CHAPTER 5

1291 Words
Nasaktan si Urduja sa mga sinabi ni Athoine La Guarcho sa kaniya. Nasaktan siya sapagkat ang tigas ng pagtanggi nito sa ideyang maging asawa siya. Kahit nga ang mahalin ito ay tila nais pa nitong ipagbawal. Dahil ba talaga sa malaking agwat ng edad nila? Hindi naman hadlang ang edad kung gugustuhin talaga siyang makasama sa buhay ng binata, pero ramdam niyang ayaw nito sa kaniya. Hindi na lang siya umimik kahit bumigat ang dibdib niya, na parang may dumagan doon at hindi siya makahinga nang maluwag. Sa buong durasyon ng biyahe nila patungo sa bachelor’s pad ng lalaki ay hindi na lang siya nagsalita, ngunit may pagkakataong disimulado siyang napapasulyap sa dako nito. Sa totoo lang ay sobra siyang humahanga rito. Matagal naman na niyang inamin sa sariling gustung-gusto niya ito. Palagi niya itong nakikita sa mga photo album sa malaking bahay ng mga magulang nito. Mabait ang mag-asawang La Guarcho, at madalas makipagkuwentuhan ang mga ito sa kaniya. Pakiramdam tuloy ni Urduja ay kilala na niya ang malaking parte ng pagkatao ng abogado. Dumoble pa ang paghanga niya sa binata nang malaman niyang labis ang pagpapahalaga nito sa edukasyon. Siya kasi’y hindi nakatapos ng pag-aaral kahit gustung-gusto niya. Ang iba namang may pera at kakayahang makapagtapos ay binabalewala naman ang edukasyon. Si Anthoine, kahit galing sa mayamang pamilya at nag-iisang anak, ay nag-aral nang mabuti at nagsumikap na itatag ang sariling pangalan at imahe sa lipunan. Ang sabi nina Señora Anita at Señor Alonso, nag-aalala raw ang mga ito para sa nag-iisang anak. Paano’y treinta anyos na, pero wala pa ring ipinapakilalang nobya. Nababahala ang mga ito na baka puro trabaho na lang ang laman ng utak ng binata, subsob sa mga dokumento, at walang nag-aalaga rito. Kaya nang kinausap siya ng mag-asawa, tinanong kung sang-ayon ba siyang maging asawa ni Anthoine, ay walang pag-aalinlangan siyang pumayag. Nais niyang siya ang babaeng mag-aalaga rito. Ang babaeng magbibigay dito ng masayang pamilya. Marunong siyang magluto, maglaba, maglinis, at kaya niya ang lahat ng gawaing bahay. Higit sa lahat, kaya niyang ibigay ang buong puso niya rito. Handa siyang ibuhos ang lahat ng oras, suporta, at pagmamahal niya para sa unico hijo ng mag-asawang La Guarcho. Isa pa, napamahal na rin sa kaniya ang abuela at mga magulang ni Anthoine. Para na rin kasing kapamilya ang turing ng mga ito sa kaniya. “We’re here.” Napaigtad pa si Urduja nang marinig ang malamig na tono ng boses ni Anthoine. Napalingap siya sa dako nito. Bumitiw na ang mga kamay nito sa manibela, pero nakaupo pa rin ito sa driver’s seat. Ang mga mata nitong nakatutok sa unahan ay may matalim na kislap. Nang humarap ito sa kaniya ay napalunok siya at napadiin ang likod sa sandalan. Ang talas kasi ng tinging ipinukol nito sa kaniya. “S-señorito…” “Bumaba ka na, at huminga ka nang maayos. Baka himatayin ka pa. Don’t make me rush you to the emergency room. I don’t have time for that,” magaspang nitong wika. “S-sorry po,” aniya. “Palagi ka ba talagang nauutal? Can you not talk straight? I-diretso mo ang dila mo at magsalita ka nang tuwid.” Pagkasabi niyon ay nauna na itong bumaba. Bago nito isinarado ang pinto ng kotse ay yumuko pa muna ito at tumingin ulit sa kaniya—na nakaupo pa rin sa front passenger seat. “Marunong ka naman sigurong bumaba ng kotse nang hindi pinagbubukas ng pinto, ’no?” “Marunong ho!” maagap niyang tugon. “Then, start moving. Huwag kang umupo na lang diyan.” Nakagat ni Urduja ang ibabang labi. Masyado naman yatang mabigat at mainit ang dugo sa kaniya ng binata. Wala naman siyang ginagawang masama rito maliban sa pagpayag sa iminumungkahi ng mga magulang nito na ipagkasundo silang dalawa. Bumaba siya ng kotse. Pagkalapat na pagkalapat pasara ng pinto ay muntik pa siyang literal na mapatalon sapagkat biglang tumunog iyon at pumulso ang ilaw ng hazard light. Tumiklop din ang mga side mirrors. “That’s normal. Ni-lock ko lang iyan. Follow me. Huwag kang magpaiwan diyan,” malamig pa ring wika ng lalaki, hindi man lang ito nag-abalang lingunin siya. Tumigil lang ito saglit sa paghakbang, na itinuloy din kaagad nito matapos bigkasin ang litanya. Dali-dali siyang humabol dito. Nasa basement parking sila ng condominium building kaya lumulan sa elevator ang binata. Tumabi siya rito. Silang dalawa lang ang nasa loob. Pinindot nito ang thirty-fifth floor. “Señorito, sa thirty-fifth floor ka po nakatira?” mangha niyang tanong. Hindi ito tumugon. Nakapinid lang ang mga labi nito. Hindi na rin inulit ni Urduja ang pang-uusisa. Pagbukas ng elevator sa ika-tatlumpu’t limang palapag ay nauna ulit si Anthoine sa paghakbang palabas, na para bang kanina pa nito gustong dumistansiya sa kaniya. May gumuhit na kirot sa dibdib ng dalaga, pero itinulak na lamang muna niya iyon sa likod ng puso niya. Hindi puwedeng sa unang araw niya sa poder ng binata ay kirot ng dibdib ang pagtutuunan niya ng pansin. Binuksan nito ang pinto ng corner unit. Malapit sa fire exit. Sa pinakadulo, bago ang unit nito ay isang salaming pader kung saan tanaw ang magandang bista sa labas. Mula sa kinaroroonan nila, makikita ang mga istruktura ng ibang gusali. “This is my place. Isa lang ang kuwarto rito,” anito. “Saan ho pala ako matutulog?” kimi niyang tanong. “I don’t know. I mean, there’s a small helper’s room connected to the service area that I converted into a storage room. Hindi ko naman kasi kailangan ng dagdag na taong tutulong sa akin dito. And I prefer to live alone.” Sinadya nitong lagyan ng diin ang huling linya. Napayuko na lang siya. Dinig na dinig niya ang paghugot ng malalim na paghinga ng lalaki. “I think I’ll have to turn that room into your personal space,” parang napipilitan pa nitong sabi. Ang unit ng binata ay malapad at maaliwalas. Pagpasok nila sa loob, sa kaliwa ay ang kitchen. May over-counter cabinets at under-counter storage. Limitado lang ang mga gamit sa kusina. Sa kanan ay pinto patungong service area. Nasa loob niyon ang sinasabi nitong maliit na silid na ginawa nitong storage room. Sa unahan ay ang malapad na sala. May malapad na L-shaped sofa. Kulay itim. May malaking telebisyon na naka-mount sa dingding. Ang isang gilid ng sala ay gawa sa salaming pader at nandodoon din ang pinto patungong balkonahe. “That’s my room. Hindi ka puwedeng pumasok diyan.” Itinuro nito ang isang pinto sa kanang dako nito. Tumango siya. “While you’re here, just try to live your life separate from mine—but live and breathe as quietly as possible. Huwag mo akong pakialaman at huwag mo akong isturbuhin. I hate being disturbed, especially since I am always busy. Ayaw ko nang maingay, ayaw ko nang makalat, at ayaw na ayaw ko kapag marumi ang paligid.” “Hindi po ako magkakalat dito, Señorito. Sisiguruhin ko pong palaging malinis ang unit na ’to.” Muli, pinukol siya ni Anthoine ng malamig na tingin. “You don’t have to do anything for me. Your stay here is just temporary anyway. Hindi mo kailangang magpakitang gilas. I don’t need that and I won’t care. Mapapagod ka lang, pero wala kang mapapala,” prangka nitong wika. Napabuntong-hininga na lang si Urduja. Gano’n ba talaga kapag abogado, palaging prangka kung magsalita? “At isa pa nga pala, huwag mong hahawakan ang mga dokumentong may kinalaman sa trabaho ko. If you touch any work-related documents, I’ll throw you out. Kahit magalit pa ang mga magulang ko sa akin. Huminga ka lang at manahimik sa isang tabi hanggang dumating ang araw na puwede na kitang ibalik sa poder ng mga magulang ko. Nagkakaintindihan ba tayo?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD