Prologue
"Our class valedictorian: Miranda Gomez." Lumingon siya nang marinig ang kaniyang pangalan. Tumingkayad pa siya para makita kung naroon sa mga nakaupo ang kaniyang mga magulang.
"Mira, umakyat ka na sa stage," sabi ni Mrs. Valle, ang kaniyang class adviser.
"Ma'am, wala pa po kasi ang mga magulang ko. Wala pong magsasabit ng aking medalya," wika niya na halos mangiyak-ngiyak na. Pinipigilan lamang niya na pumatak ang kaniyang mga luha.
"Mira, halika! Ako na lang ang sasabit ng iyong medalya," sabi ni Aling Susan na kanilang kapitbahay at ina ng best friend niyang si Hannah.
"Sige po!" tanging nasabi niya.
Hinawakan ni Aling Susan ang kaniyang kamay paakyat ng entablado. Muli siyang lumingon at baka-sakaling dumating ang kaniyang Itay at Inay. Ngunit ni anino ng mga ito ay wala.
"Congratulations, Miranda!" bati ng Principal nilang si Mrs. Villarde.
"Thank you po, Ma'am!" pilit ang mga ngiting tugon niya.
"O, ngumiti ka naman nang maayos. Magpapakuha tayo ng larawan para may souvenir ka sa iyong pagtatapos," sabi ni Aling Susan sa kaniya pagkatapos nitong isabit ang medalya sa kaniyang leeg.
Ngumiti siya kahit hindi dumating ang kaniyang mga magulang. Pipilitin niyang maging masaya sa araw na iyon dahil malapit na siya sa pagkamit ng kaniyang mga pangarap, ang makapagtapos ng kolehiyo at maging abogada.
"Congratulations, bestie!" bati sa kaniya ni Hannah. Kasalukuyan silang kumakain ng merienda na inihanda ng kanilang eskwelahan para sa kanilang mga honor students.
"Congratulations, too, bestie! Natupad din pareho ang wish natin," aniya rito. Saglit na nawala sa kaniyang isipan ang hindi pagsipot ng mga magulang sa kaniyang pagtatapos.
"Oo nga! Imagine, iniisip lang natin noon na ikaw ang magiging valedictorian at ako naman ang salutatorian. Best friend goals!" masayang sabi ni Hannah.
Kumuha siya ng dalawang baso ng softdrinks. Ibinigay niya sa kaibigan ang isa.
"Cheers!" sabi niya sabay taas ng baso.
"Cheers!" tugon naman ni Hannah at nagtawanan sila.
Pagkatapos ng salo-salo ay umuwi na si Miranda. Maglalakad na sana siya ngunit nakita siya ni Aling Susan. Isinabay na siya nito sakay ng kanilang tricycle.
"Salamat po!" aniya nang makababa na siya.
"Walang anuman, Mira! Congratulations uli!" sabi nito sa kaniya.
Kumaway siya kay Hannah. Magkasunod lang naman ang bahay nila ngunit ipinaghanda ito ng kaniyang Lola kaya doon na sila didiretso. Ibinaba lamang siya sa kanila dahil ayaw na niyang sumama roon.
"Nasaan ang Inay at Itay?" tanong niya sa nakababatang kapatid na si Mario.
"Si Itay ay nasa sakahan samantalang si Inay naman ay ipinatawag doon sa malaking bahay at maglalaba raw," sagot nito.
Hindi na siya umimik pa. Dumiretso siyang pumasok sa kanilang maliit na bahay na gawa sa kawayan. Mayroon itong maliit na itaas kung saan sila natutulog na limang magkakapatid. Sa tingin nga niya ay isang bagyo na lang ang dadaan at babagsak na ito.
Inilagay niya ang kaniyang medalya sa isang kahon ng sapatos kung saan halos mapuno na. Palagi kasi siyang first honor at kadalasan ay nagwawagi sa mga quiz bee na sinasalihan maging sa ibang probinsiya ay nakakarating siya.
"Hindi man lang sila dumating sa graduation ko. Wala na bang halaga sa kanila ang pagtatapos ko?" tanong niya sa kaniyang sarili at pumatak na ang mga luha na kanina pa niya pinipigilan.
"Huwag kang susuko, Mira. Patunayan mo sa kanila na kaya mong matupad ang pangarap mong makapagtapos ng kolehiyo. Mag-aaral ka kahit gumapang ka pa sa hirap," aniya sa kaniyang sarili.
Dahil maagang nagising ay nakatulog si Mira habang yakap ang kahon ng sapatos.
"Mira, gumising ka na. Anong oras na, oh. Hindi ka man lang nakapagsaing," naririnig niyang tawag ng kaniyang Inay.
Bumalikwas siya ng bangon at bumaba ng hagdan.
"Mano po, Inay!"
"Bakit ba kasi puro tulog na lang ang inaatupag mo, ha? Pinabayaan mo na lang na maglaro sa labas ang mga kapatid mo," galit na wika ng kaniyang ina.
"Inay, hindi niyo po ba naalala? Graduation ko po ngayon at ako po ang Valedictorian. Saglit lang po at kukunin ko sa itaas ang medal ko." Nakangiti siya habang sinasabi iyon at hindi niya inintindi ang galit nito.
"Tumigil ka nga, Miranda! Makakain ba natin iyang mga medalya mo? Ang mabuti pa, ngayong nakapagtapos ka na sa high school ay tulungan mo na kami ng iyong Itay sa paghahanap-buhay. Pumasok kang katulong kina Madam Sabel at ng madagdagan naman ang kakarampot naming kinikita," mahabang litanya ng kaniyang Inay Merly.
"Inay, gusto ko pong mag-aral! Gusto ko pong makapagtapos ng kolehiyo," naiiyak niyang sabi rito.
"Mag-aral? Naririnig mo ba ang sarili mo, ha, Miranda? Ni wala nga kaming pantustos sa pagkain natin araw-araw tapos gusto mo pang makapagkolehiyo? Gumising ka, Mira! 'Wag kang mangarap ng gising," galit na tugon nito sa kaniya.
"Kaya nga po pinagsikapan ko na maging valedictorian para wala po akong babayaran sa pag-aaral ko. Inay, sana naman po hahayaan niyo akong makapag-aral para nanan makaahon na tayo sa kahirapan," wika niya habang patuloy sa pag-iyak.
"Ay, sus, Mira! Tumigil ka na sa kahibangan mo. Maiaahon mo sa hirap? Tingnan mo nga ang kapitbahay natin. Tatlong anak ang pinagtapos pero asan? Ayon, namasukan pa rin kasi nga nagsipag-asawa naman ang mga anak," sabi pa ng kaniyang inay.
"Inay, ako po ang gagawa ng paraan para makapagkolehiyo," sagot niya rito.
"Anong kolehiyo ang naririnig ko?" tanong ng kaniyang Itay Arturo na kagagaling lang sa sinasakang lupa.
"Gusto ko pong mag-aral, Itay!" sagot niya.
"Maswerte ka na at nakapag-high school ka. Sapat na iyan. Tumulong ka na sa paghahanap-buhay," mataas ang boses na sagot nito.
"Para rin naman po sa pamilya natin ito, eh. Ayaw niyo na po bang umasenso? Ayaw niyo po bang mapalitan ng mas maayos ang bahay natin? Sawa na po ako sa ganitong buhay, Inay, Itay. Gusto ko rin pong umasenso," aniya habang patuloy sa pagpatak ang kaniyang mga luha.
Ngunit isang malakas na sampal ang natanggap niya mula sa kaniyang Inay.
"May ipinagmamalaki ka na, ha? Iyang mga medalya mo? Ikakaasenso ba natin iyan? Tumulong ka sa pagtatrabaho sa amin at siguradong may kakainin tayo," galit na sabi nito sa kaniya.
Ngunit tumakbo siya palabas ng kanilang bahay. Ayaw niyang matulad ang kapalaran sa kaniyang mga magulang kaya buo na ang kaniyang pasya. Magtatapos siya ng kolehiyo ano man ang mangyari.
"Mira, Mira, bumalik ka rito," naririnig niyang sigaw ng kaniyang Inay ngunit hindi siya lumingon. Patuloy pa rin siya sa pagtakbo habang bumubuhos ang mga luha sa kaniyang mga mata.
"Babalik po ako kapag natupad na ang mga pangarap ko," sigaw niya.
Hindi alam ni Miranda kung saan siya tutungo. Halos isang oras na siyang naglalakad at papadilim na. Nakakaramdam na rin siya ng uhaw at gutom.
"Mag-isip ka, Mira! Gamitin mo 'yang talino mo," utos niya sa kaniyang isipan.
Biglang naalala niya ang kaklaseng si Hazel. May sinasabi kasi ito na luluwas ng Maynila para roon na magtrabaho sa tiyahing may karinderya para makapag-aral. Kaagad niyang pinuntahan ang bahay nito.
"Sigurado ka na ba sa plano mo, Mira?" tanong ni Hazel sa kaniya.
"Sigurado na ako, Hazel. Magtatrabaho ako kasabay ng pag-aaral," determinadong sagot niya rito.
"Paano 'yan eh, wala ka namang gamit?" muling tanong nito.
"Hindi ba sa susunod pang araw ang luwas niyo? Kukunin ko bukas ang mga gamit ko. Pero, pwede ba dito muna ako matutulog?" aniya rito.
"Sige, sasabihin ko kay Inay."
Biglang nagkaroon ng pag-asa si Miranda. Alam niya na walang katiyakan ang kaniyang pag-alis lalo pa at menor de edad siya. Ngunit hindi siya papayag na mananatili lamang sa maliit na bayan ng Sta. Monica.