NAISIP niyang wedding store ang itayong business nang ang isa pang kapatid ni Ramil ang magpakasal. Palibhasa ay ka-vibes niya ang mga in-laws niya, ang mga ito ang humimok sa kanyang maging involved sa kasal ng kanyang hipag na si Babeth. And they were all amazed with her ideas. After her sister in-law’s wedding, itinayo niya ang Romantic Events.
She was happy with the flow of her business. Pero kapag naiisip niya ang matamlay na takbo ng married life nila ni Ramil, biglang dumidilim ang paligid niya. At palagi ay sinisisi niya si Ryan Olivares. Kakapusin siya ng mga negatibong superlatives pero hindi pa siya masisiyahang na ikapit iyon sa pangalan ng lalaking iyon.
Natigil lang siya sa pag-iisip nang tumunog ang telepono.
“Sweetheart,” ani Ramil buhat sa kabilang linya.
“Oh, sweet,” malambing agad ang tinig na tugon niya sa asawa. “Are you going to invite me to lunch?” puno ng antisipasyong wika niya. “Tamang-tama, alas onse na. Mamaya pa naman ang dating ng ka-appointment kong kliyente.”
Bihira na ring mangyari sa kanila ni Ramil na lumabas para mag-lunch out man lang. Kapag tumatawag ito sa kanya sa mga ganoong oras, kahit na alam niyang mas madalas ay kukumustahin lang siya ay hopeful pa rin siya na minsan ay mag-aaya naman itong ilabas siya.
“Sorry, sweetheart. Kung hindi nga lang ako inuutusan ni Boss Ryan, bakit hindi? Ako ang pinapa-attend niya sa client meeting sa Madrigal Business Park. Malaking account iyon, Eve. Kapag nai-close ko iyon, tiyak na ako na ang pipiliin niya na i-promote dahil papa-retiro na ang SVP for marketing namin. Ang totoo, iyong mga ganoong big time account, si Boss Ryan ang talagang nakikipag-usap sa kliyente. But he gave me a chance. Nagtataka nga ako, eh. Ako ang inutusan niyang pumunta roon. Pero okay lang. Naisip ko nga, mabuting ako ang inutusan niya. Pagkakataon ko na ito para maipakita kay Boss Ryan na magaling talaga ako.”
Here we go again. Boss Ryan na naman. Nadismaya siya pero sinabi niya sa sarili na hindi na siya dapat magtaka. “Kailan tayo magla-lunch together?”
Tumawa si Ramil. “Sweetheart, basta mai-close ko ang deal na ito, babawi ako sa iyo, okay? I’ll treat you to lunch in Hong Kong.”
“Ramil, kahit naman hindi sa abroad. Kahit naman dito lang sa office ko. Kahit sa Jollibee lang.” She hated her tone. Mukha siyang nagmamakaawa pero masisisi ba siya? Sabik na sabik siya sa asawa. She sighed. “Alam mo, Ramil, kapag nag-lunch date tayo, tubong-tubo ka,” nanunukso nang sabi niya dito. “Mamayang gabi, babawi ako. At darling, sa interes pa lang, daig mo pa nakabalikwas ng kapital. Tubong-nilugaw!” at tumawa siya ng tawang alam niyang masasabik ito sa kanya.
Pero muntik nang malaglag ang panga niya sa pagkadismaya nang marinig ang sagot nito: “I have to go, sweetheart. Baka maipit ako sa traffic. Alam mo naman, kahit ang Skyway, heavy traffic din kung minsan. Pipilitin kong umuwi nang maaga. I love you.”
“I love you too,” bakas ang sama ng loob sa tinig niya.
GUMAGAWA si Eve ng wedding concept ng kanyang kliyente nang tumunog ang cell phone niya.
“I did it, sweetheart!” tuwang-tuwang sabi ni Ryan. “Nai-close ko ang deal!”
Nahawa na siya sa tuwa nito. “Talaga? Umuwi ka nang maaga. Magluluto ako ng special dinner.”
“No, Eve. Nangako ako sa iyo, I’ll treat you in Hong Kong. Magpa-book ka na kay Nicole, iyong travel agent mo. Lalakad tayo this weekend.”
“Ramil, weekend pa iyon. Iyong hapunan, mamayang gabi na iyon.”
“Babalik pa ako sa office, sweetheart. Naitawag ko na kay Boss Ryan ang tungkol sa transaction, eh. Gusto niyang mag-usap kami ng personal. I can’t wait, sweetheart. Excited na excited ako na makausap si Boss Ryan.”
“How about dinner?” kulit niya.
“Bahala na,” malabong sagot ni Ramil. “Gusto ko nang makabalik agad sa opisina. Sabi ni Boss Ryan, dalian ko, eh. Isisingit lang daw niya iyong pakikipagkita sa akin. May appointment pa daw siyang iba. Binibilisan ko na nga ang pagmamaneho, eh. Ayaw ni Boss Ryan na pinaghihintay.”
“Sige, mag-ingat ka,” nasabi na lang niya. Nang ibaba niya ang telepono, halos sabunutan niya ang sarili sa inis. Boss Ryan, Boss Ryan, puro na lang Boss Ryan!
AFTER thirty minutes.
“Mrs. Evelyn May Herrera?”
“Speaking,” sagot niya, hindi mawari kung bakit bigla siyang kinabahan. Timbre pa lang ng boses ng caller ay nagdudulot na ng kaba sa dibdib niya. “Sino ito? Bakit?”
“Misis, pulis ho ako, PO2 Galvez. Ang mister ho ninyo, naaksidente dito sa C-5 road. Isinugod na sa ospital.”
“What?” halos pasigaw na wika niya at muntik pang mabitawan ang telepono. “Saang ospital?”
“Sa Makati Med ho.”
Hindi niya matandaan kung nakapagpasalamat pa siya sa tumawag. Ang alam niyang basta na lang niya ibinaba ang telepono at dinampot ang kanyang bag.
Nakasakay na siya sa taxi ay hindi pa rin siya mapanatag. Sa halip lalo pa siyang naguguluhan. Hindi man niya gusto ay pawang negatibong ideya ang pumapasok sa isip niya.
“Ma’am, saan ho tayo?” lingon sa kanya ng driver na mukhang nagtataka na rin sa anyo niya.
“Sa Makati Med. Pakibilisan lang.” At natanto niya, pati tinig niya ay nangangatal din. Ilang beses niyang pinuno ng hangin ang dibdib. Pero kahit siguro masagap niya ang lahat ng hangin sa paligid niya ay hindi mapapayapa ang isip niya. Hinagilap niya ang cell phone at nagpasyang i-dial ang numero ni Ramil.
“Sino ito?” she asked in an edgy voice. Hindi boses ng kanyang asawa ang nakasagot sa kanya. And though there was a hint of familiarity in that voice, hindi niya gustong maniwala na ang may-ari ng tinig na iyon ay ang lalaking pinag-uukulan niya ng labis na galit.
“Evelyn May,” Ryan said.
She made another breath. “Ang asawa ko, nasaan? Siya ang gusto kong kausapin,” magkahalo ang talim at pag-aalala sa tinig niya.
“Eve, mabuti pang dito na lang tayo mag-usap.”
“No!” prantikong wika niya. “Ang asawa ko, ano ang nangyari sa kanya? Bakit hindi ko siya puwedeng kausapin? Grabe ba siya?”
“I’ll wait for you at the hospital lobby. Be strong, honey.” At pinatay na nito ang linya.
Halos umusok ang butas ng ilong niya sa pagngingitngit. Nang subukan niya uling i-dial ang numero ay lalo na siyang nagalit nang matuklasang naka-off na iyon. Wala siyang magawa kung hindi ang maghintay na makarating sa ospital. At sa bawat minutong magdaan, kasabay ng galit na umaapaw sa dibdib niya patungkol sa lalaking iyon ay ang labis ding pag-aalala sa kalagayan ng kanyang asawa.
“Eve,” salubong sa kanya ni Ryan. Ito na ang mabilis na ang-abot ng pera sa driver at inalalayan siya sa pagbaba ng taxi.
Hiniklas niya ang braso niyang pinangahasan nitong hawakan. “Ang asawa ko, nasaan?”
“Let’s go this way,” sa halip ay sabi nito.
She stood firmly on her place. “Teka nga!” mataray na wika niya. “Aayan lang ang emergency, ah? Saan mo pa ako dadalhin? At puwede ba, call me Mrs. Herrera. Hindi kita kaibigan para tawagin akong Eve. At mas lalo nang kalokohan na tawagin mo akong honey!”
Ilang sandali na tiningnan siya ni Ryan. Hindi niya alam kung awa ang nasa mga mata nito o nais lang talaga siyang tiryahin. Tumaas ang kamay nito. Pero bago pa iyon naihawak sa kanya ay umatras na siya na tila ba mapapaso.
“Puwede ba?” asik niya. Anyong tatalikod na siya nang hagipin ng lalaki ang braso niya.
“I hate to say this, Mrs. Herrera. But he’s dead on arrival.”
First, she felt her eyes widened. At pagkatapos ay bigla lang nawalan ng lakas ang mga tuhod niya at nagdilim na ang lahat sa kanya.
- itutuloy -