Chapter Two

3178 Words
Naalimpungatan ako sa mahinang bungisngis. Nakaramdam ako ng malamig na bagay sa aking pisngi. Minulat ko ang aking mga mata at nabungaran si Kyzo na malapad na nakangiti. Napangiti ako at hinalikan sya sa pisngi. "Good morning, anak." I happily hugged him. Hmm. Ang lambot. "Good morning din po, mama. Tayo ka na po. Gutom na po ako." Sabi nya sa boses na mahina dahil mahigpit ko syang yakap. I chuckled. Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at bumaba sa kama. Hinawakan ko ang kamay nya at dinala sya sa kusina. Hindi ko na inabutan si Viel dahil maaga syang umalis para magtinda sa palengke. Madaling araw ang bilihan ng mga tao sa palengke. Pupuntahan ko sya mamaya roon pagkatapos kong pumunta sa mansion para ako naman ang magbantay. Pinaghain ko ng almusal si Kyzo habang ako ay nagtyaga sa sliced bread na may palaman na peanut butter, nagtimpla rin ako ng kape. Hindi ako nakatulog nang maayos kagabi dahil sa taong nakatingin sa bintana. Hanggang sa nakatulugan ko ang takot ko. Tinitigan ko si Kyzo habang maganang kumakain, marunong na syang kumain mag-isa pero hindi maiwasan na may nalalaglag na pagkain sa hita nya. Nilalagyan ko ng panyo ang hita nya bago kumain para hindi bumagsak sa sahig ang kinakain nya. Kyzo was the fruit of my nightmare but I never showed him how unwanted he was. He deserve to see the world. Hindi nya kasalanan ang nangyari sa akin, ang tunay na may kasalanan ay ang taong iyon! Not every woman would be gifted a child. Regalo sya sa akin at hindi isang bangungot. Every time I'm with Kyzo, he made me feel that everything is okay, na sinasabi ng kainosentehan nya na wala akong dapat alalahanin. Hindi ko naranasan na may gumabay sa pag-aalaga sa anak ko. Namatay si nanay sa panganganak kay Viel, kaya walang inang magsasabi sa akin ng dapat o hindi ko dapat gawin sa pagpapalaki ng anak. Walang mang-i-spoil ng apo. Noong nanganak naman ako, namatay din si tatay. Hindi ko na malaman ang gagawin sa mga pangyayaring iyon. Ibinagsak sa akin sa loob ng isang araw ang lahat ng problema. Na parang ayaw na akong ibangon sa mga problema. Gusto ko nang sumuko pero nang makita ko ang anak ko, lumakas ang loob ko. Dahil may isang anghel na umaasa sa akin. Ang tanging anghel na magbibigay sa akin ng lakas. Magpatuloy sa kabila ng pait ng buhay. Nakaalalay din si Viel sa akin no'n. Awang-awa ako sa kanya dahil sobrang bata pa nya para maranasan ang ganitong kalupitan ng buhay. Naging sandalan namin ang bawat isa. Nagtulungan kami sa pag-aalaga kay Kyzo. "Mama, saan ka punta? Sama ako!" Pagpipilit ni Kyzo na sumama. Hinihila nya ang black slacks ko. Pinigilan ko sya sa paghila dahil nararamdaman kong lumuluwag na ito. Kakatahi ko lang kanina ng waist band nito dahil maluwag na sa akin. Nandito kami sa labas ng bahay nila Onyx. Wala na sa bahay nila si Onyx nang dumating kami, pumasok na raw sa trabaho. Naabutan ko na lang ang Tita Wanda, nanay ni Onyx. Inangat ko ng konti ang bumababa kong black slacks bago lumuhod sa harap ni Kyzo. Hinawakan ko ang dalawang kamay nya at tinignan ang mukha nyang siopao, este nakabusangot. "Babalik naman si Mama e. Sa ngayon, dito ka muna sa bahay nila Tito Onyx. Maghahanap ng trabaho si mama para may pagkain tayo. 'Di ba ayaw mong magutom?" Nakanguso na tumango tango sya. Sa ilang beses na iniiwan ko si Kyzo dito sa bahay nila Onyx, laging ganito ang eksena kaya alam ko na ang sasabihin ko sa kanya kapag ganitong ayaw nyang maiwan at mapilit sumama. Hindi naman nagrereklamo sina Tita Wanda at Onyx kapag iniiwan ko si Kyzo sa kanila, natutuwa pa daw sila dahil may bata sa bahay nila. Atleast masigla ang bahay nila. Kababata ko si Onyx, binata pa, kaya laging umuungot si Tita Wanda na mag-asawa na sya para may aalagaan na itong apo. Lagi namang sinasabi ni Onyx na hindi pa handa ang babaeng gusto nitong mapangasawa at kumukuha pa ito ng tyempo. Maging ako ay naiintriga kung sino ang babaeng tinutukoy nya. Aba! Napakaswerte nya sa kaibigan ko. Masipag, mabait at gwapo pa! Kahit hindi sya mayaman pero magbubuhay reyna ito sa sobrang pagmamahal ni Onyx. Hinalikan ko sa pisngi si Kyzo at hinatid sa nag-aantay sa pinto na si Tita Wanda. "Kayo po muna bahala sa anak ko." Sabi ko. "Sige, hija. Oh, sya! Humayo ka na at baka mahuli ka sa usapan. Ako na ang bahala sa batang ito.” Sabi ni Tita Wanda habang kinukuha ang kamay ni Kyzo. “Maraming salamat po, Tita Wanda.” Pasasalamat ko. Hinalikan ko ulit sa pisngi si Kyzo bago nagsimulang maglakad. Tumama sa balat ko ang mainit na sinag ng araw. Kinuha ko ang payong sa aking sling bag at binuksan, pananggalang sa pagtama ng init ng araw sa aking balat. Morena ako pero baka maging tutong ako kapag hindi ako gumamit ng payong. Nagpasya akong lakarin na lang ang papunta sa mansion, hindi naman ganoon kalayuan ang mansion. May mga tricycle naman sa lugar namin. Mamaya na lang siguro ako sasakay ng tricycle kapag pupunta ng palengke, may kalayuan na kasi sa mansion, kumpara sa paglalakad ko sa palengke kapag magtitinda. Naglagay lang ako ng konting polbo at lipstick na bihira kong gamitin, para naman hindi ako magmukhang haggard. Pero dahil sa init ng sinag ng araw, nalulusaw na ang polbo sa mukha ko at may mga butil na ng pawis sa leeg ko. Mabuti na lang at dala ko ang aking panyo, nagpunas ako ng pawis. Lagi ko kasing nakakalimutan dalhin. Tanaw ko na ang mansion nang may makita akong magarang kotse na huminto sa tapat ng nakasaradong gate. Lumabas ang lulan ng kotse. A man wearing a light gray shirt and black khaki short, paired with sunglasses na humihiyaw kung gaano ito kagwapo at kisig. Nakatalikod sya sa direksyon ko kaya hindi ko masilayan ang itsura nya. Lumabas naman sa passenger seat ang isang maputing babae na naka-off shoulder red dress na hanggang tuhod. May suot din itong sunglasses at floppy hat. Sa unang akala, animo’y mga artista ang dating nilang dalawa. Mga bisita kaya sila sa mansion? Ngayon ko lang sila nakita dito, halos lahat ng nakatira sa lugar namin ay kilala ko. Napakislot ako nang maramdamang nag-vibrate ang cellphone sa sling bag ko. Kinuha ko ang cellphone sa sling bag at tinignan kung sino ang nag-text. Mensahe ni Mang Edong ang bumungad sa akin na nagsasabing nasa farm ngayon si Madam Sonya. Bumalik ako sa kantong nadaanan dahil nasa kabilang kalsada ang daan papuntang farm. Mabuti na lang at naka-flat shoes ako kaya hindi ako nahirapan sa paglalakad. Pagdating ko sa farm, naabutan ko si Onyx na ina-assist ang mga kargador sa pagkarga ng mga sako-sakong mais sa truck. Nilapitan ko sya. “Onyx!” Pagtawag ko sa kanya at lumingon sya sa akin. Ngumiti sya ng malapad dahilan para lumabas ang malalim nyang dimples. “Blaine! Bakit nandito ka?” Nakangiti nyang sabi habang lumalapit sa akin. “Nakita mo ba si Madam Sonya? Mag-aapply kasi ako ng trabaho. Sabi ni Mang Edong nandito raw sya sa farm.” Tanong ko. “Oo. Nandoon sya ngayon sa Orchidarium sa unahan. Gusto sana kita samahan doon kaya lang minamadali ko ngayon ang pagkarga ng mga mais.” Napapakamot sa batok na sabi nya. Mukha ngang minamadali nila ang pagpasok ng mga sako-sakong mais, walang sinasayang na oras ang mga kargador sa pagbubuhat. Tagaktak na rin ang mga pawis nila, dagdagan pa na mainit ang panahon. “Naku, wag na. Alam ko naman kung saan 'yon. Sige! Hindi na kita aabalahin.” Naistorbo ko yata sya sa trabaho. Kakahiya! “Basta ikaw! Malakas ka sa akin e. Good luck nga pala. Pero alam ko namang ibibigay sa'yo ni Madam Sonya ang trabaho. Ikaw pa! Balitaan mo ako mamaya.” Pampapalakas nya ng loob ko. Ngumiti ako at nagpasalamat sa kanya. Nagsimula akong maglakad ulit. Habang papalapit ako sa Orchidarium, palakas ng palakas ang kabog ng dibdib ko. Halos hindi ko na marinig ang yabag ko sa sobrang lakas ng tambol nito. Bakit kasi nagkape ako? Pagdating ko sa Orchidarium, nakita ko sa b****a si Madam Sonya. Hawak nya ang isang tangkay ng puting orchid, ang Cymbidium Orchid. It’s her favorite orchid dahil lagi kong nakikita sa loob ng mansion nila kapag pumupunta ako. Nilapitan ko sya. “Magandang araw po, Madam Sonya.” Lumingon sya sa akin. Nakapaskil ang magandang ngiti. “Blaine! Nandyan ka na pala! Halika! Mainit ang sikat ng araw! Sumilong ka rito.” Pagpapalapit nya sa akin sa b****a ng Orchidarium. Sinarado ko ang payong na ginamit at pinasok sa sling bag. “Pawisan ka, hija. Naglakad ka lang ba?” Kunot noo na tinignan nya ang mukha ko. Kakapunas ko lang ng mukha at leeg habang papuntang Orchidarium. Dahil mainit talaga ang panahon, nagpawis na naman ako. “Opo.” Nahihiyang ngumiti ako sa kanya. Pasimpleng pinunasan ang pawis. Nakakahiya. Dapat pala sumakay na ako ng tricycle. Bakit kasi ang init ngayon? “Naku, Hija. Tirik na tirik ang araw. Sana pinasundo na lang kita kay Edong.” Sabi nya habang sinusundan ko sya papasok sa loob ng Orchidarium. Pagkapasok sa Orchidarium, maaamoy kaagad ang bango ng lugar dahil sa mga bulaklak. Nadaanan namin ang hile-hilerang orchids na nakasabit, meron ding nakalagay sa mga paso sa sahig. May iilang paruparo ang nakadapo sa orchids at ang iba ay lumilipad sa paligid nito. Nagdadala ito ng fairytale vibes dahil sa iba’t ibang klaseng orchids. May mga rosas din na nasa dulong bahagi, katabi ng opisina ni Madam Sonya na gawa sa salamin. Pumasok kami sa opisina nya, hanggang sa loob ng opisina ay nanunuot ang mabangong amoy ng mga bulaklak. Hindi ko maiwasan mapapikit sa bango. “Maupo ka, Hija.” Napadilat ako nang marinig ang boses ni Madam Sonya. Nahihiyang yumuko ako at naupo sa stainless chair na sinadyang lagyan ng white foam ang sandalan at upuan. “Salamat po.” Nilapag nya ang tangkay ng Cymbidium Orchid sa mesang gawa sa salamin sa aming tabi. Umupo si Madam Sonya sa tapat ko. “Sinabi sa akin ni Edong na interesado ka sa pagiging assistant ng anak ko. Bakit naisipan mo na magtrabaho? Maganda naman siguro ang kinikita mo sa palengke. Nakakapagtaka lang, hija.” Tumingin sya sa akin ng diretso. Bigla akong kinabahan. Ganito ba sya kapag mag-iinterview ng aplicant? Sabagay, nakasalalay sa desisyon nya kung sino ang magiging assistant ng panganay nyang anak. Napalunok ako at tumingin sa kanya. Hindi ko alam kung saang parte ng mukha nya ako titingin, nahihiya ako at kinakabahan. “Maganda naman po kahit papaano ang kita ko sa palengke, kaya lang po, binalita po sa amin ng may-ari ng palengke na binenta po nya ang lupa ng palengke sa isang sikat na mall. Next week na raw po i-tuturn over sa bagong may-ari. Nang sinabi ni Mang Edong na naghahanap po kayo ng magiging assistant ng anak nyo, naisipan ko po na subukan. Wala pa po kasi akong nahahanap na malilipatan na pwesto. Ayaw ko naman po masayang ang araw ko dahil kailangan ko po bayaran ang pagkakautang ko sa inyo.” Napayuko ako sa huling sinabi. Narinig kong bumuntong hininga sya. “Diyos ko! Simula yata nang si Feria ang humalili sa palengke puro na lang problema sa lugar natin ang dinala! Dinamay pa kayong mga tenant nya.” Palatak nya. Kilala ni Madam Sonya si Feria dahil matalik na kaibigan nya ang namayapang si Boss Walter. Nanatili akong nakayuko. Naramdaman ko ang paghawak nya sa aking balikat na nagpataas sa aking ulo mula sa pagkakayuko. “Hija, lakasan mo ang loob mo. Hindi ko alam kung bakit lagi kang sinusubukan ng buhay pero alam kong matatag kang babae. Kinaya mo ang pagpapalaki mo sa anak mo at sa pag-aaral ng kapatid mo. Napakabait mong bata. Para na kitang anak. Wag mo alalahanin ang utang mo, ang mahalaga sa akin ay nakikita kang nagsisikap sa buhay. Para sa anak at kapatid mo.” Hindi ko napigilan ang pamamasa ng aking mga mata. Nag-uumapaw sa pasasalamat ang puso ko para sa kanilang mag-asawa. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ko alam kung saan kami pupulutin. “Maraming salamat po, Madam Sonya.” Ngumiti sya at inalis ang kamay nya sa aking balikat. “Mabuti nalang at naisipan mong mag-apply, ilang araw na akong walang natitipuhan para maging assistant ng anak ko. Mapili kasi 'yon.” Mahahalata sa mukha nya ang pagod, siguro ay dahil sa paghahanap ng assistant para sa anak at sa asawang nasa ospital. “Kamusta po ang lagay ni Sir Tony? Nasa ospital pa po ba sya?” Naisipan kong itanong. Gusto kong malaman ang lagay ni Sir Tony, nag-aalala ako. Rumehistro ang lungkot sa kanyang mata. “Nasa ospital pa sya ngayon, mabuti na lang at ligtas sya. Kaya kapag dumating na ang anak ko, aalis kami papuntang Mexico para roon magpahinga si Tony. Ang anak ko ang magma-manage ng negosyo.” Napatango tango ako sa kanyang sinabi. Tumunog ang telepono na nasa mesa, sinagot ni Madam Sonya ang tawag. “Hello. Sige. Papunta na ako dyan.” Habang may kausap sya sa telepono, naagaw nang atensyon ko ang picture frame na nasa mesang katabi namin. Litrato iyon ng mag-asawang Madam Sonya at Sir Tony noong bata-bata pa sila, nasa gitna ang dalawang batang lalaki, ito siguro ang mga anak nila. Akala ko ay isang anak lang ang meron sila. Ang isa sa mga bata ay nakapaskil ang inosenteng ngiti habang ang isa ay nakapaling sa kaliwang bahagi ang seryosong mukha. Napakunot noo ako. May pagkakahawig sya sa anak kong si Kyzo pero katamtaman lang ang katawan nito kumpara sa anak kong bilugan. Binaba ni Madam Sonya ang telepono at tumingin sa akin. “Blaine, bumalik ka na lang sa lunes para maipakilala na kita sa anak ko bilang assistant nya. Kabisado mo naman ang pasikot sikot dito sa farm at sa mansyon kaya kampante akong aalalayan mo ang anak ko.” “T-tanggap n-na po a-ako?” I stammered. Tumango sya habang nakangiti. Sa sobrang saya ko ay nayakap ko si Madam Sonya. Narinig ko ang mahinang pagtawa nya habang hinahaplos ang likod ko. Kumalas ako ng yakap at yumuko sa kahihiyan. “Salamat po.” Magaan ang pakiramdam na lumabas ako sa farm at pinara ang paparating na tricycle. Nagpahatid ako sa palengke. Pagkababa ko sa tricycle ay nagbayad ako. Nakita ko si Viel na kumakain ng baon na pananghalian. Pumasok ako sa loob ng tindahan at umupo sa tabi nya. Nilunok nya ang pagkain sa bibig bago nagsalita. “Kamusta, Ate? Tinanggap ka ba sa trabaho?” Tumango ako. “Sa lunes magsisimula na ako.” “Yes!” Napasuntok pa sya sa ere. Mahinang natawa ako sa ginawa nya. Mag-aalas sais na nang maisipan namin na magsara dahil wala nang namimili. Sinubukan kong ibaba ang roll up grills pero ayaw bumaba. Nagloloko na naman. Pinipilit ko itong ibaba nang may kamay na pumigil sa akin. Nilingon ko kung sino. “Ako na.” Tinanggal ni Onyx ang kamay ko na nakahawak sa roll up grills. Pumwesto sya sa gitna at malakas na hinila pababa ang roll up grills. Sinundan naman ng paglalagay ng padlock ni Viel. “Mabuti na lang at dumating ka Kuya Onyx, kung hindi baka nagmukha na kaming tanga ni Ate sa siraulo naming grills na ayaw magsara.” Sabi ni Viel habang nilalagay sa bag nya ang susi. Nagsimula na kaming maglakad pauwi. Sinabi ko na rin kay Onyx na magsisimula na akong magtrabaho sa lunes. Nagulat ako nang mahigpit syang yumakap sa akin. Si Viel naman ay nagtaas baba ang kilay na nakatingin sa akin dahil sa ginawa ni Onyx. Mabuti na lang at wala masyadong tao sa paligid namin, mga tsismoso’t tsismosa pa naman ang mga tao dito sa lugar namin. Kumalas sa pagkakayakap si Onyx at napapakamot sa batok na humingi ng despensa. Pinauna kong pauwiin si Viel sa bahay, susunduin ko pa si Kyzo sa bahay nila Onyx. Habang naglalakad kami ni Onyx papunta sa bahay nila, nakaramdamn ako ng pangingilabot. Pakiramdam ko ay may nakatingin sa amin. “Okay ka lang?” Nabaling ang atensyon ko kay Onyx. Kahit hindi maganda ang pakiramdam ay tumango ako. Pagdating namin sa bahay nila Onyx, kumaripas ng takbo palabas ng bahay si Kyzo at niyakap ako sa baywang. Nagpasalamat ako sa pag-alaga ni Tita Wanda. Nag-alok si Onyx na samahan kami pauwi dahil dumidilim na sa paligid, hindi na ako tumanggi. Pagdating namin sa tapat ng gate, hinayaan ko si Kyzo na buksan ang gate namin, abot naman nya. Papasok na sana ako sa gate nang tawagin ako ni Onyx. “Blaine.” Nilingon ko sya. Seryoso ang mukha nya. “Pwede ba kitang ligawan?” Nanlalaki ang mga mata na tinignan ko sya. Seryoso ba sya? Manliligaw sya? Sa akin? Nakaramdam ako na parang may nagliliparang paruparo sa tyan ko. Matagal na mula ng may gustong manligaw sa akin. Noong nagkaanak ako, nawalang parang bula ang mga nanligaw sa akin. Ngayon, si Onyx, kababata ko, gusto akong ligawan. “Blaine, sa totoo lang, matagal na kitang gusto. Hindi lang ako nagkakaroon ng lakas ng loob dahil alam kong hindi ka pa handa. Kaya sinubukan ko na tulungan ka sa mga alalahanin mo. Mahal kita, Blaine. Matagal na.” Malamlam ang mga matang nakatingin sa akin si Onyx. Hindi ko maapuhap ang sasabihin. Hindi ko akalain na may ganitong pagtangi sa akin si Onyx. Sa pagiging magkaibigan namin mula pagkabata, hindi ko naisip na mahuhulog ang loob sa akin ni Onyx. Inalalayan nya ako sa panahong lugmok ako dahil sa nangyayari sa buhay ko. Lahat ng katangian na gusto ko sa isang lalaki ay nasa kanya na pero hindi nadidiktahan ang puso. Gustuhin ko man na payagan sya sa balak nyang panliligaw, masasaalang-alang ang matagal naming pagkakaibigan. Hinawakan nya ang aking dalawang kamay at tumingin sa akin. “Hindi kita minamadali, Blaine. Gusto ko lang malaman mo na gusto kitang ligawan dahil mahal kita. Gagawin ko ang lahat para mahalin mo rin ako. Malamig na rito sa labas. Pumasok ka na sa loob.” Wala sa loob na napatango ako. Napangisi sya sa reaction ko. “Uwi na ako.” Nasundan ko na lang sya ng tingin. Nakatayo pa rin ako sa labas ng gate namin. Hindi pa rin ako makapaniwala sa sinabi ni Onyx. Saka ko lang naisipan pumasok sa loob ng gate nang maramdaman ang pag-ihip ng malamig na hangin. Habang sinasara ko ang gate, nakaramdam na naman ako ng pangingilabot, tinignan ko ang magkabilang kalye. Nakita ko na naman ang hugis ng kotse sa madilim na bahagi ng kalye at ngayon ay may nakasandal na tao sa labas ng pintuan nito habang naninigarilyo. Ang posisyon nito ay halatang sa akin nakatuon. Tumindig ang balahibo ko at nakaramdam ng takot. Bakit nandito na naman sya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD