1
“SCARLETT O’Hara. Sis, bagay na bagay, hindi ba? I’ll immortalize Vivien Leigh. How I wish, bigyan ako ng atensyon ni Chad.” Habang nagsasalita ay kinukulot niya ang makitid na ribbon ng bouquet na dinala niya sa Romantic Events.
Wala namang bride na gagamit ng bouquet na iyon. Kagaya nang dati nang ginagawa niya, nagdala lang siya sa shop ni Eve para naman mayroong fresh wedding bouquet na display ang shop. And that is free of charge. Hindi naman makakasakit sa puhunan niya ang ganoong maliit na bagay.
Isa pa, kae-eksperimento lang din niya ng arrangement na iyon. At tagumpay naman siya dahil wala pang nagsabi na pangit ang pinagsama-sama niyang calla lilies, tulips, heliconia at white freesia with gold accent details.
“Scarlett, do you love Chad?” tanong ni Eve.
“Siyempre, mahal ko siya. Alangan namang hahabulin ko siya kung hindi ko siya mahal.”
Tinitigan siya ni Eve. “Sigurado ka? Baka naman nagkataon lang na O’Hara ang last name ng lalaking iyon kaya mo siya gusto? If I’m not mistaken, hindi mo pa nakikilala ang lalaking iyan ay big fan ka na ni Vivien Leigh ng Gone With The Wind. Bukambibig mo ang pelikulang yan kahit noong bago pa lang tayong nagkakilala.”
“I love Chad. I’m sure of that,” may kombiksyon na sabi niya at tumayo na. “Pupunta nga pala ako kay Dindin. Nagpagawa ako sa kanya ng brownies, dadalhin ko kay Chad.” Nakipag-beso siya kay Eve. “Bye for now, sis. Be ready, ha?”
Kumunot ang noo nito. “Be ready for what? Another wedding in my wedding girls?”
Ngumiti siya. “How I wish. Pero hindi muna iyon. I have a plan, sis. A big seduction plan. May inorder na akong mga libro saka DVD sa online. I’m going to read them at hihingi na rin ng opinion sa iyo. Tulungan mo ako, ha? I know, madami kang maitutulong sa akin. Baka nga hindi ko na kailanganin ang libro at videos.”
“Tutulungan kitang mang-seduce?” Ang itsura ni Eve ay nasa pagitan ng kaaliwan at disgusto.
“I’m determined to win Chad. Gagawin ko ang lahat para hindi siya makatanggi sa akin.” Binitbit na niya ang signature bag. “I’m going.”
“Scarlett, you’re beautiful. At umpisa pa lang iyon sa maraming magandang katangian mo,” banayad na wika ni Eve. “Bakit mo hinahabol iyang Chad na iyan? Ang daming lalaki, darling. I’m sure, hindi lang isa o dalawa ang manliligaw mo. Hindi mo kailangang humabol sa isang lalaki.”
Bumuntong-hininga siya. “What can I do? Kahit isang dosena pa silang pumila sa akin, hindi ko naman sila type. Si Chad ang gusto ko, sis. Si Chad O’Hara.”
“What if hindi ka niya gusto? Scarlett, kung may gusto sa iyo ang Chad na iyan, hindi mo na kailangang magpakita nang motibo, much more ang gumamit ng seduction tactics. Siya na ang mismong lalapit sa iyo.”
Bumalik uli siya sa kinauupuan. “Eve, hindi ako liligawan ni Chad. He’s my father’s business associate. At hindi lang iyon, protégé siya ni Papa. I know, hindi niya ako maligawan dahil nahihiya siya kay Papa. Of course, ayaw niyang isipin ni Papa na may vested interest siya sa akin. But he’s already made. Kahit naman sabihing tinulungan siya ni Papa, kung hindi naman siya likas na matalino, wala ding mangyayari sa kanya. You know, naniniwala akong kulang lang siya sa lakas ng loob kaya hindi niya ako maligawan. Pero sa naiisip kong gawin, masosolusyunan ang problemang iyon. After my seduction to him, kasalan na ang susunod.”
“Pipikutin mo ang lalaking iyon?” Halata ang pagkontra sa tono ni Eve.
“No. Ang ibig ko lang sabihin, I’ll make Chad feel na hindi betrayal sa trust ni Papa sa kanya ang pagkakaroon namin ng relasyon. Siyempre, kapag nagkaroon na kami ng relasyon—romantic relationship to be specific, dapat lang naman na kasalan na ang susunod, di ba?As in, in the very near future.”
“May sasabihin ako sa iyo, Scarlett,” maingat na wika ni Eve. “At hindi ko ito sasabihin sa iyo dahil gusto kitang mainsulto. Please, don’t stoop to that level. You’re very much a lady para mang-seduce ng lalaki. Baka sa halip na magtagumpay ka, lalo lang lumayo sa iyo ang Chad na iyan. Bakit hindi mo na lang isipin na kung para kayo sa isa’t isa, there would definitely a way. Hindi mo makukuha sa apurahan ang pag-ibig.”
She smiled.”Lalim naman.”
At hindi nga siya nainsulto sa narinig. Why, she was too blind—and obsessed para makadama ng insulto. Basta kapag si Chad ang paksa, para lang siyang kabayong may takip ang magkabilang gilid ng mga mata. Iisa lang ang direksyong nakikita niya—ang akitin ang lalaki upang mapansin siya nito.
“Eve, kung si Chad ang hihintayin ko, baka naman menopause na ako ay hindi pa ako pinapansin niyon. Mas nakatuon ang pansin niya sa pagpapalago ng negosyo. Siyempre, he couldn’t afford to fail dahil mapapahiya siya kay Papa. Ang laki ng tiwala sa kanya ni Papa. I know, kay Chad nakikita ni Papa ang isang anak na lalaki. Too bad, solong anak ako at babae pa.”
“Too bad? After having gone to the best school at mabuhay nang sagana sa luho at kapritso? Baka mag-cardiac arrest ang mama mo, Scarlett, kapag narinig iyang sinabi mo.”
Inikot niya ang mga mata. “Huwag mong ipangalandakan ang yamang nakagisnan ko. Not that I’m ungrateful for that. Kaya lang, sa katayuan ko, hindi ko alam kung totoo nga bang ako ang gusto ng mga lalaki o ang mamanahin ko. At kay Chad, I’m sure, hindi ang pera ko ang interes niya. Dahil kung ang pera ko, disin sana’y hindi na ako magpapakahirap na mag-isip ng paraan kung paano niya ako mapapansin. Napakadali niyang gawin na ligawan ako lalo at tiyak na boboto sa kanya si Papa kapag nalaman iyon. Pero hindi niya ginawa. And that made me love him more. Hindi siya mapagsamantalang tao, sis. Kaya si Chad ang lalaking karapat-dapat sa akin.”
“Curious akong makilala ang lalaking iyan,” nasabi na lang ni Eve.
“Oh, hayaan mo at titingnan ko kung magagawa ko siyang ipakilala sa iyo. He’s too busy. May sarili siyang negosyo at mayroon din siyang puwesto sa kumpanya ni Papa. Pero hayaan mo, hindi naman habang panahon ay makakatanggi siya sa akin.” Tumindig na siya uli. “Kailangan ko na talagang pumunta kay Dindin. Lalagyan ko pa ng gayuma ang brownies na dadalhin ko kay Chad,” pabiro niyang dugtong at saka tumawa na tila teenager na kinikilig.