“Walang sayang, Cherry… masaya akong kasama ka. Masaya akong gawin ’to para sa’yo. Kaya, please. ’Wag mo na ulit sabihin ang salitang sayang, okay?”
“Reynan, talaga naman kasing sayang—”
Naputol ang pagsasalita ko nang bigla niyang hinapit ang aking batok at siniil ako ng halik—mapusok at mapagparusang halik na hindi ko magawang tugunin.
“Sabihin mo ulit ang salitang sayang, puputukan kita sa loob nang wala talagang masayang…”
“Sira-ulo ka!” Tinulak ko siya na ikinahagikhik niya lang.
“Sige na magpahinga ka na, kausapin ko lang si Anna,” sabi niya na sumabay sa paglalakad niya palabas ng pinto.
Napahawak naman ako sa aking labi, at saka napabuntong-hininga. Naguguluhan kasi ako. Contract marriage lang ang namamagitan sa amin, pero kung tratuhin niya ako, para namang hindi ako contract wife.
Pabagsak akong humiga. Totoong pagod ako. Medyo nahihilo rin, pero ayaw naman akong dalawin ng antok.
Bumangon ako, at lumapit sa bintana. Kita ko mula rito si Reynan at Anna. May mga dokumento silang binabasa at mukhang seryoso ang pinag-uusapan nila.
Yumukod ako, inilapat ang palad sa aking pisngi, sinusundan ko ng tingin ang bawat galaw ni Reynan. Para kasing nag-iibang tao siya, habang hawak ang mga dokumento, naging mature, mas naging gwapo, at nakakaakit.
Napatayo ako ng maayos, at natampal ang aking noo. Ano na ba itong naiisip ko? Bumalik ako sa kama, pinikit ang aking mga mata. Pipilitin ko na lang na matulog kay sa mag-isip ako ng kung ano-ano tungkol kay Reynan.
Nagising ako nang maramdamang may yumakap sa akin mula sa likuran. “Reynan, anong ginagawa mo?” tanong ko, habang pinipigil ang kanyang kamay na humaplos sa aking tiyan.
“Talagang tinatanong mo pa?” pahingal niyang sagot na sinabayan ng pagpasada ng halik sa aking leeg.
“Reynan, lasing ka?” tanong ko, pilit na nilalabanan ang sensasyong dala ng kanyang halik, at hagod mula sa likuran ko.
“Uminum lang ng konti…” sagot niya, na sumabay sa paghalik niya sa aking batok.
“Reynan…antok pa ako, pagod…”
“Alam ko,” bulong niya, pero mas idiniin naman ang katawan sa akin. “Gusto lang naman kitang yakapin… gusto lang kitang maramdaman.”
Hindi ko alam kung paano ako tutugon. Bakit ba siya ganito? Bakit ganito niya ako kung tratuhin? Nabalot tuloy ako ng iba-ibang emosyon. Ang dami pang tanong na nabuo sa aking isipan. “Alam mo naman pala, ‘e ‘di behave ka na…”
“Cherry…” Hinawakan niya ang aking kamay. “Hayaan mo lang akong yakapin ka ng ganito,” siniksik naman niya ang kanyang mukha sa aking leeg.
Hindi na ako sumagot, at hinayaan na nga lang siya sa gusto niyang gawin. Ipinikit ko muli ang aking mga mata habang dinadama ang mainit niyang katawan na dumadampi sa aking balat, hanggang sa unti-unti na akong nakawan ng ulirat dahil sa antok.
“Sisiguraduhin kong magiging masaya ka, Cherry. Bukas, gigising ka na wala na ang kalat,” rinig ko pa niyang sabi na hindi ko na binigyang pansin dahil mahinang hilik na niya ang kasunod na aking narinig.
***
“Reynan…” sabi ko, sabay ang yakap sana sa kanya, pero wala na siya sa aking tabi. Medyo na dismaya ako, inaasahan ko kasing magigising ako na ngiti niya ang aking makikita at mga biro niya ang una kong maririnig. Pero wala ‘e, malamig na espasyo na lang ang nasa aking tabi.
Napabuntong-hininga ako at matamlay na bumangon. Habang nag-aayos, naisip ko naman ang sinabi niya kagabi. “Sisiguraduhin kong magiging masaya ka, Cherry. Bukas, gigising ka na wala na ang kalat,” Ano ang ibig niyang sabihin? Anong kalat ang lilinisin niya?
Pagkabihis, bumaba ako sa kusina at nadatnan si Anna. May hawak siyang tasang kape habang nakatingin sa kanyang cellphone.
“Good morning,” bati ko.
“Doktora Cherry, magandang umaga…” Agad siyang tumayo at nag-aalangang ngumiti na pinagtatakhan ko.
“Si Reynan?” tanong ko at magtitimpla sana ng kape, pero siya na raw ang gagawa kaya umupo na lamang ako.
“Maaga po siyang umalis, doktora. May mga kalat na lilinisin,” sagot niya.
Nilapag niya rin ang kape at chicken sandwich sa harap ko na sumabay naman sa pagtunog ng kanyang cellphone.
Napatitig ako sa kanya. Umiwas naman siyang mapatingin sa akin.
“Anong kalat ba ang tinutukoy niyo?”
“Hintayin mo na lang si Sir Reynan, doktora. Mas okay, kung siya mismo ang magsasabi sa’yo.”
“Anna, kagabi niya pa sinasabi ang tungkol sa kalat na ‘yan. Ano ba kasi ang nangyayari?”
Napahawak si Anna sa kanyang earlobe, at umiwas na namang mapatingin sa akin.
“Basta po, magtiwala ka na lang po kay Sir Reynan.” Tumayo siya bitbit ang tasa na wala nang laman, sakto namang tumunog ang kaniyang cellphone, at kitang-kita ko ang aming larawan ni Reynan at George sa hospital.
“Dok…” Dadamputin sana ni Anna ang kanyang cellphone, pero inunahan ko siya.
Agad-agad nanunubig ang aking mga mata nang mabasa ang headline ng balita.
BREAKING NEWS: Long-time Girlfriend ni George Franca, CEO ng Medical Supplies Distributor, Nahuling May Ibang Lalaki!
Isang mainit na balita ngayon ang lumulutang sa business at social circles — ang long-time girlfriend ni George Franca, kilalang CEO ng isang prominenteng Medical Supplies Distributor, ay umano’y namataan kasama ang isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang hospital.
Ayon sa source, matagal nang magkasintahan ang CEO at ang naturang babae, kaya’t ikinagulat ng marami ang biglaang paglabas ng isyu. Hindi pa nagbibigay ng pahayag si George Franca ukol sa isyu, pero usap-usapan na tila may alitan ngayon sa pagitan ng magkasintahan.
Kasama sa artikulo ang aming mga larawan na kuha mula sa hospital.
Para akong nablangko, napisil ko na lang ang aking noo. Ako ‘yong paulit-ulit na sinaktan at niloko, pero ako pa ngayon ang naging masama.
“Doktora Cherry…” Mahinang sabi ni Anna. “‘Wag kang mag-alala, ginagawan na po ni Sir Reynan ng paraan na malinis ang ‘yong pangalan, at mawala ang isyu.”
“Paano akong hindi mag-alala, Anna. Nadawit si Reynan sa isyu.” Parang pinipiga ang aking puso. Napahawak na lang ako sa aking dibdib. “Hindi akong pwedeng maghintay lang dito. Gulo ko ‘to, ako ang aayos. Ako ang maglilinis,” sabi ko at tatayo na sana, pero pinigil ako ni Anna.
“Doktora, hintayin mo na lang po, si Sir Reynan. On-search ang media sa’yo. Kapag lalabas ka, siguradong kukuyugin ka nila,” sabi ni Anna na sumabay sa tunog ng kotse sa labas.
Agad akong tumayo, at patakbong pumunta sa may pinto. Sakto namang siyang pagpasok ni Reynan na ikinatigil ko. Sunod-sunod na pumatak ang aking luha. “Anong nangyari sa’yo?” tanong ko habang hinaplos-haplos ang pasa sa gilid ng kanyang labi.