan, sabi mo mahilig kang magbasa. Baka ipagkalat mo pa sa school niyo iyong ginawa ko sa 'yo," saka siya umalis.  Agad kong tinignan ang laman at parang sasabog ang puso ko sa tuwa dahil tungkol iyon sa mga prinsesa.  "Thank you, Doreen, Ate Cheri, Madam Regina, Tatay at... El." bulong ko. *** Itinakip ko ang dalawang kamay sa aking tainga. “Ah, putangina!” “Bilisan mo pa!” Nagsumiksik ako sa gilid at pilit na idinidiin ang kamay sa tainga para hindi marinig ang nangyayari sa loob ng maliit na kwarto namin. Hindi ko natuloy ang pagbabasa ko dahil dumating iyong lalaki ni Mama. Pagdating nito ay dumiretso sila sa loob ng kwarto at naging sunod-sunod ang daing at paglangitngit ng kama ang naririnig ko. Ilang segundo pa ay lumabas iyong lalaki na saktong isinusuot ang damit, ngumisi siya sa akin. Sumunod si Mama na magulo ang buhok at lukot ang suot na damit. “Dalaga na anak mo, ah.” Hindi nawala ang ngisi ng lalaki sa akin. Bumaling ang tingin sa akin ni Mama, “Tangina mo, syete pa lang ‘yan. Lumayas ka na nga,” “Init agad ng ulo mo,” Umiwas ako ng tingin nang yakapin ng lalaki si Mama. Bakit hinahayaan niya na ganituhin siya ng lalaki na ito? Paano na ang Tatay ko? “Alis na ako,” Nagulat ako nang may humaplos sa ulo ko, pag-angat ko ay iyong lalaki ni Mama. “Uwi na ako, Tanika.” Kumurap-kurap ako ng ilang beses sa harap niya, “Ah, punyeta, ang inosente mo.” May ibinulong pa siya na hindi ko maintindihan. “Karlos! Umuwi ka na!” galit na sigaw ni Mama. Binitawan ng lalaki ang ulo at dumiretso na sa labas. “Hindi ka pa nagsaing?!” Napatayo ako sa biglang pagsigaw ni Mama. “M-Ma, wala na pong bigas—” “Eh, anong gagawin ko? Hindi ka kasi humingi ng pera sa magaling mong Tatay! Sinabi ko sa ‘yo hingan mo ng pera iyon tuwing bibisita, anong ginawa mo? Puro ka lang pabili!” “M-Ma, sorry—” “Tabi!” itinulak niya ang braso ko kaya napaupo ako sa sahig. “Pag-uwi ko dapat may sinaing na!” “S-Saan ka po pupunta?” “Makikipagsugal ako, manalangin ka na manalo ako para may ulam.” Naiwan ako sa bahay na hindi alam ang gagawin. Bumalik lang ako sa wisyo dahil sa malakas na kulog. Naalala ko iyong mga sinampay at kinuha ang mga iyon. “Anak?!” “Tatay!” sinalubong ko siya nang mahigpit na yakap. “Umalis po si Mama, magsusugal daw po siya para may ulam kami.” Nawala ang ngiti sa mukha niya, “Iniwan ka na naman niyang mag-isa rito?” Tumango ako, “Gutom na nga po ako, wala na po kaming bigas. Sabi niya po humingi po ako ng pera sa inyo pambili ng bigas—” Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil niyakap niya ako. Sa hindi malamang dahilan ay naiyak ako at ipinalupot ang dalawang kamay sa baywang niya. “Gusto mo bang sumama sa akin?” Mabilis akong umiling, “A-Ayaw ko pong iwan si Mama, saka po magagalit po ang tunay niyong pamilya sa akin.” Lumuhod siya sa harapan ko at marahan na pinunasan ang luha sa mga mata ko. “Isasama kita, sa bahay ko maraming pagkain, laruan, maganda ang matutulugan.” “Kung hindi po kasama si Mama hindi po ako aalis.” Bumuntong-hininga siya, “I’m sorry,” Sumama ako kay Tatay na bumili ng mga grocery, nasa loob kami ng kotse niya. Marami kaming binili, pati bagong damit ko ay bumili siya. “Salamat po,” Pagdating namin sa bahay ay naabutan namin si Mama na nakasalampak sa sahig habang umiiyak. “Mama! May pagkain na tayo, binilan tayo ni Ta—” Natigilan ako dahil nagmamadali siyang lumapit sa akin at niyakap ako. “Akala ko umalis ka, akala ko iniwan mo na ako.” “H-Hindi po kita iiwan,” Ilang segundo lang ay bumitaw na siya sa akin. Masama niyang tinignan si Tatay at malakas na sinampal, nanlaki ang mata ko at umawang ang labi sa sobrang pagkagulat. “M-Mama,” “Anong balak mong gawin? Ilalayo mo sa akin ang anak ko?!” “Terisita, nasa harap tayo ng bata.” Mariin na sabi ni Tatay, “Wala akong pakialam! Matapos mong kuhanin ang lahat sa akin, pati ang anak ko kukunin mo?! Gusto mo talaga na maghirap ako mag-isa!” Walang kahirap-hirap an hinila ni Tatay si Mama sa loob ng kwarto. Sunod na narinig ang pagbagsak ng kung ano-ano sa loob at sigawan nilang dalawa. Bumalik ako sa pwesto ko at mariin na tinakpan ang tainga. “Hindi mo nga maasikaso ng maayos ang anak mo! Umalis ka pa at iniwan siyang nag-iisa rito sa bahay nang walang kinain na kahit ano! Anong klaseng ina ka?” “Huwag mong kwestyunin ang pagiging ina ko dahil hindi ko kinuwestiyon ang pagiging lalaki mo! Lalaki ka ba talaga?! Ang kapal nang mukha mo!” Tahimik akong umiyak sa gilid, hindi ko namalayan na nakatulog na ako. Nagising ako na nasa nakalatag na banig na ako nakahiga. Katabi ko si Mama, umusog ako at niyakap siya at dahil madilim pa ay natulog ulit ako. Nagising ako dahil sa kaluskos, naabutan ko si Tatay na kinukuha ang mga damit ko at ipinapasok sa isang bag. “Tatay?” “Gising ka na pala, maligo ka na, aalis na tayo.” sabi niya na hindi man lang ako binalingan nang tingin. “Po? Si Mama po?” ngunit ang wala akong nakuhang sagot. “T-Tatay, si Mama po? Katabi ko lang po siya kagabi.” “Umalis siya, sumama siya sa lalaki niya.” Kusang bumagsak ang luha sa mata ko, “Iniwan niya ako?” Itinigil ni Tatay ang pag-aayos ng gamit ko para lapitan at yakapin ako. “Nandito naman si Tatay,” “Iniwan ako ni Mama, bakit niya ako iniwan? Tawagan mo po siya ulit, sasabihin ko na mas magiging mabait na bata ako sa kaniya. Lagi na akong magsasaing sa tamang oras, aayusin ko ang paglalaba sa mga damit niya, at hindi na ako iiyak kapag pinapalo niya ako. Tatay, pabalikin mo po si Mama.”  That was me begging years ago, and I didn’t know that I’m begging for something impossible to happen. Exon      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD