CHAPTER 12: Buti Na Lang.

2035 Words
CHAPTER 12: Buti Na Lang. Written By: CDLiNKPh AGAD NA BUMALIK si Brandon sa mansyon kung saan nagtatrabaho si Jasmine. Alam niya na nagpunta na siya roon kanina pero bumalik lang siya para makasiguro na wala nga talaga roon si Jasmine. Ewan ba niya, unang tingin pa lang niya sa mag-asawang pinagtatrabahuhan ni Jasmine ay para bang mabigat na ang loob niya sa mga ito. Para bang hindi gagawa ng mabuti. Natigagal siya nang makita ang nakakahindik na sunog nang marating niya sa wakas ang mansyon. Agad siyang kinabahan para kay Jasmine. Baka nakulong ang asawa niya sa loob! "Boss, may mga tao pa ba sa loob?" Agad niyang nilapitan ang isang bumbero na nakita niya roon na malapit sa malaking gate. "Bakit ka lumapit dito? Bawal dito, bumalik ka roon!" pagsusungit nito imbes na sagutin ang tanong niya. Bigla na lamang nag-init ang ulo niya nang marinig ang sinabi nito kaya kinuwelyuhan niya ito. "Nagtatrabaho ang asawa ko sa bahay na 'yan kaya kailangan kong malaman kung nasa loob pa siya ng bahay! Kapag hindi ko siya nailigtas ay ikaw ang sisisihin ko!" Nasigawan na niya ang bumbero. Halos naiiyak na siya sa sobrang pag-aalala na baka may mangyaring masama kay Jasmine. Dahil sa nangyari ay napatingin tuloy sa kanila ang tila pinakapinuno ng mga ito. "Tama na 'yan, Seth! Hayaan mo na 'yung lalaki!" sabi nito na sumingit sa gitna nila ng bumbero para pigilan sila. "Kung ganoon ay ikaw ang asawa ng babaeng pumasok ulit sa loob kanina. Narito na siya sa bungad ng gate at malapit na sana namin siyang mailabas pero bumalik pa siya sa loob para iligtas ang dalawang batang inaalagaan niya. Patawad pero hindi namin siya napigilan. Hindi pa namin nasisira ang gate kanina. Kumakalat na ang apoy sa loob at sa tingin namin ay hindi na namin magagawa pang maligtas ang iyong asawa—" "Kung hindi ninyo magagawa ay ako na lang ang gagawa no'n!" Galit na sabi niya na hindi na pinatuloy pa sa pagsasalita ang bumbero. Inis na nilagpasan lang niya ang mga ito saka siya pumunta sa likuran ng mansyon. Bigla niyang naalala ang kinuwento ni Jasmine na may daanan daw doon palabas ng mansyon. Ang sabi nito ay doon daw palihim na pinapasok sa loob ng mansyon ang mga pinagbabawal na gamot at defective fireworks na palihim pa rin na binebenta ng amo nito. Sana lang ay hindi pa huli ang lahat. Hindi niya makakaya kung pati si Jasmine ay mawala pa sa buhay niya. Hanggang sa may namataan siyang dalawang batang magkambal na mukhang kagagaling lang sa loob. Umiiyak ang mga ito habang magkahawak-kamay. Dali-dali niyang nilapitan ang mga ito. Alam niya na ang mga batang iyon na ang alaga ng asawa niya. "Sabihin ninyo sa akin, nasaan si Jasmine? Nasaan ang asawa ko?!" natatarantang tanong niya. Nagkatinginan ang dalawang bata saka lalo lamang umiyak ang mga ito. "Kasalanan namin kung bakit nagkasunog. Naglaro kami ng mga sirang paputok kaya kumalat ang apoy sa loob. Mga salbahe kaming bata," sabi ni Mackoy. "Hindi rin namin pinakitaan ng mabuti si Ate Jasmine pero iniligtas pa rin niya kami. Kaya siya tuloy ang natrap sa loob..." sabi naman ni Buboy. Naikuyom niya ang kamao. Tama, ang dalawang bata nga na nasa harapan niya ang dahilan kung bakit nasa panganib na mawala sa kanya ang babaeng pinakamamahal niya. Pero paano niyang magagawang magalit sa dalawang batang nasa harapan niya ngayon kung halata naman na hindi nagabayan ng maayos ng mga magulang ang mga ito? Kaya naman imbes na magalit ay niyakap niya ang dalawang bata ng sabay. "Iniligtas kayo ni Jasmine kaya ang ibig sabihin lang niyon ay mahalaga kayo sa kanya kaya bakit naman ako magagalit sa inyo? Alam ko na pinagsisihan na ninyo ang ginawa ninyo at ipapangako ko sa inyo na makikita pa ninyo ang Ate Jasmine ninyo dahil kukunin ko siya palabas," sabi niya sa mga ito. Humiwalay ang dalawang bata sa kanya. "Talaga? Gagawin mo iyon?" Hindi makapaniwalang tanong ni Buboy. "Mabubuhay pa si Ate Jasmine? Hindi siya mamamatay?" Parang nabuhayan naman ng loob si Mackoy. Nginitian niya ang dalawang bata. Pinilit niya ang sarili kahit na sa totoo lang ay takot na takot siya sa maaaring mangyari kay Jasmine. Kailangan niyang magpakita ng tapang sa harap ng mga ito. "Mahal ko si Jasmine kaya gagawin ko ang lahat para mailigtas siya. Dito lang kayo, ako na ang bahala," sabi niya. Iyon lamang at nagkatinginang muli ang dalawang bata. ----- SAMANTALA... Nakahandusay na lamang sa sahig si Jasmine. Nakatulala siya habang hinihintay na lamang ang kamatayan niya. Pinilit niya na gumawa ng paraan kanina para makalabas pero kahit ano pa ang gawin niya ay hindi talaga niya matanggal ang mga malalaking kahoy na humaharang sa daraanan niya palabas. Pagod na pagod na ang katawan niya at halos hindi na rin siya makahinga pa. Ang mga mga mata niya ay tila ba nanlalabo na at tuyot na tuyot na rin ang lalamunan niya. Wala siyang ibang gustong gawin ngayon kundi ang makainom lang ng tubig. Ganoon na siya kadesperada. Hindi lang siya makapaniwala na sa ganito na lang mauuwi ang kamatayan niya. Bata pa siya at marami pang gustong gawin sa mundo. Gusto pa niyang tuklasin kung sino siya at ang tunay niyang pagkatao. Gusto pa niyang mahalin si Brandon... Si Brandon na ni hindi man lang niya nasabi rito na mahal na mahal niya ito. Kung maibabalik lang niya ang panahon ay babalik siya sa panahon kung saan kasama niya si Brandon. Alam niya na hindi malinaw kung ano ang nararamdaman nito para sa kanya. Wala rin siyang karapatang mahalin ito dahil hindi naman sila totoong mag-asawa pero tapat siya sa nararamdaman niya. Mahal na mahal niya si Brandon at gusto niyang marinig ang boses at makita man lang ang mukha nito kahit sa huling sandali ng buhay niya... Hindi na niya napigilan ang mapaluha lalo pa nang mapansin niya na kumakalat na ang apoy sa paligid. Malapit nang mapalapit ang mga iyon sa kanya. "Jasmine! Jasmine!" Marahil, sa sobrang lungkot niya ay tila ba narinig niya ang boses ni Brandon na tinatawag siya pero alam naman niya na napakaimposible niyon. Imposibleng pumasok pa sa nagbabagang bahay si Brandon. Kahit pa siguro mayroon itong nararamdaman na kahit kaunting pagmamahal para sa kanya ay hindi naman siguro ito tanga para pumasok pa sa loob at ipahamak ang sarili nito. Pero biglang nanlaki ang mga mata niya nang patuloy niyang narinig ang boses. Bigla niyang nakumpirma na hindi siya nag-iimagine lang. Talagang naririnig niya si Brandon! "Jasmine! Nasaan ka, Jasmine?!" Lumakas lalo sa pandinig niya ang tinig nito. Ibig sabihin lang niyon ay nasa malapit lang ito. Pinilit niyang tumayo kahit medyo nahihilo na siya. Sa malabong paningin niya ay nakita niya si Brandon sa siwang ng mga pader at kahoy na gumuho sa daraanan niya. May hawak itong hose na tila galing sa garden. Mahaba ang host na iyon at kasalukuyan nitong pinapasabugan ng tubig ang kaunti pa lamang na apoy na nasa paligid nito "B-Brandon, n-nandito ako!" Pinilit niyang palakasin ang boses na agad naman nitong narinig. "Jasmine, buhay ka! Huwag kang mag-alala, ililigtas kita!" sabi nito mula sa kabila. Pinalayo muna siya sandali ni Brandon dahil ang sabi nito ay titibagin nito ang pader. May hawak itong itak na marahil ay nakuha rin nito sa garden. Pinipilit ni Brandon na wasakin ang mga natibag na pader pero para bang imposible para rito na magawa iyon. Maraming mga bato ang humarang sa daraanan niya at may mga mangilan-ngilang kahoy din. Bukod doon ay palapit na rin nang palapit ang apoy sa kanya. "Marahil nga ay katapusan ko na talaga 'to..." umiiyak na sabi niya. "A-ano'ng sinasabi mo, Jasmine?" Biglang kinabahan si Brandon. "Kanina, bago ako mawalan ng malay ay naiisip kita, Brandon. Ang sabi ko, gusto ko na makita at marinig man lang ang boses mo bago ako mamatay. Gusto ko na sabihin sa 'yo ang isang bagay na matagal ko nang tinatago sa dibdib ko bago man lang ako mamatay..." "Jasmine—" "Mahal kita, Brandon!" Inunahan na niya itong magsalita. Muli ay natigilan na naman ito. "Alam ko na mahirap para sa 'yo na mahalin din ako dahil ni hindi mo alam kung ano talaga ang totoong pagkatao ko. Kahit ako ay natatakot din sa sarili ko dahil ni hindi ko alam kung ano ang mga bagay na kaya kong gawin para makapanira ng ibang tao. Bilang isang kriminal na nakita mo noon sa Isla De Sera, alam ko na may mga nagawa akong kasalanan at maaaring isa akong masamang tao. Pero kahit gano'n, pinili mo pa rin na iligtas ang buhay ko..." "Jasmine, gusto kong malaman mo na hindi ko pinagsisisihan ang ginawa ko. Dahil sa 'yo ay nagkaroon ulit ng liwanag at direksyon ang buhay ko," sabi naman nito. Napangiti siya ng mapait. "Alam ko, Brandon. Nagpapasalamat ako dahil binigyan mo ako ng pagkakataon bilang isang tao. Naging masaya ako na kasama kita. Maraming salamat sa lahat ng pag-aalala, pagtatanggol at pagpapatira mo sa akin. Kahit kailan ay hinding-hindi ako magsisisi na ikaw ang lalaking minahal ko. Kahit na hindi ko na naalala ang totoong pagkatao ko ay okay lang dahil nakasama naman kita. Maraming salamat sa mga bagong ala-ala na nabuo ko kasama ka..." "Jasmine, pwede ba, huwag kang magsalita ng ganyan. Nandito na ako. Hinding-hindi kita hahayaan na mamatay. Gagawin ko ang lahat para makalabas ka, magtiwala ka lang!" Sa tono ng boses ni Brandon ay alam niya na umiiyak na rin ito. "Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil kahit sa huling sandali ay nakita at narinig ko ang boses mo, Brandon. Mahal kita..." Iyon lamang at natumba na naman siya sa sobrang pagkahilo dahil na rin sa amoy ng mga usok... ------ MAS LALONG bumilis ang kilos ni Brandon sa pagpukpok sa gumuhong pader nang marinig niya na tila bumagsak na sa sahig si Jasmine. Nanginginig na ang mga kamay niya at nagdurugo na rin ang mga iyon dahil sa sobrang pwersa na inilalagay niya pero wala na siyang pakialam. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag may nangyaring masama kay Jasmine! Hanggang sa wakas ay magtagumpay siya na masira ang pader. Tinadyakan pa niya iyon para tuluyang masira at nanlaki ang mga mata niya nang makita na malapit nang maabot ng apoy si Jasmine! Hindi na siya nag-aksaya ng panahon at binuhat na niya si Jasmine palabas ng nasusunog na bahay. Nagulantang pa ang mga bombero nang makita na nakuha niya mula sa loob ang asawa niya. "P-Paano kayong nakalabas ng bahay? Saan kayo dumaan?!" tanong ng bumbero na nagsungit sa kanya kanina. "Wala na akong panahon na sagutin pa ang mga tanong mo! Kailangan nang madala sa ospital ang asawa ko dahil nakalanghap siya ng maraming usok at nasugatan din siya nang gumuho ang pader sa loob. Madali kayo!" sabi niya. Agad naman na tumalima ang mga nurse na nakitaan niya roon. Sumama na siya sa ambulansya sa loob kasama ng dalawang kambal at agad niyang hinawakan ang kamay ni Jasmine nang mapansin na para bang nagkakamalay ito. "Kanina lang ay iniisip ko na kahit na sino'ng tao ay hindi kayang pumasok sa nasusunog na bahay para lang iligtas ang taong mahal nila. Ang naiisip ko kanina, hindi ka naman siguro tanga para gawin iyon. Pero buti na lang, tanga ka..." Pinilit pa na magbiro ni Jasmine habang unti-unti itong nagsasalita. Namumungay ang mga mata nito at halatang hinang-hina pa. Napangiti siya kahit pa may luha sa mga mata niya dahil nakita niya na nagkaroon na ng malay si Jasmine. "Tama ka. Tanga nga ako. Iyon ay dahil mahal na mahal din kita, Jasmine..." Kasabay niyon ay ikinulong niya ang palad nito sa palad niya. "Masaya akong marinig 'yan, Brandon..." Iyon lamang at nawalan na naman ng malay si Jasmine. Napatingin siya sa nurse na nakasakay din sa loob ng ambulansya. "Ano'ng nangyayari sa kanya?" Nag-aalalang tanong niya. "Wala kang dapat na ipag-alala sa asawa mo, mister. Stable na ang paghinga niya. Kailangan niya na lang ng kaunting pahinga at obserbasyon sa ospital pero mabubuhay siya," pagbibigay assurance ng baklang nurse. Nakahinga siya nang maluwag. Nagpapasalamat siya na walang nangyaring masama kay Jasmine. Dahil kung hindi ay 'di niya makakaya pa iyon...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD