“George! Ano ba?!” singhal ni doktora. “Bitiwan mo nga siya!” Kaagad siyang tumayo, at buong lakas na kinakalas ang mga kamay ni George na mahigpit na humahawak sa kwelyo ko.
“Umalis ka!” sabi niya, at itinulak si doktora na ikinatumba nito.
“George!” sabay na bulalas ng daawang matanda.
“Nahihibang ka na ba?” Tinulungan ni Izabel.
Si Thomas naman ay hinarap ang anak niyang demonyo. “Bastos ka! Hindi mo na kami iginalang!” Hinablot niya ang kamay nito, at itinulak ng malakas na muntik rin nitong ikatumba.
Inunat ko ang aking kwelyo nang mabitiwan niya ako, at ni minsan ay hindi ko siya tinantanan ng tingin. Sinabayan ko pa ng nakakaasar na ngiti na lalong ikinapula ng mukha niya sa galit.
Pinakita ko sa kanya na hindi ako natatakot kahit nasa pamamahay pa nila kami. Kung hindi nga lang umawat si Thomas, sinapak ko na siya. Kuyom na ang kamao ko ‘e.
Napatingin naman ako kay doktora, kaya lang nadismaya ako sa klase ng titig niya—titig na nagmamakaawa na ‘wag kong patulan ang dati niyang nobyo. Naikuyom ko na lang ulit ang kamao ko, pero sige, susundin ko siya. Para sa kanya, hindi ako lalaban.
“Sila ang bastos at walang galang, Dad!” dinuro niya kami. Nagtagis ang bagang habang nagpalipat-lipat ang tingin sa amin ni doktora Cherry.
“Wala silang ginagawang masama, George. Ikaw ang nanugod at nanakit. Wala kang respeto! Pati si Cherry nagawa mong saktan.”
“Dad! Bakit ba sila ang kinakampihan mo? Kung mayro’n mang walang respeto—”
“Tumigil ka na, George! Kaarawan ng Mommy mo, sinisira mo.” Napisil ng matandang lalaki ang kanyang noo at napailing-iling.
“Walang masisira kung hindi nagdala ng manliligaw ang babae na ‘yan!” dinuro niya naman si doktora. Gigil na gigil na parang gusto na naman niya itong saktan.
“Si Cherry, hindi pwedeng magdala ng kaibigan, ikaw pwede?”
Niluwagan ni George ang kanyang necktie, at saglit na nag-iwas ng tingin. Napapatingin pa sa labas ng gate kung saan nakaparada ang kanyang kotse.
Hindi ko tuloy napigil ang mapangiti ng kakaiba. Hindi niya kasi napagtatakpan ang guilt na klarong-klaro sa ekspresyon at kinikilos niya.
“Pamamahay ko ‘to! Dadalhin ko kung sino ang gusto ko.”
Napailing-iling na lamang ako, at lumapit kay doktora na ngayon ay nakaupo na. Malungkot ang mga mata niya na tumitig sa akin, at marahas ang paghinga.
“Doktora, ayos ka lang ba? Wala bang masakit sa’yo?" Hinawakan ko ang kamay niyang kanina pa kinuyumos ang kanyang damit. “Kaya mo bang tumayo?”
Umiling-iling siya, yumuko, at mabilis na pinahid ang luhang namuo sa mga mata niya.
“Umuwi na tayo," sabi ko at binuhat siya na ikinalaki ng mga mata niya, pero kumapit naman sa batok ko.
“Ibaba mo siya, hayop ka! Hindi mo siya pwedeng isama.” Umalingawngaw na naman ang boses ni George na dinuro ako, pero agad na tinampal ng kanyang ama ang kamay niya, at hinila siya palayo sa amin.
“Pasensya na po, nasira ang kaarawan mo,” paghingi ko ng paumanhin kay Izabel na malungkot na tingin naman ang sagot nito sa akin.
“Sige na, iuwi mo na si Cherry,” sabi naman ni Thomas na agad hinawakan ang braso ni George nang akmang haharangan kami.
“Cherry, hindi ka sasama sa lalaking ‘yan.”
“George, tigil na sabi, hayaan mo na silang umalis,” sabi ni Izabel sa boses na nakikiusap.
Ginawa niya ring harang ang sarili hanggang sa makalabas kami ng pinto. “Mag-iingat kayo, pahabol na sabi ni Izabel, habang papunta na kami sa gate.
“Cherry! Hindi ka pwedeng umalis!" singhal na naman ni George, kasabay ang paghawak sa balikat ko. Muntik kong mabitiwan si doktora nang sumagi ang balikat ko sa nakabukas na gate.
Tumiim ang panga ko, umalsa ang dugo ko. Ramdam ko rin ang init na sumingaw sa mga mata ko. Hinarap ko siya, at binaba ko si doktora na agad kumapit sa braso ko. Nagmamakaawa na naman ang tingin niya.
“Halika rito!” Hinila niya si doktora, pero maagap ko namang siyang nahawakan at hinila pabalik sa akin. Tinago ko sa likuran ko, at tinulak si George ng buong lakas.
“Ang yabang mo! Nasa teritoryo kita.” Mala-demonyo itong tumuwa, at susugurin sana ako, pero inunahan ko na. Diretsong tumama ang kamao ko sa baba niya ikinatumba niya.
Napadaing siya, hawak nito ang kanyang baba. “Ang lakas ng loob mo—”
“George!” Sigaw ng babae ang sabay nagpalingon sa amin—ang babae niya, si Mariane. “Hayop ka! Bakit mo siya sinaktan?” Nanlilisik ang mga mata niya, at hinampas ako bago niya nilapitan si George na hanggang ngayon ay hindi pa rin tumatayo.
“Anong ginagawa mo rito?” tanong niya kay Mariane. Gulat na gulat siya sa pagdating ng babae. Tumingin rin siya sa mga magulang niya na dismayang tingin naman ang ipinukol sa kanya. “Sabi ko, hintayin mo ako sa kotse!”
“Hindi ko kayang manood lang habang binubugbog ang ama ng—”
“Tumahimik ka na!” Pabulong ang pagsasalita nila, pero hindi kami mga bingi. Malinaw pa rin namin silang naririnig.
Nilingon ko naman si doktora. Maluha-luha ang mga mata nito, pero wala sa akin ang tingin niya, nasa mga magulang ni George.
Nagawa na ring tumayo ni George. Tutulungan pa sana siya ni Mariane, pero hindi siya pumayag. Ayaw din nitong pahawak. “Mom, Dad,” sabi niya, medyo kalmado na, pero hindi siya pinansin ng kanyang mga magulang. Nilampasan lang siya ng mga ito, at sa amin sila lumapit.
“Cherry, ano man ang desisyon mo, susuportahan ka namin—”
“Hiwalay na po kami, ilang araw na po.” Sumulyap siya sa babae at kay George. “Buntis po ang kasama niyang babae.”
Tumango-naman ang mag-asawa. Malungkot pero halatang nauunawaan naman ang sitwasyon. “Simula sa araw na ‘to, wala ka nang obligasyon sa amin. Malaya kang gawin ang gusto mo.”
“Mom! Anong pinagsasabi mo? Ang laki ng utang na loob sa atin ng babaing ‘yan! Kung ano siya ngayon, dahil ‘yon sa atin!”
“Kaya pinahihirapan mo siya? Sinasaktan para singilin ang utang na loob na sinasabi mo? Buntis na ‘yang babae mo, ‘di ba? Kaya palayain mo na siya.”
“Pahirapan o saktan ko man siya, karapatan ko ‘yon at deserve niya ‘yon!” madiin naman niyang sagot. Tumatalsik pa ang laway sa kada salita nito.
“Tama…” sabi ni doktora.
Napalingon ako sa kanya. Nagulat nang magsalita siya, akala ko kasi tatahimik lang siya at titiisin ang masasakit na salitang sinasabi ni George.
“Dahil sa inyo kaya ako naging doctor, kaya nagpapasalamat ako ng buong puso. Pero pinagtrabuhuan ko rin naman kung ano ang narating ko ngayon. Nagsikap ako, serbesyo, ko ang ipinangbayad sa tulong n’yo, at ni minsan hindi ako nagreklamo.”
“Nagmamalaki ka?” Dinuro na naman niya si doktora. “Kahit ano pa ang sabihin mo, utang mo pa rin sa amin ang lahat ng mayro’n ka!”
“George, hindi ka na makat’wiran!” singhal ni Thomas, dinuro niya rin ito.
“Porket ba utang na loob ko sa inyo ang narating ko ngayon, gusto mong habang-buhay akong magtiis sa masamang trato mo sa akin?” Mahina pero madiin na tanong ni doktora. “Tapos na tayo, George!” sabi niya at hinila na ako palabas.