"O, ate! Mabuti at dumating ka na. Akin na yan." Sumalubong sa akin ang pawisan kong kapatid na si Viel. Binuksan nya ang pintuan at tinulungan akong buhatin ang mga plastic na naglalaman ng pinamili ko sa palengke.
Alas syete na ng gabi nang makarating ako sa bahay. Pabagsak akong naupo sa aming maliit na sofa at pagod na napabuntong hininga. "Si Kyzo?"
"Ayun! Nakatulog dahil sa sobrang pagod. Kung saan-saan kasi nagsisiksik kanina. Nauntog pa ako sa kabinet sa sobrang kulit ng batang iyon." Maktol nya habang naghihiwa ng sibuyas. Mahina akong natawa sa kanyang sinabi dahil alam ko kung gaano kakulit ang batang iyon. Nakita ko pang maluha luha na rin sya sa paghihiwa ng sibuyas.
Kahit pagod ako mula sa palengke, tumayo ako at niyakap sya mula sa kanyang likuran. Hinilig ko ang aking baba sa kanyang balikat. "Hindi ko talaga alam ang gagawin ko 'pag wala ka." Sya lang ang mapagkakatiwalaan ko sa pagbabantay sa anak ko.
Hinawakan nya ang aking kamay na nasa kanyang beywang. Ramdan ko ang basa nyang kamay. "Ano ka ba, Ate? Syempre kapatid kita. Tayong dalawa lang naman ang magtutulungan. Tsaka kahit na makulit ang batang yon, mahal ko 'yon 'no."
Napangiti ako sa kanyang sinabi. "Salamat, Viel."
"Sus! Wala yon, Ate. Ikaw pa! Sige na. Maligo ka na dahil ang baho-baho mo! Amoy daing ka pa!" Reklamo nya habang tinatanggal ang aking kamay na nakayakap sa kanyang baywang.
Natatawang naglakad ako papunta sa banyo para maglinis ng katawan. Paglabas ko sa banyo ay pumunta ako sa kusina. Naabutan kong naghahain na si Viel. Nang matapos kaming kumain ay pumunta ako sa sala at sinimulang bilangin ang kinita ko ngayong araw sa pagtitinda sa palengke. Hindi gano'n kalaki ang kinita ko ngayong araw. Matumal dahil sa mainit ang panahon. Hindi kasi mabenta ang daing kapag mainit ang panahon. Namumuti ito kapag sobrang init ng panahon kaya pinapatungan ko ng basang tela para manatiling fresh. Kapag tag-ulan lang ako nakakabenta ng malaki. Masarap kasi kainin ang daing kapag malamig ang panahon. Lalo na kung paparesan ng itlog o kape.
"Paano to? Kapiranggot na naman ang hulog ko para kay Sir Tony bukas."
Nang magkasakit si tatay, hindi ko malaman kung saan ako kukuha ng pera. Nag-aaral pa noon sa elementarya si Viel at nasa kolehiyo pa ako. Minungkahi ng kapitbahay namin na si Mang Edong na mangutang ako sa amo nya dahil nagpapautang daw ito. Nang makausap ko ang amo nya, gusto ko ng lumubog sa sobrang hiya dahil sa sobrang bait nito. Pili lamang ang pinapautang nito. Swerte lang siguro ako dahil pinautang ako ng malaking halaga kahit walang collateral. Binigyan nya pa ako ng sobrang pera bilang tulong. Nahihiya man, tinanggap ko. Pagkatapos ng ilang buwan, binawian din ng buhay si tatay dahil sa kanyang sakit na pneumonia.
Binuklat ko ang maliit na notebook kung saan nakasulat kung magkano pa ang babayaran ko. Napakamot na lang ako sa batok dahil parang hindi nababawasan ang utang ko. Maliit lang kasi ang nahuhulog ko. Hindi sapat ang pagbabanat ko ng buto sa palengke. Sumasakit lang yata ang mga buto ko at bulsa. Saan pa ba ako makakakuha ng pera?
Hinilot ko ang aking sintido at naglakad papasok ng kwarto. Naabutan kong himbing na himbing sa kanyang tulog si Kyzo. Halos sakupin na nya ang kama naming dalawa. Inayos ko ang t-shirt nyang umangat saka sya tinabihan sa kama at hinaplos ang kanyang matabang pisngi. Napakislot sya sa ginawa ko.
Apat na taon na mula nang dumating sya sa buhay ko. Sa loob ng apat na taon, nasubok ang katatagan ko sa kanya. Kahit na wala akong experience sa pag-aalaga ng bata, hindi ako nagsisi na tanggapin sya at alagaan. Napakabait na bata ni Kyzo kahit na minsan mahilig makipagharutan. Sweet at friendly din sya sa mga taong nakakasalamuha nya kaya maraming kapitbahay at kaibigan namin ang naaaliw sa kanya.
"Mama." Narinig kong sabi nya habang nakapikit ang kanyang mga mata at dinilaan ang kanyang mapupulang labi na animo'y may kinakain.
Mahina akong napatawa sa kanyang ginawa. Mukhang nananaginip sya. Hinalikan ko sya sa noo bago nilamon ng antok.
"Naku, ate! Masarap to! Hindi maalat!" Sabi ko habang sinisimulan itimbang ang daing na binibenta ko.
"Siguraduhin mo lang na hindi maalat at masarap yan ah. Ibabalik ko talaga yan sayo kapag maalat." Sabi nya habang naghahanda ng ibabayad.
"Syempre naman! Baka pag bumalik ka rito, bibili ka ulit sa sobrang sarap. O, ito. Dinagdagan ko pa." At mas masarap pa sayo yong daing ko 'no. Lihim kong sabi sa isip.
Kinuha ko ang bayad nya at binigay ang biniling daing.
"Salamat." Sabi ko at ngumiti.
Nang makaalis na ang costumer ko, napasimangot ako. Sandali akong naupo. "Walang hiyang babae yon. Ang ayos ng pagkakadisplay ko kanina, tapos ngayon, parang dinaanan ng bagyo ang daing ko. Sobrang mapili! Konti lang naman ang binili."
"Magandang araw, Blaine!" Nakangiting bungad sa akin ni Mang Edong.
"Ay! Magandang araw din ho, Mang Edong." Ganting bati ko sa kanya at ngumiti. Panandaliang nakalimutan ang nararamdamang inis.
"Maghuhulog ka ba ngayon?" Tanong nya habang binubuklat ang kanyang maliit na record book.
Kinuha ko ang sira-sira kong sling bag sa cabinet. "Opo. Pero hindi po ganoon kalakihan. Alam nyo namang matumal ang benta ko kapag mainit ang panahon. Ito po muna." Inabot ko sa kanya ang perang hinanda ko kagabi. Binilang nya ito sa harap ko. Nang mabilang, inabot nya sa akin ang record book at pinapirma ako.
"Nga pala, Blaine. Naospital si bossing noong nakaraang linggo lang." Sabi nya habang nilalagay sa belt bag ang pera.
"H-ho?!" Gulat kong tanong sa kanyang sinabi.
"Pinagbabaril ang kotse nya ng hindi pa kilalang lalaki. Sa tingin ko nga, inggit sa negosyo ang dahilan kung bakit tinangkang patayin sya. Patay ang dalawang bodyguard nya habang pinoprotektahan si bossing. Mabuti na lang ay daplis sa braso at tagiliran lang ang nakuha nya." Kwento nya habang napapailing.
"Kamusta na po sya?" Nag-aalalang tanong ko. Napakabait ni Sir Tony kaya imposible ngang may kaaway ito maliban na lang kung may inggit na tao sa paligid nito.
"Sabi ni Madam Sonya, okay na daw si bossing. Baka bukas makakalabas na sila ng ospital."
"Mabuti naman po kung ganoon." Nakahinga ako nang maluwag sa sinabi ni Mang Edong. Hindi ko pa rin maiwasan na mag-aalala dahil baka pagtangkaan na naman ang buhay ni Sir Tony at baka hindi na ito makaligtas sa susunod.
Napakabait ng mag-asawang sina Sir Tony at Madam Sonya. Para ko na silang magulang. Tinulungan nila ako sa pagpapalibing sa tatay ko at hindi sila pumayag na bayaran ko ang nagastos nila. Naaawa raw sila sa akin dahil ulilang lubos na kami.
Huminto muna ako sa pag-aaral sa kolehiyo para mabuhay kaming magkapatid. Paminsan minsan ay binibigyan nila kami ng pagkain at damit kapag galing sila ng ibang bansa.
"Blaine, baka may kakilala kang gusto magtrabaho bilang assistant? Naghahanap kasi si Madam Sonya para sa panganay nyang anak." Sabi ni Mang Edong habang pinapasok sa loob ng belt bag ang record book.
Kunot noo ko syang tinignan. Panganay? "Iyon po ba ang anak nya na nasa Mexico ngayon?" Sa pagkakaalam ko ay nag-iisang anak lang ito nina Sir Tony at Madam Sonya. May anak pa ba sila Sir Tony at Madam Sonya?
"Oo. Uuwi na sya sa susunod na lunes. Sya ang magma-manage ng negosyo habang nagpapahinga si bossing. Kaya nagpapahanap sa akin si Madam Sonya ng magiging assistant nya."
Napatango tango ako. "Sige po. Sabihan ko po kayo kapag may interesado."
"Salamat, Blaine. O, pa'no? Alis na ako." Nakangiti nyang sabi habang kumakaway.
"Ingat po kayo." Habol kong sabi.
Buong maghapon ay hindi mawala sa isip ko ang trabahong sinabi ni Mang Edong. Ilang araw ko na ring pinag-iisipan na tumigil muna sa pagtitinda at maghanap ng trabaho. Kahit call center agent or waitress ay okay na sa akin dahil hanggang second year college lang ang natapos ko. Basta wag lang iyong trabahong iniiwasan ko, four years ago. Ayoko ng maulit.
Inutang ko din ang capital ko sa daing mula kay Sir Tony. May kinikita naman ako sa pagtitinda pero hindi iyon sapat para mabayaran ang utang ko. Baka abutin ako ng syam-syam.
Madadagdagan pa ang gastusin namin ngayon dahil sa pasukan ay first year college na si Viel. Si kyzo naman ay kinukulit na akong ienroll sya dahil gusto na nyang mag-aral. Lahat ng coloring books na binili ko para sa kanya ay puno na, pati dingding namin sa bahay ay namumukadkad na ng crayons. Gustong gusto nya ang nagkukulay ng kung ano-ano. Minsan pa ay natulog sa sala si Viel at ginawang canvas ni Kyzo ang mukha nya. Nang magising si Viel, mangiyak ngiyak nyang inaalis ang kulay itim sa mukha. Tanging ang paligid ng mga mata at labi na lang nya ang walang bahid ng permanent pentel pen. Halos maihi ako sa kakatawa sa itsura nya. Umiiyak na lumapit sa akin si Kyzo noon dahil binubura daw ng Tita Viel nya ang drawing nya.
Hindi ko napigilan na matawa sa naalala. Ngunit biglang nawala ang ngiti ko nang lumapit sa akin si Simang, ang assistant ng may-ari ng palengke.
"May meeting daw mamayang alas tres sa office. Importante." Nakasimangot nyang sabi at umirap pa na umalis sa harap ko. Sinundan ko sya ng tingin at umamba ng kutos sa ere. Sa lahat ng nakasimangot na nakita ko sa buong buhay ko, tanging sya lang ang nakasalo ng consistent na simangot. Kahit kailan ay hindi ko pa nakitang nagbago ang facial expression nya.
Naglipit muna ako ng mga gamit sa tindahan bago nagsarado para pumunta sa meeting. Kasabay ko sa paglalakad ang mga katabi kong tenant sa palengke. Kinakabahan ako habang papunta sa office dahil last month ay usap usapan na gagawin ng mall ang kinatatayuan ng palengke. Ilang dasal muna ang ginawa ko bago pumasok sa office. Sana hindi totoo ang tsismis.
Inabot ng two hours ang meeting dahil sa madaming tenant ng palengke ang umapela. Totoo nga ang tsismis na binenta ang lupa ng palengke at gagawing mall. Next week, sisimulan na i-turnover ang palengke sa bagong may-ari. Lahat kami ay nagulat sa balita dahil walang abiso sa amin kung anong lagay ng palengke. Sana sinabi sa amin ng maaga para makapaghanda ang bawat tenant na makahanap ng bagong pwesto, hindi iyong ganitong biglaan.
Umuwi akong bagsak ang balikat. Dumiretso ako sa kusina para uminom ng tubig. Napansin ni Viel ang pananamlay ko. "Ate, okay ka lang? Bakit ang lungkot mo? Matumal ba?" Sunod-sunod nyang tanong.
Nilagay ko sa lababo ang ginamit kong baso bago nagsalita. "Hanggang next week na lang kami pwede magtinda sa palengke dahil gagawin ng mall sa susunod na linggo."
"Totoo nga pala talaga ang tsismis. Naku! Kaya siguro binenta ang palengke dahil maraming utang si Madam Feria. Yong bruha na yon, hindi na naawa sa mga tenants nya! Kung buhay pa sana si Boss Walter, hindi sya papayag na mangyari ito." Himutok ni Viel habang binibihisan si Kyzo na sinasayaw ang kanyang favorite nursery rhyme.
Si Boss Walter ang totoong may-ari ng palengke. Mabait sya sa lahat ng tenants kaya halos madurog din ang puso namin ng mabalitaang namatay ito sa car accident last month. Humalili sa kanya ang asawang si Madam Feria. Masungit ito sa aming mga tenants at umungot pa na tataasan ang aming babayaran sa pwesto. Hindi pumayag ang karamihan sa amin.
Nagsimula ang tsismis nang makita ng isang tenant ang paglabas pasok ng isang attorney sa office ng palengke, kausap si Madam Feria. Narinig nyang may nagaganap na bentahan ng lupa sa palengke. Isa daw iyong attorney ng sikat na mall sa pilipinas at balak gawing mall ang lugar.
Napabuntong hininga ako. "Wala tayong magagawa. Nandyan na yan. Maghahanap nalang siguro ako ng bagong pwesto or trabaho."
"Saan ka naman maghahanap ng trabaho nyan, Ate? Ay! Sabay na kaya tayo mag-job hunt? Naisipan ko kasi na magpart-time job para kahit papaano ay mabawasan ang bayarin natin at hindi ka mahirapan."
"Wag mong gagawin yan, Viel. Hayaan mo akong magbanat ng buto para sa inyo. Gusto kong makapagtapos ka ng pag-aaral." Pigil ko sa gusto nyang mangyari. Nakita kong nalungkot sya sa sinabi ko. Ayokong pati ang pag-aaral nya ay maapektuhan. Ayos nang ako lang maghirap, wag lang sila.
"Anong trabaho naman ang papasukan mo kung sakali, Ate?" Tumayo si Viel at binalik sa cabinet ang polbo na ginamit sa likod ni Kyzo. Tumakbo papalapit sa akin si Kyzo at niyakap ako. Hinaplos ko ang kanyang malabot na buhok.
"Sabi ni Mang Edong, naghahanap ng assistant si Madam Sonya para sa anak nyang galing Mexico. Mag-aapply ako bukas. Kung pwede, ikaw muna magbantay sa tindahan bukas?" Tanong ko. Sya lang napapakiusapan ko na pumalit sa akin sa pagtitinda kapag may importanteng lakad ako.
"No problem, Ate. Isasama ko ba si Kyzo bukas sa tindahan?"
Hinalikan ako sa pisngi ni Kyzo at pumunta sa mini table nya at nag-drawing. Hindi ko mapigilan na ngumiti. Ang sweet talaga ng anak ko. "Wag na. Dadalhin ko na lang sya bukas sa bahay nila Onyx. Baka kung saan-saan magpunta. Delikado sa palengke."
Umupo sa sahig si Viel at pinisil ang matabang pisngi ni Kyzo. Nairita si Kyzo sa ginawa ni Viel at napa-pout ang mapulang labi. "Mabuti pa nga. Delikado talaga sa palengke. Saka delikado rin ang benta ko sa batang 'to. Baka maubos ang kita ko kakabili ng pagkain. Napakatakaw!"
Natawa ako sa sinabi nya at naalala kung gaano kalakas kumain si Kyzo noong sinama namin sya sa palengke. Halos tira-tira na lang ni Kyzo ang nakain namin. 'Pag dating sa pagkain, madamot sya pero sa mga gamit nyang laruan ay mapagbigay sya.
Tumayo ako at naglakad papuntang kusina. Kinuha ko ang cellphone ko na iniwan sa mesa at tinext si Mang Edong na interesado ako sa trabahong sinabi nya pero hindi iyon tuluyang na-send. Nag-expire na pala ang load ko. Lumabas ako ng bahay at nagpaload sa katapat na tindahan. Nang pumasok ang load ay ni-resend ko ang text kay Mang Edong. Bumili muna ako ng chocolate para kay Kyzo.
Nasa tapat na ako ng gate ng bahay namin nang maramdaman na parang may mga matang nakatingin sa akin. Nilingon ko ang magkabilang kalye.
Madilim sa bahaging ito dahil hindi na gumagana ang post light. Tanging mahinang ilaw sa gate namin at sa katapat na tindahan na lang ang may ilaw. Patay na ang ilaw ng mga kapitbahay namin. Hindi sapat para makita ang nasa paligid. Wala namang nakatambay.
Huminto ang paningin ko sa kaliwang bahagi ng kalye. Kahit madilim ay nakita ko pa rin ang hugis ng kotse na naka-park sa naturang kalye. Kunot noo akong napatingin at napaisip. May kotse ba ang kapitbahay namin? Baka may bisita na may kotse. Napakibit balikat na lang ako at pumasok sa bahay.
Naabutan kong humihikab na nakaupo sa sofa si Kyzo. Nilapitan ko sya at hinaplos ang mukha. Binigay ko sa kanya ang chocolate na binili ko. Hindi nya iyon binuksan, hinawakan nya lang. "Bakit nandito ka pa sa sala? Inaantok ka na e."
"Hindi pa po kasi ako nakakainom ng gatas, mama." Sabi nya habang kinukusot ang kanang mata.
"Hindi ka pinagtimpla ng gatas ni Tita Viel?" Binuhat ko sya at gigil na hinalikan sa pisngi. Ang bigat ng batang to. Pakiramdam ko ay nagbuhat ako ng kalahating bigas.
Umiling sya habang nakanguso. Hinalikan ko ang labi nya na nakanguso.
Kakagigil talaga ang batang ito.
Pumunta kami sa kusina. Binaba ko sya sa upuan at ininat ang brasong nangalay sa pagbuhat. Kumuha ako ng baso at naglagay ng powdered milk. Nilagyan ko ng kalahating baso ng mainit na tubig at kalahating baso ng mineral. Gusto ni Kyzo na puno ang baso nya ng gatas. Nang masiguro ko na tama ang temperature ng gatas ay binigay ko sa excited kong anak na nakatayo sa upuan.
Kanina inaantok sya, ngayon, parang sinisilihan ang pwet sa sobrang excitement.
"Maupo ka, anak. Sige ka. Si mama ang iinom nito kapag hindi ka umupo." Banta ko at unti-unting nilapit sa aking labi ang baso.
"Mama!" Dali-daling umayos sya ng upo. Binuksan nya ang binigay kong chocolate at nilagay sa gatas nya. Habit nya yan kapag iinom ng gatas. Natatawang binigay ko sa kanyang ang gatas.
Narinig kong tumunog ang cellphone ko. May text galing kay Mang Edong. 'Punta ka na lang sa mansion bukas ng alas diez ng umaga. Nasabihan ko na si Madam Sonya na mag-aapply ka.'
Napabuga ako ng hininga. Sana ay matanggap ako sa trabaho. Kahit na kilala ako ni Madam Sonya, hindi iyon sapat para magpakampante ako na tatanggapin nya ako sa trabaho. Kailangan ko din paghirapan na makuha ang trabaho. Lalo na at may pagkakautang ako sa kanila.
We have a small town. Halos magkakakilala ang mga tao sa lugar namin. Ang mga kalalakihan sa lugar namin ay nagtatrabaho sa malaking farm nina Sir Tony at Madam Sonya. Kasama na roon ang kaibigan kong si Onyx na nagtatrabaho bilang katiwala ni Sir Tony. Maimpluwensya ang pamilya nila kaya hindi nakakapagtaka ng may nagtangka sa buhay ni Sir Tony.
"Mama, tapos na po ako inom. Tulog na tayo." Napukaw ng atensyon ko ang boses ni Kyzo.
"Sige. Baba ka na dyan." Sabi ko. Nakaupo pa sya sa upuan.
"Karga mo po 'ko, mama." Tinaas nya ang namumutok nyang braso sa akin.
"'nak, ang bigat mo e. Hindi kita kayang buhatin paakyat ng hagdan. Baka mahulog tayo." Maktol ko.
Diyos ko! Kaya ko pa syang buhatin kung nandito kami sa first floor ng bahay pero kung paakyat, baka hanggang sa unang hagdan lang ang makaya ko.
Nag-pout sya sa sinabi ko. Napabuga ako ng hininga. "Sige na nga. Bubuhatin na kita. Halika na." Pagpayag ko.
Bahala ng ma-dislocate ang buto ko sa batang 'to. Binuhat ko sya at bawat hakbang ko sa hagdan ay ang sandamakmak na dasal na hindi kami mahulog sa sobrang bigat ni Kyzo. Mahigpit naman nya akong niyakap. Nang tumapat na kami sa pintuan ng kwarto namin, binaba ko na sya. Narinig ko pang tumunog ang likod ko. Tumakbo si Kyzo, umakyat sa kama namin at nahiga.
"Pinagod mo si mama, 'nak. Mag-diet ka na. Hindi na kita kayang buhatin sa susunod." Baka ako na magpabuhat sa kanya kapag hindi sya nag-diet. Ang bigat e. Bumungisngis lang sya sa sinabi ko.
Naglakad ako papunta sa bintana dahil bahagyang nakabukas ito. Hinawakan ko ang bintana para sana isara ngunit natuon ang pansin ko sa taong nakasandal sa hamba ng kotse na nakita ko kanina sa labas.
Umihip ng malamig na hangin. Tumindig ang balahibo ko. Kahit madilim sa parteng iyon, alam kong nakatingin ang taong iyon sa akin, na parang hinihintay nya akong makita sa bintana. Bigla akong nakaramdam ng pamilyar na takot.