Chapter 8.2: Lacey's Obsession

2385 Words
Chapter 8.2: Lacey's Obsession Written by: CDLiNKPh SAMANTALA, KINA JASMINE... "Kumusta naman maging asawa si Brandon?" Bigla na lang nagsalita sa likuran ni Jasmine si Taylor kaya medyo nagulat siya. "Okay naman siya. Mabait, magalang at nirerespeto ako," sagot na lang niya na medyo nakokunsensya. Hindi naman kasi talaga sila mag-asawa ni Brandon. "Ay, parang wala namang kagana-gana 'yang sagot mo, girl! Sa lahat ng bagong kasal, parang ikaw lang yata ang hindi excited at hindi mukhang kinililig kapag pinag-uusapan ang asawa. Teka, don't tell me hindi siya magaling sa..." Ibinitin pa ni Taylor ang gusto nitong sabihin na halata namang may pinupunto. Nanlaki naman ang mga mata niya sa gusto nitong ipahiwatig. Saka biglang umakyat ang pamumula sa buong mukha niya. "H-hindi pa namin ginagawa ni Brandon ang bagay na 'yan. Saka masyado siyang busy sa trabaho, 'no!" Halos mautal siya sa sinasabi niya sa sobrang pagkapahiya. Tinawanan lang siya ni Taylor. "Mekaniko ang trabaho ng asawa mo, girl, hindi doktor! Isa pa, bagong kasal lang kayo tapos wala pa ring nagaganap na honeymoon? Napakaimposible niyan. Hindi 'yan normal, girl. Teka, don't tell me na malamig na siya agad sa 'yo kahit kakakasal n'yo lang?" Hindi naman niya alam kung bakit parang nasaktan siya. For some reason, medyo totoo rin kasi ang sinabi nito. Para kasing cold sa kanya si Brandon. Iyon nga lang, hindi naman sila mag-asawa kaya wala rin namang dahilan para maging malambing ito sa kanya. Pagpapanggap lang ang lahat sa pagitan nila. Ni hindi siya nito tinatapunan ng tingin. Masakit lang para sa kanya na tanggapin iyon dahil sa tingin niya ay mahal na niya si Brandon. Natigil lang ang pang-o-okray ni Monique sa kanya nang biglang dumating si Corbin at hinila ang babae palayo sa kanya, saying na mag-uusap lang daw ang mga ito sandali. Naiwan tuloy siyang mag-isa sa isang lamesa na naroon. Nangalumbaba na lang siya at sinubukan na uminom ng alak na inalok sa kanya ng bartender. Nalibot niya ang paligid. Masasabi niyang naimpress siya sa lugar na iyon. Hindi kasi iyon simpleng club lang. Malaki at malawak ang bar na iyon at halatang pangmayaman na lugar sa Manila. Sa tingin niya, kung sino man ang sinasabi ni Monique kanina na kaibigan ni Brandon na siyang sumagot sa lahat ng gastusin sa birthday party nito ay masasabi niyang mayaman dahil nilibre nito ang lahat ng mga invited sa birthday party na iyon at nirentahan pa ng isang araw ang lugar. Pero napapaisip siya kung gaano kaya kaimportante si Brandon sa kaibigan nitong iyon para gumastos ito ng malaki para sa lalaki. Isa pa, nakakagulat din na nagkaroon ng kaibigan si Brandon na mayaman samantalang mekaniko lang naman ito. Well, hindi naman sa minamaliit niya si Brandon pero hindi naman kasi pangkaraniwan na nagkakaroon ng friendship sa pagitan ng mayaman at mahirap. Natigilan siya nang biglang makita si Brandon na papasok ng bar. At hindi ang pagpasok nito ang ikinatigil niya kundi iyong nakita niya na may isang babae ang kasalukuyang nakalingkis sa braso nito! Napasadahan ng tingin niya ang babae. Maganda ang babaeng iyon at mukhang unang tingin pa lang ay mayaman na dahil maputi at maganda ang pananamit. Ang curly hair nito ay blonde at nakabraid pa ang ilang hibla. Nasobrahan sa tangos ang ilong ng babae kaya masasabi niya na may lahi itong foreigner. She also have blue eyes at may pouty lips na para bang palaging nakanguso. Dahil doon ay nagmukhang mataray ang babae sa unang tingin. Medyo sulubong din kasi ang kilay nito kaya medyo nakakaintimidate ang aura nito. Sexy din ang babae at nakadress ito kaya naman kitang-kita ang kurba ng katawan nito. She must say that she is really an attractive woman. At ang ganoong kagandang babae ay nakalingkis sa braso ng asawa niya? Napailing siya. Hindi nga pala niya asawa si Brandon. Sa naisip niyang iyon ay mayroon siyang hindi maipaliwanag na kirot na naramdaman sa dibdib niya. Selos ba ang nararamdaman niya? Bakit ba siya nakakaramdam ng ganito gayong alam niya na ang laki na nga ng problemang kinahaharap niya. She can't remember anything, and yet, she knows that she is a criminal before. Kung tutuusin, she doesn't deserve Brandon's love. Isa pa, malabo naman na magustuhan nito ang isang katulad niya. Napabuntong-hininga na lang siya habang tinitingnan ang dalawa na binabati ang mga bisita sa bar. Parang iyong dalawa ang bagong kasal at hindi sila ni Brandon. They're so good together. Sa height pa lang ng dalawa ay hindi na nagkakalayo. May katangkaran din kasi iyong kasama ni Brandon na babae. Nakakalungkot lang na hindi man lang siya napansin agad ni Brandon. Nakangiti pa nga ito sa mga bisita na mukhang ni hindi man lang nag-alala na bigla siyang nawala sa bahay kanina. Sabagay, baka nasabi na rin naman ni Corbin dito na nandito lang siya sa party. Pero kahit na, siya dapat ang unang hinahanap nito dahil mag-asawa si-- ah, hindi nga pala sila mag-asawa. Bakit ba niya palaging nakakalimutan iyon? Sa sobrang bigat ng dibdib niya ay parang gusto niyang umiyak. Bakit ba parang gustong-gusto niya na totoong maging mag-asawa sila ni Brandon? "Jasmine!" Nagulat siya nang biglang may mangyakap mula sa likuran niya. Si Monique iyon. "Nakwento na sa akin ni Corbin ang buong katotohanan. I'm really sorry sa mga pang-o-okray ko kanina. I don't know what you're going through!" Nangingilid ang luha sa mga mata nito. "You mean, you already know that I am a crimi--" "You're not a criminal, Jasmine! I have a very perfect judgement on people and I know that you are not a bad person. Kung anuman ang rason kung bakit ka naroon sa Isla de Sera ay sigurado ako na there must be a mistake. You're too beautiful to be a criminal for god's sake!" Bulalas ni Monique. "Looks can be deceiving, Monique. Who knows, baka ito pang sinasabi mong ganda ang nagiging sandata ko sa paggawa noon ng masama. Saka hindi ka ba natatakot sa akin? I may be a killer," malungkot na pagbibiro niya. "I told you, mayroon akong super powers na masense sa isang tao kung masama siya o mabuti at hindi ko iyon nararamdaman sa 'yo. Good vibes ang napi-feel ko sa 'yo, girl. Isa pa, hindi ka naman sigurado kung totoo talaga ang hinala nina Brandon sa 'yo dahil wala kang natatandaan na kahit ano tungkol sa sarili mo. Just believe in yourself because I believe in you. Ano'ng malay mo, isa ka palang prinsesa mula sa ibang bansa, hindi ba?" Pagbibiro ni Monique. Halos naman mangilid ang luha niya sa sobrang touch sa sinabi nito. "Thank you, Monique. Hindi mo alam kung gaano akong napasaya ng sinabi mo. Tama ka, hindi ko dapat ibaon sa sarili ko na isa na talaga akong kriminal dahil wala pa namang bumabalik sa mga ala-ala ko. Pero isa lang ang masasabi ko, masaya ako dahil nakatagpo ako ng isang kaibigan na katulad mo. Isang kaibigan na naniniwala na hindi ako masama," nakangiting sabi niya. "We're going to be friends forever no matter what happen. I will always be here to support you, Jasmine!" Yumakap sa kanya ulit si Monique. Habang yakap ang kaibigan ay muling nasagap ng tingin niya sina Brandon at ang babaeng kasama nito. Nagtatawanan ang dalawa. Bigla na naman siyang nakaramdam ng sakit sa dibdib niya. "Sino siya, Monique? Girlfriend ba siya ni Brandon?" Hindi na niya napigilan ang sarili na magtanong. Napadako naman ang tingin ni Monique kina Brandon kaya humiwalay ito ng yakap sa kanya. "She's Lacey. Siya ang sapilitang gumastos ng lahat sa bar na ito para sa birthday ni Brandon," walang ganang sagot ni Monique. Nagulat siya. "Siya ang gumastos nito? Pero ang akala ko ba ay kaibigan lang ni Brandon ang gumastos dito?" "Don't be silly, girl! Walang kaibigan na gagastos ng ganito kalaki para sa isang kaibigan lang. May gusto ang babaeng iyan kay Brandon. But don't worry, hindi naman girlfriend ni Brandon ang babaeng iyan. Hindi siya pinapatulan ni Brandon kahit ano nang pagpapapansin ang ginagawa niya. She's already desperate kaya naghanda siya ng party na ganito without Brandon's approval para siguro makuha ang atensyon ng asawa mo," nakataas ang kilay na sabi ni Monique. "Hindi ko naman asawa si Brandon. Malaya si Brandon na maging girlfriend ang babaeng iyon kung gugustuhin niya." Kahit ano'ng pagtatago ang gawin niya ay hindi talaga naiwasan na mahaluan ng lungkot ang boses niya. "Don't let her take away Brandon from you! Brandon only belongs to you!" "Bakit ba parang ayaw mo kay Lacey?" nagtatakang tanong niya. "Hindi lang naman ako ang may ayaw sa kanya. Halos lahat kami. Alam mo kung bakit? Kasi kay Brandon lang siya mabait pero sa aming lahat ay maldita siya at para bang basura na ang tingin sa amin. She's a selfish b***h at gusto niyang palaging siya ang bida. Kaya nga masaya kami na dumating ka na sa buhay ni Brandon dahil ayaw talaga namin na nilalapitan siya ng babaeng iyon. Naku, Jasmine, malalaman mo rin pag nagtagal," sabi pa nito. May sasabihin pa sana siya pero bigla na nilang namataan sina Brandon at Lacey na papalapit sa kanila. Bigla siyang nakaramdam ng pagkailang. Hindi niya matingnan ng diretso si Brandon habang kasama nito si Lacey. "Lacey, I want you to meet my wife. She is Jasmine," nakangiting pagpapakilala ni Brandon sa kanya. Lihim siyang nangiti sa pakilala ni Brandon sa kanya. Ang akala niya ay sasabihin din ng lalaki kay Lacey kung sino talaga siya. Para namang plastik na inabot ni Lacey ang kamay sa kanya. Mukhang totoo nga yata ang sinasabi ni Monique tungkol dito. Nakangiti ito pero iba ang sinasabi ng mga mata nito nang mapatingin sa kanya. "Hi, Jasmine. Totoo pala talaga ang sinasabi ni Brandon noon. Talaga palang mga SIMPLE na babae LANG ang type niya," pilit na ngiti na sabi ni Lacey na diniinan pa ang salitang simple at lang. Alam niya na sinusubukan ng babaeng ito na iintimidate siya. Hindi na lang siya kumibo at nginitian na lang din ng matipid si Lacey. Mukhang sa umpisa pa lang ay hindi na niya ito makakasundo. Hindi niya gusto ang aura nito. -------- GIGIL NA GIGIL si Lacey nang makauwi sa mansyon nila. Pagdating pa lang niya sa sala ay inis na hinagis na niya sa mukha ng katulong nila ang dala niyang bag saka naiinis na umupo siya sa sofa. "I can't believe it! Matagal na akong naghihintay na mapansin ni Brandon pagkatapos ngayon ay bigla na lang siyang magpapakilala ng asawa niya sa akin? Hindi ko alam kung ano ang nakita ni Brandon sa nognog na 'yon!" Nagrant na agad siya sa harap ng kapatid niyang si Bryan na nakaupo rin sa sala habang kumakain ng saging. "Nagkagusto siya sa nognog? Well, hindi naman nakapagtataka iyon. May kasabihan, those birds with the same feather flocks together. Tanggapin mo na lang. Jologs din naman si Brandon kaya bagay lang sila ng nognog na iyon," walang paki na sabi ni Bryan. Sa inis niya ay hinagisan niya ito ng unan sa mukha. "Brandon is not a jologs! He is the most manliest man that I've ever seen in this world! That b***h is not suitable for him. Ako lang ang nababagay kay Brandon! He is mine!" Gigil pa rin na sabi niya. "Hindi rin ako makapaniwala sa 'yo, Lacey. Maganda ka naman pero bakit ang bulag-bulag mo? Ano bang nakita mo sa Brandon na 'yon e, mukha naman siyang hindi naliligo? Kita mo nga, halos hindi na makita ang mukha niya sa sobrang haba ng bigote at ang haba-haba pa ng buhok. Hindi nga yata nagsusuklay iyon, e. Pero hindi ko maintindihan kung bakit baliw na baliw ka sa kanya," sabi pa ni Bryan. "Kinuwento ko na sa 'yo hindi ba? Dahil matapang si Brandon. Kung hindi niya ako iniligtas noong muntikan na akong patayin at pagsamantalahan ng mga nakakadiring holdaper na humarang sa sasakyan ko ay patay na sana ako ngayon. He saved me at utang ko sa kanya ang buhay ko." "It's still not enough reason para magustuhan mo siya. You have a lot of suitors, big sister. Hindi naman pang hero ang hitsura niya para magustuhan mo siya." "Ang akala mo lang iyon. Naniniwala ako na sa kabila ng mahabang bigote at buhok na iyon ni Brandon ay nagtatago ang isang napakagwapong lalaki. Maganda na ang katawan niya, matangkad, punong-puno ng abs, kailangan niya lang ay kaunting make over at hindi ako susuko hanggang hindi niya nilalabas ang totoong siya!" Hindi sumusuko na sabi niya. Napapailing na lang si Bryan. "Yeah, right. Matagal mo na siyang pinipilit na mag-ayos pero paulit-ulit ka lang niyang tinatanggihan. Ayaw niya yatang maging pogi dahil baka lalo ka lang mabaliw sa kanya. And now he's married, wala ka nang magagawa pa, big sister. Sumuko ka na lang," sabi pa nito. "Shut up, Bryan! Hindi ko isusuko si Brandon kahit ano pa ang mangyari!" "And what are you going to do, my big sister? Are you willing to be a mistress?" Nakangising tanong nito. "Don't be silly, Bryan. Naniniwala ako na hindi talaga totoong asawa ni Brandon ang babaeng iyon." Natigilan si Bryan. "Hindi ka ba nagtataka? Ilang linggo lang naman na nawala si Brandon para bisitahin iyong weird na kaibigan niya sa probinsya. Pagkatapos nang bumalik siya ay nagkaasawa na siya kaagad? Iyong babae na iyon na ngayon lang nakilala? Hindi ko bibilhin ang kasinungalingan nila. Sigurado ako na may tinatago ang babaeng iyon na kailangan kong malaman kung ano," malakas ang kutob na dugtong niya. “So, ano'ng plano mo ngayon, sis?" Parang sumuko na rin sa pambabara si Bryan at mukhang susuportahan na lang siya. Alam naman kasi nito na hindi rin siya nito mapipigilan sa gusto niyang gawin. “You know me, Bryan! Wala pa akong ginusto na hindi ko nakuha. Magsisisi ang Jasmine na iyon na humarang siya sa dinaraanan ko! I will make her suffer!" Panunumpa niya saka tumawa na parang isang kontrabida sa teleserye. ---- NAGTAKIP naman ng tenga si Bryan nang makita kung paano tumawa ng nakakatakot ang kambal niya. Iniwan na niya si Lacey nang mapansin na kinakausap na lang nito ang sarili nito at para bang wala na siya roon. Kung sinuman ang Jasmine na iyon ay ang malas nito dahil naging karibal ito ni Lacey sa puso ni Brandon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD