Maaga siyang gumayak papunta sa trabaho kinabukasan. Sinunod niya ang bilin ni Jonas na huwag muna babasain ang buhok sa loob ng at least dalawang araw para magstay pa ng medyo matagal ang gamot na ginamit nito dito.
Sukbit ang may kalakihang bag sa balikat na naglalaman ng uniporme ay agad siyang pumasok sa loob ng hotel na walang lingon lingon. Hindi niya napansin na may kanina pa pala nakasunod sa kanya.
“Wow! Akala ko bagong empleyado dito,” wika ng isang lalakeng sinabayan siya nang kapwa makapasok na sila sa employees lounge.
Nilingon niya ang taong nagsalita. Agad na namula ang kanyang mukha nang mapagsino iyon. Si Steven, ang kapwa empleyado doon na tumulong sa kanya noong nakaraan sa laundry area.
“Ang ganda mo pala kapag straight ang buhok mo!” anito na huminto pa talaga sa kanyang harapan para bigyan siya nito ng compliment.
Namula ulit ang mukha niya sa narinig mula rito.
“Sa totoo lang may iba pang nagbago sa iyo, hindi ko lang mahulaan kung ano,” nakangiti nitong pakli.
“Huh?” napakunot ang noo niya.
“Basta, may nagbago sa iyo,” anito sabay talikod papunta sa men’s locker room.
Samantalang naiwan siya na hindi malaman kung ano magiging reaksyon sa mga sinabi ng lalake. Ang alam niya lang masaya siya sa narinig.
Dumiretso siya sa women's locker room at doon ay nagpalit ng uniporme. Pagkatapos ay lumabas na para pick-up-in ang kanyang cleaning cart at list of rooms na kailangan niyang linisin. Hindi niya akalain na maabutan niya ulit doon ang lalake, tila naghihintay sa kanya.
Biglang bumilis ang t***k ng puso niya. Ito ba ang magiging partner niya ngayon sa paglilinis ng mga kawarto? Nakaramdam siya ng pagka-ilang dito.
Sunuklian niya ang ngiti nito sa kanya at pumunta na sa kanyang cart. Doon ay napag-alaman niya sa isang note na ito nga ang makakasama niya sa buong araw, upang linisan ulit ang ilang suite sa 32nd floor. Lumabas na ang bagong order ng management ng hotel na iyon na kailangan ay may dalawang room attendant na ang kailangang palaging magkatulong na maglilinis sa mga suite ng mga bachelors doon.
“Tara!” nagpatiuna na ang lalake habang hila hila na ang malaking cart na puno ng mga gamit panglinis.
Sumunod lang siya dito habang tulong tulong naman sa pagtulak ng cleaning cart. Hindi niya alam ang mangyayari sa buong araw na iyon. Baka sa hiya niya dito ay hindi nalang ito imikin sa loob ng ilang oras na kasama ito sa trabaho.
“Kamusta ang pagwo-work mo dito? Sabi mo bago ka palang diba?”
Nagulat siya ng imikin siya nito nang makasakay na sila sa elevator paakyat sa 32nd floor.
“Ha? Ok lang naman. Nakapag-adjust na ng konti,” tipid na sagot niya habang iwas ang tingin dito.
“Marami ka nang kaibigan dito?”
“Hmm, may mga kakilala na pero ang madalas ko talagang kasama ay si Jonas,” sagot niya.
Bumukas ang pintuan ng elevator at itinulak ng lalake ang daladalang cart palabas doon habang siya ay nakasunod lang.
“Bakla yun diba?” tanong ulit nito sa pagtukoy kay Jonas.
Pinili niyang ngumiti nalang dito at huwag nang sagutin ang tanong nitong iyon. Alam niyang sensitibong bagay iyon para sa kaibigan na kahit open naman ito na malaman ng mga katrabaho na isa itong bading ay ayaw niya pa rin na sa kanya mismo manggaling ang kompirmasyon tungkol sa totoong pagkatao nito.
Pinihit niya pabukas ang door knob ng suite na unang lilinisan nila at agad na nagsimulang maglinis as soon as makapasok sila sa loob.
“Taga saan ka nga pala?” tanong ulit ng lalake nang tulungan siya nito mag-alis nang mga punda at bedsheet ng king size bed ng malaking kwartong iyon.
Usually kapag may nakakasama siya sa paglilinis, nag-iiba sila ng parte ng kwartong gustong linisan para mas maging mabilis ang trabaho. Ang lalakeng Ito, mukhang gusto lang sundan siya kung saan gusto niyang pumwesto. Tila may kilig factor siyang naramdaman doon. Nag-i-initiate rin kasi ito ng mga bagay na gustong pag-usapan.
“Pure tagalog ako. Lumaki na ako dito sa Manila. Pero ang mga magulang ko originally from Mindoro,” nakangiti niyang sagot. Although iwas parin na magtama ang paningin nila ay medyo nagiging at-ease na siyang kasama ito. “Ikaw?” ibinalik niya ang tanong dito na nagsimula nang mag-vacuum ng carpeted floor ng room.
Pinatay muna nito ang vacuum tsaka sumagot. “Taga Iloilo ako,” pagkatapos sumagot ay nagpatuloy ito sa ginagawa.
Bahagya pa siyang nagulat nang tumigil ito sa ginagawa at tulungan siya nito na maglagay ng bagong bedsheets sa mabigat at makapal na kama. Napangiti siya sa ginawa nito.
Nagpatuloy sila at nang matapos ay lumipat sa kusina.
“Ilang taon ka na?”
Napatingin siya dito sa tanong na iyon. Mukhang kinikilala na talaga siya ng lalake. Bakit nakakaramdam siya ng saya sa isiping iyon?
“Matanda na ako,” kiming sagot niya.
“Gaano katanda? 65?”
Ikinatawa niya ang sinabi nito.
“Yun! Nakita rin kitang tumawa!” natigil ito sa ginagawa para pagmasdan siya.
Ikinubli niya ang mukha nang maramdaman ang pamumula.
Hindi na siya nakapagsalita pa at ibinigay nalang ang buong atensyon sa pagtatrabaho. Pero hindi pa rin natigil ang lalake sa pakikipag-usap sa kanya. Kahit marami na siyang hindi nasasagot na tanong nito.
“Single ka pa?”
Ang tanong na iyon ng lalake ang nakagpatigil sa kanya sa ginagawa.
‘Bakit kaya nito tinatanong na single pa ako?’ May kilig siyang naramdaman. Tinapunan niya ito ng tingin kasabay ng pagbibigay dito ng matamis na ngiti.
“Sige na, kahit iyun lang sagutin mo,” pangungulit na nito nang matapos sila sa ginagawa. Hila hila na nito ang cart pabalik sa elevator. “Pwede makuha number mo?” dugtong pa nito.
Lalong bumilis ang t***k ng puso niya. Parang nag-lock pa ang jaw niya at hindi niya kayang sabihin ang gustong sabihin. Ibibigay niya ba ang phone number dito? Bakit parang nagse-celebrate ang kung ano mang nandoon sa puso niya sa mga atensyong ibinibigay sa kanya ng lalakeng iyon. Pero natigil din iyon nang magbukas ang elevator na kalapit sa kanila. Nang makita ang isa pang lalake na lumiwanag ang mukha ng makita siya.
“Ms. Reyes! Finally nakita rin kita!” malaki ang pagkakangiti ni Kody Cervantes nang lapitan siya.
Ibang klaseng kaba ulit ang naramdaman niya noong oras na iyon. Ano na naman ba ang kailangan ng boss nila sa kanya? Is she in trouble again?
“Can I talk to you inside my room?” may paglamlam ng mga mata nitong sabi sa kanya.
Tila hindi siya nakagalaw mula sa narinig. May pagtutol ang isipan niya sa inuutos sa kanya ng lalake. Nag-aalala siyang baka may ipagawa na naman ito na labag sa kalooban niya pero dahil empleyado lang siya nito ay mapipilitan lang din siyang gawin ang inuutos nito gaya noong nakaraan. Napatingin siya kay Steven na hindi rin maipaliwanag ang reaksyon ng mukha.
“I insist Ms. Reyes!” anito na naghihintay na sa kanya habang hawak nito ang knob ng pinto.
Parang robot na hinila siya ng mga paa papasok sa loob ng kwarto nito nang marinig ang demand nito. ‘Naku, kung hindi lang talaga kita boss!’ protesta niya sa kanyang isipan.
“Ms. Reyes!” ipinitik nito ang mga daliri sa mismong harapan ng mukha ni Samantha ng tila lutang itong pumasok sa loob ng kwarto. “It’s ok, ako lang ito!” natatawa nitong pakli.
Para naman siyang natauhan. “Sir naman kasi, may ipapagawa ka na naman ba?” kumamot siya sa kanyang ulo. “Pwede ba ipagpaalam nyo muna sa akin para naman ready ako,” banas na sabi niya noong maalala iyong pinagawa sa kanya noong nakaraan.
Ikinatawa iyon ng lalake.
“Ay, sorry po!” bigla niyang naalala na ang nagmamay-ari pala ng pinagtatrabahuan ang kausap.
“It’s okay. Mas gusto ko na yan na hindi ka pormal na makipag-usap sa akin ngayon,” nangingiti ngiti nitong sambit.
“So ano po? Bakit nandito na naman ako sa loob ng kwarto ninyo?” may pagkabanas nitong tanong.
“Umupo ka muna Ms. Reyes,” kumuha ito ng upuan sa kusina at inalalayang umupo ang babae.
“Sam nalang po,” sambit niya pa.
“Ok, Sam… Actually, I’ve been looking for you these past few days, hindi lang kita matyempuhan dito…” umupo din ito sa harapan niya at bumuwelo ng sasabihin. “I haven't had a chance to say sorry too about what happened last time, hindi ko rin naman kasi talaga akalain na darating si Cheska. Wala na rin akong choice kaya napilitan nalang ako na pagpanggapin ka na girlfriend ko, kung alam mo lang ang ugali ni Cheska, hindi iyon aalis ng kwarto ko hangga’t hindi nakukuha ang gusto. Anyway, I’m so sorry dahil alam ko nagalit ka sa ginawa ko,”
paliwanag nito sa kausap.
Iniroll niya ang mga mata sa harapan ng boss at inismiran ito.
Samantalang ikinatawa lang nito ang ginawa ng babae.
“Am I forgiven?” tanong nito.
“Ok na po yun! Huwag ninyo nang alalahanin,” pormal na sagot niya.
“Thank you so much, Sam,” natutuwa nitong pakli. “Pero may kasalanan pa ako sa iyo, about sa hikaw mo,” mabilis na sumeryoso ang mukha nito sa pagsasabing iyon.
Tila naexcite naman siya sa sasabihin nito, tuloy ay napatitig siya sa lalake.
“Can I ask you for dinner tonight?” tanong nito.
Napaarko ang kilay niya. “Sir naman! Akala ko pa naman nakuha n’yo na yung hikaw ko!” may pagka-dismaya nitong sabi.
“I can’t,” mariing iling nito. “It's impossible na makuha na iyon. Pero kung papayag ka na makipag-dinner sa akin tonight, may ibibigay ako sa iyo.”
“Ano po yun sir?” nanlaki ang mga mata niya sa excitement ulit. Sa tono ng pananalita nito ay mukhang papalitan nito ang hikaw na nahulog sa lababo nito.
Assumera na naman siya. Bakit naman nito papalitan ang hikaw niya eh kung tutuusin hindi naman nito kasalanan iyon?
“Basta!” sagot nito. “Ano, makikipag dinner ka ba sa akin? Don’t worry diyan lang tayo sa cafe sa ibaba.”
“Po? Hindi na naman po kailangan ng dinner eh, kung ano po yung ibibigay ninyo pwede naman dito nalang din.”
“I insist again Ms. Reyes!” pakli nito.
“Naku sir nawiwili na kayo sa kaka-I insist nyo ha, porket boss ko kayo,” banas niyang turan.
“That's why I use those words para hindi ka na makatanggi dahil ikaw na nga nagsabi na boss mo ako diba,” malaki ang ginawa nitong pagkakangiti.
“Eh, kasi po baka may makakita sa atin baka kung anong isipin!” napakamot ito sa ulo.
“Eh ano naman!” saad din nito. “Basta tonight at 6:30, meet me inside Aroma Cafe sa ibaba, end of conversation,” tinapos na nito ang kanilang pag-uusap sa pamamagitan ng pagtayo nito at paglakad papunta sa pintuan.
Napatayo na rin si Sam na napakamot nalang ulit sa ulo. Paglabas niya mula sa suite ni Kody ay naabutan niya pa rin doon si Steven na naghihintay sa kanya.
“Hindi mo nalang sana ako hinintay!” aniya nang sabay na silang pumasok sa elevator.
“Baka kung anong gawin sa iyo ng taong yun, ma-rescue kita.”
Ikinatawa niya iyon ng konti, sabay pamumula narin ng pisngi. “Demanding lang yun si sir Kody pero mabait naman,” anito.
Mabilis na naalis sa isipan niya ang nangyaring pagkausap sa kanya ng may-ari ng hotel na pinagtatrabahuan. Basta malaking impact sa kanya ang nangyari ngayong ilang araw nilang pagkakasama ni Steven sa trabaho. Nawala ang bad boy image na sinabi sa kanya ng kaibigang si Jonas tungkol dito. Masarap rin naman kasi itong kasama at napatunayan niya rin na mabait naman din ito. Sa huli, bago sila naghiwalay ay naibigay niya rin ang kanina pa kinukulit nitong phone number niya. Magmula nang makuha nito ang number niya ay wala na itong tigil sa pagti-text sa kanya.