CHAPTER 3

810 Words
MALAPIT nang ma-depress si Prix. Ilang bangkero na ang napagtanungan niya kung saan ang papuntang Isla Catalina pero walang makapagbigay sa kanya ng matinong sagot. At hindi niya matatanggap na pagkatapos ng ilang araw niyang pagkalap ng impormasyon tungkol sa naturang isla ay mababalewala lang ng ganito ang lahat. No way. Wala sa bokabularyo niya ang sumuko. Lumapit siya sa isa pang matandang bangkero na abala sa pag-aayos ng sagwan. “Manong, puwede hong magtanong? Alam ho ba ninyo kung saan at paano makakapunta sa Isla Catalina?” Tiningnan lang siya ng matanda. Muntik nang lumuhod si Prix dahil ito lang ang nag-iisang nagbigay-pansin sa kanya. Lahat kasi ng una niyang napagtanungan, either kung ano-ano ang pinagsasasabi para lang mailayo sa topic ang sagot ng mga ito o kaya naman ay deadmabels ang byuti niya.  “Pasensiya na ho. Importanteng-importante lang ho talaga na makapunta ako sa islang iyon, eh. Doon ho nakasalalay ang kinabukasan ko.” “Ikaw siguro `yong tinutukoy ng ibang kasamahan ko rito na magandang dalagang makulit.” Sabi na, eh. Pinagkakaisahan siya ng mga tao roon. “Hindi naman ho ako manggugulo sa Isla Catalina. Hindi ko ako pipitas kahit isang dahon ng halaman doon. Basta sabihin nyo lang ho sa akin kung paano pumunta roon.” “Alam mo, ineng, kung ako lang ay puwede kitang dalhin doon. Pero pribado kasi ang islang iyon kaya nga wala sa mga kasamahan ko rito ang nagsasabi sa iyo kung paano pumunta roon. Kunsabagay, kahit sabihin nila ay wala ka rin namang makukuhang tao na magdadala sa iyo roon.” Alam iyon ni Prix. Kaya nga itong mga bangkero ang naisip niyang utuin at bolahin para dalhin siya sa islang iyon. Pero sa mga ito pa yata siya nahirapan nang husto. “Magbabayad ho ako kahit magkano. Ihatid ho lang ninyo ako roon.” “Hindi talaga puwede. Malaki ang utang-na-loob namin sa may-ari ng Isla Catalina dahil sa tuwing naaabutan kaming mga mangingisda ng masamang panahon sa dagat, doon kami sumisilong. Kaya bilang paggalang sa may-ari niyon, hindi namin hinahayaan na may makaistorbo sa kanya sa islang iyon.” “Pero may permiso naman ho ako. Alam na po ng may-ari ng islang iyon na darating ako ngayon.” Inilabas niya ang props niyang kasulatan na ginawa lang niya kagabi sa kanyang laptop. Naisip kasi niyang baka kakailanganin niya ng ‘backup’ sa pagsisinungaling na gagawin para lang makarating sa islang iyon. “Heto ho, o. Alam ho ng may-ari na pupunta ako roon. Kahit tawagan nyo pa siya.” “Wala kaming numero ng may-ari.” Alam din iyon ni Prix. “Sige na ho, Manong. For science research naman ho ang purpose ko sa pagpunta roon. Para ho sa ikauunlad ng bayan. Ayaw ho ba ninyong makatulong sa ikauunlad ng bayan natin?” Nagpatuloy lang sa tahimik na pag-aayos ng bangka ang matanda, halatang pinag-iisipan ang mga sinabi ng dalaga. Prix took that opportunity to push her luck even more. “Isang libo ho. Magbibigay ako ng isang libo, ihatid nyo lang ako sa Isla Catalina.” Napatingin sa kanya ang matanda. Konting push pa, mare. “Sige. Tatlong libo ho. Tapat na iyon.” Tumingala ang matanda sa nagdidilim na kalangitan. “Nagbabanta ang masamang panahon. May kalayuan ang islang iyon at siguradong aabutin ng disgrasya kapag sinuong ang paparating na ulan na iyan.” Binalikan na uli nito ang pag-aayos ng bangka. “Pero baka sakali, may pumayag na maghatid sa iyo kung may kalakihang bangkang de motor ang gagamitin.” Nabuhayan na ng loob si Prix. “Thank you ho!” “Iyon, eh, kung may papayag na sugurin ang masamang panahon na iyan. Pero kung dadagdagan mo ang alok mong presyo…” “Limang libo.” “Erning!” tawag ng matanda sa isang lalaki na naglalakad patungo sa nakadaong na malaking bangka. “Susunduin mo ‘yung anak mong nagtatrabaho sa Isla Catalina, hindi ba?” “Oo. Manganganak na kasi anomang araw mula ngayon ang asawa niya.” “Puwede bang sumabay sa iyo ang dalagang ito? May importanteng pakay daw siya sa isla, eh.” “Bawal ang turista roon.” “Hindi siya turista. May permiso siya mula sa may-ari ng isla.” Hinarap na uli si Prix ng matanda. Nakalahad na ang kamay nito. Mabilis na naglagay ng dalawang libo si Prix. “‘Yung tatlong libo, para kay kuya na maghahatid sa akin sa isla. Mahal na ang gasolina ngayon.” Naglakad na siya patungo sa naghihintay na bangkero bago pa makaangal ang tusong matanda. Hah! Ako pa ang lalamangan mo? Ako na dakilang kuripot? Mabilis na nakipag-kaibigan si Prix sa bangkero niya at palihim na iniabot rito ang dalawang libong pisong papel. Kaya wala nang tanong-tanong pa ito nang pasakayin siya sa bangka at maglayag sila patungo sa dako paroon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD