Kilalanin si Sam
Matalim ang ipinupukol niyang mga tingin sa babae at lalakeng naglalampungan sa kanyang harapan noong mga oras na iyon. Kung may telekinetic power lang siya kagaya ni Carrie sa napanood niyang pelikula, natupok na ng apoy ang dalawang iyon sa sama ng pagkakatitig niya sa mga ito. Masyadong malaswa. Katunayan ay ipiinag tataasan siya ng balahibo sa mga paghahalikang ginagawa ng mga ito in public.
Nasa loob siya ng train papunta sa Cubao station. Unang araw niya ngayon sa trabaho kaya maaga siya umalis ng kanilang bahay. At last after ilang try ng pag- aapply ng trabaho sa loob ng ilang buwan, sa wakas ay natanggap din siya as a room attendant o tagalinis ng room ng isang hotel. Alam niyang may kabigatan ang trabaho na iyon pero okay lang. Sa tagal ba naman niyang natengga sa kanilang bahay magiging choosy pa ba siya? Kahit naman hindi kagandahan ang trabahong nakadikit sa tagalinis ng room ng hotel eh maganda rin naman ito pakinggan sa ingles, ‘room attendant’. Oh diba okay narin! At tsaka knowing na sa isang mamahalin at sikat na hotel siya natanggap, it's a great previledge narin makapagtrabaho doon kahit marami siyang naririnig na hakahaka na may pagka delikado rin daw ang pinasok na trabaho.
'Sa pagiging patpatin mong yan ate, nakapasa ka doon? Kaya mo bang iangat ang kama sa tuwing magpapalit ka ng bed sheet?' ini-roll niya ang isang kilay nang maalala ang pangangantyaw na sinundan ng malakas na pagtawa ng isang kapatid na lalake nang mabalitaan nito na magkakaroon na siya ng trabaho. Keber nalang siya. Sa edad niya ngayong 25 year old, na ngayon lang makakaranas magtrabaho, kahit ano papatusin niya basta wag lang maging p********e.
Siya si Samantha Reyes, panganay na anak sa kanilang tatlong magkakapatid. Naturingang panganay na dapat ay maging bread winner ng pamilya, pero sa mahabang panahon ay natengga lang sa bahay para mag-asikaso at mag-alaga sa nagkasakit na ama, at tumulong sa kanyang ina sa pagbabantay ng kanilang maliit na sari-sari store. Wala namang masama doon, malaki nga ang naging ambag niya sa kanilang pamilya, ang masaklap lang ay naipag-iwanan na siya ng panahon.
Dahil panganay at iniisip muna ang lahat bago ang sarili ay huminto muna siya ng pag-aaral sa edad na 19 sa kursong HRM noong nasa 3rd year na siya. Iyon ay para bigyang daan ang dalawang nakakababatang kapatid na tutungtong narin ng kolehiyo. Kapwa magaganda ang mga grado ng mga ito sa school kaya pinanghihinayangan ng mga magulang niyang pahintuin, kaya imbis sila ang huminto ay nagsakripisyo nalang siya.
Choice niya rin naman yun. Para wala nang gulo at sakit ng ulo. Nag-iisa siyang anak na babae kaya marapat lang din siguro na siya na ang mag give way sa mga kapatid na lalake na balang araw ay magbubuhay ng sari-sariling pamilya kaya kailangan ng mga itong makapag tapos ng pag-aaral. Okay lang, kahit may konting pagtutol din siya sa kanyang isip. 3 semester nalang din naman kasi at makakapagtapos na siya, yun nga lang, masyadong malaki ang tuition fee niya kaya kailangan niyang bitawan muna ang pag-aaral. Pinangakuan naman siya ng mga kapatid na pag tutulungan siyang pag-aralin once makatapos na ang mga ito at makahanap ng trabaho. Isang bagay na hindi naman nangyari dahil halos magkasabay din na nakabuntis ng mga babae ang mga ito ilang buwan palang pagkatapos makagraduate. Masaklap pero iyun talaga siguro ang kapalaran niya. Ang umintindi at igugol lahat ng oras sa pamilya kaya tumanda nalang siya ng ganito, wala pang experience na magtrabaho.
Ibinaling niya ang paningin sa labas ng tren upang alamin kung nasaan na siya. Inayos ang eye glasses at ang pumapantay na sa pilikmata na bangs. Mula sa umalingawngaw na boses ng announcer ng tren ay dalawang istasyon nalang nasa Cubao na sila.
Ibinalik niya ulit ang paningin sa loob ng medyo crowded na sinasakyan. Medyo maraming tao rin ang nakatayo doon pero ang kinaiinisan niya talaga eh tila nagbigay daan din ang mga ito para makita niya talaga ang dalawang magkasintahang iyon na walang tigil parin sa pakikipaglandian sa kabila ng may maraming taong nakapaligid. Aba, sa tingin niya ay mga bata pa ang mga ito, kapwa kasi naka uniform pa ng isang sikat na paaralan, hindi man lang nahihiya.
Sa kasuyaan ay iniba niya nalang ang tingin at lumingon sa bandang kanan. Ngunit lalong naghimutok ang loob niya nang may makitang magkasintahan din na sweet at magkaakap pa habang nag-uusap, halos ilang inches nalang din ang pagitan ng mga mukha ng mga ito na tila kanila lang ang mundo habang nakatitig sa isa’t isa.
‘Mga kabataan talaga ngayon!’ sa isip niya.
Ewan niya ba kung bakit tila allergic siya sa mga tanawing ganun. Tila nandidiri siya kapag may nakikitang naghahalikan sa harapan niya. Tila kinikilabutan siya kapag nag papakita ang mga ito ng public display of affection. Bakit nga ba?
Dahil ba nagagalit siya sa nangyari sa dalawang kapatid na dahil sa maagang pagkakaroon ng kasintahan ng mga ito ay hindi narin nakapagpigil at maaga ngang nakabuntis ng babae? Tuloy hindi na nga siya nakapagtapos ng pag-aaral eh naiwan pa lahat ng pasanin sa kanya mula sa mga utang ng kanilang mga magulang para sa pagpapatapos sa mga ito na hindi naman sana mangyayari kung una siyang nakapagtapos at hindi agad nagpamilya ang mga ito.
O baka naman inggit lang siya, dahil sa edad niyang iyon ay wala pa talaga siyang naging nobyo. Nakaranas naman siya ng mga manliligaw, pero manliligaw bang masasabi iyon na kapag nasa tindahan lang siya nila ay tsaka lang susulpot ang mga ito at magpapakitang gilas, magpapataasan ng ihi at bibilugin ang ulo niya at sa kalaunan ay uutang lang pala ng mga delata at noodles? Aminado siyang madalas na mangyari iyon, na kung minsan pa ay nagpapa cute ang mga ito sa kanya at kikindatan pa siya yun pala ay uutang lang ng pang load. Infairness, kilig to the bones naman siya sa mga mabulaklak na mga salita ng mga ito at pasadyang pagdaplis ng mga kamay nito sa kamay niya kapag bibili ng kung ano sa kanilang sari-sari store.
Oh well, dati yun, hindi na ngayon. Natuto na siya. Pagkatapos kasi niya pautangin ang dalawang mokong na iyon ay umalis nalang ang mga ito at hindi na binayaran ang utang sa tindahan nila. Sangkatutak na sermon tuloy ang natanggap niya sa ina. Siguro nga ay bitter siyang maitatawag, eh ano naman ngayon? Proud pa rin siya sa sarili na hindi bumigay sa mga mabulaklak na mga salita ng mga walang kwentang lalakeng iyon.
Hindi naman siya kapangitan. Actually nga kamukha niya daw ang kanyang ama na sabi nila ay kamukha daw ng yumaong si Eddie Garcia na may katangusan ang ilong at may magagandang mga mata. Hindi siya payatot gaya ng pagkakasabi ng iba, slim lang siya, at kahit ganun ay may kurba pa rin naman ang katawan niya, na may pagka- proportion din sa taas niyang 5’2. May isang bagay lang na aminado talaga siya sa sarili at sa ibang tao, hindi siya marunong pumorma. Manang na kung sabihin ng iba, pero kahit anong gawin niya hindi niya talaga ma-gets kung paano pumorma ng maganda. Simple lang naman kasi siya. Lahat ng bagay tungkol sa kanya ay simple lang. Kaya nga siguro walang nanliligaw sa kanya, walang nagkakainteres sa buhay niya.
Ilang sandali pa ay narinig na niya ang pag-alingawngaw ng boses ng announcer na nasa Cubao station na sila. Agad siyang tumayo nang huminto ang tren at bitbit ang may kalakihang shoulder bag na may lamang ibang damit na pamalit niya mamaya pagkatapos ng trabaho ay lumakad na siya palabas doon, pababa sa hagdan ay mabilis ang paglakad na tinungo ang kalapit lang na malaki at prestihiyosong building.
Tiningala niya ang mukha at binasa ulit ang nakalagay sa itaas ng building na iyon. The Crown Hotel. Sumilay sa kanyang mga labi ang matamis na ngiti. Ganito pala ang feeling. Dahil first day niya ngayon, magkahalong kaba at saya ang nararamdaman niya. Bago pa siya nagpatuloy sa pagpasok sa loob ng hotel ay humugot muna siya ng malalim na buntong hininga.
Nagtuloy tuloy siya sa employees lounge, nakatambay doon ang ibang empleyado ng hotel, may mga room attendant na nakasuot kagaya ng uniform niya, security guard at yung mga nakikita niya sa front desk pagkapasok palang sa loob ng hotel, ano bang tawag doon? Basta! Dahil hindi siya kilala ng mga ito ay parang hangin lang siya na dumaan sa gilid ng malaking room na iyon. Nagtuloy tuloy pa siya ng paglakad hanggang sa marating niya ang girls locker. Doon niya inayos ang sarili at inilagay ang dalang shoulder bag sa mataas at makipot na cabinet na ibinigay sa kanya pansamantala para magamit.
Suot ang unipormeng gray na pants at pang-itaas, ay kinuha niya ang cart kung saan nandoon na ang lahat ng kailangan sa paglilinis ng room. Nandoon na rin naka ready na para sa kanya ang mga list ng room na lilinisin.
Pinasadahan niya ng tingin ang papel na iyon at agad na dinala ang cleaning cart sa elevator na strictly para lang gamitin ng mga empleyado. Nagtuloy tuloy ang elevator sa 32nd floor ng hotel, sa pinaka last na floor. Medyo kabado siya habang papunta doon dahil according sa manager nila, sa last floor ng prestihiyosong hotel na iyon matatagpuan ang suite ng ilan sa mga sikat na bachelor sa Pilipinas na permanente nang nanunuluyan doon, kasama na doon ang suite ng kaisa isang binatang anak ng may-ari ng hotel na iyon.
Pagkalabas niya sa elevator ay agad na bumungad sa kanya ang malaking pintuan ng suite na lilinisan niya. Malakas ang kabog ng dibdib niya nang kunin ang key card at iswipe mismo sa kakaibang look na doorknob. Agad naman naunlock yun at kahit na alam niyang walang katao tao doon ay dahan dahan paring binuksan iyon at dahan dahang pumasok sa loob.
Ilang hakbang palang papasok doon ay namangha na siya sa ganda ng malaking kwartong iyon. Inilibot niya ang paningin at pinakatitigan ang kabuuang kwarto, napaka manly ng ayos ng kwartong iyon. Halatang lalake talaga ang naninirahan doon.
Ilang sandali pa ay tila natauhan siya, lumalakad ang oras, at wala pa siyang nagagawa. Lumabas ulit siya at mula roon ay dahan dahang hinila papasok sa loob ng kwartong iyon ang may kalakihang cart na dala dala. Naalala niya hindi pala pwedeng iwan na nakabukas ng matagal ang pintuan ng mga kwarto doon dahil mga VIP ang mga ito ng hotel.
Inilagay niya ang cart sa gilid ng kwarto at inilibot ulit ang paningin doon. Hindi naman marumi ang kwartong iyon pero napakagulo. Mukhang aabutin siya ng ilang oras para lang linisin iyon. Pasalamat siya at medyo maraming time ang ibinigay sa kanya para linisin ang tatlong kwarto sa floor na iyon, pero kailangan niya pa rin magmadali dahil marami pa siyang nakaline up na kwarto sa ibaba na lilinisin pagkatapos.
Sinimulan niyang pulutin ang mga naka balandrang damit sa floor ng room na iyon. Isa-isa. Tshirt, sando, pantalon, short, at… Natigilan siya bigla. Dadamputin niya ba ang kulay itim na kakarampot na telang iyon sa kanyang paanan? Ano pa nga ba? Naalala niya, ito pala ang trabaho niya, housekeeping, to keep the room clean. Ikinibit niya nalang ang balikat.
Labag man sa loob ay diring diri na dinampot ng kanyang hinlalaki at hintuturo ang kakarampot na telang iyon. Itinaas ang kamay at dinala mismo sa harapan ng mukha para pakatitigan. Doon niya lang talaga nakumpirma na isa iyong underwear ng lalake.
“Eww!!!” nabitawan niya ulit ang mga pinulot na mga damit. Napansin niyang hindi pa pala siya naka suot ng gloves. Pumunta siya sa banyo para maghugas ng kamay. Nakita niya din doon ang nagkalat na mga bimpo at mga tuwalya na nasa floor lang din ng banyo.
“Napaka burara naman ng taong nakatira dito! Naturingang mayaman pero hindi marunong mag lagay man lang ng mga maruruming damit sa tamang lalagyan!” pagmamaktol niya.
‘Sam, be grateful at marunong silang magkalat. Kung wala sila, wala ka ring trabaho ngayon.’ Parang sumulpot ang konsensya niya sa kabilang side niya at binulungan siya sa tenga. Inihugot niya lang iyon ng buntong hininga.
Pagkatapos punasan ang kamay mula sa dalang extra na bimpo sa cart ay isinuot na niya ang gloves sa mga kamay at agad na dinampot ulit ang mga damit na iniwan kanina sa lapag. Nang damputin niya ulit ang itim na underwear na iyon at ilagay sa ibabaw ng mga nadampot na mga damit panglalake ay bahagyang nasinghot niya ang amoy nito.
“In fairness Sam, mabango!” ngiti niya sa sarili. Tila nagustuhan niya ang amoy nito kaya hindi pa talaga nakuntento ay inilapit pa ang ilong doon para singhutin. Humagalpak siya ng tawa pagkatapos. Walang biro, mabango nga talaga ang underwear na iyon. ‘Ano yun binudburan nito ng perfume ang underwear niya?’ Ikinatawa niya ulit ang naisip.
Ilang minuto pa ay naging busy na siya sa paglilinis ng kwarto. Nag dusting, nag palit ng bedsheet, punda at comforter ng kama. Tama nga sabi ng kapatid, sa liit niyang iyon ay mahihirapan siya sa pagpapalit ng cover ng higaan. Pero ok lang, carry naman, kahit ganun siya kaliit siya ata ang kargador ng nanay niya kapag nadating na ang mga case case ng mga softdrinks at karton karton ng mga pinamili para sa kanilang tindahan.
Pagkatapos niyang ivacuum ang carpeted floor ay pumunta na siya sa kitchenette ng room para doon maglinis. Sa lahat ng parte ng kwartong iyon, ang kusina nito ang pinakamalinis. Halatang hindi nagluluto ang taong nakatira doon, pero huwag ka, nag-uumapaw ang basurahan na naglalaman ng kung ano anong karton at styrofoam box galing sa mga sikat na restaurant at food chain kung saan binilhan nito ng mga pagkain.
Sandali lang siya doon at pagkatapos masigurado na malinis na pati ang loob ng mini fridge nito ay dumiretso na siya sa loob ng banyo. Doon ay wala nang reklamong pinagdadampot ang mga kung anong nasa sahig. Nang damputin niya ang isa pang maong na pantalon na nandoon ay natigilan ulit siya sa isang bagay na biglang nahulog mula sa bulsa nito.
Mabilis niyang dinampot ang nahulog na bagay sa sahig ng banyo. Kulay pula iyon na may makintab na pakete na parisukat ang shape. Buong pagtatakang pinakatitigan niya iyon. Sinalat at pinisil pisil. Tila madulas ang kung anong nasa loob ng bagay na iyon.
“Trust?” basa niya sa naka print na nakalagay doon. “Ano kaya ito?” tanong niya sa sarili. Sa tanang buhay niya first time niya makakita ng ganito. Nang hindi pa niya mahulaan kung ano iyon ay inilapit niya ito sa ilong para amuyin. “Ahh! Candy!” Natatawa pang sabi sa sarili. Matamis kasi ang amoy nito at may pagka strawberry flavor.
Bumalik siya sa kusina para ilagay iyon sa isang maliit na transparent bowl kung saan may nakalagay din na iba’t ibang brand ng chocolates at candy. Nagkibit balikat siya at maya maya ay pinagpatuloy na niya ang paglilinis ng banyo.
Nasa finishing touch na siya sa malaking salamin sa loob ng magarang banyong iyon ng tila may mapansin siyang isang tao na nakatingin sa kanya mula sa reflection sa salamin. Nang makumpirmang isa nga iyong tao na nakatayo sa pintuan ng banyo ay nagulat siya at napatalon.
“Ay malaking kabayo!” turan niya nang ipihit ang katawan paharap sa taong iyon.
Natawa naman ang lalakeng iyon, “Sorry, did I scare you?” paumahin pa nito nang makitang nabitawan ng babae ang basahan pati ang isang plastik bottle na gamit nito na ipinapang spray sa salamin.
“Naku sir, hindi!” Irap niya dito. “Muntik lang naman malaglag ang puso ko sa pagsulpot ninyo!” Wika nito habang hawak ng isang kamay ang dibdib.
“I really thought napansin mo na ako, I’ve been here for a while now.” Nangingiti nitong sabi sa kanya.
“Ho!? Kanina pa pala kayo dyan hindi man lang kayo nagsasalita! Papatayin nyo pa ako sa gulat!” may pagka banas na sambit nito sa lalake.
Natameme naman ang matangkad na lalakeng iyon sa sinabi niya.
“At tsaka sir, bawal pa kayo dito, hindi pa ako tapos, lumabas po muna kayo!” ikinumpas niya ang mga kamay para palabasin ang lalake mula sa kwartong iyon.
“Huh? Pero--” Ito lang ang nasabi nito habang marahang pinagtatabuyan ni Sam sa sarili nitong kwarto.
“Wala nang pero pero! Lumabas nalang muna kayo. Bawal po pumasok sa isang kwarto hanggat nililinis pa, kayo naman oh!” May pagkairita nang sambit ni Sam dito.
Wala namang nagawa ang lalakeng nakasuot pa ng business attire kundi lumabas ng kwarto at maghintay sa hallway.
Halos labing limang minuto na rin ang lumilipas nang magbukas ulit ang pintuan ng kwartong iyon.
“Samantha!?”
Pamilyar ang boses ng isang babaeng pumasok doon at tumawag sa kanyang pangalan.
Agad siyang dumiretso ng tayo mula sa pagkakayuko habang mina-mop ang floor ng restroom.
“Yes, madam?” sagot niya sa manager na humahawak sa mga room attendant. Nginitian niya pa ito.
“Hindi ka pa ba tapos dyan?” Pinandilatan siya nito ng mga mata, sabay pigil ang pagtaas ng boses sa pagtatanong na iyon sa kanya.
“Po?” kinabahan siya bigla. Ilang minuto na ba siyang naglilinis dito at bakit pinuntahan na siya ng manager doon? “Malapit na po!” sagot niya habang binilisan na ang pagkilos.
“Bilisan mo na dyan at kanina pa pala naghihintay sa labas si Sir Cervantes!” mariing utos nito sa mahinang tone ng boses. Ingat na hindi marinig ng lalakeng nag hihintay sa labas ng kuwarto.
“Ho?” Nanlaki rin ang kanyang mga mata sa narinig. Kilala niya ang pangalang iyon. Dagli dagli niyang dinampot ang mga gamit panglinis at katulong ang may kaedaran nang babaeng manager ay hinila nila ang cart papunta sa labas ng kwartong iyon.
Nadatnan nilang nakasandal sa dingding sa labas ng kwarto ang lalake habang kinukuyakoy ang isang paa sa carpeted na sahig.
“Sorry ho sir! Bago palang kasi!” paumanhin ng manager sa matipunong lalake.
Walang reaksyon ang mukha nitong tiningnan silang dalawa.
“Sir, si Ms. Samantha Reyes po, first day niya dito today,” pagpapakilala na nito sa dalawa. “Ms. Samantha, meet Mr. Kody Cervantes, our boss, ang nag-iisang tagapagmana ng The Crown Hotel!”
Mapakla ang pagkakangiti niya habang butil butil ang pawis na lumalabas sa kanyang noo. Halos pigilan niya ang paghinga. Hindi rin siya makagalaw sa sobrang kaba ng dibdib. Para siyang nangliliit noong oras na iyon. Pagtulakan ba naman niyang palabasin ito sa mismong suite nito at paghintayin ng ilang minuto doon.
‘Paktay ka girl! Unang pasok mo palang sa trabaho masisisante ka na agad!’ bulong niya sa isip sabay lunok ng laway.