Chapter 1
Ella Mae’s Pov
NAKAUPO ako habang nakikipag palitan ako ng chat sa kaibigan kong si Kisses. Tinatanong niya ako kung anong oras daw ako uuwi sa bahay nila. Pansamantala kasing doon ako tumutuloy sa bahay niya dahil sa masamang nangyari na ayaw ko ng balikan. Nakakairita lang isipin na tinraydor kami ng kaibigan naming si Fle.
Ayaw ko ng alalahanin pa at baka ma-stress lang ang bangs ko sa kanya. Stress na nga ako sa kaibigan ng asawa ni Kisses eh. Kaya gusto kong lumabas ng bahay nang kaibigan ko dahil doon din nakatira ang binata.
Ang tanging alam ko lang sa kanya ay pangalan niya. Weirdo na nga, weirdo pa ang pangalan. Siya si Ghost, ang lalaking lagi akong pinag-iinitan simula nang magtagpo ang landas namin.
Nong una kaming magkilala ay pati paghinga ko ikinagagalit niya. Mas lalo pa siyang naasar sa akin nang sabihin ko na hindi masarap ang ulam na nakahanda sa mesa na siya palang nagluto. Malay ko ba naman kasi na siya ang naghanda ng pagkain. Sinasabi ko lang naman ang totoo. Wala siyang ginawa kundi ang sungitan ko. Pero syempre, hindi ako nagpapatalo sa kanya dahil warrior ako na babae. Nagawa ko pa nga siyang suntukin sa mata niya eh. Kaya mas lalong mainit ang ulo niya sa akin.
Hindi ko mawari ang timpla ng ulam na niluluto niya. Parang pagkaing baboy ba naman kaya nasabi ko ‘yun habang nasa harapan ko siya. Sa inis niya ay pinalo niya ako sa ulo ng sandok. Napakasama talaga ng ugali ng lalaking ‘yun. Matanda naman na sana pero parang bata kong mag-isip. Huli ko nang malaman mula sa kaibigan ko na wala pa lang panlasa ang binata kaya pala ang niluluto niyang ulam ay hindi maintindihan ang lasa.
38 years old na kasi ang lalaking ‘yun. Tahimik at gustong mapag-isa. Kaya malaki ang galit sa akin dahil madaldal akong babae. Nabulabog ba naman ang mundo niya nang dumating ako sa bahay niya dahil nando’n ang kaibigan ko. Hindi yata siya sanay na may tao sa bahay niya kaya palagi siyang galit. Pero minsan naman ay tahimik lang siya at parang may sariling mundo.
Pero hindi naman ako nagsisisi na sinabihan kong pangit ang luto niya dahil totoo naman. Bahala siya kung magalit siya sa akin. Ayaw ko naman siyang makita dahil hindi ko makalimutan ang ginawa niya sa labi ko nong inaway ko siya. Napakawalangya talaga ng ermitanyong ‘yun. Ang sarap niyang ibitay. Hindi ko malaman kung bakit niya hinalikan ang labi ko. Basta ang alam ko lang ay nagbago ang lahat nang magluto ako ng ulam namin. Simula no’n ay ang creepy na niyang tumitig sa akin. Mas lalo tuloy akong nakaramdam ng takot sa kanya at iniiwasan ko talaga siya ng bonggang bongga. Kaya kapag may nag offer sa akin ng sideline ay tinatanggap ko talaga para kumita ng pera at makalabas ng bahay nila Kisses.
Tulad nalang ngayon, lumabas ako ng bahay nila Kisses dahil may tuturuan akong sayaw. Highschool ang mga ito at ako ang tinawag nila para magturo. Tinanggap ko na dahil kailangan na kailangan ko ng pera. Syempre, dagdag kita din ‘yun para sa akin.
Huminto na muna kasi ako sa pag-aaral ngayong taon. Yung papa ko kasi ay natanggal sa trabaho. Nakahanap naman siya agad pero hindi katulad ang sahod niya sa dati niyang work. Kaya hirap pa rin kaming makaahon.
Naisipan ko na lang na tumigil na muna sa pag-aaral at magtrabaho para makaipon ako. Ayaw kong maging pabigat sa mga magulang ko.
Kaya heto ako ngayon.. nagpapahinga dahil may breaktime ang pagtuturo ko ng sayaw. Kanina pa ako hinihingal kakabilang ng dance step. Matitigas ang ulo ng iba at ang iba naman ay matigas ang katawan. Mapapamura na lang talaga.
Umiinom ako ng tubig habang binabasa ang reply ng kaibigan ko. Nang matapos ako ay itinago ko na ito sa bag ko para magsimula na ulit ng practice.
Nag umpisa agad ako at halos ginamit ko ang lahat ng energy ko habang nagtuturo. Para naman sulit ang bayad nila sa akin.
Giling ako ng giling at halos hingalin ako dahil todo bigay ako. Isang oras lang naman ang practice kaya nang matapos ay nagpasalamat sa akin ang mga estudyante at binigay sa akin ng leader nila ang bayad.
Tinanggap ko naman ito at naghanda na para umalis. Nagmadali na akong maglakad palabas ng eskwelahan. Balak ko sanang makipagkita sa ka chat ko na si Matteo. Kaso hindi na siya nagpaparamdam sa akin. Umaasa pa rin ako na mag me-message sa akin ang lalaking ‘yun.
Kasalanan talaga ‘to ng ermitanyo eh. Sumulpot ba naman habang kadate ko si Matteo. Napakagkamalan pa ng binata na tatay ko si Ghost dahil mahaba ang buhok nito. Mabuti na nga lang ngayon ay nagpagupit na siya kaya kahit papano ay umaliwalas ang mukha ng animal.
Dahil sa pagsulpot niya ay ayaw na akong replyan ni Matteo. Akala ko pa naman ay magiging kami na. Umasa pa naman ako na magkakaroon ako ng jowa. Para sana may inspirasyon akong mabuhay ngunit sinira lang ng ermitanyo na ‘yun.
Nang makalabas ako ng school ay nagulat ako nang makita ko ang kinaiinisan kong lalaki. Nakatayo siya sa gilid ng gate at para bang may hinihintay.
Nakita niya ako kaya agad akong nag iwas ng tingin. Magkukunwari na lang ako na hindi ko siya nakita.
Agad akong naglakad papunta sa kaliwang kalsada at hindi na nilingon pa si Kuya Ghost. Malalaki ang hakbang ko upang hindi niya ako maabutan kung ako man ang hinihintay niya.
Pero baka naman kasi hindi ako ang pinunta niya dito. Pwede din namang may hinihintay siya na ibang estudyante. Baka masyado lang akong assuming na nakasunod siya sa akin.
Nagdahan dahan na akong maglakad at lumiko ako sa kanan. Bahala na kung saan ako lulusot. Basta ang importante ay hindi ko makita ang pagmumukha ni Kuya Ghost. Lagi ko na nga lang nakikita ang mukha niya sa bahay nila Kisses eh, kaya dapat lang na iwasan ko siya dito sa labas.
Hindi ko pa siya napapatawad sa halik na ginawa niya sa labi ko. Ninakaw niya ang first kiss ko kaya mainit ang ulo ko sa kanya. Ilang araw din akong hindi nakatulog sa ginawa niya at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na tinorrid kiss niya ako. Manyakis na ermitanyo.
Sa pagliko ko sa kanto ay halos mapatili ako nang sumalubong sa akin si Kuya Ghost.
“Ayy, kamote!” bulalas ko at napasapo sa dibdib ko sa gulat.
Nagsalubong naman ang makakapal niyang kilay. “Mukha ba akong kamote?” tanong niya sa baritonong boses.
Pinukol ko naman siya ng masamang tingin. “Bakit ka ba nanggugulat? At bakit ka nandito?” tanong ko sa inis na boses.
“Napadaan lang,” maikli niyang sagot.
“Ahh okay.. napadaan ka lang pala eh. Sige, mauna na ako sa’yo, Kuya Ghost.” pangdidiinan ko sa tawag ko sa kanya na kuya. Napapansin ko kasi na naiinis siya kapag tinatawag ko siyang kuya.
Iniwan ko siya at hindi nilingon. Panay ang bulong ko na sana ay hindi siya nakasunod sa akin. Wala na ako sa tamang pag-iisip at hindi namalayan na may nabangga ako. Sa lakas ng pagkakauntog ng noo ko ay napaupo ako sa gilid ng kalsada.
Hinimas himas ko ang noo ko na nauntog saka tumingin sa kung saan ako nauntog. Punyemas! Poste pala. Kaya pala ang sakit ng pagkakauntog ng noo ko.
“Are you okay?” biglang nagsalita si Kuya Ghost mula sa likod ko. Nakita yata niya ang katangahan ko. Nakakahiya!
May pumasok sa isipan ko na magandang idea. Mabilis akong lumingon kay Kuya Ghost. Nakatitig siya sa akin at bakas sa mukha niya ang pag-aalala. “Sino ako? Sino ka?” kunwaring may amnesia para lubayan na niya ako.
Agad naman kumunot ang noo niya. “Niloloko mo pa ako, bansot?” aniya sa inis na boses. Piste talaga ‘to. Tinatawag talaga niya akong bansot o minion dahil ang liit ko. 5’0 lang kasi ang height ko samantalang siya parang kapre ang tangkad. Yung muscle niya sa braso ay halos pumutok na ang damit niya dahil sa laki. Malapad din ng konti ang katawan niya at alam kong may tinatago din siyang abs. Marami siyang tattoo sa katawan. Maging ang leeg niya ay meron din kaya ang angas din niyang tignan. Ang mukha niya ay masungit kaya nga inis na inis ako sa kanya dahil hindi man lang marunong ngumiti ang baliw na ‘to.
Ang pinagtatakahan ko lang ay kung bakit nasa harapan siya ng school kung saan ako nagtuturo ng sayaw. Ano bang ginagawa niya dito eh sa pagkakaalam ko ay hindi siya mahilig lumabas sa lungga niya. Hindi niya gusto ang maingay na paligid.
Inirapan ko na lang si Kuya Ghost at mabilis akong tumayo. “Lubayan mo na nga ako! Wag mo akong susundan ha! Kapag hindi ka nakinig sa akin ay makakatikim ka na naman ng blackeye sa akin,” pagbabanta ko sa kanya at pinakita ko ang kamao ko.
Hindi naman siya sumagot kaya mabilis ko siyang tinalikuran at nagmadali akong umalis. Tumakbo na talaga ako para lang makalayo kay Kuya Ghost. Ang creepy talaga niya tumitig eh. Nakakatayo ng balahibo kaya kailangan kong makalayo sa kanya.
Pero naalala ko na sa iisang bahay nga pala kami umuuwi at magkatabi ang kwarto namin dalawa ay naiiyak na lang ako. Kasalanan talaga ‘to ng kaibigan ko eh. Mas lalo niya akong inaasar kay Kuya Ghost kaya niya kami pinaglalapit. Binugaw ba naman ako. Kaya kahit umiwas pa ako dito sa labas ay magkikita at magkikita pa rin kami ni Kuya Ghost at maiinis na naman ako sa kanya. Pero panandalian lang naman ang pagtira ko sa bahay ng kaibigan ko. Kapag naayos na kasi ang problema ay babalik na ako sa dati naming bahay at makakalayo na ako kay ermitanyo na creepy kong tumitig sa akin. Sana nga ay maayos na agad dahil gustong gusto ko ng umalis.