"NASAAN ka na? Nandito na 'ko ngayon sa bar," tanong ni Ally nang tawagan niya si Gino.
Si Gino rin ang may-ari ng bar na tinutugtugan ng banda. Bago iyon bumukas mamayang gabi ay kakain muna sila doon. Walang tolerance si Ally sa malakas na ingay pero tinitiis niya lahat ng iyon mapanood lang si Gino at ibigay rito ang suporta niya.
Ganoon nga yata talaga kapag nagmamahal.
"Ally, I'm afraid matatagalan ako bago makabalik diyan sa bar," apologetic namang sagot ni Gino.
"Huh? Bakit?" Napatingin siya sa suot na relo. "Sabi mo, huwag akong ma-late, 'di ba? Gino, wala namang ganyanan."
"I know and I'm sorry. Kasama ko ngayon si Ghia at pinagtataguan namin ang bodyguards niya. Alam mo naman ang sitwasyon namin, 'di ba? Hindi nila kami pwedeng paghiwalayin."
Ano pa ba ang magagawa ni Ally kundi ang manlumo na lang? Oo, hindi madali ang sitwasyon ng dalawang iyon. Nakatakdang ikasal sa ibang lalaki si Ghia kaya patago kung mag-date ang dalawa. Ayaw daw ng mga magulang ni Ghia na isang hamak na musikero lang ang mapangasawa nito. Ang malala pa, baka perahan lang daw ni Gino si Ghia.
Kung bakit naman kasi nagtitiis si Gino sa ganoong set up? Pwede naman nitong hiwalayan si Ghia at sila na lang ang magsama? Boto pa ang mga magulang nila sa isa't isa. Sila ni Gino ang mas bagay dahil magkapantay lang sila ng katayuan sa buhay.
"Ally, are you still there?" untag ni Gino.
"I'm always here," makahulugan at pabuntong-hininga niyang sabi. Pinatuloy siya ng guard sa loob ng bar at nakita niya ang mga tauhan ni Gino na abala sa pag-aayos ng mga mesa at silya. "Pero darating ka pa ba? Maghihintay na lang ako rito. Wala naman akong ibang pupuntahan, eh."
"Darating ako. Sorry talaga, Ally. Salamat sa pag-iintindi sa 'kin, ha?"
"Wala naman akong choice, eh. Loko ka kasi. O, siya, mag-iingat na lang kayo ni Ghia. Okay lang naman ako rito." Kasi wala naman akong choice kundi ang maging okay. Si Ghia na ang nagmamay-ari ng puso mo.
"Ang swerte ko talaga at ikaw ang bestfriend ko. You're always the best, Ally." Halatang nakangiti si Gino.
"Ikaw rin naman."
Naupo siya sa bakanteng mesa nang matapos ang tawag at nangalumbaba doon.
"Miss Ally, meron po ba kayong gustong kainin?" tanong sa kanya ng manager na si Ador.
"Saka na lang kapag dumating na si Gino," nakangiting sagot naman niya.
Sa totoo lang ay nawalan na siya ng gana nang malamang magkasama na naman sina Gino at Ghia. Minsan pa siyang nagbuntong-hininga at isinandal ang isang bahagi ng pisngi niya sa mesa at pumikit.
NAKAKUNOT ang noo ni Gael nang papasukin siya ng guard sa loob ng saradong bar. Nag-atubili pa ito kanina pero sa huli ay pinapasok din siya ng sabihin niyang kapatid siya ng girlfriend ng may-ari ng bar na iyon. Hindi na naman niya mahanap si Ghia at galit na galit na ang mga magulang nila. Siya na mismo ang naghanap dito at ang una niyang pinuntahan ay ang bar ng lalaking kinalolokohan ng kapatid niyang iyon.
Inilibot niya ang paningin. Hindi siya sigurado kung meron ba siyang mapapala sa pagpunta niya doon. Marami na rin sa oras niya ang nasayang.
"Sir, how may I help you?" magalang na tanong sa kanya ng isang lalaki na sa tingin niya ay may katungkulan sa bar na iyon.
"Nasaan si Gino Torres? Kailangan ko siyang makausap," maawtoridad na sabi niya.
"Wala po si Sir Gino ngayon. May importanteng lakad. Sino po ba sila?"
"Kuya ako ni Ghia. Saan ko siya mahahanap at ako na mismo ang pupunta sa kanila."
"Hindi ko po alam, eh. Wala naman po kasi siyang sinabi." Napakamot pa sa ulo nito ang lalaki.
"Nagsasabi ka ba ng totoo o gusto mo lang pagtakpan ang amo mo?"
Hindi siya makakapayag na hindi niya malaman ang totoo mula rito. Kailangan niyang mahanap ang kapatid niya dahil mas mananagot si Ghia kapag hindi siya ang nakahanap dito.
"N-nagsasabi po ako ng totoo, Sir. Si Sir Gino lang ang nakakaalam ng mga lakad niya at ang trabaho ko po ay magbantay lang ng bar."
"Sino, kung gano'n, ang pwede kong pagtanungan kung nasaan si Gino kasama ang kapatid ko?" Hindi sinasadyang mapadako ang tingin niya sa isang babaeng nakayuko sa mesa at halatang natutulog.
He found himself walking towards her. Lalong nangunot ang noo niya nang makitang bahagyang nakaawang ang mga labi ng babae. But damn, she was beautiful. May bahid ng pagkapagod sa maamo nitong mukha pero masarap pa rin itong pagmasdan habang natutulog.
Marami na siyang nakitang mas maganda pa sa babae. Ang ex-girlfriend niya ay hindi hamak na mas maganda pa rito pero may kung anong meron sa babae at natutukso siyang haplusin ang pisngi nito at hawiin ang ilang hibla ng buhok na nakaharang sa magandang tanawing iyon.
"S-si Miss Ally po, Sir."
Nilingon ni Gael ang lalaki. Ang babaeng natutulog ba ang tinutukoy nitong 'Miss Ally'?
"Best friend po siya ni Sir Gino at may usapan sila dapat ngayon pero hindi pa po dumadating si sir. Kanina pa po siya naghihintay rito."
Minsan lang makaramdam ng awa si Gael pero sa pagkakataong iyon ay nakaramdam siya ng awa para sa babae. Ayaw niya sa lahat ay ang pinaghihintay at sinasayang ang panahon niya.
"Wake her up," utos niya sa lalaki.
Halatang nagulat naman ito.
"P-po?" Aktong mangangatwiran pa sana ang lalaki pero napilitan na rin itong lapitan ang babae matapos niya itong paningkitan.
"MISS ALLY? Miss Ally..."
Naalimpungatan si Ally sa marahang pagyugyog na iyon sa balikat niya. Napaungol siya at napilitang umayos ng upo.
"Bakit?" wala sa sariling tanong niya at nagtakip ng kanyang bibig para maghikab. Pagkatapos ay kinusot-kusot niya ang mga mata.
Nakita niya si Ador at ang isang gwapong lalaki pero hindi iyon si Gino. Nakasuot ito ng three-piece suit at nakakunot ang noo. Malayong-malayo ito sa best friend niya na rock pumorma at palaging nakangiti.
"M-meron po kasing naghahanap kay Sir Gino. Baka lang po alam n'yo kung nasaan siya."
Nakakapagtaka ang pagiging tensiyonado ni Ador. Napatingin naman siya sa suot niyang relo at nanlaki ang mga mata niya nang lagpas isang oras na siyang nakatulog at naghihintay kay Gino. Napatingin siya sa gwapong mama na halatang naghihintay sa sagot niya.
"Sino ka naman?" tanong pa niya rito.
"Gael Guidicelli, Ghia's brother. Nasaan ang Gino na 'yon? Kailangan niyang ibalik ang kapatid ko," maawtoridad na sabi nito.
Hindi napigilang tumaas ang kilay niya. Demanding lang? Pero sandali lang. Ang sabi nito ay kapatid ito ni Ghia. Natigilan siya. Pati ito ay hinahanap na rin sina Gino at Ghia. At makapangyarihan ang pamilya nito. Hindi na siya magugulat kung miyembro ng isang black organization ang mga Guidicelli o ang mas malala pa, ito ang pinuno niyon! Binalot siya ng matinding takot para sa kaibigan niya. Hindi malabong saktan ng mga ito si Gino kapag nahuli nila ang kaibigan niya!
"Mukha bang alam ko kung nasaan si Gino?" mataray na sabi niya. Bago pa man mahuli ni Gael ang lalaking iyon ay sa kanya muna ito mananagot. Ang tagal siya nitong pinaghintay. Tiningnan niya ang cellphone. At hindi na uli ito nag-abalang tawagan siya o padalhan man lang ng maikling mensahe!
"You're his best friend, right? Imposibleng hindi mo alam kung nasaan siya at lalong imposibleng hindi niya sinabi sa'yo ang kinaroroonan niya."
"Alam mo, wala akong pakialam kung naniniwala ka man o hindi. Best friend niya lang ako, hindi girlfriend." Hindi niya naitago ang pait sa boses niya. Mabilis niyang inayos ang sarili at tumayo na. "Aalis na 'ko dahil mukhang wala na siyang planong siputin ako."
Pero mukhang walang balak ang Gael na ito na palagpasin iyon dahil mabilis itong humarang sa daraanan niya. Dahil sa pagkabigla ay napahinto siya at sumubsob ang mukha niya sa matigas na dibdib nito.
Napahawak pa siya sa coat nito para mabawi ang balanse niya. Nanuot ang lalaking-lalaking amoy nito sa kanyang sistema at bumundol ang kaba sa kanyang dibdib. Napaayos siya ng tayo at nasapo ang nasaktang ilong.
"Pambihira," habol ang paghingang sambit niya.