CHAPTER 13: One Big Happy Family.
Written by: CDLiNKPh
"K-Kayo na ni Jasmine?!"
Iyon ang naging reaksyon ni Corbin nang ikinuwento niya rito ang mga nangyari. Naroon na sila ngayon sa bahay nila dahil nakalabas na ng ospital si Jasmine. Kasakalukuyan itong nagluluto sa kusina habang sila naman ni Corbin ay nasa labas ng bahay at nagkukumpuni ng sasakyan na ipinapagawa sa kanya. Well, paminsan-minsan lang naman siya magkaroon ng kliyente ng may sarili nitong mga tools kaya sinasamantala na niya. Kailangan niya ng extra na kita dahil nagkautang siya nang maospital si Jasmine.
"Sa tingin ko, oo. Inamin ko na sa kanya na mahal ko siya at ganoon din naman siya sa akin. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya ngayon, Corbin. Pakiramdam ko ay para akong nabunutan ng tinik sa dibdib dahil nasabi ko na rin sa wakas ang itinatago ng puso ko. Para akong nakalutang ngayon sa ulap sa sobrang kasiyahan," parang nahihibang na sabi niya.
Lumingon muna sa paligid si Corbin bago ito nagsalita ng mahina. "Nasisiraan ka na ba ng bait? Bakit mo inaksyunan ang feelings mo sa kanya? Paano kung bigla na lang bumalik ang ala-ala niya o kaya naman may asawa na pala siya? Ano'ng gaga—"
"Napag-isipan ko na nang maigi 'yan bago mo pa sabihin, Corbin. Alam kong mahirap itong pinasok ko pero no'ng makita ko ang nasusunog na bahay ng mga Chua ay halos mabaliw ako sa kaiisip na baka iyon na ang ikamatay ni Jasmine. Masyado ko na siyang mahal para pigilan pa ang nararamdaman ko. Ayaw ko siyang mawala kaya gagawin ko ang lahat para mapanatili ko siya. Alam kong maaring mali itong nararamdaman ko pero handa akong harapin kahit ano pa ang mangyari para lang sa kanya. Masaya ako ngayon kaya pwede ba, bilang kaibigan ay suportahan mo na lang ako?" seryosong sabi niya.
Natahimik naman ito. Saka bumuntong-hininga. "Well, hindi naman kita masisisi. Sobrang ganda ni Jasmine. Santo na nga lang yata ang hindi maiinlove sa kanya. Pero syempre, hindi ako dahil may Monique na ako," pagbibiro nito saka tinapik ang balikat nito. "Delikado nga ang pinasok mo, Brandon kaya bilang kaibigan mo ay pinapaalalahanan
lamang kita. Pero sa totoo lang, simula nang mamatay ang asawa mo ay ngayon lang kita ulit nakita ng ganyan. Ngayon ka na lang ulit ngumiti kaya sino ba naman ako para hadlangan ka? Kaya sige, susuportahan na lang kita kahit ano pa ang mangyari." Ngumiti na rin si Corbin.
Naputol ang pag-uusap nila nang biglang namataan nila ang magkambal na sina Mackoy at Buboy. Parehas na may hawak ng bulaklak na gumamela ang mga ito at tila ba nag-uunahan sa pagpasok ng bahay.
"Sinabi ko na sa 'yo, akin si Ate Jasmine!" sabi ni Mackoy.
"Hindi, akin siya! 'Di ba nga, sabi mo noon, ayaw mo naman sa kanya? Bakit gusto mo rin siyang bigyan ng bulaklak ngayon?" sabi ni Buboy.
"Dati iyon, hindi na ngayon. Basta akin siya, akin!"
"Hindi, akin siya, akin!" pagsagot ulit ni Buboy.
Bago pa magsuntukan ang dalawang bata ay nilapitan na niya ang mga ito.
"At bakit ninyo pinag-aawayan ang ASAWA ko, mga bulinggit kayo?" kaswal na tanong niya sa dalawa.
Parang nagulat naman ang dalawa ng makita siya kaya biglang tumikim ang bibig. Nag-angat ang isang kilay niya nang makita na parehas na may hawak na bulaklak ang dalawa. Kinuha niya iyon at pilit na inilayo kahit na pinagkukuha ng mga ito.
"Kayong dalawa, ang role ninyo sa kwentong ito ay para maging anak naming dalawa ni Jasmine. Isa tayong masayang pamilya, hindi ba? Kaya dapat, behave lang kayo at hayaan ninyo na solohin ko ang nanay ninyo," nakangising sabi niya sa dalawa.
"Ayokong maging nanay si Ate Jasmine! Gusto ko siyang maging girlfriend!" reklamo ni Mackoy.
"Ako rin! Paglaki ko, pakakasalan ko si Ate Jasmine!" segunda naman ni Buboy.
Sa totoo lang ay gusto na niyang matawa sa reaksyon ng dalawang bata dahil para bang seryosong-seryoso ang mga ito na talagang umiibig kay Jasmine. Hindi pa niya nakakalimutan ang kwento ni Jasmine noon na halos sukuan na nito ang dalawa dahil panay ang pambubully na ginagawa ng mga ito sa babae at paulit-ulit na sinasabi na ayaw ng mga ito sa babae. Pero ngayon, pinag-aagawan pa ng dalawa ang asawa niya.
"Marami kayong mamemeet ng mga babaeng katulad ng Mommy Jasmine ninyo kapag laki ninyo. Kailangan n'yo lang maghintay, mga
anak. Dahil kung hindi, pagbubuhulin ko kayong dalawa," nakangising sabi niya sa dalawa.
Nagulat siya nang bigla na lamang may pumikot sa isang tenga niya.
"Arayy!" napasigaw siya. Pinagtawanan naman siya ng dalawang bata.
"Kung ano-ano ang sinasabi mo sa mga bata. Maliliit man sila kaya hayaan mo lang sila na magkaroon ng crush kung kanino nila gusto. Darating ang panahon na mare-realize rin nila kung sino ang dapat nilang magustuhan kaya huwag mo silang bigyan ng trauma. Ikaw talaga, Brandon!" panenermon sa kanya ni Jasmine na nakalabas na pala ng bahay na hindi niya namalayan at nakalapit pa sa kanila.
"Kakain na tayo. Luto na ang pagkain, mahal ko." Bigla nang bumalik ang lambing sa boses nito.
Napakamot na lang siya ng ulo. Mukhang kailangan niyang magtiis na may karibal siyang dalawang makulit na bata sa sarili niyang pamamahay. Binebelatan pa siya ng magkambal habang nagtatago sa likuran ni Jasmine.
But for some reason, para bang ang saya ng pakiramdam niya. Para bang isa silang masaya at buong pamilya. Siya at si Jasmine kasama ang mga 'anak' nila.
"Ililigpit ko lang ang mga gamit ko, sandali, Jasmine. Susunod din ako agad," nakangiti ring sagot niya.
"Okay. Huwag kang magtatagal, ha? Hintayin ka na lang namin sa loob. Hindi kami kakain nang wala ka," sabi nito saka binigyan na naman siya ng ngiting matamis.
Nagkatitigan pa sila at nagngitian na para bang wala nang katapusan. Dahil doon ay para bang may aura na ng mga pusong lumalabas sa paligid nila kaya parang sila lang ang tao sa mundo.
"Ahhemm!" Kung hindi pa tumikhim si Corbin ay hindi pa niya mapapansin na naroon pa nga pala ito.
Hinila naman na papasok si Jasmine ng mga bata kaya naiwan na naman silang dalawa.
"Ayos, ah. Mag-girlfriend pa lang kayo ni Jasmine pero may mga anak na kayo. Para kayong isang masayang pamilya," pang-aasar ni Corbin.
"Para sa akin, wala mang kasal na nangyari ay asawa ko na si Jasmine. Gano'n din naman ang role na ginagampanan namin ngayon kaya wala naman sigurong masama kung panindigan ko na? Isa pa,
inampon na namin ang mga bata kaya para na talaga kaming isang buong pamilya ngayon."
Tama ang sinabi niya kay Corbin. Talagang inampon na nila ng legal ni Jasmine ang mga bata kaya ayon sa batas ay sila na ang tumatayong magulang ng mga ito. At ang dahilan ay ang pagkamatay nina Mr. and Mrs. Chua sa isang car accident habang nagmamadali papunta sa bahay na nasusunog.
Dahil parehong masama at maramot ang mag-asawa ay walang ibang kamag-anak ng mga ito ang gustong makiramay lalo pa at alam ng mga ito na lahat ng kayamanan at pera ng mga mag-asawa ay naglaho nang parang bula dahil sa pagkalugi sa negosyo. Tanging ang mansyon at ang pabrika na lamang ng mga ito ang natira at nailit na rin iyon ng bangko dahil sa naiwang utang. Sa madaling salita ay walang naiwan ang mag-asawa na kahit ano para sa mga anak ng mga ito kaya wala na ring pakialam pa ang mga kamag-anak na naiwan.
Alam niya na hindi madaling pakisamahan ang dalawang bata dahil may pagkabugnutin at pagkaspoiled ang mga ito pero alam niya na napalapit na ang mga ito sa puso ni Jasmine. Ni hindi maatim ng babae na ipaampon sa bahay-ampunan ang magkambal kaya sila na lamang ang nag-ampon. Mabuti na nga lamang, kahit laki sa yaman ang dalawa ay hindi nagrereklamo ang mga ito sa buhay mahirap at mukhang masaya naman sa kabila ng paghihirap nila.
"Ngayong buong pamilya na kayo at mahal ka na ni Jasmine, siguro naman, baka gusto mo na ring baguhin iyang ayos mo," biglang sabi ni Corbin.
Bigla siyang napatingin sa sarili niya sa review mirror ng sasakyan.
"Bakit? Ano bang mali sa itsura ko? Gwapo naman ako, ah?" Kunot-noong sabi niya.
"Gwapo ka nga pero hindi ka naman nag-aayos! Kung ako ang tatanungin, mukha kang hindi naliligo, Brandon! Tingnan mo nga 'yang mukha mo, halos hindi na makita ng maayos nang dahil sa balbas mo. Ang buhok mo, nanggigitata na dahil sa sobrang haba at buhol-buhol pa. Men, gwapo ka nga pero kapag ganyan ka, baka mawala ang love ni Jasmine sa 'yo. Hindi ka ba natatakot? Sa ganda niyang iyon, hindi malabo na bumigay siya sa kahit na sino'ng lalaking lumigaw sa kanya na mukhang mabango at maporma. Papayag ka ba no'n?"
"Grabe ka naman sa akin. Hindi naman ganyan si Jasmine. Minahal niya ako sa itsura kong ito kaya sigurado ako na walang kaso sa kanya kung ano ang ayos ko. Hindi niya ako iiwan nang dahil lang sa itsura ko dahil hindi siya mababaw na babae."
"O siya, sige na! Hindi nga tumitingin sa physical appearance si Jasmine pero ikaw na mismo ang nagsabi, mahal mo siya kaya bakit hindi mo gugustuhin na mas gumwapo pa sa paningin niya? Sa totoo lang, ako ang nanghihinayang sa pagkagwaping mo. Kung naging kasing gwapo at kasing puti mo lang ako ay baka nag-artista na ako ngayon! Ano ba naman iyong mag-ayos ka lang para hindi ka naman nagmumukhang tatay kapag katabi mo si Jasmine!" Sermon pa rin nito.
Napaisip din siya kahit papaano sa sinabi ni Corbin. Tama ito. Kailangan na niyang magbago...
Napabayaan lang naman niya ang sarili simula nang mamatay ang asawa niya, e. Ang nasa isip kasi niya no'n ay bakit pa ba naman niya kailangan pang magpagwapo kung wala namang itinatangi ang puso niya? Pero nasa buhay na niya ngayon si Jasmine.
Tama si Corbin. Dapat na maging magandang lalaki rin siya sa paningin ng babaeng mahal niya...
----
Gusto mo mabasa ang karugtong? Pwede ng mabasa ng buo dahil tapos na ang story na ito.
If you want to buy digital copies of my books na completed na, just go to Google Play then click book tab tapos Search n'yo lang, CDLiNKPh OR just send a message in my F B , just search CDLiNKPh para masabi ko po ang process.
If you'd like to support me in creating more stories in the future, you can donate here:
GCASH: 09152881691
MAYA: 09910091691