Ang Komunidad ng Ayisa Ilang oras nang matabang ang dating maalat na tubig ng Ayisa. Bakas sa mga kutis at lawas ng mga taga-Ayisa ang matinding nararanasan nila dahil sa pagkawala ng Haring Dagat. Ibang-iba na ito sa dating larawan ng masiglang-masigla at buhay na buhay na pamayanang-dagat ng isa sa kinaiinggitan at magandang halimbawang kahariang-dagat ng daigdig. Nauna nang nag-alsa balutan ang mga balyena’t dolpin, na agad sinundan ng mga pating at dugong, at ng mga bituing-dagat, dikya at pugita, bago pa magpasya ang Konseho ng Mga Taklobo kung magdedeklara ba sila ng pukotlaot sa buong kaharian, o hihingi na lamang sila ng tulong sa mga tagalupang tao mula sa arkipelago ng Nakar na magsagawa ng dredging sa kanilang pamayanan. Anuman ang maging pasiya’y tiyak na mabubulabog na ang

