Nang bumukas ang elevator, agad niya akong hinila palabas, at hindi na sinagot ang aking tanong. Ang higpit rin ng hawak niya sa aking kamay at panay ang lingon na parang takot na mahabol na naman kami ni George.
“Reynan…” Binawi ko ang aking kamay.
Napalingon naman siya at nahinto sa paglalakad. “Cherry, sa bahay na lang tayo mag-usap, pwede ba?”
Umiling-iling ako. “Hindi ako uuwi kasama mo. Hindi ako tiitira sa bahay ng lalaking may tinatago sa akin.”
Bumagsak ang balikat niya. Nahagod niya rin ang kanyang buhok, pero lumapit naman sa akin. “Cherry…”
Mahina ko siyang itinulak. “Ano ba talaga ang motibo mo sa paglapit sa akin, Reynan? Bakit mo alam ang nangyari sa hotel?
“Cherry, wala akong motibo…maniwala ka naman, oh.”
Napatitig ako sa kanya. Hindi ko na rin halos mapigil ang mga luha ko. Nadidismaya ako. Nagsisimula na akong magtiwala sa kanya, tapos malalaman kong alam pala niya ang isa sa mga nakakahiyang pangyayari ng aking buhay.
“Kung totoong wala kang motibo, magpaliwanag ka, Reynan. ‘Wag mong iwasan ang mga tanong ko. Nagmumukha ka kasing guilty.”
“Hindi naman ako umiiwas, Cherry. Ang gusto ko lang ay umuwi muna tayo at doon mag-usap. Doon ko sasagutin ang lahat ng tanong mo,” mahina ngunit mariin niyang sabi.
“Umuwi ka mag-isa mo!” sagot ko.
Napasimangot siya. Napatingin din siya sa mga taong pinagtitinginan na kami. Ilang beses niya kasing tinangkang hawakan ako, pero lumalayo ako.
“Cherry, please, uwi na tayo. Ang haba ng ating byahe, kailangan mo ng pahinga—”
“Ito ba ang sinasabi mong wala kang motibo? Nililihis mo ang usapan. Hirap na hirap ka ngang aminin ang totoo.”
“Hindi mahirap. Wala lang tayo sa tamang lugar. Ang dami-daming tao rito na maaring makarinig sa ating usapan.”
Napakunot ang aking noo. Lalo lang akong nagduda sa naging sagot niya. Nakaramdam na rin ako ng takot. Bakit ayaw niya na may ibang makakarinig sa aming usapan?
“Reynan, magsalita ka na, pwede ba? May nagsabi ba sa’yo? Narinig mo ba sa iba o may video ba? Sabihin mo na, please.”
Naging hysterical na ako. Ang pangyayaring iyon ay isa sa pinakamababang punto ng buhay ko. Naapakan, hindi lang ang p********e ko, pati dignidad ko na hiyaan ko lang.
“Cherry, huminahon ka.” Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat, tinitigan ako sa mga mata. “Walang video, okay? Wala ring ibang nakakakita…ako lang.”
Mapakla akong tumawa. Ginugulat ako ng mga sagot niya. “Walang video? Paano mo nakikita, Reynan? Paano mo nalaman? ‘Wag mo na akong pahirapan na mag-isip.”
“Nakita kita sa hotel, okay.”
Natahimik ako. Napatitig sa kanya.
“Nakita kita noong lumabas ka ng hotel, malungkot at umiiyak.” Mas lumalim ang tono ng kanyang boses.
Natampal ko naman ang aking noo. “Nakita mo akong umiiyak? ‘Yon lang ba talaga ang nakita mo o may iba pa?” Pisil ko na ang aking noo na lalong sumakit, ramdam ko na rin ang pag-ikot ng paligid.
“Cherry!” Sigaw ni Reynan nang nawawalan ako ng balanse. Mabilis niya akong sinalo, isinandal sa kanya.” Ito na nga ba ang sinasabi ko,” sabi niya at hindi na nagdalawang-isip na buhatin ako. Halos itinakbo niya rin ako papuntang kotse.
“Sir, anong nangyari kay doktora?” tanong ni Anna na agad kaming pinagbuksan ng pinto.
“Bring us home,” sabi ni Reynan, at hindi na sinagot ang tanong ni Anna.
Buong biyahe, walang nagsalita. Panay ang sulyap sa akin ni Reynan, pero umiwas ako. Mas pinili kong ipikit ang aking mga mata kay sa makita ang mukha niya.
Pagkarating namin sa bahay, agad akong bumaba ng kotse, ngunit bago pa ako makalayo, hinawakan ni Reynan ang aking braso at saka ako binuhat papasok.
“Reynan! Ibaba mo ako. Kaya kong maglakad!” pagpupumiglas ko.
“Hindi kita bibitawan.” Madiin niyang sabi na sinabayan ng matiim na tingin. “Kaya mong maglakad? Muntik ka na ngang matumba.”
Dire-diretso niya akong dinala sa kwarto at maingat na inihiga sa kama. Ilang segundo pa niya akong tinitigan bago niya inangat ang kumot hanggang sa aking dibdib.
“Magpahinga ka muna, saka na tayo mag-usap kung maayos na ang pakiramdam mo,” sabi niya at tatalikod na sana, pero bumangon ako at hinawakan ang kamay niya.
“Reynan…” Nagmamakaawa akong tumitig sa mga mata niya. “Hindi ako magpapahinga hanggat hindi mo sinasabi sa akin ang totoo.”
Bumuga naman siya ng hangin at umupo sa aking tabi. “Gusto mo talagang malaman ang totoo?” mahina niyang tanong.
“Oo nga sabi ‘e. Gusto kong malaman ang lahat, Reynan.”
Napalunok siya. Niluwagan ang kanyang necktie—bagay na lagi niyang ginagawa sa tuwing hindi siya komportable.
“Cherry…” Umupo siya sa tabi ko, hinawakan niya ang aking kamay, at seryosong tumitig sa akin. “Hindi ba sabi ko, caregiver ako sa Canada. Totoo ‘yon...”
“Ano ang kinalaman ng pagiging caregiver mo sa issue ng hotel?”
“Alam mo naman na hindi basta-bastang nag-di-disclose ang mga hotel ng information ng mga guest nila, ‘di ba?”
Lalo pang kumunot ang aking noo. “Pinapatagal mo pa, Reynan ‘e. Diretsuhin mo na ako. May connection ka ba sa hotel, kaya mo alam ang nangyari?”
Tumango-tango siya na ikinalaki ng mga mata ko. “Kaibigan ko ang may-ari…”
Pahapyaw akong tumawa. “Kaibigan mo ang may-ari?” Natampal ko na naman ang aking noo.
“Cherry nagsasabi ako ng totoo…kaya ko nga nakuha ang CCTV ng hotel.”
Nanlaki ang mga mata ko. Umawang pa ang aking labi.
“Matapos kitang makitang umiiyak sa hotel, hindi ako mapakali. Naiinis ako. Nagagalit. Gusto kong bigyan ng leksyon ang taong nanakit sa’yo, kaya lumapit ako sa aking kaibigan.”
Nabuga na naman ako ng hangin. “Anong klaseng caregiver ka ba talaga, Reynan? Sabi mo hindi ka basta-bastang caregiver…anong klaseng care ba ang binibigay mo? Extra service ba sa kama?”
Naubo siya, pero ilang beses namang napilig ang ulo, habang tinapik-tapik ang dibdib. “Grabe ka…gano’n ba kababa ang tingin mo sa akin o nasarapan ka rin sa service ko no’ng gabi ng ating kasal?” sagot niya nang makabawi.
“Tumigil ka, Reynan.” Tinulak ko siya, unti-unti kasing lumalapit sa akin. “Hindi ako nagbibiro. Hindi rin ako natutuwa na pinakialaman mo ang aking privacy.”
“Hindi rin naman ako nagbibiro. Hindi mo lang privacy ang pinakialaman ko, pati impormasyon ni George at ng babae niya ay inalam ko.”
Mabibiyak na yata ang ulo ko. Lahat ng sagot niya pasabog. Kaya ba ayaw niyang sa labas kami mag-usap? Napatitig ako sa kanya, at saka napahawak sa aking noo. “Pati impormasyon nila? Paano mo ‘yon nagawa? ‘Wag mong sabihin na may kaibigan ka ring detective?”
Nagkamot siya ng ulo. “Tama ka…nag-hire ako ng detective na kaibigan ko,” alanganin siyang ngumiti.
“Reynan…ginagawa mo naman akong tanga ‘e. Kung gagawa ka ng kwento, ‘yong kapani-paniwala naman. Masyadong fictional ang mga sinasabi mo.”
“Hindi ka naniniwala?”
“Sa totoo lang, hindi. Wala na nga rin akong pakialam kung nagsasabi ka ng totoo o hindi. Nadidismaya lang ako…sayang Reynan ‘e…nagtiwala na ako sa’yo. Tapos…”
“Cherry…” Mas lumapit pa siya sa akin. Nilapat ang aking kamay sa kanyang labi. “Nagsasabi ako ng totoo.” Binitiwan niya ang aking kamay at kinuha ang kanyang wallet sa bulsa niya. “Ito tingnan mo…”
Napatitig ako sa business card na binigay niya.
“Tingnan mo.” Nilagay niya iyon sa aking kamay. “Basahin mo, iyan ang patunay na nagsasabi ako ng totoo.”
Napilitan akong tingnan ang business card at binasa ang nakasulat doon. “Reynan Cuevas
CEO - Cuevas Medical Supplies Corporation.”
Umawang ang aking labi, ilang minuto ko pang tinitigan ang business card at maya maya napatitig naman ako kay Reynan.
“Naniniwala ka na?” tanong niya. Umangat ang mga kilay niya habang hinihintay ang aking sagot.
“CEO ka?”
Ngumiti siya at tumango-tango.
“Mayaman at malaking tao ka? Bakit hindi mo sinabi sa akin agad? Bakit tinago mo?”
“Binabalak ko nang sabihin sa’yo, after no’ng may nangyari sa atin,” sandali siyang tumahimik, napapakagat labi na parang inaakit ako.
“Umayos ka nga…” tinampal ko ang noo niya. Dahan-dahan na naman kasing lumalapit.
“Tumawag si George, kaya ‘yon…hindi ko nasabi.”
Hindi na ako nagsalita. Humaba-haba naman ang nguso niya. “Ayos na ba? Nasagot na ba lahat ng tanong mo? Naniniwala ka na ba?”
Umiling-iling ako at mapaklang tumawa. “Bata ka, mayaman, at gwapo, bakit mo sinasayang ang buhay mo sa akin?”