- Candy -
Saktong nagising ang pamangkin ko nang umalis si Leandro. May tumawag kasi dito kaya nagmadaling umuwi na. Huminto na rin ang ulan, at hindi nagtagal ay dumating na rin sila Mama at Papa. Balak pala nilang umuwi na rin ng maaga kung hindi lang bumuhos ang malakas na ulan.
Pinaghanda ko ng meryenda ang bulilit ng kaniyang paboritong pancake at pinagtimpla ko naman ng kape si Papa. May dalang banana-que si Mama na nabila niya sa daan.
Ibinigay ko na rin ang binili kong colouring books kay Mickey, at nagtatalon ito sa sobrang tuwa.
“Thank you Tita Candy!"
“Welcome, bibehh!"
Nagmadali pa akong hugasan ang pinagkapehan ng kapitbahay namin, kahit wala akong kasalanan natatakot akong mapagalitan ng magulang ko dahil nagpapasok ako ng ibang tao nang wala sila .. lalo pa at lalaki.
Si Leandro na maraming tattoo.. Ayoko man maging judgemental, kakaiba kasi ang tattoo nito na hindi ko maintindihan. Parang may dragon sa buong braso pero lahat ay may tinta na halos mangitim na ang braso nito. Pero natitigan ko naman kahit paano, at kahit hindi ako fan ng arts ay masasabi kong maganda ang tattoo nito.
Arghhh ewan!!
Kinagabihan ay nagluto ng munggo si Mama. Ginisa niya ito sa maliliit na baboy at ng matapos ay nag-toppings pa rin chicharong bulaklak. Natawa na lang ako kay Papa ng magrekalmo ito dahil puro baboy daw ang munggo. Kaya nagprito na lang ng dilis si Papa at iyon daw ang gusto niya panghalo sa munggo niya. Hinayaan na lang ito ni Mama dahil mas gusto naming dalawa na baboy at may chicharon. Ako naman ay nagtutupi na ng ibang damit. Dahil ang mga damit ko ay inakyat ko na sa kwarto. Habang ang iba naman na medyo basa pa ay binalik ko sa laundry area at doon sinampay.
Ang bulilit naman namin ay pinaglutuan ni Mama ng sitaw na ginisa. Para lang talaga iyon kay Mickey.
Naghanda na ako ng pinggan at kubyertos. Pinaupo ko na rin sa Mickey at tabi sila ng kaniyang Lolo dahil namiss niya raw ito.
"Anak, naibalik na ba ang mangkok ng binata diyan?"
Napalingon ako kay Mama. Nakatalikod ito habang nagsasandok ng ulam.
"Opo 'ma. Kaninang tanghali." tumuwid ang likod ko.
Si Papa ay saglit na napatingin sa akin at saka ibinalik ang atensiyon sa kaniyang apo.
"Oh siya, hatiran mo ng ulam. Baka nagugutom na rin iyon."
Literal na napanganga ako kay Mama ng mapaharap ito sa akin. Bitbit ni Mama ang ice cream tub na umuusok pa ang laman na munggo.
"Ma?"
Nilapag ni Mama ang lagayan ng ice cream at nilagyan iyon ng takip pero hindi sinakto para makasingaw ang usok.
"P-pero 'ma.. Bakit po tayo mgbibigay sa kaniya ng ulam?" hindi sa tunog madamot pero bakit bibigyan ulit ng ulam ni Mama si Leandro kung binigyan na ito kaninang tanghali?
Tumingin si Mama sa akin.
"Napakabait kasi ng taong iyon, kaya bilang pasasalamat ay itong ulam ang kapalit kahit hindi naman nanghihingi ng kapalit. Nangako ako sa kaniya na 'wag ng bumili ng ulam at hahatiran ko na lang."
Umahon ang kaunting kaba sa dibdib ko. Napalingon ako kay Papa ng magsalita ito.
"Siya ang nagbayad ng habal-habal na sinakyan namin kanina. Wala kasing barya ang Mama mo, biglang lumapit itong binata at siya ang nagbayad. Akalain mong hindi na kinuha ang sukli sa isangdaan."
Napailing na lang si Mama.
"Oh siya, ihatid mo na 'yan. Para pagbalik mo ay sabay-sabay na tayong kakain. Itong Papa mo na lang ang magpapakain sa makulit natin." sabay haplos ng ulo ni Mickey.
Wala na akong nagawa kundi kunin ang ice cream tub. Palabas na ako nang marinig ko pang tiatawag ako ni Mickey. Pero hindi ko na lang ito pinansin at baka gusto lang sumama. Mabuti na lang at naka-pajama na ako ngayon at malaking t-shirt na inarbor ko pa sa pinsan ni Bea.
Paglabas ko ng gate ay nakita ko na naman sa kabilang tawid ang mga lalaki na nakatambay sa harap ng tindahan nila Aling Marites. Kahit na hindi na bago ang pagiging tambay ng mga ito ay naiilang pa rin akong tumitingin sila sa akin.
Wala naman na masiyadong dumaraan na sasakyan sa ganitong oras, kung meron man ay iilan na lang iyon na mga papauwi.
Wala na akong choice kundi ang tumawid at dahil madaraanan ang tindahan ni Aling Marites ay mabilis pa sa kidlat na nagsitayuan ang limang tambay na ngayon ay nakaharap sa akin kahit hindi ko pansinin.
"Hi Candy!"
"Goodevening Candy!"
"Kahit hindi ako mahilig sa matamis, pero basta ikaw magandang Candy!"
Nagtawanan pa ang mga ugok.
"Saan ka pupunta, magandang binibini? Gabi na ah?"
"Hoy! Magsilayas nga kayong mga tambay sa harap ng tindahan ko!" galit na bulyaw ni Aling Marites.
Dire-diretso naman ako sa paglakad at hindi na pinansin ang mga tambay. Malalaki ang hakbang ko habang papalapit dito sa apartment. Ang paupahan na ito ay pagmamay-ari ng pamilyang Oresca. Mayaman ang mga ito at si Aling Marites ang ginawang care-taker. Wala naman akong alam tungkol sa pagmamay-ari ng apartment ito, si Mama lang ang taga-kwento sa akin kahit hindi tinatanong. Sampung unit iyon, at puno na ang ibaba. Kaya tiyak na nasa itaas ang bahay ni Leandro.
Napahinto ako nang makarating ako sa harap ng apartment. Hindi ko naman alam kung saan banda ang unit ni Leandro. Nakalimutan kong itanong kay Mama.
Hindi ko pa naman kilala ang mga nakatira dito sa ibaba. Nagtatahulan pa ang mga aso sa may ibaba kung saan ang hagdan. May kulungan naman pero malalakas ang tahulan.
Parang gusto ko bumalik ng bahay. Ang init pa naman nitong ulam dahil plastik lang nag lagayan.
Napatingin ako sa lumabas na matandang lalaki. Sinuway niya ang mga aso na tiyak na alaga niya. Napalingon din ito sa akin.
“Anong kailangan mo hija?" tumingin ang matanda sa hawak kong lagayan.
“A-ah. D-dadalhin ko lang po ang ulam na ito kay.."
“Ah sa bagong lipat dito?" mabilis na sagot ng matanda.
“O-opo." bigla akong nahiya.
Inayos ng matanda ang kaniyang salamin at sa tingin ko ay sinuri niya ako kahit na gabi na ay maliwanag naman dahil sa mga ilaw.
“Ikaw ba ang anak ni Kumpareng Cassiano?"
“Opo."
Tumango-tango ito.
“Magbibigay ka ng ulam?"
“O-opo."
“Napakaswerte ng binatang ‘yan. Magandang lalaki kasi kaya babae na ang lumalapit."
“Po?" parang ‘di ko nagustuhan ang sinabi nito.
”Ikaw na ang ika-apat na babae, na nagtungo dine para mamigay ng ulam sa bagong salta dito. " natawa ang matanda sa akin.
“Akyat ka lang hija. Pag-akyat mo ng hagdan at sa unang pinto ay iyon na ang tinutuluyan ni ... Leon ba ‘yun?" napakamot nag matanda at nag-iisip.
Ako naman ay nawalan ng gana. Kung kanina ay kabado pa ako sa muling pagharap sa lalaki, pero ngayon ay hindi na.
“Pwede po bang pasuyo na lang ako na ibigay sa lalaking iyon ang ulam na pinabibigay ni Mama."
“Ha? Sa Mama mo galing ang ulam na ito? Akala ko ay pinagluto mo ang gwapong binata na iyon."
Umiling ako ng matigas. Inabot ko ang ulam at kinuha naman iyon ng matanda.
“Hindi po. Sige po, salamat po Tatang."
Agad akong tumalikod at naglakad ng napakabilis. Kung pwede lang ay lumipad na ako pauwi.
Naglakad ako at madadaanan na naman ang mga tambay sa tindahan pero hindi ako lumingon.
Narinig ko pa na tinatawag na naman ako ng mga bwisit. Pero mabilis na akong tumawid. Walang lingon-lingon akong pumasok sa loob ng gate.
Sa bawat hakbang ko ay sumasama ang loob ko at hindi ko iyon maintindihan.
“Tita Candy!"
“Ang bilis mo nakauwi, anak." si Mama.
“Bakit ganiyan ang mukha mo?" nakatingin sa akin si Papa.
“W-wala po. Tara po kain na tayo." pag-iiba ko at pilit na ngumiti.
Hindi na nagtanong ang mga ito kung naibigay ko ba ang ulam sa kapitbahay namin.
Kumain na kami at parang walang nangyari na nakisabay ako sa kwentuhan nila Mama, kahit na may kaunting bigat sa akinh dibdib.
“Oo nga pala, linggo bukas. Kukunin ako ni kumareng Rosalia para maging tagaluto sa kanila. Darating kasi ang anak niyang galing abroad. Naalala mo Papang si Niel?" tanong ni Mama kay Papa.
”Yung panganay niya?"
”Oo, kagaling nga raw ng batang iyon at Successful na sa Italy. At ngayon ay uuwi na dahil gusto ng mag-asawa."
Tahimik lang akong kumakain at paminsan minsan ay tumitingin ako sa kanila. Hindi ko naman kilala ang kinukwento ni Mama.
Matapos kumain ay binuhat ni Mama si Mickey para ito ay liguan at maging presko bago matulog. Naiwan si Papa sa sala dahil nanonood pa ito ng balita habang nagkakape. Ako naman ay naglinis ng lamesa at naghugas na rin ng pinagkainan at nagtapon ng basura sa labas bahay.
"Bwisit na basurahan 'to!"
Nakita ko na lang na nakatumba ang sako at sabog-sabog ang laman. Tiyak may pusa na naman na naghalungkay dito at naghanap ng pagkain.
Mas lalong nadagdagan ang inis ko ngayon. Pero dahil no choice naman ay kumuha na lang ako ng dustpan at walis. Pinagdadampot ko ang mga basura na sumabog. Mabuti na lang at hindi aso ang may kasalanan kundi pati mga diaper at tiyak sumambulat na.
Nang matapos ay nagtungo agad ako sa likod bahay para maghugas ng kamay sa gripo. Kumuha ako ng sabon at pinabula ko ng husto ang kamay ko, nakatuwad ako habang nanghuhugas ng kamay.
"Hi"
Malakas akong napasigaw sa kung sino man ang bumati sa aking likuran. Pero ang kamay ko ay mabilis na nahawakan ang tabo para hampasin ang taong nasa likuran ko ngayon.
"I-ikaw?!"