“ROD, PAYAG ka na?” lapit sa kanya ng isang lalaki. Naka-coat and tie pa ito. Sa panlabas na anyo ay walang dudang business executive but he knew deeper. The man was a chronic gambler. Milyon na ang utang nito sa kagaya niyang may perang maipapautang sa mga sugalerong kailangan ng puhunan.
“Hindi ko pa nakakausap iyong pag-aalukan ko ng farm.”
Of course, nakausap na niya si Calett. Pero hindi nauwi sa seryosong usapan ang paksang iyon. He had kissed her instead. Ipinilig niya ang ulo. Ayaw niyang matuon doon ang daloy ng isip.
“Kunin mo na. Kaysa tuluyan iyong ilitin ng bangko, ikaw na ang kumuha. Baka nga wala pang dalawang daang libo ang maging sukli sa akin.” magkahalong pangungumbinse at paawa ang nasa tono nito.
“Aanhin ko ang flower farm?” sagot niya. “Kung mga bato at alahas pa ang inaalok mo sa akin, hindi ka magdadalawang-salita.”
“Alam mong wala na akong alahas. Hindi ba’t sa iyo ko rin naman inalok nang mangailangan ako ng puhunan?”
Bahagya lang siya tumango. “Hindi ka ba nanghihinayang sa salaping nawawala sa iyo, Dagon? Ipinapatalo mo lang sa sugal ang kabuhayan mo.”
“Malapit na akong tumigil, Rod. Kapag sinuwerte ako ngayong linggong ito, hinding-hindi na ako tutuntong sa casino’ng ito.”
Tumawa siya nang bahaw. Hindi lang yata isang libong beses naniyang narinig ang ganoon sa mga sugarol doon. “Oo nga. Baka sa susunod, sa Angeles naman kita makita. Alam ko namang hindi lang ang casino’ng ito ang pinupuntahan mo.”
“Hindi. Last week ko na ito talaga. Whatever happens, susunod na ako sa misis ko sa America. Magsisimula uli kami doon. May retirement pay naman ako sa bangko. Iyon ang gagamitin ko. Last chance ko na din kay misis. Kailangan ko nang panindigan ito.”
“Pero sayang pa rin ang nawaldas mong kabuhayan dito,” komento niya.
“Nawaldas na, eh. Ayoko nang magsisi. Kunin mo na iyong farm, Rod. Hindi ka lugi doon. Pati mga tauhan ko roon, kayang-kaya mong pagtiwalaan. Ang totoo malaking bagay sa akin kung ako ang makakapagbenta ng farm. Iyong maski paano mapapakiusapan ko ang sasalo sa mga tao ko. Nag-aalala din kasi sila na mawalan ng trabaho kung matitigilang operasyon niyon kapag inilit lang ng bangko. Pagpunta ko sa America, hindi na ako babalik dito. Kung sa iyo mapupunta ang farm, sigurado akong maaalagaan pa rin iyon.”
“Paano mo naman nalaman? Ang layo ng alahas sa mga bulaklak.”
“Kilala kita, Rod. Pagdating sa negosyo, masinop ka. Hindi pinag-uusapan kung alahas iyan o halaman. Kunin mo na. Ako na ang bahalang makipag-areglo sa bangko. Isasagad ko na ang presyo para sa iyo. Ikaw na lang ang bahalang magbigay sa akin kahit na pambili na lang ng ticket sa eroplano.”
Sandali siyang nag-isip. “Hindi ba’t may beach house ka rin sa Batangas?”
Tumango ito. “Oo pero hindi iyon kasali sa naisangla ko sa bangko. Interesado ka? Sige, ibibigay ko sa iyo pero according to market value. Flexible payment. Hindi ka lugi doon. From flower farm madali na lang din puntahan iyon.”
“Magkano?”
Sinabi ni Dagon. “Iyong kalahati, isyuhan mo na lang ako ng tseke. One year to pay. Huwag mo na lang tawaran. Fair price na iyon.”
“Sige, bigyan mo ako ng tatlong araw para pag-isipan ko,” wika niya. Kaibigan na rin niya si Dagon. Sa obserbasyon niya ay mukha ngang balak nanitong magbagong-buhay. Alam niyang gipit ito kaya wala siya balak na gipitin pa. Kung sa ibang may puhunan nito iaalok ang natitirang pag-aari nito, mas lalo itong malulugi. Nagkamay sila ni Dagon at pagkuwa ay naging abala na siya sa iba pang kakilala niya sa casino.
“Rod, hindi ka ba lalaro?” lapit sa kanya ng isa pang sugalero. “Ang hirap sa iyo, masyado kang play safe. Ayaw mong natatalo.”
“Kaya nga bihira akong magsugal, eh. Sa sugal, mas lamang ang talo.”
“Pero pag nagpautang ka, mas sigurado ang panalo,” biro nito sa kanya.
“Mababa lang naman akong magpatong ng interes,” sagot niya. Ilang sandali pa at naglabas na siya ng pera. Alam naman niyang pangungutang ang numero unong dahilan kung bakit ito lumapit sa kanya. Ipinamulsa niya ang post-dated check na ipinalit nito sa perang ibinigay niya. He just wished na manalo sana ang sugalerong iyon para naman hindi mauwi sa bula ang perang inutang sa kanya.
Nagtungo siya sa bar. Kaysa pagsusugal ay paunti-unting pag-inom ang ginagawa niya sa lugar na iyon. Kilalaa na siya roon. Small-time financier [pa lang siya kung tutuusin. Ang ibang kabungguang-siko niya doon na financier, buong kabuhayan ang kayang ipautang o ilitin sa mga taon gumon sa sugal. Ang mga sugalerong kapos sa puhunan ay sa kanya lumalapit. Hindi pa siya nagpautang ng milyon. Maingat din naman siya dahil maraming hindi nakakabayad. Mahirap ipagkatiwala sa iisang tao lang ang milyong halaga.
He was always there on many purposes. Bukod sa pagpapautang malakas din siyang makabenta ng alahas doon. Ang mga sugalerong nakaka-jackpot, hindi rin nag-iisip sa paggasta. Para lang siyang nag-alok ng banana que at hindi siya nagdadalawang-salita.
Mayamaya ay mayroon na namang lumapit sa kanya—isang matrona this time. “Rod, kunin mo nga itong South Sea ko. Singkuwenta mil na lang. Eighty-five ibinenta sa akin iyan noong isang linggo. Gusto ko lang makabawi ngayong gabing ito.” Ibinaba ng matrona ang pares ng hikaw sa counter.
Hinipo niya iyon. “Mommy, hanggang forty lang ito,” matapat na sabi niya. As usual, nabiktima na naman ang matrona ng ibang mapagsamantala. Noong isang linggo ay nanalo ito nang kulang kalahating milyon. Pero dalawang gabi lang yata at nalanos na rin ang napanalunang iyon at nagtangay pa ng ibang puhunan.
“Sige, forty kung forty.”
Ilang tao pa ang lumapit sa kanya. May mga DOM na galante at bumili sa kanya ng alahas na siyang talagang negosyo niya. Ang iba ay nangutang din ng pampuhunan. Bandang alas-tres ay nagpasya na siyang umuwi. Kulang isandaang libo ang tinubo niya sa mga alahas na naibenta niya. At bukod pa roon ang interes ng perang naipautang niya. Maliit iyon kumpara sa nakasanayan niyang kita pero wala siyang reklamo. Kahit diyes mil lang ang kitain niya sa isang gabi, basta may kinita, kuntento na siya. At least hindi nasayang ang gabi niya.
Ipinasok niya ang Ferrari sa basement parking ng condominium tower kung saan may pag-aari siyang unit. Hindi na siya umakyat pa. Ipinarada lang niya roon ang kotse at sumakay sa pick-up na naroroon. Ilang sandali pa ay palabas na siya uli. Uuwi naman siya sa Meycauayan. Pero bago siya ganap na makalabas ay pinara siya ng guwardiya.
“Bakit, Lando?”
“Sir, may naghihintay po sa inyo sa itaas. Maribel daw.”
Maribel. Sino na nga si Maribel? “Sige, salamat,” aniya sa guwardiya at ibinuwelta uli ang pick-up.