Prologue
Naalala mo pa ba noong Elementary ka? Ito yong mga panahong inosente ka pa sa mga bagay-bagay at ang tanging alam mo lang ay maglaro at magkaroon ng friends. Siyempre as a kid we all want the feeling of being wanted. Hindi yong wanted sa mga pulis ah. Also, when we’re kids lumalabas yong natural na hitsura natin hindi pa kasi uso ang liptint, blush on at kung anong kolorete sa mukha. So, pantay-pantay lang kami that’s what I thought.
Akala ko nomal lang na magkaroon ng kalaro and eventually maghahanap ng ibang kalaro kasi baka nga naman na-bored sa ginagawa namin. Kids used to do that when I was 6 years old, natatandaan ko pa. Inakala ko na nature na ng mga bata ‘yon then umabot sa early stage of my teenage years. That’s when I realized people only talk to me pag may kailangan sila or wala silang ibang makausap. In other words, option lang ako. Ouch! Ang sakit no? Hindi lang sa romantic way masakit ang pagiging option, it applies in every situation.
Tanda ko pa yong kaklase ko since grade 3 hanggang grade 6 na akala ko ay kaibigan ko kasi ang tagal naming naging magkaklase e. Medyo passive pa ako noon na kada papasok ako sa school at maaga rin siya siyempre chika chika kami, nagbibiruan at tawanan. Hanggang sa parami na nang parami ang mga estudyante pagkatapos may lalapit sa amin at makikipag-usap kasama pa ako sa usapan hanggang sa unti-unti akong nawawala na parang di na ako nag-e-exist sa tabi nila.
Sa tuwing nangyayari ‘yon gusto kong umepal at sabihing ‘Hello, nandito pa ako’ or umentrada sa harapan nila at magsasayaw para lang mapansin nila ako. I actually did that, one-time nilakasan ko yong tawa ko habang nakikinig sa mga bruhita kong kaklase na huli ng pumasok sa chikahan. Siyempre nagshare din ako ng nakakatawang event sa buhay ko bigla ba naman akong barahin at sabihin “KSP ka ba?” take note with taas kilay pa yan. And the other one says, “Kasali ka ba rito? Kailan ka pa nandiyan?” like the hell, nandito na ako bago pa kayo dumating.
Napahiya ako, pulang-pula yong mukha ko pero dahil ayaw kong maging tampulan ng tuksuhan pinanindigan ko na lang yong pakikipagbiruan ko. ‘Nagteleport, kumusta kayo?’ it was a lame joke pero wala akong ibang maisip na pwedeng sabihin nong mga panahon na yon. I guess I’m not really good in comedy. Lalo silang nairita sa akin they moved to another place at iyong isa nagparinig pa.
“Tara na lipat tayo.”
“Do’n tayo sa tabi ng pinto may siraulo kasing kulang sa pansin.”
Ngumiti lang ako ng pilit habang pinapanood silang naglalakad at pumwesto sa tabi ng pinto, nagpatuloy sa pag-uusap. Doon ko naramdaman at pinamukha sa akin na option lang ako, kakausapin lang pag no other choice. Pumasok ako noon sa banyo at sa sobrang sama ng loob ko hindi ko napigilang maluha. Siyempre bata kaya sa mga ganitong kababaw na pangyayari naiiyak na.
Dumating ang High School days, mga dalagita at binatilyo na kami. Naroon yong mga nagliligawan kahit first year pa lang, nagsisipulbuhan bago at pagkatapos ng klase, namumula ang labi at paramihan ng naiwisik na cologne sa uniform.
Napapatingin ako sa bawat salamin na nadadaanan ko sa loob ng paaralan namin at kada tingin ko sa sarili ko susulyapan ko na naman ang mga babaeng nakakasalubong ko sa daan. Tila napag-iwanan ako, gumaganda at pumopogi na sila maging yong mga nakikita kong dati ay pantay lang kami ng hulma, aba! nagbagong anyo na. Ang nakakasama pa ng loob naririnig ko silang nag-uusap na ‘huy! crush ka ni ganito ganiyan’ tapos kikiligin ang mga malalanding babae at sasabihin ‘Talaga bhie? Crush ko rin yon’ mapapasana all ka na lang talaga, sanaol kina-crushback.
Isang araw narinig kong nag-uusap ang mga boys sa loob ng clasroom habang ako’y nasa hallway naglalakad dapat papasok. Natigilan ako nong marinig ko ang pangalan ko kasabay niyon ang tawanan nila.
“Si Ara? Ara Bolabola?” malakas na tanong ng isa kong kaklase na tila ba hindi makapaniwala. “Tang ina! Apelyido pa lang ang bantot na bagay na bagay sa mukha niya.”
Pinag-uusapan nila kung sino ang pinakamaganda hanggang sa pinakapangit. At iyong kutonglupa kong kaklase na mula ulo mukhang paa ang lakas ng loob na laiitin ako. Iyong tabas ng dila niya kasing talas ng baba niya. Gusto kong sabihin sa kaniya ‘yon, gusto kong pumasok at laitin sila isa-isa pero di ko ginawa. Nanlumo lang ako, nagpatuloy sa isang tabi at nakinig kung paano nila ako laitin. Napatanong ako sa sarili ko, gano’n ba ako kapangit? Aaminin ko may mga magaganda naman talaga kaysa sa akin pero hindi naman ako pangit sa paningin ko may hitsura naman ako kahit papaano.
Pero dumaan ang ilang araw, buwan at taon hanggang sa nagtapos ako ng High School pero ni minsan wala man lang nagconfess sa akin na gusto niya ako. Wala man lang nambola sa akin na maganda ako kahit noong uma-attend ako ng JS Prom ni walang nagtangkang makipagsayaw sa akin kahit pagtatangka lang okay na ako do’n.
I was left alone; everyone was happy chatting with their friends and dancing with their love ones or crushes. How about me? Nakaupo lang sa bilugang table at inuubos ang mga natirang pagkain habang pinagmamasdan sila. I’m invisible. Unti-unting bumaba ang tingin ko sa sarili ko na para bang ayaw ko na noong magkolehiyo kasi pakiramdam ko pasama nang pasama ang experience ko. Pangit na pangit ako sa sarili ko. Akala ko ‘pag nagpasalon ako, nagmake-up, nag-ayos, nagsuot ng gown at heels gaganda na ako pero mali pala ako. Once a pangit, always a pangit.
Fastforward on my College days, siyempre natuto na ako, alam ko na kung saan ako lulugar. I avoided pretty girls kasi mapagkakamalan akong muchacha. Nag-advance thinking na ako para hindi masyadong masakit. Kung noong elementary at high school ako, I felt so alone mas lalo akong naging loner sa kolehiyo. Ang mga kaklase ko magkakasamang kakain sa fastfood or canteen, tatambay sa kung saan and everytime na may group activities, sila-sila na ‘yon.
I remember isa sa mga activity namin sa PE noon yong sasayaw na may partner. Ayaw ko rin namang magmukhang kaawa-awa kaya sinubukan kong I-approach yong ibang wala pang nahahanap na kapareha. Para akong kaluluwang hindi aware na patay na. Sa kakaikot ko sa apat na sulok ng room namin napatid ang kaklase kong lalaki at napaupo sa harapan ko. Tinapunan niya ako ng masamang tingin at nanggagalaiting tumayo.
“Tang inang Bolabola ‘to! Pagulungin kita e.” Singhal niya sa akin at aktong kakaltukan ako.
“Hoy! Jeremy gusto mo bang ma-Dean's office?” Saway ng isa kong kaklase.
“Mag-ayos ka kasi Ara para magmukha kang tao at nang hindi ka nahihirapan maghanap ng partner.”
“Tanga nakaayos na ‘yan, iyan na ‘yon.”
Hindi ko alam kung sino ang nagsalita, nabingi ako sa mga sinasabi nila at tawanan.
Outcast, my exact description of who I am.
Mabuti na lang at nairaos ko ang study ko na hindi pa natutuluyan ang mental health ko. I’m a fighter. Nagawa kong magpatuloy kahit na outcast ako, walang kaibigan, walang makausap, walang masayang school life. Pinangako ko sa sarili ko na magiging successful ako sa buhay tapos pupunta ako ng Korea at magpapaayos ako ng mukha. Magiging dyosa ako, aakitin ko ang mga lalake, papaasahin sila at pagkatapos mababasted sila. Maiinggit ang mga babae sa kagandahan ko, aagawin ko mga boyfriend nila at papaikutin ko sa palad ko. Iyon lang ang pangarap ko noon ang maging maganda na pagpapantasyahan ng lahat.
Ngunit nagbago ‘yon ng makilala ko siya, si Jayson ng buhay ko.