CHAPTER 11: Ang Pagkalat Ng Apoy.

3933 Words
CHAPTER 11: Ang Pagkalat Ng Apoy. Written By: CDLiNKPh KANINA pang naghihintay si Brandon sa pag-uwi ni Jasmine sa bahay nila pero namumuti na ang mga mata niya ay hindi pa rin ito dumarating. Maaga dapat ang uwian nito mula sa trabaho kaya naman nakapagtataka na wala pa ito hanggang ngayon. Napagpasyahan niya na puntahan na lang ito. Pero no'ng pumunta siya sa mansyon kung saan ito nagtatrabaho ay ang mga amo na lang nito ang nakita niya kanina. Ang sabi ng mag-asawa ay kanina pa raw nakauwi si Jasmine kaya naman namumuo ang hinala sa isipan niya na pumunta na naman sa theater ang babae. Kaya naman hindi siya nag-alangan na pumunta roon. Nasa pintuan pa lang siya ay sinisimangutan na siya ni Monique. "Kung nandito ka para hanapin si Jasmine dito, e, sorry wala siya rito," nakataas ang isang kilay na sabi nito. "Huwag ka nang magsinungaling, Monique. Wala namang ibang pupuntahan ang asawa ko kundi rito lang, e. Kaya pwede ba, palabasin mo na siya at gabi na. Kailangan na naming matulog," seryoso na ring sabi niya. Bigla namang napatawa ng pagak sa kanya si Monique. "Asawa? Pati ba naman sa akin ay magsisinungaling ka pa, Brandon? Alam ko na hindi kayo totoong mag-asawa ni Jasmine dahil nakwento na iyon sa akin ni Corbin." "Hindi nga siguro kami kasal pero para sa akin ay totoong asawa ko si Jasmine. Kaya ilabas mo na siya." Tinitigan na niya sa mga mata si Monique. "That's exactly the point. Hindi kayo kasal kaya peke lang kayong mag-asawa, Brandon. Hindi pa siya opisyal na iyo kaya huwag mong manduhan si Jasmine. Kahit nga siguro kasal na kayo ay hindi mo pa rin dapat hinahadlangan ang pangarap niya. Dito niya gusto magtrabaho pero dahil selfish ka, sinasayang niya ang oras at talent niya sa paglilinis ng bahay ng ibang tao. Nagpapakayaya siya kahit hindi naman bagay sa kanya. Who knows, baka minamaltrato pa siya sa bahay na iyon? Hindi ako makapaniwala na mas gusto mo pang maging katulong si Jasmine kaysa ang hayaan siya na gawin ang gusto niya!" "Huwag kang mangialam dahil wala kang alam, Monique!" Napasigaw na rin siya. "Alam ko, Brandon! Alam ko na natatakot ka na mangyari rin kay Jasmine ang nangyari noon kay Elizabeth!" Mas malakas ang naging pagsigaw ni Monique sa kanya. Nang marinig ang dating pangalan ng asawa ay bigla siyang natigilan. Saka biglang kumalat ang sakit sa dibdib niya nang maalala na wala na nga pala ito sa kanya. "Alam ko na naging masakit para sa 'yo ang nangyari noon kay Elizabeth pero kailangan mong mag-move on. Wala na si Elizabeth at hindi na maibabalik ang buhay niya kahit gaano mo pa kamuhian ang theater. Namatay si Elizabeth noon dahil sa inggit sa kanya ng mga kasama namin dito pero baka nakakalimutan mo na nakakulong na rin ngayon ang mga taong iyon. Nagsisisi na sila sa mga ginawa nila. At si Elizabeth? Kahit sa theater siya mismo namatay ay hindi siya nagsisisi, Brandon. Masaya siya na rito siya namatay. Habang ginagawa ang isang bagay na gusto niya. Ganoon din si Jasmine. Alam ko na masayang-masaya siya habang naririto siya kaya bakit mo iaalis sa kanya ang kaligayahan niya? Ganyan ba ang pagmamahal ha, Brandon?" panunumbat sa kanya ni Monique. Dahil sa mga sinabi sa kanya ni Monique ay nagbalik sa kanya ang pait ng ala-ala nang kahapon. Tama si Monique. Namatay si Elizabeth noon dahil sa inggit ng mga kasamahan nito roon sa theater. Magkaibigan din sina Elizabeth at Monique noon kaya alam nito ang buong pangyayari. Star ng theater noon si Elizabeth. Marami ang nanonood at bumibili ng ticket noon dahil sa asawa niya. Napakaganda ni Elizabeth at talented ito pagdating sa pagsayaw at sa pagkanta. Dahil gustong-gusto ito ng mga tao ay kinainggitan ito ng mga kasamahan nito. Nagagalit ang mga katrabaho nito dahil si Elizabeth din ang madalas na nagbibida sa mga stage play at halos hindi na nabibigyan ng spot light ang iba. Nagkaroon ng isang play noon sa theater na nangangailangan na magsuot ng harness si Elizabeth. Ginawan ng paraan ng mga taong inggit dito na hindi mahigpitan o secured ang harness na ginamit nito kaya naman nalaglag mula sa taas ang asawa niya habang kumakanta. Agad na nabagok ang ulo nito noon na naging dahilan ng pagkamatay nito. Iyon ang dahilan kung bakit galit na galit siya sa theater at sa mga taong naroroon. Dahil ang theater ang dahilan kung bakit nawala ang pinakamamahal niyang asawa na nag-iisang dahilan noon para mabuhay pa siya. Nang mawala si Elizabeth noon ay halos nawalan siya ng ganang mabuhay. Dalawang taon din siyang nabubuhay para lang masabing nabubuhay pa siya pero wala nang kahulugan pa iyon. Halos napabayaan na nga niya ang sarili niya, e. Kaya naman tinubuan siya ng mahahabang balbas at halos matabunan na ang buong mukha niya. Ni hindi na rin niya pinapagupitan ang buhok niya. Wala na talaga siyang pakialam pa kung ano ang itsura niya. Para saan pa ba kasi? Wala na si Elizabeth kaya wala nang rason para magmukha pa siyang disente. Sa dalawang taon na lumipas ay nalugmok siya sa kumunoy ng kalungkutan. Nadepress siya at dahil kapos sa pera, ni hindi niya mapagamot ang sarili niya. Kaya nga naisip niya na pumunta sa Isla De Sera, e. Para makakuha ng libreng advice sa kaibigan niyang doktor. Pero ang depression at stress niya ay kusang naglaho nang dahil kay Jasmine. Weird, pero noong unang beses pa lang na nakita niya ito ay napukaw na nito ang atensyon niya. Nakaramdam na siya ng kakaibang t***k ng puso na pamilyar sa kanya pero pilit niyang binalewala iyon noong una. Sinungitan niya ito at ni hindi niya ipinakita rito at kahit kay Mang Nestor na may pakialam din siya rito. Na lihim niyang nararamdaman na para bang gusto niyang protektahan ang isang estrangherang babae na ni hindi niya kilala. Hanggang sa magpanggap silang mag-asawa. Sa paglipas ng ilang buwan na nagsasama sila ni Jasmine ay unti-unti siyang napapalapit dito. Unti-unting bumubukas ang puso niya para rito, dahilan para matakot siya na mawala ito sa kanya. Para pagbawalan niya ito na magpunta sa theater at hadlangan maging ang gustong gawin nito. Para lang masolo niya ang atensyon nito... "Tama si Monique, Brandon. Matagal nang wala si Elizabeth at kung nasaan man siya ngayon ay siguradong wala siyang pinagsisisihan na nagtrabaho siya sa theater. Dahil naging masaya siya roon. Mabuting tao si Elizabeth kaya sigurado na masaya na siya sa langit. Kaya sana ay ikaw din. Hayaan mo ang sarili mo na maging masaya kasama si Jasmine. Pero sana lang ay huwag lang ikaw ang makaramdam ng kaligayahan na 'yan. Don't be unfair to her, Brandon. Huwag mong hayaan na malayo rin ang loob niya sa 'yo dahil ikinukulong mo na siya sa mundo mo. Magiging masaya si Jasmine kung hahayaan mo siya na rito na lang magtrabaho." Si Corbin naman ang biglang nagsalita na nasa likuran na pala nila. Hindi naman kataka-takang naroon ito dahil masugid na manliligaw ito ni Monique. In fact, dahil kaibigan ni Elizabeth si Monique at manliligaw naman nito si Corbin ay iyon din ang naging dahilan para makilala niya ang bestfriend niya. And he's right. Bakit nga ba ngayon lang niya narealize na isang malaking katangahan ang ginagawa niyang paghadlang sa kagustuhan ni Jasmin na sa theater magtrabaho at gawin ang isang bagay na gustong-gusto nito? Nagawa pa niyang papiliin si Jasmine kung siya ba o ang passion nito. Alam niya na siya ang pinili ni Jasmine kahit pa labag iyon sa loob ng babae. Naging selfless ito at mas pinanaig nito ang concern nito para sa kanya habang siya naman ay naging selfish at walang ibang ginawa kundi ang maging kontrabida lang sa buhay nito. He's such a jerk! Dahil sa naisip ay bahagya niyang nahagod nang marahas ang ulunan niya. Kailangan pa niyang masermunan ng dalawang kaibigan niya para lang matauhan siya! Narealize na rin niya ngayon kung bakit siya nagkakaganoon. Kung bakit takot siya na magaya si Jasmine sa asawa niya. Kung bakit takot din siya na baka mafocus na masyado ang isip nito sa hobby nito at makalimutan na siya. At iyon ay dahil mahal niya si Jasmine. Yes. Sobrang malinaw na ngayon iyon sa kanya! Sa naisip niya ay umalis na siya sa harapan nina Corbin at Monique. "Hoy! Kinakausap pa kita, Brandon, saan ka pupunta?!" pagtawag sa kanya ni Corbin. Muli siyang humarap sa dalawa saka ngumiti ng tipid. "Susunduin ang asawa ko. Tama kayo. Masyado nga akong naging selfish. Wala akong kwenta kaya dapat ko nang itama ang pagkakamali ko." Iyon lang at tuluyan na siyang tumakbo palayo. Nagkatinginan na lang sina Monique at Corbin saka napangiti sa isa't-isa habang nakasunod ng tingin sa kanya... ---- UNTI-UNTING nagkaroon ng malay si Jasmine. Nagising siya dahil may naaamoy siyang mabaho. Pagbangon niya ay nanlaki ang mga mata niya. Ang mabahong naaamoy niya ay usok! Nasusunog na ang buong bahay! Agad siyang tumayo sa pagkakahiga sa sahig. Kailangan niyang mahanap sina Mackoy at Buboy dahil baka kung ano na ang nangyari sa mga ito! ---- SAMANTALA... Nagmamadaling sumakay sina Mr. and Mrs. Chua sa kotse nila nang mabalitaan na may sunog na nangyayari sa bahay nila. "Paano na si Mr. Wesley Park? Sa wakas ay nakulit natin ang secretary niya na makipagmeet muna sa atin bago sila dumiretso sa airport mamayang madaling araw, pagkatapos ay hindi natin sila sisiputin?" Daldal nang daldal si Mrs. Chua habang nasa sasakyan na sila. Hindi sumagot si Mr. Chua. Diretso lang ang tingin sa kalsada na halatang kinakabahan at tuliro ang isip. "Ano ba? Bakit hindi ka nagsasalita riyan?! Babagsak na ang negosyo natin kapag hindi natin nakumbinsi si Mr. Wesley na mag-invest sa kumpanya natin!" Maingay pa rin na sermon ni Mrs. Chua. "Paano mo pang nasasabi 'yan pagkatapos mong marinig na nasusunog ang bahay natin, ha?! Hindi mo man lang ba naisip ang mga anak natin sa bahay, ha? Hindi ka ba nag-aalala sa kanila?!" Galit na pagsigaw na ni Mr. Chua na lumabas na ang pagiging ama. "Ako pa ngayon ang masama? Baka nakakalimutan mo, dahil nagtitipid ka, sa bahay mo natin nilagay ang nga reject na paputok na iyon imbes na sa pangalawang warehouse natin na hindi mo na kayang bayaran ang upa kaya napalayas tayo. Sino ba kasing tanga ang nag-utos na gumawa ng maraming paputok pero wala naman palang mapaglalagyan, ha? Hindi ba ikaw?! Kahit ang natitira at nag-iisang warehouse natin, puno na rin ng mga paputok! Ang bobo mo kasing magpagawa ng marami e nalugi na nga tayo last year dahil mahina ang benta! Isa pa, kahit naman nandoon pa tayo ay wala rin tayong magagawa dahil hindi naman tayo bumbero! Naroon naman ang mga bumbero, hindi ba? Mas importante na makausap natin si Mr. Wesley. Lalong hindi tayo makakabangon sa mawawalang pera sa atin kung hahayaan na lang natin siyang umalis," mahabang sabi ng babae. "Mas importante pa sa 'yo ang pera kaysa sa mga anak mo?" Hindi makapaniwalang gilalas ni Mr. Chua. "Oo! Mas importante sa akin ang pera dahil kapag marami tayong pera ay mas mabilis lang tayong makakabangon! Madali lang ang gumawa ng anak pero ang kayamanan na maaaring mawala sa atin kapag hindi natin naibangon ang mga negosyo natin ay mas nakakatakot!" "Ano'ng klaseng ina ka?! Kilabutan ka nga sa sinasabi mo! Kung mas mahalaga para sa 'yo ang pera, puwes, bumalik ka nang mag-isa! Mas kailangan ako ng mga anak ko kaya uuwi ako sa bahay!" pagsigaw ni Mr. Chua. "Nababaliw ka na ba? Ikaw ang mas may alam sa mga business proposal kung ikukumpara sa akin! Hindi ko makukumbinsi si Mr. Wesley without you!" "Wala na akong pakialam sa pera! Mas mahalaga sa akin ang mga anak ko!" "Hindi ako papayag! Ayoko nang maghirap ulit kaya dapat bumalik tayo!" Halos magwala na si Mrs. Chua at pilit nitong inaagaw ang manibela kay Mr. Chua. Nagtalo pa ang dalawa kaya naman gumewang-gewang ang galaw ng sasakyan hanggang sa hindi nila namalayan na may papasalubong na palang truck sa harapan nila! Huli na para maiwasan pa iyon kaya naman bumangga ang kotse nila roon at halos matanggal na ang bubong ng sasakyan. Tumama parehas ang ulo ng mag-asawa sa salamin ng sasakyan na nabasag. Dahilan para tuluyang mawalan na ng buhay ang dalawa... TULIRO naman sa paghahanap si Jasmine kina Buboy at Mackoy pero kahit ano'ng gawin niya ay hindi niya makita ang mga ito. Tuluyan nang kumakalat ang apoy sa buong kabahayan. Hanggang sa makarating siya sa labas ng gate. Naisip niya na pumunta roon nang marinig niya na may mga bumbero nang pilit sumisira ng malaking gate nila. Baka kanina pa palang nakalabas sina Buboy at Mackoy kaya kailangan niyang malaman iyon sa mga bumbero o kahit sino'ng tao na una niyang makikita. Agad niyang binuksan ang cctv camera mula sa labas. Nakita niya sa maliit na screen kung sino ang mga nasa labas. Isang pulis ang nakita niya. "Konektado sa mga ilegal na gawain ang mga pinagsisilbihan mo, miss. Nalaman namin na kahit ang mga reject nang paputok ay ipinagbebenta pa rin nila dahil sa takot nilang malugi. Pabagsak na ang negosyo nila kaya kahit ang mga iyon ay binebenta pa rin nila. Hindi nakapagtataka na ganito kahirap wasakin ang gate nila. Marami silang itinatago sa loob ng bahay na maaaring nagcause ng sunog," sabi sa kanya ng pulis na nakausap niya sa gate habang ang mga bumbero ay busy sa pag-aapula ng apoy. "Nakalabas na ba ang magkambal na inaalagaan ko? Nailigtas na ba sila ng mga bumbero?" nag-aalalang tanong niya na puno ng kaba at pag-aalala ang dibdib. "Nakikinig ka ba, miss? Sinabi ko na ngang mahirap wasakin ang gate hindi ba? Wala pang naililigtas na kahit na sino mula sa loob ng bahay. Isa pa, bakit hindi mo alam kung nasaan ang mga alaga mo? Ano'ng klaseng katulong ka?" Panenermon sa kanya ng mga pulis. Lalo siyang kinabahan sa mga narinig. Ang ibig sabihin ay nasa loob pa talaga sina Mackoy at Buboy. "Tama kayo, manong. Wala nga akong kwentang katulong. Kailangan ko silang hanapin!" Naiiyak na sabi niya. "Hoy, teka lang, huwag mong sasabihin na babalik ka pa sa loob? Miss, hindi mo alam kung safe pang bumalik sa loob, baka mamatay ka! Hayaan mo na ang mga bumbero na magligtas sa kanila, malapit nang mawasak ang gate, hintayin mo na lang—" Hindi na natuloy ng pulis ang sinasabi nito dahil nawala na ang atensyon niya rito nang bigla niyang narinig ang boses nina Buboy at Mackoy mula sa loob. Sumisigaw ang mga ito at umiiyak! Napatingin siya sa garden nila. Wala pang gaanong apoy doon at may daan doon papasok sa loob. Pwede siyang dumaan doon para hanapin ang magkambal. Hindi na siya nagdalawang isip at agad na siyang tumakbo papunta roon. Hindi niya alam kung ano ang maaaring mangyari sa kanya pero hindi siya mapapatawad ng kunsensya niya kapag hinayaan niya na matusta ng apoy ang mga alaga niya na dapat ay kasama niya. Tama ang sinabi ng mga pulis. Wala siyang kwentang katulong. Obligasyon niya ang dalawang bata pero hindi niya nakontrol ang mga ito at nawalan pa siya ng malay. Wala siya sa tabi ng mga ito imbes na naroon siya protektahan ang mga ito! ------ "ANO'NG GAGAWIN natin, Mackoy? Dito na ba tayo mamamatay?" Umiiyak na tanong sa kanya ni Buboy. Pilit naman siyang nagpipigil ng luha niya. Pilit pa rin niyang ipinapakita na matapang siya kahit ang totoo ay nanginginig na siya sa takot. Alam nila parehas na kalat na ang apoy sa labas ng CR. Hindi na rin sila makadaan sa harap ng bahay para pumunta sa gate dahil natrap na sila roon sa kusina. "Huwag ka ngang duwag! Ano naman kung mamatay tayo rito? Bakit, takot ka bang mamatay?!" Pagtatapang-tapangan niya. Lalo lang umiyak si Buboy. "Kasalanan mo ito, e! Sana kasi nakinig na lang tayo kay Ate Jasmine! Tama siya , nagkasunog nga dahil naglaro tayo ng mga paputok. Ayoko pang mamatay. Masakit mamatay! Gusto ko nang lumabas!" Malakas na umiyak lalo si Buboy. Hindi na rin niya napigilan ang tulo ng luha niya at tuluyan na iyong dumaloy sa mga mata niya. Pinilit nilang lumabas kanina pero wala na talaga silang madaanan. Mamatay na lang talaga sila roon sa CR. Wala silang ibang choice kundi ang maghintay na lang sa kamatayan nila. Hanggang sa makarating na lang doon ang apoy. "Hindi ko kayo ituturing na iba, Buboy, Mackoy. Kahit ayaw pa ninyo ay mamahalin ko kayo na parang mga tunay na anak." Bigla na lamang narinig ni Mackoy sa isipan niya ang sinabi na iyon ni Jasmine. Bigla siyang nagsisi na naging salbahe siya rito. Sigurado siya na patay na ito ngayon dahil iniwan nila itong walang malay sa taas kanina. Lalo lang siyang naiyak nang maisip niya iyon. Tama si Buboy. Sana pala ay nakinig na lang sila kay Jasmine. Sana pala ay naging mabait na lang sila rito. Ngayon ay nagsisisi na siya. Kung may magagawa lang sana siya para makahingi ng tawad dito ay ginawa na nila pero huli na ang lahat. Mamamatay na silang magkambal sa lugar na ito... "Mackoy, Buboy! Nasaan kayo?" Bigla na lang silang nakarinig nang mahinang pagtawag. Nagkatinginan sila ni Buboy. "Mackoy, si Ate Jasmine iyon 'di ba? Narinig mo ba?" Biglang parang nabuhayan ng loob si Buboy. "Imposible na balikan niya pa tayo rito. Sigurado ako na kung buhay man siya ngayon ay tumakbo na iyon palabas ng bahay. Mas malapit siya sa gate kaya sigurado na nakaalis na iyon kung maaga siyang nagising," sabi niya dahil iyon naman talaga ang totoo. Naging salbahe sila ni Buboy dito kaya imposible na bumalik pa iyon para lang hanapin sila. Natigil ang pag-iisip niya nang bigla na lamang silang nakarinig ng langitngit mula sa kisame. At nanlaki ang mga mata nila nang mapansin na may babagsak mula sa itaas na nasusunog na kahoy! "Mackoy, Buboy!" Saktong pagbukas ng pinto ay iniluwa niyon si Jasmine saka sila parehas na nahila ni Buboy kaya hindi sa kanila tumama ang kahoy na nasusunog! Sa kauna-unahang pagkakataon ay natuwa sila ni Buboy na nakita nila ang mukha ng babaeng kinaiinisan nila. Agad na tumulo ang luha sa mga mata nila at sabay pa silang yumakap at umiyak sa dibdib ni Jasmine. "Sorry, Ate Jasmine! Naging matigas ang ulo ko. Hindi dapat kita itinulak kanina. Hindi dapat kami nagpunta sa bodega!" umiiyak na pagsorry niya. "Hindi na kami magiging makulit simula ngayon, Ate Jasmine. Susundin na namin ang lahat ng sasabihin mo!" Umiiyak naman na sabi ni Buboy. ------- NATIGILAN si Jasmine nang marinig niya ang sinabi ng magkambal. Parang maamong tupa ngayon ang dalawang salbaheng bata. Alam niya na takot na takot ang mga ito sa mga nangyayari at ganoon din siya. Pero kailangan niyang lakasan ang loob niya para sa mga bata. "Ssss... Huwag na kayong umiyak dahil nandito na ako. Hinding-hindi ko kayo papabayaan. Sisiguraduhin ko na makakalabas tayo ng buhay dito at makikita ninyo ulit ang mga magulang ninyo. Magiging mabuti pa kayong mga bata kaya kailangan na nating makalabas," sabi niya sa dalawa. "Hindi ka ba galit sa amin, Ate Jasmine?" nag-aalalang sabay na tanong ng dalawa. Binigyan niya ng matamis na ngiti ang dalawang bata. "Hindi ako galit. Mahal ko kayong dalawa kaya poprotektahan ko kayo kahit na ano'ng mangyari," nakangiting sabi niya. Para namang nabuhayan ng loob ang dalawa at sa gulat niya ay bigla na lamang sabay na humalik sa magkabilaang pisngi niya ang mga bata! "Simula ngayon ay makikinig na kami sa 'yo, Ate Jasmine." "Tama si Mackoy! Hindi na kami magiging pasaway!" Sabi naman ni Buboy. Napangiti na lang siya saka na siya tumayo at hinila na ang dalawang bata paalis sa CR. "Saan tayo dadaan, Ate Jasmine? Bakit dito tayo sa likuran ng bahay pumupunta?" nagtatakang tanong ni Mackoy habang tumatakbo sila. "Oo nga, may daanan pala palabas dito?" nagtataka namang tanong ni Buboy. Hindi na siya nagsalita at ipinagpatuloy lang ang pagtakbo nila patungo sa garden. Habang tumatakbo hawak ang mga bata ay lumilipad ang isipan niya. Hindi nakapagtataka na walang alam ang dalawang bata na may lihim na daanan sa garden palabas. Ang buong akala ng mga ito ay nasa harapan lamang ng bahay ang maaaring daanan palabas ng gate. Sa totoo lang, ang likuran ng bahay ang ginagamit nina Mr. at Mrs. Chua para ipasok sa malaking bahay ng mga ito ang mga i***********l na gamot na palihim din na ibinebenta ng mag-asawa. Oo, hindi lang pabrika ng mga paputok ang negosyo ng dalawa. Nagbebenta rin ng pinagbabawal na gamot ang mga ito noon. Iyon nga lang, bumagsak din ang negosyo na iyon dahil mas marami pang nahuhuli ang mga pulis sa raid ng mga ito kaysa sa mga naibebenta. Kaya siguro ganoon na lamang kadesperada ang mag-asawa na maisalba kahit ang pabrika ng paputok ng mga ito. Alam niya ang mga iyon dahil nahuli niya ang mga ito noong nakaraang linggo na pumasok mula sa gate na nasa garden. Doon nag-uusap ang dalawa dahil bihira ang nagagawing tao roon kahit mula pa sa labas. Hindi naririnig sa pader mula sa labas kahit magsigawan pa ang mga ito. Narinig niya na nag-uusap ang dalawa tungkol sa bumagsak na 'negosyo' ng mga ito noon. Mabuti na nga lang at hindi siya nahuli ng dalawa dahil nakapagtago naman siya sa mga damuhan noon. Inilihim na lang niya ang tungkol sa bagay na iyon dahil bumagsak na rin naman ang negosyo na iyon at napahinto na raw. Isa pa ay kailangan din niya ng trabaho kaya nagtiis na lang siya. Namataan niya ang huling pinto na kailangan nilang daanan palabas sa garden. Kapag narating nila ang garden ay naroon na ang gate palabas. Makakaligtas na sila. Pero mula sa kung saan ay bigla na lamang may nalaglag na malaking mga kahoy mula sa 2nd floor ng bahay at humarang iyon sa dinaraanan nila. Bago pa man malaglag iyon ay naitulak na niya ang dalawang bata palayo kaya siya ang natrap sa loob. "Mauna na kayo, mga bata! May mga bumbero at pulis sa labas ng bahay kaya makakaligtas na kayo!" Pagtataboy niya sa dalawa kahit na siya ay natatakot din para sa sariling kaligtasan. “Pero paano ka, Ate Jasmine?!"” Naiiyak na tanong ng magkambal. “Wag n'yo akong intindihin! Kaya ko ang sarili ko. Hindi ako mamatay kaya humingi na lang kayo ng tulong sa labas!” sabi niya para mawala ang pag-aalala ng dalawa. “Hindi! Hindi ka namin iiwan! Hindi kami aalis dito!” Pagmamatigas ni Mackoy. "Pare-parehas tayong mamamatay kapag hindi pa kayo kumilos! Mas kailangan ko kayo na humingi ng tulong sa labas kaysa pare-parehas tayong masunog na lang! Matatapang kayo, hindi ba? Ngayon ninyo ipakita iyon!" Sigaw niya sa mga bata. Natigilan ang dalawa nang marinig ang sinabi niya. Tumigil sa pag-iyak ang mga ito saka pinunasan ang luha. "Babalikan ka namin, Ate Jasmine. Hindi ka namin pababayaan dahil mahal ka rin namin!" Buo na ang boses na sabi ni Mackoy saka ito pa mismo ang matapang na humila sa kakambal nito palabas. Napangiti siya nang makita ang determinasyon ng dalawa. Masaya na siya na malaman na nagawa niyang mailigtas ang dalawa. Kung safe ang mga ito ay maligaya siyang mamamatay... Bigla na lamang siyang nahilo dahil sa baho ng usok na naaamoy niya. Kumakalat na talaga ang apoy sa paligid at nararamdaman na talaga niya ang sobrang init. Hanggang sa tuluyan na siyang natumba sa sahig habang patuloy na umuubo nang malala. Mamamatay na nga ba talaga siya roon? Paano na si Brandon?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD