Kabanata 9: The CEO’s Secret Wife
Sa unang araw ni Chase sa opisina matapos ang kasal nila—kahit peke lang ito—wala siyang ideya na may isang sorpresa ang naghihintay sa kanya.
Pagdating niya sa kumpanya, gaya ng dati, agad siyang naging sentro ng atensyon.
Ang Donovan Corporation ay hindi lang isang matagumpay na negosyo kundi isang opisina kung saan marami ang lihim na nagpapantasya sa kanilang gwapong CEO. Habang dumadaan siya sa lobby, naririnig niya ang bulungan ng mga babaeng empleyado.
"Grabe, bakit parang mas lalo siyang gumwapo ngayon?"
"Siguro may bago siyang date, kaya blooming."
"Hmp! Kung hindi lang siya sobrang istrikto, baka isa ako sa mga pinag-aaksayahan niya ng atensyon."
Pero gaya ng nakagawian, hindi pinansin ni Chase ang mga iyon. Para sa kanya, walang kwenta ang tsismis. Ang mahalaga ay ang trabaho niya.
Diretso siyang pumasok sa elevator patungo sa opisina, walang ideya na sa parehong oras, may isang babaeng patungo rin sa kanyang kumpanya—isang babaeng masisira ang normal niyang umaga.
Emma’s POV
Sa penthouse, ilang oras pa lang akong mag-isa, pero parang ilang linggo na akong nakakulong. Wala akong magawa. Napatingin ako sa paligid—ang perpektong sala, ang malalaking bintana, ang modernong kusina—lahat maganda, pero wala akong gana.
“Ugh, bakit parang nakakabaliw ‘to?” bulong ko sa sarili.
Tapos, biglang sumagi sa isip ko ang sinabi ni Chase kanina:
"Simula bukas, sisimulan na natin ang pagpapanggap."
Napangisi ako. Bukas pa? Eh bakit hindi na lang ngayon?
Total, mag-asawa na kami sa mata ng lahat, bakit hindi ko na lang simulan ang papel ko bilang fake wife ngayon? Isa pa, matchmaker ako. Isa sa misyon ko ay siguraduhing hindi maging single forever si Chase Donovan. At paano ko magagawa ‘yun kung hindi ko siya tutulungan ngayon pa lang?
Nagmadali akong nagbihis. Isang white silk blouse at high-waisted jeans ang pinili ko—sapat para magmukhang professional pero may wow factor. Naglagay ako ng light makeup, saka lumabas ng penthouse na may iisang layunin—puntahan si Chase sa kumpanya niya.
Sa Donovan Corporation
Pagpasok ko sa lobby ng kumpanya, agad akong nakakuha ng atensyon.
Hindi naman ako nagsusuot ng sobrang sosyal na damit, pero sapat na ang confidence ko para magmukhang somebody. Hindi rin nakatulong na hindi nila ako kilala—isang estrangherang biglang pumasok na parang may mahalagang pakay.
Lumapit ako sa front desk. “Excuse me, gusto kong makita si Chase Donovan.”
Tiningnan ako ng receptionist mula ulo hanggang paa. “May appointment po ba kayo, Miss?”
“Uh… wala.” Ngumiti ako nang matamis. “Pero asawa naman niya ako, so I think I don’t need one.”
Isang malalim na katahimikan ang bumalot sa paligid.
Asawa?
Narinig ko ang ilang empleyado na napahinto sa kanilang ginagawa.
“Asawa? Narinig mo ‘yun?” bulong ng isang babaeng empleyado.
“May asawa si Mr. Donovan?! Kailan pa?!”
“Imposible! Baka nagbibiro lang siya.”
Nakangiti lang ako habang pinagmamasdan ang reaksyon nila. Hindi ko alam kung bakit, pero natutuwa akong makita ang mga naguguluhan nilang mukha.
Biglang lumapit ang isang lalaking pamilyar sa akin—si Mark, ang assistant ni Chase. Napasimangot siya nang makita ako.
“Wait… ikaw ‘yung babaeng namilit last time na gusto maging matchmaker ni Boss, ‘di ba?”
“Oh, naaalala mo pa pala ako!” sagot ko, masayang ngumiti. “Pero iba na ‘yung dahilan ko ngayon. Personal na ‘to.”
“Miss, hindi talaga puwedeng basta-basta pumasok sa opisina ni Mr. Donovan. Kung wala kang—”
“Sino ang hindi puwedeng pumasok?”
Malamig na boses ang pumuno sa lobby.
Napatingin ang lahat sa direksyon ng elevator kung saan nakatayo si Chase, naka-black suit at may hawak na phone. Nakatitig siya sa akin.
Tahimik ang buong paligid. Walang gumagalaw, walang nagsasalita.
Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at hinawakan ang braso niya, saka ngumiti nang matamis.
“Hi, honey.”
Kung gaano katahimik ang lugar kanina, ganoon naman kaingay ngayon.
"WHAT?"
"Siya ‘yung asawa ni Boss?!"
"Paano nangyari ‘yun? Kailan?!"
Nagtaas ng kilay si Chase. Alam kong hindi niya inaasahan na gagawin ko ‘to.
Pero ang mas ikinagulat ko? Hindi niya inalis ang kamay ko. Bagkus, marahan niyang hinawakan ang bewang ko—isang kilos na parang pamilyar na kami sa isa’t isa.
Pinanood ko kung paano nanlaki ang mata ng assistant niya, pati ng receptionist. Lalo lang akong natuwa sa eksena.
Kumindat ako kay Chase. “Nagugulat ka, honey?”
Napangisi siya. “Hindi ko inasahan na bibisita ka sa kumpanya ko ng ganito kaaga, sweetheart.”
Mas lalong lumakas ang bulungan ng mga tao sa paligid.
“Okay, break time na!” sigaw ni Mark, pilit na tinataboy ang mga empleyado na kanina pa nagmamasid. “Balik sa trabaho!”
Isa-isa nang bumalik ang mga empleyado sa pwesto nila, pero ramdam ko pa rin ang mga tingin nilang puno ng pagtataka.
“Sumunod ka sa akin,” mahinang sabi ni Chase bago ako hinila papunta sa elevator.
Pagpasok namin sa office niya, kasabay na sumara ang pinto. Tahimik siyang nakatayo, nakatingin sa akin.
“So…” sinimulan ko, nakapamewang. “Simula bukas, ‘di ba? Eh bakit hindi natin gawing simula ngayon?”
“Alam mong hindi ito ang usapan natin,” seryoso niyang sagot.
“Ikaw ang may sabi na kailangan nating magpanggap, honey.” Ngumiti ako nang pilya. “I just took the initiative.”
Pinisil niya ang sintido niya, halatang pinipigilan ang inis.
“Emma.” Bumaba ang tono ng boses niya, isang babala.
Pero hindi ako natinag. Sa halip, lumapit ako at nilagay ang mga braso ko sa dibdib ko.
“Alam mo, dapat magpasalamat ka,” sabi ko. “Dahil ngayon, wala ka nang kawala.”
Napatingin siya sa akin. “Ano’ng ibig mong sabihin?”
Ngumiti ako nang matamis. “Simula ngayon, ako na ang ‘asawa’ mo. At gusto ko lang ipaalala…” Tumagilid ako at hinawakan ang baba ko na parang iniisip. “Walang bawian.”
Nagtagal ang titigan namin, at sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ko ang isang bagay sa mga mata niya—isang bahagyang pagkagulat.
Mukhang hindi niya inasahan na kaya ko siyang unahan sa laro niya.
At sa loob ng isipan ko, isang bagay ang bumubulong:
Game on, Chase Donovan.