Ang Paghahanap
Ilang oras pagkatapos ng biglaang pagpupulong ng Konseho ng Mga Kabibe.
“Makinig kayo, bilang mga tanod ng kaharian ng Ayisa, inuutusan ko kayong galugarin ang buong Sulo ng Dagat upang hanapin at iligtas sa anumang kapahamakan ang ating Hari! Kasihan nawa kayo ng Ating Poong Dagat Amansinaya!”
Isang pulutong na binubuo ng mahigit dalawang daang sirena’t siyokoy na nakasakay sa kani-kanilang mga buwayang patrol ang lumusong sa Sulo ng Dagat at, kung tatanawin sa kalawakan, ang naging pagkilos ng pulutong ay tila kamay ng isang higante na biglang umalimbukay at umunat sa pagkakakuyom ang mga daliri nitong napakatutulis ng mga kuko.
Subalit hindi pa dito nagwawakas ang utos ni Heneral Palikpik-Tainga. Pinagtuunan ng bugnutin na siyokoy-opisyal ang mga piping sirena’t siyokoy na dating nakatalaga sa Simboryo, at ngayo’y minarapat na ring ilahok sa malawak na misyon ng paghahanap sa nawawalang Hari ng Dagat. Kabilang na dito sina Rina at Kokoy na wala pang kaalam-alam sa gawaing-tanod kundi ang maging bantay sa arkong pintuan ng Simboryo ng Ayisa.
“Sinabi nang makinig kayong mabuti,” ang malakas na sigaw ng Heneral sa kanila, “sa pinakahuling utos ng Konseho, ang lahat ng tanod na sirena’t siyokoy ng kaharian ng Ayisa ay tutulong sa paghahanap, at nawa’y pagsasagip, sa ating nawawalang hari! Naroroon ang mga tatsibat bilang sandata ninyo, at pumili na kayo ng buwayang patrol na maaari ninyong sakyan sa inyong paghahanap. Kasihan nawa kayong lahat ng Poong Diyos Amansinaya!”
Mabilis pa sa kilapsaw ng tubig na kumilos na ang karamihan ng mga piping sirena’t siyokoy. Nang matanaw ng Heneral na nakaalis na ang lahat sa mahalagang misyon na ito, tumalikod na ito at sumakay sa kaniyang sariling buwayang patrol upang bumalik na muli sa headquarters niya na nasa loob ng Simboryo.
Lingid sa kaniyang kaalaman, may dalawang nilalang ang nakatago sa likuran ng isang kalapit na coral reef ang hindi sumunod sa naging utos Heneral. Sina Rina at Kokoy!
Gamit ang mental telepathy ay nagsimulang mag-usap ang dalawa.
“Wala na sila!’ simula ni Rina. “Labas na tayo! At huwag mo ngang itutok sa ilong ko iyang tatsibat mo, Kokoy!”
“Sigurado ka ba, Rina? Beke nemen…” Nag-astang ikinubli ng binatilyong siyokoy ang sarili sa likod ng sandata niyang sibat na may tatlong matutulis na dulo tulad ng isang tinidor na gamit ng mga taga-lupa na tao.
“Ikaw talaga, Kokoy! Napakaduwag mo talaga!”
Sumagot ang binatilyong siyokoy habang pinapagpag ang namuong lumot sa kaniyang kaliwang balikat at isinandal ang tatsibat sa gilid ng isang coral reef. “Ako pa ang naging duwag! Eh, ikaw nga kaya ang tanungin ko, bakit ka sumama sa aking magtago sa likod ng coral reef? Duwag ka rin naman, eh!”
“Hoy, hoy, hoy, huwag mong ibahin ang usapan! Baka akala mo natatakot ako sa iyo…”
“HINDI BA KAYO MAGSISITIGIL DIYAN!” ang biglang sagot ng isang mahiwagang tinig na lumagos sa kanilang isipan.
“Sino iyon? Mayroon pa bang nilalang sa karagatan na nakagagamit ng ating sariling wikang mental telepathy, bukod sa Diwatang Tamuneneng?” ang sabay at magkayapos na tanong ng mga batang tanod ng Ayisa.
Muling sumagot ang tinig. “Iho, iha, hindi lamang kayo at ang Diwatang Tamuneneng ang may alam at bihasa sa wika ninyo. Gamit din iyan ng maraming nilalang sa dagat, tulad ng mga dolpin, ng mga dugong, at ng mga balyena. At tulad ko na isang aral sa sinaunang mga wika ng ating kaharian!”
Biglang lumabas sa kabilang likuran ng coral reef ang isang matandang buwaya na kapansin-pansin ang haba at laki ng pangangatawan.
Magkahalong takot at pagkamausisa ang naging sumunod na tanong nina Rina at Kokoy sa huklubang buwaya. “Si-si-sino po kayo?”
“Ako si Lolong! Ang pinakabeterano sa mga buwayang patrol ng kaharian ng Ayisa! At kayo, sino naman kayo?”
“Ako po si Rina.”
“Ako naman po si Kokoy.”
Ang magkahiwalay na tugon ng dalawa.
“At bakit hindi ninyo sinunod ang utos ng iyong kagalang-galang na Heneral? Parang wala kayong malasakit sa ating bayan! Nawawala ang Haring Dagat! At kayong itinuturing na pag-asa ng dagat, heto kayo’t bahag ang mga buntot na nakadikit na parang mga talaba sa batuhan ng isang coral reef.”
Hindi na nakatiis ang palaban na si Rina. “Mawalang-galang lamang po, Ginoong Lolong! Duwag na kung duwag ang itawag ninyo sa amin! Eh, pero po, bakit kayo? Ano po ang tawag sa inyo? Eh, pareho lamang namin kayo na nasa likuran ng coral reef, eh! Hahahaha!”
Sabay apir ng dalawang bagitong tanod.
Hindi agad nakasagot ang matandang buwaya. Sa halip ay umupo itong naka-de-kwatro sa isang bahagi ng coral reef at napabuntong-ng-bula nang malalim. Kapuwa dinapuan ng kaunting hiya at paggalang ang dalawang bagitong nilalang sa harapan ni Lolong.
“Totoo,” ang malumanay na wika ni Lolong sa mga kausap, “naging marupok ako. Isang taon na lamang at magreretiro na ako. Subalit dahil sa aking pagiging makasarili at pagkaganid ay naligaw ako ng landas sa aking serbisyo publiko bilang isang buwayang patrol ng pamahalaan ng Ayisa.”
Napaupo na rin sina Rina at Kokoy habang nakikinig sa matanda.
“Alam ba ninyo, iho’t iha, na sa ilang dekada ko bilang isang alagad ng pamahalaang bayan ng Ayisa ay tatlong ulit akong tinanghal bilang Alagad ng Katapatan sa serbisyo publiko. Subalit dahil na rin sa tukso, ako’y napariwara. May ipagtatapat ako sa inyong lihim na malaon nang tila dagat na nakadagan sa aking dibdib…”
“Ano po iyon?” ang may pananabik na tanong ni Rina.
Recess sa Konseho
Samantala, sa loob ng nakapinid na silid ng majority seafloor leader, nagtipon-tipon ang apat na tauhang-dagat: sina Konsehal Pabebe, Konsehal Lumot, Reyna Kanaken, at Reyna Kanimo. Habang nakaupo sa isang komportableng swivel chair at kausap ni Konsehal Pabebe si Heneral Palikpik-Tainga sa isang mamahalin na smartphone na hugis-kabibe, ang tatlo sa apat na ito ay nagpasyang mag-umpukan sa isang mahabang buffet table sa isang sulok ng silid. Dito ay itinuro ng tatlo sa mga tagasilbing sirena’t siyokoy ang nais nila bilang early lunch habang naka-recess ang Konseho.
“O, mga Reyna, batid kong kapuwa kayo nahapo sa inyong paglalakbay tungo sa aming kaharian. Hamo’t pagdamutan muna ninyo ang aming inihanda,” ang magalang na alok ni Konsehal Lumot sa dalawang pinuno ng mga karatig-dagat ng Ayisa na mayaman sa bakawan ang kaniya-kaniyang teritoryo.
Katulad din ni Haring Dagat, ang dalawang Reyna’y kapuwa mistulang mga bula na maaari ring maghugis-tao, lalo na sa tuwing naiimbitahan sila bilang mga panauhin. Ang kapuna-punang pagkakaiba ng dalawa, bukod sa mas batang tingnan si Reyna Kanaken kaysa kay Reyna Kanimo, ang bula ng mas batang si Reyna Kanaken ay tila likha ng mainit na temperatura ng kaniyang sariling lawas (parang bula mula sa kumukulong tubig!), habang ang bula naman ng lawas ni Reyna Kanimo ay tila likha ng malamig na temperatura nito (parang bula na nabitag sa loob ng isang yelo!). Napapahagikhik tuloy nang lihim si Konsehal Lumot, at pati na rin ang nagsisilbing siyokoy sa dalawang reyna, nang mag-order si Reyna Kanaken ng ice cream na halamang-dagat, at si Reyna Kanimo naman ay nag-order ng mainit na lugaw na gawa sa morsel ng kabibe.
Nang matapos na ni Konsehal Pabebe ang kaniyang tawag sa kumander ng hukbong pangtanggol ng Ayisa, tinawag na niya ang tatlo upang lumapit sa kaniyang office table.
“Mga pinagpipitaganan naming panauhin at Konsehal Lumot, halina kayo dito’t magsiupo upang makapag-usap tayo nang maigi. Dadalhin na lamang ng aming mga tagasilbi ang inyong mga order. Mayroon akong ibabalita sa inyo na magandang balita! Magandang balita!”
Nagkatinginan ang apat na mga tagasilbing sirena’t siyokoy. Iisa lamang ang nasa puso’t isipan nila: marahil ay natagpuan na ng hukbo si Haring Dagat! Ay, maraming salamat po sa Poong Diyos Amansinaya! Hinding-hindi niya talaga pababayaan ang kaharian ng Ayisa at ang magiting na pinuno nito!
Agad itong napansin ng majority seafloor leader at dali-daling inutusan ang lahat ng mga tagasilbi na iwanan na lamang muna ang kanilang kasalukuyang gawain at lumabas muna ng silid dahil may pag-uusapan muna silang apat na confidential.
Pagpinid ng pinto ng pinakahuling tagasilbi na siyokoy ay tumindig si Konsehal Pabebe at nakangiting idineklara sa mga kasabwat, “Mga partner, nakausap ko na ang ating mga bagong kasosyo na tagalupa sa bayan ng Nakar! Plantsado na ang multibillion dollar deal natin para sa pag-import ng dolomite!”
Bagaman sumigla at namilog ang mga mata ng dalawang Reyna at bumilis ang pagbula ng bungangang talukab ng taklobong si Konsehal Lumot, halos umabot hanggang langit ang kasiyahan ng tatlong nakikinig nang binitiwan pa ni Konsehal Pabebe ang isang pahabol na deklarasyon, “And, FYI, ladies and gentleman, I just confirmed from our General! Naka-deploy na ang buong hukbo natin sa Sulo ng Dagat! Siyento por siyento, makikita na ng Haring Dagat ang kaniyang matagal nang hinahanap!”
Napatitig nang masama si Konsehal Lumot sa huling katagang sinambit ng kaniyang matalik na kasama sa konseho. Agad namang bumawi si Konsehal Pabebe.
“Ang ibig kong sabihin,” sabay ang may malisyang kindat sa dalawang reynang tahimik na pangisi-ngisi lamang, “siyento por siyento, makikita na natin sa lalong madaling panahon ang Haring Dagat ng Ayisa!”
Napuno ng naglalabo-labong mga bula ang silid. Mga bula na isa-isa ring nagsiputukan kasabay ng putok-bagang pagbuntong-ng-bula ng apat na nilalang.