Komprontasyon “Kara at doble-kara, Talunan na baraha; Darating na ang araw, Mabibistong butaw.” Ito ang ibinungad na tanaga ng Diwatang Tamuneneng sa papalapit pa lamang na majority seafloor leader ng konseho. Palibhasa’y nasa loob ng isang hawlang akwaryo ang diwata, wala itong magagawa pa sa paglapit ng Konsehal Pabebe kundi ang harapin ito at batahin kung anuman ang nais nitong sabihin o gawin sa kaniya. Dalawa lamang sila ngayon sa loob ng Simboryo dahil pinaalis muna ng taklobong konsehal ang mga inatasang malasugi na nakatanod sa lagusan. “O, kumusta ka na, Diwata ng Mga Tameme?” may masidhing pagtuya ang tono ng tinig ng taklobong konsehal. “O, bakit napansin kong parang nalukot ang mukha mo at namulupot iyang buntot mo nang makita mo akong papalapit sa en grandeng hawla mo?

