Hindi ko magalaw ‘yung laman ng plato ko kahit pinuno na ito ni Kuya TJ ng mga paborito kong pagkain.
“Wala ka bang balak kumain babe?” seryosong tanong niya. Pagtingin ko sa kanya, akala ko magagalit siya pero nakita ko lang ang pagaalala sa mga mata niya. Ganito rin ang tingin sa akin ng iba ko pang mga kapatid, bukod syempre kina Mama at Papa na kagabi pa ako hindi kinakausap.
Wala pang nagtatanong sa akin kung anong nangyari pagluwas ko ng Maynila. Hindi ko tuloy sigurado kung alam na ba nila ang lahat. Baka sinabi ni Kuya MJ na ito ‘yung boyfriend ko ng apat na taon kaya wala na silang panguusisa pang ginawa.
“Babe, kailangan mong kumain para magkalaman ka ulit,” bulong ni Kuya MJ sa tabi ko pero hindi ko pa rin hinawakan ang kutsara’t tinidor ko. Hindi kasi ako mapakali.
Paano ba naman, oras na ng tanghalian pero hanggang ngayon ay nasa labas pa ng bahay namin si Dax. Kaninang umaga pa siya nagsisibak ng kahoy!
“Bakit kailangan pa niyang magsibak ng kahoy? Para saan naman natin ‘yun gagamitin?” tanong ko sa lahat. Hindi ko kasi alam kung kaninong ideya ito. “May mga tao rin naman tayo na pwedeng gumawa nun!”
Habang patuloy sa pagkain ng Tulingan, nagsalita si Mama. “Hindi ba’t gusto ka niyang pakasalan? Kailangan niyang gawin ang paninilbihan dahil parte pa rin iyon ng tradisyon ng pamilya natin.” Talaga yatang sinasakyan na nila ang gustong mangyari ni Kuya TJ. Matalim na tingin ang ipinukol ko sa kanya pero nagkibit-balikat lang siya.
“What’s paninilbihan kuya?” tanong ko na lang kay Kuya MJ na pareho lang ang reaksyon kay Kuya TJ. Tiningnan ko naman si Kuya PJ pero as expected ay patay malisya lang siya. Umirap ako sa kawalan. “Okay, whatever. Pero iyon lang naman ang kailangan niyang gawin ‘di ba? Pagkatapos ay pwede na siyang kumain at magpahinga?” Siguradong hindi sanay si Dax sa ganitong pisikal na gawain dahil puro trabaho lang sa opisina ang alam niyang gawin sa buhay. Ako tuloy ang naaawa para sa kanya ngayon.
Hindi ko pa rin lubos maisip na siya mismo ang pupunta rito sa Batangas para sunduin ako. To be honest, akala ko’y magpapadala lang siya ng tauhan nila. Who would have thought that the great Mr. Savage will come here himself to bring me back?
Gustuhin ko mang tanungin si Dax tungkol sa lahat ay hindi ko rin magawa sa ngayon lalo na’t hindi pa kami makapagusap.
“Are you saying na ganuon kadali ka lang makuha? Kaunting sibak lang ng kahoy ay hahayaan ka na naming ikasal sa kanya? Anlaa naman!” tanong ni Mama bago malakas na inilapag ang mga kubyertos sa lamesa at tumingin sa akin ng matalim.
“Pero makakabuo na siya ng bahay sa dami ng kahoy na nasibak niya!” pagdadahilan ko dahil ito naman ang totoo. Ang dami nilang kahoy na pinasibak dun sa tao, daig pa niya ‘yung mga trabahador namin dito.
“Magiigib pa siya ng tubig sa poso!”
“At pupunuin ang swimming pool natin ganuon ba? O baka gusto niyong pati ‘yung tangke ng tubig natin?”
“Reign!” sigaw ni Papa kaya agad kong tinikom ang bibig ko. Alam kong nagiging bastos na ako at hindi naman iyon ang intension ko. Gusto ko lang naman na ‘wag na nilang pahirapan ‘yung tao.
Natahimik ang lahat sa lamesa. Ilang segundong nahinto ang lahat bago bumalik sa pagkain.
Siguro’y ilang minuto pa ang lumipas bago muling binasag ni Mama ang katahimikan.
“We are still trying to be considerate despite what both of you did. Kung tutuusin, itong tatay mo nga mas matindi pa ang pinagdaanan noon sa mga magulang ko.”
“Pero iba ang noon sa ngayon Mama. Why are you being so old-fashioned?”
“Tigilan mo na ang pagsagot-sagot mo sa amin Reign,” utos ni Papa. “Hindi ka namin pinalaking bastos! Ganyan baga ang tinuro sa ‘yo ng mga Savage?”
“Ganito na ako bago ako umalis ng bahay Papa-” siniko ako ni Kuya MJ kaya pinutol ko na ang sasabihin ko sana. Ang hirap kasi sa ugali ko’y lagi akong nakakaisip ng sagot pabalik. Kung hindi pa ako pipigilan ay hindi ako marunong pumreno. Kung hindi dahil sa mga kapatid ko, siguradong matagal na akong napalayas.
“Kung gusto niyang pakasal sa ‘yo, ala eh dapat lang na maghirap siya. Kailangan makuha muna niya ang tiwala namin ng Mama mo, tiwala maging ng mga kapatid mo.”
“Pero Pa, sa linggo na ang kasal namin!”
“Kaya mas dapat siyang magsipag! Sino baga may sabi sa inyo na isikreto niyo sa amin ang balak niyong pagpapakasal? Bigla ka na lang lumuwas ng Maynila, tapos malalaman na lang namin na ikakasal ka na sa lalaking ‘ni anino hindi pa namin nakikita?”
Nakarinig kami ng pagkatok sa pinto kaya nahinto ang lahat. Nagtaka ako nang makita ang pagkagulat sa mukha nila Mama at Papa. Kumunot naman ang noo nila kuya. Kaya lumingon na rin ako sa tinitingnan nila.
Awtomatikong nalaglag ang panga ko dahil si Dax ito na walang suot na pangitaas!
Nag slow motion habang papalapit siya sa amin. Halos mangintab na ang katawan niya dahil sa tagaktak ng pawis. Nagpuputukan ang mga braso niya at kitang-kita ko ngayon ang anim na tipak ng abs sa kanyang harapan. Napalunok ako bago may kamay na humarang sa harap ng mga mata ko.
“Stop looking,” bulong ni Kuya TJ sa tabi ko as if I just committed a deadly sin. Kinuha ko agad ang baso ng tubig malapit lang sa akin at ininom ito ng tuloy-tuloy. Nakita ko naman na ang katawan ni Dax noon but not in broad daylight! And definitely not in this ‘hot’ state!
“Tapos na po ako sa mga kahoy,” balita ni Dax sa pamilya ko. Inalis ko ‘yung kamay ni Kuya TJ at nakitang hawak ni Dax ‘yung suot niyang damit kanina na mukhang basa ng pawis. Parang pagod na pagod din siya sa kanyang ginawa at medyo namumutla. Hindi ko nga lang alam kung bakit sa mga mata niya’y kita ko na proud na naman siya sa tinrabaho niya.
Napatingin si Dax sa akin at ngumisi kaagad ako. Magsasalita na sana ako at akmang tatayo para lapitan siya nang hawakan ni Kuya MJ ang balikat ko. Umiling siya na para bang sinasabing hindi magandang ideya ang balak kong gawin.
“Next time ka na mang-manyak,” bulong nito kaya siniko ko talaga siya sa tagiliran.
Nahinto lang kami sa tuksuhan nang marinig kong magsalita si Papa.
“Go back to your room Reign,” utos niya kaya agad ko siyang hinarap.
“Pero sasamahan ko si Dax!”
“Enough! Go back to your room now!” paggatong ni Mama kaya itong si Kuya PJ tumayo na’t hinawakan ako sa braso para igiya pabalik ng kwarto ko.
“Pero hindi pa ako kumakain! Nagugutom ako!” parang batang pagtutol ko.
“Magpapaakyat kami ng pagkain,” sabi ni Kuya TJ na agad tumawag ng katulong. Lahat talaga ay posible sa mga kuya ko basta paglayo sa akin sa lalaki. Ngayon makikita ‘yung teamwork nila.
Tuloy ay wala akong nagawa kung hindi lagpasan si Dax. Nagkatinginan kami pero pumikit ito at tumango sa akin na para bang sinasabi niyang ayos lang ang lahat – na wala akong dapat ipagalala.
Paanong hindi ako magaalala? Kilala ko ang pamilya ko, alam kong pahihirapan siya ng mga ‘to hanggang sa siya na mismo ang sumuko’t bumalik sa Maynila. Kaya dapat ngayon pa lang umalis na siya. O baka naman hindi niya magawa dahil para sa kanya trabaho pa rin itong pagbawi niya sa akin?
Oo nga pala, may investor pa sila na kailangang makuha!
Paakyat na ako ng hagdan kasama si Kuya PJ nang marinig ko pa ang utos ni Mama.
“Pagkatapos mong mag-lunch, pakiayos ‘yung bumbilya sa dirty kitchen. Tapos ay ipagmaneho mo ako papunta sa palengke.”
Napasapo ako sa noo ko. Hindi ko tuloy alam kung ano pang impyerno ang ipaparanas sa kanya ng buong Valderrama bago mapapayag sa kasal naming dalawa.
***
May bagong libro galing kay Kuya TJ. Iniwan niya ito kanina sa akin bago sila pumasok ni Kuya MJ sa opisina. At dahil wala naman akong ibang pwedeng gawin sa kwarto ay sinimulan ko na itong basahin. Naupo ako sa tabi ng bintana at kahit abala ako sa bawat pahina ng libro, hindi ko maiwasang mapatingin sa labas kapag may naririnig akong sasakyan o boses.
Kanina kasi’y nakita kong umalis na si Dax at Mama papunta sa palengke. At ilang oras na ang nakalipas pero hindi pa rin sila bumabalik.
Hapon na nang matapos ko ‘yung librong binabasa ko. Maganda naman ito, sadyang may iba lang na tumatakbo sa isip ko. Saktong pagsarado ko ng libro, nakarinig ako ng tunog ng sasakyan kaya dumungaw agad ako sa bintana.
Tama nga ako’t nandito na sila! Unang lumabas ng kotse si Dax pero pinagbuksan lang niya ng pinto si Mama. Tapos ay may kinuha siya mula sa passenger’s seat na mga bayong. Mukhang ito ‘yung mga pinamili nila at mahigit sa apat na bayong ito! Inuwi ba nila ang buong palengke?!
Sumunod si Dax kay Mama papasok ng bahay bitbit ‘yung mga bayong. Wala man lang tumulong sa kanyang magbuhat ni isa sa mga tauhan namin kaya inis na inis ako ngayon. Bakit nila ginagawang utusan si Dax? Sila ang binabayaran namin para magtrabaho!
Dahil hindi nga ako pwedeng lumabas ng kwarto ay dumapa na lang ako sa kama ko. Sinubsob ko ang mukha ko sa unan at tyaka sumigaw para ilabas ang frustration ko. Gigil na gigil ako ngayon dahil nakikita kong nahihirapan si Dax. Hindi ko alam pero kung okay sa kanya ang lahat, pwes para sa akin ay hindi. Bakit ba napakamasunurin niya?!
Siguro’y ilang minuto rin ang lumipas bago ako nakarinig ng mga boses sa hardin namin. Dahil nabosesan ko si Dax ay agad naman akong tumayo at muling sumilip sa bintana.
May kalayuan si Dax dahil nanduon siya sa poso namin. Inabutan siya ng dalawang balde nung katulong namin bago itinuro kung paanong mag-igib. Nang makita kong halos mangisay sa kilig ‘yung katulong namin dahil sa pagpansin sa kanya ni Dax ay gusto ko itong sabunutan. Humanda siya kapag nakalabas na ako sa kwarto ko!
Paano ba naman ay naghubad ulit si Dax ng T-shirt!
Hindi ko alam na nagwo-work out pala si Dax. Akala ko kasi ay wala na siyang oras dahil sa trabaho. Sabagay ay magtataka pa ba ako? Marami naman akong hindi alam tungkol sa kanya. Kung kailan niya isinisiksik ang pagaalaga sa kanyang katawan ay hindi ko rin alam.
Nakita kong nagsimula nang mag-igib si Dax at siya mismo ang naglalagay ng tubig sa swimming pool namin kada puno ng dalawang balde. Kumakaway ako para mapatingin siya sa akin pero hindi naman niya ako mapansin. Tumalon-talon pa ako pero hindi pa rin ito sapat.
Siguro’y sa pangatlong balik niya sa poso ay rito lang siya napatingin sa direksyon ko. At ako na naman itong easy-to-get na kumaway at ngumisi kaagad sa kanya.
Kaya lang naglaho ang ngiti sa labi ko nang makita kong ginawa rin niya ang ginawa ko. Oo’t kumaway ng nakangiti si Dax sa akin! Nag-init ang pisngi ko dahil dito. Hindi ko kasi ito inasahan mula sa kanya dahil palagi siyang seryoso. Madalas na nakakunot ang noo. Bakit bigla ay nagmukha siyang bata sa paningin ko? I mean, he looked gentler. At hindi ko alam na mas nakaka-gwapo iyon!
Dahil dito, napatago ulit ako sa likod ng kurtina. Itinapat ko ang kamay ko sa dibdib ko at pilit pinakiusapan ang puso kong kumalma.
Reign, si Dax lang ‘yan. Maghunos-dili ka!
Siguro’y ilang minuto rin akong nagtago bago muling dumungaw sa bintana.
Napansin kong wala si Dax sa may poso at hindi ko rin siya maaninag sa pool. Kinabahan ako kaya hinanap ko siya ng mabilis sa paligid.
“Dito!” Nagpalinga-linga ako, parang narinig ko ang boses niya sa malapit. “Reign!”
Nakahinga lang ako nang maluwag pagkakitang nakatayo lang pala siya ngayon malapit sa bintana ng kwarto ko. Nakatingala siya’t nakangiti sa akin. Ngumiti rin ako pabalik at hindi ko alam kung bakit guminhawa ang pakiramdam ko nang makita siya.
Pansin kong may hawak siyang kung ano – siguro’y papel? Bato? Papel na may bato? Pinakita niya kasi ito sa akin kahit hindi ko masyadong tanaw.
Pinaalis niya ako sa may bintana dahil akmang ibabato niya ang kanyang hawak kaya mabilis naman akong sumunod.
Ilang sandali lang ay nakita ko ang initsa niya sa mula sa bintana. Nilapitan ko agad ito at tama ngang papel ito na may maliit na bato pampabigat. Kinuha ko naman agad ‘yung papel at binuksan.
Ayos ka lang ba? Nakakain ka na?
Dahil siguro ito sa sinabi ko kaninang tanghalian. Sinabi ko lang naman na gutom ako dahil gusto ko sana siyang makasamang kumain. Pero hindi ko pa rin ginalaw ‘yung pagkaing dinala sa akin ng katulong dahil wala akong gana.
Ayos lang naman ako. Busog na ako sa panunuod sa ‘yo. Kaya pwede ka nang magsuot ng t-shirt.
Kumuha ako ng malaking T-shirt ko mula sa cabinet at pagkatapos ay inipit dito ‘yung sulat. Pagsilip ko sa bintana ay nakita kong nakatayo pa rin sa malapit si Dax kaya pinakita ko ‘yung hawak ko at sinenyasan siya na ibabato ko ito bago ko ginawa.
Nasalo naman niya ‘yung T-shirt at takang-taka siya nung una kung bakit ko ito inabot sa kanya. Humagikgik ako nang makita niya ‘yung papel dito. Nang buksan niya ito at mabasa ang nakasulat, nakita ko ang paghalakhak niya bago napahawak sa batok na para bang nahihiya siya.
'Yung saya sa loob ko ay agad na nagdoble
Pinakita niya sa akin ‘yung damit na binigay ko at sinuot ito sa harapan ko. Kaya nag-thumbs up ako pagkatapos para ipakitang approved ito sa akin. Bakat na bakat nga lang ang kanyang dibdib pero ayos na rin kaysa pagpyestahan ng iba ang katawan niya.
Kumuha ulit ako ng papel dahil may gusto pa akong sabihin. Sinamahan ko ito ng candy pampabigat at binato ulit sa kanya. Ang galing niyang sumapo!
Ikaw? Ayos ka lang ba? Pagod ka na?
Kinuha niya ‘yung candy, binuksan at kinain, bago naglabas ng ballpen. Isinulat niya sa likod ng papel ‘yung sagot niya bago kumuha ng maliit na bato at initsang muli sa akin.
I’m okay. I’ll never get tired of doing things for you.
Mas bumilis ang kabog ng dibdib ko. Nang tingnan ko siya ay seryoso na ang tingin niya sa akin. Bago ko pa man maitanong kung bakit niya ito nasabi ay narinig ko na ang sigaw ni Mama kaya napatakbo si Dax pabalik ng poso.
Tuloy ay buong maghapon ko na lang pinanuod si Dax mula sa bintana ko. Ito ‘yung literal na hanggang tingin lang ako.
Siguro nga kung isang linggo man ako sa loob ng kwarto na ‘to, mukhang madali lang kung makikita ko si Dax sa hardin namin. Nangalumbaba ako at bumuntong-hininga.
“Ang gandang view…”
***
Nauna na naman kaming maghapunan dahil pinagdilig pa ni Mama si Dax ng mga halaman at inutusang magpakain ng mga manok at baboy. Para namang wala kaming hardinero’t iba pang tauhan. Pero syempre wala namang magagawa ang pagtutol ko lalo na kung desidido na sila. Kaya naman nanahimik lang ako sa hapagkainan habang panay ang paguusap nila tungkol sa bagong lupa na balak nilang bilhin malapit sa bayan.
Gaya kaninang tanghalian, bago pa kumain si Dax, pinaakyat na ako nila Kuya sa kwarto. Hindi na naman kami nakapagusap ni Dax ng harapan. Kuya MJ tried to cheer me up pero matanda na ako para kay Mr. Bean.
“Pwede bang sabihan mo sila Kuya TJ na itigil na ‘yung ginagawa kay Dax?” pakiusap ko dahil si Kuya MJ naman talaga ang pinaka-close ko sa mga kuya ko.
Nawala ang ngiti sa kanyang labi, naglaho ‘yung pagi-impersonate niya kay Mr. Bean. Minsan ko lang siya makitaang magseryoso kaya nakakatakot kapag ganito siya. “Pahirapan mo naman ‘yung tao hindi ‘yung para ka lang prutas na nahulog sa puno na madali niyang makuha.”
“Hindi naman madali ‘yun e. Malay mo hinintay pala niyang mahulog tyaka siya nagkaroon ng pagkakataong makuha,” pagdadahilan ko kahit na alam kong wala namang sense.
“Malay mo napadaan lang pala siya sa puno at ikaw ang unang bumagsak kaya ikaw ang pinulot?”
“Pero pwede ring pinaghirapan niyang masungkit--”
“’Wag mo na nga isali ‘yung prutas--”
“Ikaw naman nandamay sa kanila e. Nanahimik sa puno--”
“What I’m just trying to say is that… we want him to work hard for your yes because we want him to see how important you are to the entire Valderrama family. At baka nakakalimutan mo, you’re our only sister…”
Itong sinabi ni Kuya MJ ang nagpaulit-ulit sa isip ko. Tama naman siya e… siguro masyado lang akong hulog na hulog kay Dax kaya gusto kong magpakuha na lang basta.
Kaya lang nang lumalim na ang gabi, gising pa rin ako’t ‘di pa dinadalaw ng antok. Kanina ko pa pinipilit matulog pero hindi ko magawa. Nakailang ikot na ako sa kama at baliktad ng unan pero wala itong naitulong.
Sa tuwing pumipikit kasi ako, rumerehistro sa isip ko ang mukha ni Dax. Lalo na ‘yung ngiti at pagtawa niya kanina sa akin. Pakiramdam ko mababaliw ako. At dahil hindi ko na talaga matiis, tumayo ako at sinilip sa bintana kung nasa labas pa siya.
Nanduon ‘yung kotse niya pero hindi ko alam kung nasa loob ba siya nito dahil patay ang ilaw. Saan kaya siya pinatulog ng pamilya ko? Kinabahan ako dahil baka kasama ng mga alaga naming manok at baboy!
Tiningnan ko ang wall clock at nakitang 3 AM na. Siguro naman ay tulog na tulog na ang lahat. Kaya huminga muna ako ng malalim bago dahan-dahang binuksan ang pinto ng kwarto. Sinuyod ng mga mata ko ang paligid at dahil malinis naman ito, walang ibang tao, ay nagtuloy-tuloy ako papunta sa hagdan.
Pagbaba rito ay madaraanan ko pa ang sala pero kaunting lakad lang ay main door na kaya tinibayan ko pa ang loob ko. Kinakabahan akong mahuli ng pamilya ko dahil alam kong mas pahihirapan nila kaming dalawa ni Dax pag nalaman ang ginagawa ko ngayong pagtakas mula sa kwarto.
Ilang hakbang na ang nagawa ko. At ayos naman na sana ito kung hindi lang ako napatid! Kinagat ko ang labi ko para hindi mapasigaw at hinayaan na lang na masaktan ako kung saan man ako bumagsak.
Hindi ko alam kung anong nakapatid sa akin pero bumagsak ako sa couch – hindi, sa katawan! Dahil madilim ay hindi ko ito maaninag. Baka sila Kuya! O baka guard naming!
Nang subukan kong tumayo ay inakap ako ng kung sino mang nagananan ko. Sa sobrang higpit ay hindi ako makaalis.
“Reign…”
Tumigil ang mundo ko.
Dax?! Suminghot ako at naamoy ko nga si Dax! Humigpit pa ang yakap nito sa akin kaya mas nadikit ang katawan ko sa kanya. Isiniksik niya ang mukha niya sa may leeg ko at mas bumilis ang t***k ng puso ko dahil dito. Apart from the night I hate the most, we’ve never been this close to each other.
“Reign… wag mo ‘kong iwan.”
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung tama baa ng narinig ko. Hindi Richelle kung hindi pangalan ko ang binigkas niya?
“Reign…” paguulit pa niya.
Animo naparalisa, hindi ko alam kung gising na ba si Dax o hindi. Sinasadya ba niyang iparinig sa akin na ako ang tinatawag niya?
Maliit ang couch namin para sa dalawang tao kaya naman nakapaibabaw ako sa kanya ngayon habang mahigpit pa rin ang yakap niya sa akin. Hindi naman ako pwedeng gumawa ng ingay dahil baka may makarinig sa amin at magsumbong kina Mama at Papa. Hindi rin naman kami pwedeng manatili sa ganitong pusisyong hanggang mag-umaga dahil mas lalo kaming malalagot.
Hindi ako makahinga ng maayos dahil sa sobrang lapit ko kay Dax ngayon. Sa sobrang lapit ay pansin kong malaki pala talaga ang katawan nito’t nanliliit ako sa mga bisig niya. Ang init ng buong katawan ko, nahihiya ako dahil baka nararamdaman niya ito ngayon. Para akong inaapoy ng lagnat.
Mas humigpit pa ang pagkakayakap sa akin ni Dax habang paaulit-ulit at malinaw na tinatawag ang pangalan ko.