Halos mag-iisang buwan na ako rito sa mansyon ngunit simula nang mangayri 'yong sa fountain kung saan nakita ko ang mukha ni Sir K ay hindi na siya bumaba o nagpakita sa akin.
Kahit anong gawin kong pagsulyap sa kwarto niya, pagdungaw, nagbabakasaling makita ito ay walang tsansa. Tila naging multo, naglaho na parang bula.
Pinagbawalan din ako ni Aling Lolita na umakyat sa ikalawang palapag at kalimutan ko na raw ang mukha ng amo ko.
Pero paano ko gagawin 'yon kung araw-araw kong napapanaginipan? Na kahit anong pilit kong paglimot, parang nakatatak na sa utak ko ang maaliwalas at maganda niyang mukha?
Napabuntong hininga na lamang ako habang nagwawalis sa sala. Mukhang wala na talagang pag-asa na makausap at masilayan ko pa si Sir K. Ewan ko ba, kahit masungit 'yon at suplado, hinahanap-hanap ko pa rin ang presensya niya, eh hindi naman kami naging close o matagal na nagsama.
Parang nakakamiss 'yong paninigaw niya, sermon, lahat na.
"Oh, ba't nakasimangot ka dyan?"
Napasunod ako ng tingin kay Aling Lolita nang dumaan ito sa harap ko.
"Ah, wala po. May iniisip lang."
"Si Sir K?" Natunugan kong parang natuwa siya sa tanong. "Namimiss mo?"
Mabilis akong umiling. "Hala naman si Nanay Lolita oh. Ba't ko naman po mamimiss 'yon? Eh lagi akong sinusungitan, sinisigawan at... ah, basta po lahat na. Walang nakakamiss sa kanya."
Namewang siya sa harap ko. "Aysus kang bata ka. Itatanggi mo pa, eh halatang namang namimiss mo. Okay lang naman kung humanga ka sa kanya kahit sa pisikal na anyo lang."
Sandali akong natigilan. "Ayos lang po pag-usapan ang itsura niya?"
"Siguro? Eh mukhang tumatak naman sa'yo ang mukha niya. Anong magagawa ko kung hindi mo makalimutan? Alangan naman na i-untog ko ang ulo mo para makalimot 'di ba? Saka imposibleng gawin ko 'yon sa'yo," aniya at mahinang tumawa. "Pero gwapong binata talaga 'no?"
Marahan akong tumango. "Opo. Napapanaginipan ko nga po kaya imposibleng makalimutan ko."
"Baka iba na 'yan 'nak ha."
"Nay naman. Paghanga lang." Nahihiyang sabi ko at napakamot ng batok. "Nga po pala, may bisita po bang darating? Meron po kasing mga tao sa labas, inaasikaso 'yong fountain tapos 'yong mga bulaklak din."
Nasapo niya ang noo. "Ah, oo. Nakalimutan kong sabihin sa'yo. May magaganap na interview dito si Sir K at exclusive book signing."
Alam ko 'yong interview pero 'yong book signing? Book lang din ang alam pero signing, wala akong idea.
"Makikita mo rin mamaya kung anong tinutukoy ko."
"Pero bakit hindi po tayo ang nag-asikaso ro'n?" takang tanong ko sa kanya, eh kami naman 'yong kasambahay sa mansyon na 'to.
"Si Sir K ang nag-utos no'n," tugon niya. "Sa fountain magaganap ang interview at kailangan malinis lahat, may design kaya gamit na gamit ang mga bulaklak. Ayaw ni Sir K ng bongga, gusto niya 'yong simple lang."
Napamaang sandali ang bibig ko at muling tumango. Gano'n po ba? Sige po."
"Tapusin muna 'yan nang makapaghanda tayo ng mga kakainin ng mga bisita," pahabol niya nang lumiko siya papuntang kusina.
"Sige ho." Binilisan ko na lang ang ginagawa ngunit no'ng papatalikod na ako para sana pumuntang kusina ay napatigil ako na parang may nahagip ang mata ko sa ikalawang palapag. "Sir!"
Pero huli na dahil sumara na ang pintuan nito.
Kanina pa ba siya ro'n? Narinig ba niya ang pinag-usapan namin ni Aling Lolita? Kung oo man, posibleng alam na niya ngayon na crush ko siya! Nakakahiya! Parang ayoko nang lumabas mamaya.
"Mari! Tapos ka na ba dyan? Hali ka na rito at parating na ang mga bisita!" sigaw ni Aling Lolita mula kusina.
"Ah, opo! Nandyan na!"
Inayos ko muna ang ginamit na walis sa lagayan nito bago pumunta ng kusina.
Nakipagkwentuhan na lang ako kay Aling Lolita at hindi na sinabi sa kanya na lumabas kanina si Sir K. Siguro dahil may paparating na bisita kaya sumilip. Excited na tuloy ako na makita siya ulit kahit nakasuot ng mask.
Pasado alas tres ng hapon nang dumagsa ang mga bisita sa labas ng mansyon kaya naging abala kami ni Aling Lolita sa pase-serve sa kanila. Buti na lang at may mabuting loob na tumulong sa amin, si Shaun na isa rin sa mga bisita.
Napansin niya yata na natataranta na kami kaya tumulong na sa amin.
"Maraming salamat, hijo." Si Aling Lolita na nag-aayos sa may lababo. "Naku, ang daming tao. Buti na lang at tinulungan mo kami."
Nahagip ng mata kong nakatingin sa akin si Shaun pero hindi ko pinansin.
"Walang anuman po," si Shaun.
Tumingin ako sa kanya dahilan para mag-iwas ito ng tingin. "Salamat, Shaun. Kung wala ka, paano na lang kami? Ang dami ba namang tao."
Napangiti siya. "Welcome, Mari."
Ngumiti na lang din ako nang tumingin siya sa akin.
"O siya at lumabas na kayo. Ako na ang bahala rito. Mukhang lumabas na si Sir K."
Pakiramdam ko pumintig ang tenga ko sa narinig.
"Sige po, 'nay! Lalabas na po kami!"
Sa galak, wala sa sariling hinila ko si Shaun palabas ng mansyon at napagtantong nasa labas na nga si Sir K dahil nakapila na ang mga taong gustong magpa-sign sa kanya. Ngayon, naiintindihan ko na kung anong ibig sabihin ng book signing.
Pero nang maalala ko na wala pala akong libro niya para magpa-sign din sana, bigla akong nalungkot at napasimangot.
"Oh, bakit bigla kang nalungkot dyan?" natatawang tanong ni Shaun.
"Wala akong libro niya. Gusto ko sanang magpa-sign kaso... ayon nga, wala akong libro."
"Gusto mo ba?" nakangiting tanong nito kaya tumango-tango ako.
"Oo! Gusto!"
Nagningning ang mga mata ko nang ilabas niya ang pulang libro sa bag niya.
"Here, you can have it. Meron pa naman ako sa bahay."
Sa tuwa, nayakap ko siya. "Maraming salamat! Tara na doon! Samahan mo 'ko!"
"Sure..."
Naramdaman kong pumisil ang kamay niya sa magkadaop naming palad pero wala na akong pakialam doon. Hinila ko na ulit siya at pumila kahit sobrang haba.
Kahit naiinip, tiniis ako. Pero ang pinagtataka ko, pinagtitinginan si Shaun, eh ako naman walang alam, hinayaan ko na lang hanggang sa turn ko na.
"Name," malamig na wika ni Sir K habang pinapaikot ang pen sa mga daliri nito.
"Mari... Maricar Godezano." Sabi ko pa at nilapag ang hawak na libro sa harap niya.
"Mari... wait, Maricar?"
Napansin kong lumukot ang noo niya hanggang sa mag-angat ito ng tingin sa akin.
"Hi, Sir K?" ngiti-ngiting bati ko rito at mahinang kumaway.
"W-What are you doing here? Sinong nagbigay sa'yo ng libro..." napatingin siya sa kasama ko at gumuhit ang gulat sa mga mata. "Shaun? Why are you two..." hindi niya natuloy ang sasabihin nang bumaba ang tingin niya sa magkahawak naming kamay ni Shaun.
"Hi, best friend? Kamusta?"
Natigilan ako. Magkaibigan sila?!