MAKATATAGO ka ba ng sekreto sa mga taong malapit sa iyo? Kaya mo kayang magsinungaling para sa kasiyahan at kalayaan na gusto mo? Paano kung ayaw nila sa desisyon mo? Hahayaan mo ba silang kontrolin ang gagawin mo sa buhay, dahil iyon ang pinaniniwalaan nilang tama? Paano naman ang pinaniniwalaan mo? Ilan lamang iyan sa mga katanungan na naglalaro sa isipan ko araw-araw. Sa tuwing nag-iisa yata ako, iyon palagi ang laman ng utak ko. Walang bago, iyon noong kahapon, at iyon naman bukas. Paulit-ulit. Minsan nakapapagod na ring magtanong. Lalo na at walang sagot sa tanong na iyon, kailangan pang hanapin ang kasagutan. Bumaba ako ng bus nang makarating na ako sa Banga. Wala namang ganap kahapon sa handaan, normal lang na handa tapos uwian naman ng mga bisita. Nagligpt ulit kami ng bahay.

