Maaga siyang gumayak noong araw na iyon para pumunta sa Crown Hotel ngunit hindi para magtrabaho. May dadaluhan siyang seminar doon, kasama lahat nang nagtatrabaho sa hotel bilang room attendant. Mandatory iyon at kailangan niyang attend-an kung hindi ay hindi siya makakuha ng certificate na kailangan para sa trabaho.
Mula sa labas ay sinilip niya muna ang malaking ball room ng hotel. Marami nang taong nandoon, naka-upo sa mga upuang nakapalibot sa mga bilugang lamesa. Medyo nakaramdam siya ng hiya na pumasok dito ngunit nang marinig niya si Jonas na tinawag ang kanyang pangalan ay agad nang hinanap ito ng mga mata at nang makita ay nagtuloy tuloy na sa loob ng malaking room na iyon. Sa gilid siya dumaan, paikot, papunta kay Jonas na nasa bandang harapan nakapwesto. Kunot noo lang siya nitong pinanood hanggang makalapit siya dito.
“Grabe, at nilibot mo pa talaga ang buong ball room bago ka nakarating dito, pwede ka namang dumiretso nalang sa gitna!” natatawa nitong sabi sa babae.
Kinuha niya ang katabing upuan dito at doon ay agad rin na naupo. “Nahihiya ako dumaan sa gitna, baka pagtinginan ako!” kimi niyang sabi habang pinasadahan ng tingin ang mga taong nasa paligid.
Ikinatawa ni Jonas ang narinig mula sa babae. “Eh paano ka ba naman kasi hindi pagtitinginan sa ayos mong yan!” anito sabay ang paghagod nito ng tingin sa nakaupong si Sam. “Tumayo ka nga ulit, patingin ako!” utos nito sa dalaga na hinila pa ang isang braso.
“Huwag na, ano ka ba!” irap niya sa baklang kaibigan. Alam niya namang hindi maganda ang porma niya, ngunit hindi na kailangan pang i-elaborate ng kasama.
“Tumayo ka, titingnan ko lang!” pinandilatan nito ng mata si Sam.
Kimi siyang tumayo ng ilang segundo pagkatapos ay mabilis din na umupo.
“Tingnan mo pati ikaw nahihiya sa isinuot mo sa sarili mo!” puna nito sa babae. “Ikaw ba naman, magsuot ng maong na lampas sa tuhod na palda, naka flat na sandalyas at nakamalaking polo shirt na loose pang-itaas na hindi mo man lang itinucked-in. Nagmukha ka tuloy sampayan sa suot mong damit!” anito sabay hablot pa sa pang-itaas na suot ng babae. “Sabihin mo nga sa akin, hiniram mo yan sa tatay mo noh?” may pagnguso pa nitong turan.
“Hindi ah, akin ito, bago nga ito, kabibili ko palang noong isang araw!” ismid niya sa baklang parang akalain mo ay fashion guro kung mang okray. Sabagay, magaling naman talaga ito pumorma. May taste ito pagdating sa pananamit.
“Oh, eh, bumili ka nang bagong damit pero hindi ka man lang nagtanong tanong sa mga tindera doon kung maganda ba at bagay ba sa iyo?” may pagdidiin sa mga salitang sabi nito.
“Ano ka ba, okay lang yan, pag-iisipin ko pa sila eh ako naman ang magsusuot!” magkasalubong ang mga kilay na reklamo nito.
“Yun na nga, ikaw ang magsusuot, hindi mo man lang iniisip kung maganda ba tingnan!” taas kilay nitong pananabon sa kaharap. “Alam mo, mas magaling pang pumorma yung 3 year old kong pamangkin sa iyo at yung 65 year old kong Lola!” ipinamewang nito ang isang kamay na sabi sa babae.
Napakamot na siya sa ulo. “Aray naman! Alam ko naman na hindi ako marunong sa mga fashion fashion na yan pero hindi mo na ako kailangan pang i-compare sa isang 3 year old at sa lola mo, masakit na pakinggan, tumatagos na sa puso ko!” sabi nito na may paghawak pa sa dibdib.
Natawa ang bakla sa tinuran niya. “Ganito nalang, malapit na ang sahod natin, gusto mo ipamili kita ng mga damit mo?”
Isang malaking ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi. “Talaga? Ipang sa-shopping mo ako? Libre mo?” tuwa niyang turan.
“Gaga! Hindi noh! Syempre pero mo!”
“Huh? Hindi pwede, inaasahan ni Nanay ang sahod ko ngayon, pang-puno yun sa tindahan namin! Kainis kasi yung mga mangungutang sa amin hindi pa nagbabayad!” iritableng sambit nito.
“Eh, siguro ay pautang ka na naman ng pautang sa mga manliligaw mo!”
“Hoy!” palo niya sa braso ng kaibigan sabay tingin nito sa paligid kung may nakarinig sa sinabi nito. “Baka sabihin nila uto-uto ako!”
“Eh, ano pa nga ba?” ngiting pakli nito.
“Ikaw ha, tagus-tagusan na talaga yang mga banat mo sa akin, may galit ka ba sa akin?” pagsusuplada niya dito.
Malakas ang pagtawang ginawa ni Jonas na ikinalingon sa kanila ng ibang taong nakaupo malapit sa kanilang inuupuan. “O sige na, ipagsa-shopping kita,” ngiti nito sa babae na bago pa man mag-celebrate ang kaharap mula sa narinig sa kanya ay sinundan niya agad ang sinabi. “Pero utang yun ha!” pinandilatan ulit nito ng mata ang kaibigan.
Napasimangot ulit si Sam.
“Oi, pasalamat ka pauutangin kita! Libre na nga ang talent fee ko as your fashion designer! Saan ka pa!”
Umismid ulit ang babae habang inayos ang ilang hibla ng buhok na bahagyang tumabon sa mata, itiniaas din nito ang suot na salamin.
“At tsaka iyang kulot mo na buhok na akala mo eh extension ng bulbol mo, aayusin natin yan!” anito na hinawakan pa ang ilang hibla ng buhok ng babae. “Akong bahala, doon kita irerebond sa bahay, may mga gamit na ako doon.”
Lumaki ulit ang pagkakangiti ni Sam.
“Iyang salamin mo, hindi ba pwedeng mag-contact lense ka nalang? Ang kapal kapal na ng salamin mo, nakakatanda kaya yan!”
“Oi, pakealaman mo na ang lahat huwag lang itong salamin ko! Ayoko mag contact lense noh!”
“Bakit naman? Para makita ang mukha mo, hindi kaya bagay ang salamin mo sa iyo! Na-try mo na ba mag contact lense?” tanong nito.
“Hindi pa!” may pagtataray niyang sagot.
“Oh, itry mo, tsaka mo sabihin na ayaw mo kapag natry mo na! Ikaw talaga ateng, total makeover na nga ang gagawin ko sa iyo, ayaw mo pa!”
“Naku, baka hindi na ako makilala ng nanay at tatay ko niyan ha!”
“Eh di magpakilala ka! Sabihin mo, nay, tay, ako nga po pala si Samantha, ang nawawala ninyong magandang anak! Ganern!”
Sabay silang nagkatawanan ng malakas sa sinabi nito. Pero ang totoo ay hindi niya alam kung insulto ba ang sinabi nito o complement para sa kanya.
“Itodo na natin ang pag-make over sa iyo, para sa ikauunlad ng lovelife mo!” sabi pa nito.
Kinilig siya sa sinabing iyon ng kaibigan. Inaamin niya, malakas talaga ang impluwensya nito sa kanya. To the point na pati ang mga mannerism nito ay nagagaya niya narin. Ang paghampas hampas niya dito na minsan ito na rin ang nagrereklamo sa bigat ng kamay niya. Pati kung minsan ay nagiging makulit na rin siya. Siguro nga ay one of the gays din siguro siya noong unang buhay niya sa mundo.
Ilang saglit pa ay tumahimik na ang lahat nang magsimula nang magsalita ang guest speaker sa seminar na iyon.
Mag-iisang oras na silang nakikinig sa speaker nang makaramdam na sila ng pagkabagot. Nagsimula nang maglikot sa paligid ang paningin ni Jonas nang makita niyang titig na titig si Sam sa isang lalakeng hindi rin kalayuan mula sa kinauupuan nila.
“Hoy,” bahagya nitong sinipa ang paa ng babae sa ilalim ng lamesa. “Sinong tinitingnan mo?” tanong nito.
Tila nagulat naman si Sam na ibinaling dito ang paningin. “Ha? Ah, eh, wala,” pautal utal na sagot nito.
“Anong wala! Crush mo ‘yun noh?” ininguso nito ang lalakeng tinutukoy.
“Tinitingnan lang, crush na?” kumurba ang kilay niya sa pagsasabing iyon.
“Eh ang lagkit ng tingin mo eh!”
“Naalala ko lang kasi noong isang araw, tinulungan niya ako sa pagbaba ng mga maruruming bed sheet sa laundry area.”
“Oh, so crush mo na?”
Tiningnan niya ito ng masama.
“Alam ko na yung mga hilatsa ng pag-uugali ng mga kagaya mong babae na naa-attrack kaagad sa isang lalake once ginawan sila ng maganda!”
Ikinasalubong niya iyon ng kilay sabay sumimple ito ng kurot sa tagiliran ng bakla. “Ikaw!” napakislot si Jonas ng bahagya. “ O sige na, oo na! Crush ko na! Lahat nalang eh, pati ang nasa isip ko alam na alam mo eh noh!”
Umiling-iling ito. “Pati sa pagpili ng lalake wala ka rin talagang taste,” ini-roll nito ang mga mata.
“Bakit? Ok naman siya ah!” at pinakatitigan ulit ang lalakeng busy kanina pa sa kakapindot sa telepono.
“Anong ok diyan?” napataas ang boses nito dahilan ng pagtitinginan ng mga kalapit nitong nakikinig sa dini-discuss ng speaker sa harapan. “Ang itim itim, mukha pang airport ang noo, malapit na landingan ng eroplano!” dumikit nalang ito sa babae at hininaan ang boses.
Natawa siya sa sinabi nito. Oo nga at may kaitiman ang lalake at may kalakihan ang noo nito ngunit hindi naman panlabas na kaanyuan ang tinitingnan niya sa isang lalake. Gumaan lang talaga loob niya dito nang tulungan siya sa kanyang trabaho noong nakaraan at magmula nga noon ay palagi na niya itong napapansin.
“Naku, kung kayong dalawa ang magkatuluyan, kawawa naman ang magiging anak ninyo!” dugtong pa ng bakla sa kanya habang nakatingin din sa tinutukoy na lalake.
“Crush lang, napunta na agad sa pagkakaroon ng anak?” ikinabungisngis niya ang masyadong mabilis na pag-iisip ng kaibigan.
“Eh ano pa nga ba? If I know eh kapag mag di-day dreaming ka eh kung saan saan napupunta ang isip mo. Yung tipong iimaginin mo yung liligawan ka niya, tapos ikakasal na kayo, tapos magha-honeymoon, tapos magkakaroon kayo ng anak.”
“Gosh, Jonas, yung isip mo nakarating na ng ibang planeta, eh crush palang naman! Alam mo naman siguro ang ibig sabihin ng crush diba?”
“Eh yun na nga eh, crush means admiration! Eh ano ang inaadmire mo sa kanya? Ang kanyang pagiging ma-chicks?”
“Huh?” ikina kunot niya ng noo ang narinig mula dito.
“Oo noh, kahit ganyan ang pagmumukha niyan marami ‘yang chicks, maraming ka text palagi!”
“Wehh?” tila hindi siya makapaniwala sa sinabi nito, ang tingin kasi niya dito ay isang matinong lalake naman.
“Magtanong tanong ka kung ayaw mong maniwala. Marami na iyan naging katextmate dito. Ewan ko ba at sa panahon ngayon yung mga mukhang tsonggo na ang may ganang mangolekta ng mga babae.”
Pigil na pagtawa ang ginawa nila.
“If I were you, maghahanap ako ng gwapo, yung mayaman para hindi mo na problemahin ang pagtatrabaho!” lingon nito sa kanya. “Sabagay sino ba namang mayaman at gwapo ang papatol sa iyo!” panglilibak pa nito sa babae sabay tawa ulit.
Siniko niya ito sa tagiliran. “Kapag ako gumanda, who you ka sa akin!” sagot niya sabay ismid.
“May pa who you who you ka pa diyan, eh ako lang naman ang pag-asa mo para mag-improve ang beauty mo! Kurutin ko singit mo jan eh!”
Natawa ulit si Sam sa tinuran nito. “Sige nga!” iniharap nito ang pagkakaupo sa kaibigan. “Kaya mo?” paghahamon pa nito dito.
“Ano ka ba, joke lang! Kadiri kaya! Baka kung ano pa mahawakan ko diyan! Eww!” bahagyang inilayo nito ang katawan sa kanya.
Natapos ang guest speaker sa pagsasalita nang wala silang naintindihan. Ginugol kasi nila iyon sa pakikipag chikahan lang hanggang sa may isang taong sumulpot sa pinaka harapan. Isang poging poging lalakeng naka business attire pa. Si Mr. Kody Cervantes na nagsimula na rin magsalita at magbigay ng mensahe sa mga empleyado.
“Yan si sir oh! Dapat gaya niya ang hinahanap mo. Total package, gwapo na, mayaman pa, mabait pa! Saan ka pa!” saad nito habang hindi inaalis ang paningin sa lalakeng nasa harapan.
Sumang-ayon naman siya sa sinabi nito. Totoo naman talagang gwapo si Mr. Kody Cervantes, pero ewan niya ba at hindi naman talaga siya naa-attract sa mga ganitong klaseng lalake. Naka-set na kasi ang isipan niya sa kung anong klaseng lalake ang dapat gustuhin ng isang klaseng babae na kagaya niya, yun ang yong hindi naman masyadong kagwapuhan, mabait, at may simpleng pamumuhay lang din gaya niya.
Siniko siya ng kaibigan sa tagiliran. “Ano sa tingin mo? Daks ba si sir?” tanong nito sa kanya habang nakatitig sa pang-ibabang bahagi ng katawan ng lalake.
“Anong daks?” tanong niya naman.
“Malaki, ano ka ba!” ismid nito sa kaibigan sa hindi pagka-gets sa sinabi. “Alam mo sa tingin ko malaki iyang kay sir. Tingnan mo naman, wala pa man eh bakat na bakat na,” kinikilig kilig nitong bulong.
“Ano ba iyang pinag-iisip mo,” ismid niya rin sa kaibigan. Medyo nailang siya sa paksang pinag-usapan kaya tumahimik na siya. Pero ang totoo ay napatitig din siya sa bahaging iyon ng lalake na tinutukoy ni Jonas.
Bigla niyang naalala ang nangyari sa kanila noong nakaraang linggo nang paakyatin siya nito sa sarili nitong suite para ibigay sa kanya ang kanyang hikaw. Saksi talaga siya kung malaki nga o hindi ang alaga nito. Pero pakealam niya ba. Pinagsisihan niya ang araw na iyon na pumunta siya sa kuwarto nito. Paano’y nawala na nga ng tuluyan ang kanyang hikaw, parang napagkatuwaan pa siya nito at nagamit para mapaalis lang ang babaeng bisita nito na alam niyang hindi talaga nito type. Magmula noong araw na iyon, sa tuwing makikita ang lalake ay biglang sumisibol sa dibdib niya ang pagkainis.