ANESSA
Ito ang unang araw ko bilang executive secretary ng CEO ng Divinagracia Interprises. At masasabi kong hindi lang ito isang ordinaryong trabaho.
Napangiti ako habang sakay ng elevator. Kitang-kita ko kasi ang kalmado kong repleksyon sa glass wall. Maganda ang suot na corporate attire, banayad ang ayos ng buhok, at mahinhing nakalawit ang ID sa leeg. Kung titingnan ako, sasabihin ng iba na pinaghahandaan ko ‘to.
Pero sa ilalim nitong suot ko, binabayo ang dibdib ko ng kaba. Mahigpit ang kapit ko sa folder na puno ng schedules, company protocols, at notes.
Lahat ng kailangang dalhin ay dala ko na. Sa bahay pa lang, hinanda ko na.
Maliban lang sa isa…
Isang papel na kailanma’y hindi ko puwedeng ipakita. Hindi puwedeng ibunyag.
Hindi lang ako bagong hire na empleyado. Hindi lang ako isang sekretarya.
Ako ang asawa ng CEO. Asawa ni Barton “Bart” Divinagracia.
Pero wala ni isa dapat ang makaalam.
Pagbukas ng elevator, sinalubong ako ng lamig ng 15th floor—glass walls, minimalist na mesa, at katahimikang tila sinasala ang bawat taong pumapasok. Lumingon ang ilang empleyado. Umugong agad ang bulungan. Nang tingnan ko sila, mabilis ang pagbawi nila ng tingin. Pero ramdam ko… ayaw nila sa akin. Iba ang tingin nila sa akin.
Mula pa lang interview, kakaibang tingin na ang bati nila sa akin. Lalo na nang matanggap ako—kahit wala akong experience.
Position kasi ‘to na binigay sa akin ni Bettina Martino-Divinagracia, ina ni Bart. Isang taon kasi akong nasa bahay lang. Isang full-time housewife—na parang wala ring asawa.
“Anessa, magtrabaho ka. Sayang kung magmumukmok ka lang sa bahay,” sabi ng mother-in-law ko nang minsang bumisita. “Gamitin mo ‘yang pinag-aralan mo. Akong bahala sa trabaho mo.”
‘Yon ang sabi niya. Pinilit niya akong magtrabaho.
Sa kumpanyang ito.
Sa tabi ng lalaking asawa ko sa papel…
Huminga ako nang malalim. Nilunok ang kaba. At kumatok sa pinto ng opisina ng CEO.
“Come in.”
Malamig ang boses. Walang kabuhay-buhay.
Ilang ulit ko nang narinig ang tinig na ‘yon—sa hapag, sa sala, sa aming tinutuluyan. Pero ngayon, sa trabaho… at mas iba ang pakiramdam. Mas malamig. Mas malayo.
Pagpasok ko, bumungad si Bart.
Nakatayo sa tabi ng desk, hawak ang tablet at ballpen. Suot ang paborito niyang white polo, naka-roll up ang sleeves, at gray slacks.
Ang tindig nito ay parang isang monumento. Matikas, perpekto, hindi kayang lapitan ng kahit sino. Kahit ako na asawa niya.
“Mr. Divinagracia,” bati ko. Pormal. Walang bahid personal.
Tumingala siya—bahagya lang.
Saglit nagtama ang mga mata namin.
Walang pagkilala. Wala ni aninong nagsasabing mag-asawa kami.
Para akong isang estranghero.
“Start with the schedule. Don’t interrupt me unless it’s urgent. No chit-chat. Just do your job.”
Tumango ako.
“Yes, sir.”
Professional. Tulad ng gusto niya.
Tulad ng lagi niyang pinapaalala.
Sa loob-loob ko, unti-unting nabura ang natitirang bakas ng pag-asang… baka sakaling, dahil magkasama na kami sa trabaho, mapansin man lang niya ako.
Pero malinaw. Hindi.
Isa lang akong empleyado.
Isa sa maraming pinapasweldo niya.
Sa desk ko sa labas ng opisina, sinimulan ko ang araw. Emails, meeting requests, tawag. Sunod-sunod.
May ilang dumaan, nag-abot ng papeles, at aalis rin.
Ito ang trabaho ko. Tahimik lang sa tabi. Naghihintay kung kailan ako kailanganin.
Pero hindi na naman ‘to bago sa akin. Ganitong-ganito rin ako sa bahay. Kaya sanay na ako.
Pero hindi ko pa rin kayang lokohin ang sarili ko.
Inaamin ko. Nasasaktan pa rin ako sa pambabaliwala niya.
Kahit naman siguro sino, masasaktan kapag tratuhin kang hindi nag-e-exist ng taong buong puso mong minahal.
Dahil alam ko na ang buong schedule ni Bart, bago mag-alas tres ng hapon, pumunta na ako sa conference room. May meeting siya, kaya hinanda ko na ang lahat—bottled water, documents, inayos ang mga upuan.
Lahat dapat perpekto sa tingin niya.
Hindi man ako perpekto bilang asawa—maski bilang sekretarya man lang niya, sana mapuri niya ako.
Nakangiti ako habang pabalik sa desk ko, pero kada lakad ko, bulungan ang naririnig ko:
“Bagong secretary ni Sir Bart?”
“Oo. Ganda, ‘no?”
“Pero parang suplada. Hindi nga namamansin.”
“Malay natin, mukhang suplada lang, pero friendly pala…”
Hindi ko sila pinansin. Hindi dahil totoong suplada ako.
Ayaw ko lang magkamali.
Dahil isang maling galaw ko lang… puwedeng mabunyag ang sikreto namin ni Bart.
Mas okay nang suplada ako sa paningin nila, kaysa malaman nilang isa akong asawang itinatago sa lahat.
Asawang hindi minamahal.
Pagbalik ko sa desk, agad dumako ang tingin ko sa table ni Bart.
Abala pa rin siya sa harap ng laptop. Hindi man lang ako napansin.
Saktong pag-upo ko, tumunog ang intercom.
“Miss Lacosta. Coffee.”
Utos niya. Wala man lang sulyap. Wala pang please.
“Noted, sir.”
Tumayo ako. Tinungo ang pantry.
Hindi ko na kailangang itanong ang timpla na gusto niya. Kabisado ko na.
Dark. No sugar.
Gaya ng relasyon namin—madilim. Walang tamis.
“Sir, coffee mo po,” mahinang sabi ko.
Nilapag ko ang tasa.
Wala pa ring salamat. Walang ngiti. Ikinumpas lang niya ang kamay—ibig sabihin, umalis na ako.
Tumalikod ako. Bumalik sa desk.
Pagkaupo, napa-iling ako. Mapait ang ngiti na sumabay sa mahinang buga ng hangin.
Akala ko magiging mas madali ang lahat kapag minu-minuto, araw-araw ko na siyang makikita.
Pero mas mahirap pala kapag magkalapit kayo, pero mas malayo pa sa estranghero ang tingin niya sa’yo.
Sige lang… tuloy lang ang buhay.
“Ms. Lacosta…”
Paigtad kong naangat ang ulo ko.
Nagulat ako nang marinig ang boses niya. Agad akong tumayo.
“Sir, may kailangan ka po…”
“Cancel the meeting with the marketing team. Move it tomorrow.”
“Yes, sir.”
At gano’n lang. Tuloy-tuloy siyang naglakad pabalik sa opisina niya.
Nag-abala pa siyang lumapit… aalis din naman agad.
Sinunod ko ang utos niya. Sinigurong walang mali. Kailangan ma-inform lahat na kanselado ang meeting.
“Sa wakas… alas-singko na, uwian na.”
Nag-unat ako ng kamay. Ilang minuto na ring nakaalis si Bart na parang hangin lang na dinaanan ako.
Kaya lang… nagpang-abot pa rin kami sa elevator.
Wala pang ibang tao. Tahimik kaming dalawa. Ako sa kanan. Siya sa kaliwa.
Ilang pulgada lang ang pagitan namin.
Pero ang katahimikan, parang isang buong kontinente.
Pagbukas ng elevator, ako ang naunang lumabas. Walang sulyap. Walang paalam. Mabilis ang hakbang palayo sa kanya.
Sa parking, agad akong pumasok sa kotse.
Pero ilang minuto na akong nakaupo… hindi ko pa rin mapihit ang susi.
Tahimik lang akong nakatingin sa manibela. Pinipigilan ang bigat sa dibdib.
Napigil ko ang hininga ko nang matanaw ko si Bart sa side mirror.
Papalapit siya sa kotse niya. May kausap sa telepono. Nakangiti. Masaya.
May emosyon na kailanman, hindi ko nakita kapag ako ang kasama niya.
At doon ko naisip—baka kaya niya kinansela ang meeting ay dahil may iba siyang pupuntahan.
May gustong makasama na mas mahalaga kaysa meeting sa kumpanya.
Nakarating ako sa bahay na parang lutang.
Saklap ng life. Walang pinagkaiba ang opisina at bahay.
Ang lamig pa rin. Nakabibingi ang katahimikan.
Si Bart? Wala. Wala ring mensahe kung nasaan siya.
Kaya gaya ng nakasanayan, mag-isa akong kumain.
Mag-isa akong naghugas ng pinggan.
Maligo. Magbihis. Humiga sa sarili kong kwarto.
Laging ganito. Lagi akong mag-isa.
Kapag ganitong malungkot ako, isa lang ang tinitingnan ko sa hidden album ng phone ko.
Wedding photo namin. Ako, naka-simple white dress, pilit ang ngiti. Si Bart, naka-polo… walang emosyon sa mukha. Walang kislap sa mga mata. Walang kaunting pagmamahal sa akin.
Sarap ko ring batukan. Durog na nga ako… lalo ko pang dinudurog.
Ibinaba ko ang phone. Humarap sa bakanteng bahagi ng kama.
Ni minsan, hindi man lang nahigaan ni Bart.
Walang init niya. Walang amoy. Walang bakas na may asawa ako.
Ipinikit ko ang aking mga mata. Dinadama ang katahimikan ng gabi.
Ina-acknowledge ang isang bagay… masaklap ang kasal namin.
Pero mas masaklap ang unang araw ko bilang sekretarya ng aking asawa.
Dahil ito ang araw na opisyal akong naging asawa… sa lihim.