ANG NAWAWALA

1215 Words
Dalawang Araw, Makalipas ang Pagkawala: Mabigat ang bawat hakbang ni Liza habang papalapit siya sa istasyon ng pulisya. Kasabay nito ay ramdam din niya ang paninikip ng kanyang dibdib, na para bang may nakadagan na malaking bato, pilit siyang hinihila pababa. Dalawang araw na ang lumipas mula nang huli niyang makausap si Leo, ang nobyo niyang halos pitong taon na niyang kasama sa buhay. Isang buong araw kahapon na puno ng tawag, mensahe, at pag-asa na baka may isang taong makapagsabi kung nasaan ito. Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon, wala pa ring nagbigay sa kanya, ng positibong sagot. Huminto siya saglit sa harap ng pintuan ng presinto, huminga nang malalim, at saka tuluyang pumasok. “Magandang umaga po,” mahina niyang bati sa desk officer na abala sa pagsusulat. Nanginginig ang boses niya kahit pilit niyang pinatatag ang sarili. Nagtaas ng tingin ang pulis at agad napansin ang pamumutla ng babae. “Magandang umaga rin po, ma’am. Ano po ang maitutulong namin?” “Gusto ko pong mag-report ng missing person,” diretsong sagot ni Liza. “Ang boyfriend ko pong si Leo… hindi na po umuwi simula kahapon.” Tumigil ang kamay ng pulis sa pagsusulat. “Kailan niyo po huling nakita?” “No'ng lunes po ng umaga,” sagot niya. “Nag-paalam siya na papasok na siya sa trabaho. Pero… hindi na po siya umuwi kinagabihan.” Inanyayahan siyang umupo sa isang silya sa tabi ng mesa. Habang kinukuha ng pulis ang mga detalye, buong pangalan ni Leo, edad, trabaho, huling suot, at lugar na huling pinuntahan, unti-unting bumabalik sa alaala ni Liza ang lahat ng ginawa niya sa loob ng nakaraang dalawampu’t apat na oras. Pagkatapos ng gabing hindi umuwi si Leo, halos hindi siya nakatulog. Hawak ang cellphone, isa-isa niyang tinawagan ang mga ka-opisina nito. Una ang supervisor ni Leo, sumunod ang mga ka-team niya, at pati ang dating kasabay nitong kumain tuwing tanghalian. Pare-pareho ang sagot nila: hindi nila alam kung nasaan si Leo. “Hindi po siya pumasok kahapon,” sabi ng supervisor sa telepono. “Akala po namin nag-leave lang siya, pero wala po kaming natanggap na abiso.” Hindi pa rin siya tumigil doon. Tinawagan niya ang matalik na kaibigan ni Leo noong kolehiyo, ang pinsan nitong madalas nilang kasamang mag-outing, at maging ang tiyahin nitong minsang tinutuluyan nila kapag bumibisita sa probinsya. Ngunit wala ni isa sa kanila ang nakakita o nakausap si Leo. Mas lalong bumigat ang pakiramdam ni Liza nang makipag-ugnayan siya sa HR ng kumpanya. Ayon sa log-in records, hindi pumasok si Leo sa opisina kahapon. Walang swipe ng ID sa entrance, walang record ng pag-login sa computer system. At nang balikan ang CCTV camera sa loob at labas ng gusali, malinaw na wala roon ang nobyo niya sa buong maghapon. “Parang… parang bigla na lang po siyang naglaho,” mahina niyang nasabi sa pulis habang pinupunasan ang luha na kusang tumutulo. Tumango ang pulis at patuloy na nagsusulat. “May ideya po ba kayo kung may problema siya kamakailan? May nakaalitan, o may binanggit na pupuntahan?” Umiling si Liza. “Wala po. Normal po ang lahat. Nagplano pa nga po kami na magdinner ngayong weekend.” Matapos kunin ang lahat ng detalye, ipinaliwanag ng pulis ang mga susunod na hakbang. Magpapalabas sila ng report, makikipag-ugnayan sa iba’t ibang istasyon, at sisimulan ang paghahanap. Ngunit alam ni Liza na hindi sapat ang paghihintay lamang. Paglabas niya ng presinto, diretso siyang bumalik sa kanilang village, ang tahimik at saradong subdibisyon kung saan sila nakatira ni Leo. Isang ideya ang pilit na kumakapit sa isip niya mula pa kagabi, ang CCTV at logbook ng gate. Lumapit siya sa guardhouse kung saan nakatayo ang isang security guard na kilala niya sa mukha ngunit hindi sa pangalan. “Kuya, magandang hapon po,” bati niya. “Pwede po ba akong humingi ng tulong?” Agad siyang nakilala ng guwardiya. “Ma’am Liza, ano po iyon?” Ipinaliwanag niya ang sitwasyon, na nawawala si Leo at kailangan niyang malaman kung lumabas ba ito ng village noong lunes ng umaga. Kita sa mukha ng guwardiya ang pag-aalala. “Sige po, ma’am,” sagot nito. “Balikan po natin ang records.” Pinaupo siya sa isang bangko sa loob ng guardhouse habang binubuksan ng guwardiya ang logbook at ang lumang monitor na konektado sa CCTV. Mabagal ang oras. Bawat segundo ay tila humahaba, bawat tunog ng orasan ay parang martilyong tumatama sa dibdib ni Liza. Isa-isang binabalikan ng guwardiya ang footage mula alas-singko hanggang alas-diyes ng umaga, ang oras na karaniwang umaalis si Leo papasok sa trabaho. Tahimik lang si Liza, mahigpit ang hawak sa bag, halos hindi humihinga habang nakatutok sa screen. Lumipas ang tatlumpung minuto. Wala. Natapos na ang isang oras. Wala pa rin. “Ma’am,” mahina ngunit malinaw na sabi ng guwardiya, “sa records po, hindi po lumabas si Sir Leo noong Lunes ng umaga.” Naramdaman ni Liza na parang may humugot ng lakas sa buong katawan niya. “Sigurado po ba kayo?” Tumango ang guwardiya. “Opo. Kumpleto po ang logbook. Wala po siyang exit at entry.” Ngunit may isang bagay na nakatawag ng pansin ng guwardiya. Inusog niya ang upuan palapit sa monitor at itinuro ang isang timestamp. “May isang item lang po dito,” sabi niya. “Isang kotse po ang lumabas sa gate bandang alas-sais kinse ng umaga. Pero hindi po si Sir Leo ang nagmamaneho.” Napakunot-noo si Liza. “Kotse po? Kanino?” “Ito po ang mahirap,” sagot ng guwardiya. “Hindi po malinaw ang plate number. Pero base po sa records, hindi po ito regular na sasakyan ng mga residente.” Tumitig si Liza sa screen. Malabo ang kuha, ngunit malinaw ang hugis ng sasakyan, isang itim na kotse na dahan-dahang lumalabas ng gate. Hindi niya alam kung bakit, ngunit may kung anong malamig na takot ang gumapang sa kanyang likod. “Hindi po ba yan bumalik dito sa loob?” tanong niya. Umiling ang guwardiya. “Hindi na po.” Tahimik ang paligid. Tanging ugong ng electric fan at mahinang static ng monitor ang maririnig. Sa sandaling iyon, unti-unting nagsimulang magdugtong-dugtong ang mga pangyayari sa isip ni Liza. Hindi pumasok si Leo sa trabaho. Hindi siya lumabas ng village. At tanging isang hindi kilalang kotse ang lumabas sa gate noong umagang iyon. “Kuya,” nanginginig niyang sabi, “pwede po ba akong humingi ng kopya ng record na ’yan? Para po sa pulis.” “Opo, ma’am,” sagot ng guwardiya. “Tutulungan po namin kayo.” Habang inaayos ng guwardiya ang mga dokumento, napaupo si Liza at napapikit. Sa kabila ng takot at pangamba, may isang malinaw na bagay na nabuo sa kanyang isip: hindi aksidente ang pagkawala ni Leo. At anuman ang nangyari sa umagang iyon, nagsimula ito sa loob mismo ng lugar na akala niya’y pinakaligtas sa kanila, sa kanilang tahanan. Napalingon siya sa kanyang kaliwa, kung nasaan ang destinasyon papunta sa kanilang tahanan, ngunit wala siyang maalala na nakakausap ni Leo sa lugar, dahil busy ito palagi sa work. Tahimik ang buong subdivision, na parang ang mga tao dito ay walang paki alam sa mga kapitbahay nila. Mahigpit niyang kinuyom ang kamao. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya nalalaman ang katotohanan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD