Part 5

1676 Words
BUMALIK na si Eve sa private office niya. She was contented in her business. Napatunayan niya kay Ramil na kaya niyang magnegosyo. Nang magpakasal sila, ang gusto ni Ramil ay manatili na lang siya sa bahay. Pinagbigyan niya noong una. Pero nang lumipas ang anim na buwan at hindi pa sila nagkakaanak, nilambing niya ito na payagan siyang magnegosyo. Sa loob ng anim na buwan, naging established ang Romantic Events. Proud siya sa accomplishments ng negosyo niya. Hindi na rin siya ngayon masyadong nape-pressure kung bakit hindi pa siya nabubuntis. Panatag na ang loob niya matapos silang magpatingin sa doctor. Wala naman silang diprensya ni Ramil. Hindi pa nga lang siguro sila nakakatiyempo. Pero paano nga ba sila makakatiyempo kung kulang ang oras nila sa isa’t isa? Itinigil ni Eve ang ginagawa at nag-isip. Isang taon pa lang silang nakakasal ni Ramil pero parang inaatake na sila ng tinatawag ng iba na seven-year itch. Parang malamig na ang pagsasama nila. Kung hindi pa siya ang gumawa ng effort, hindi sila magkakaroon ng oras sa isa’t isa. Wala na itong ibang ikinatwiran sa kanya kung hindi ang trabaho nito. Naglapat ang mga labi niya. Sa ganitong pagkakataon ay nakakalimutan niyang masayahing tao siya. Totoo, naaapektuhan din naman siya ng mga problema. At gaya ngayong nag-iisa siya, malaya siyang nakakapag-isip ng kung ano na nga ba ang nangyayari sa buhay nila. Parang gusto niyang tumawa nang mapakla. Kanina lang ay nagmamalaki pa siya kay Jenna na tinatawanan lang ang mga problema pero ngayon ay halata namang nagmumukmok siya. But then, pakialam ba nila? Sa gusto niyang magmukmok ngayon, mapipigil ba siya? Naiintindihan naman niya ang pressure ng trabaho ni Ramil bilang marketing executive. Hindi iilang beses na hatinggabi na ito umuwi dahil may inilabas na kliyente. Hindi na rin ito nakatupad sa pangako na titigil na sa pag-inom ng alcohol at paninigarilyo. Kahit madalas ay pinag-aawayan nila ang bagay na iyon, hindi pa rin tumitigil si Ramil. Kailangang daw nito iyon sa trabaho nito. At nakakahiya mang aminin, even their s*x life suffered. She was never inhibited of her sexuality. Sa ganang kanya ay sigurado siyang wala siyang pagkukulang. Kahit na sabihing abala siya ngayon sa kanyang negosyo, alam niyang hatiin ang oras niya bilang negosyante at asawa. Hindi rin niya nakakalimutang magpaganda para kay Ramil. Pero madalas ay nabibigo siya. Gaano katagal na bang malamig ang higaan nila? Isang buwan? Dalawa? Ang pinakahuli yata ay noon pang anniversary nila. Mapakla siyang napangiti. Kung sa pamantayan ng iba ay halos bagong kasal pa lang sila. Iisang taon pa lang silang mag-asawa pero umaabot na sa ganoon katagal na basta lang sila magkatabing natutulog? Ramil was always busy with his work. Wala na yata itong ibang katwiran kung hindi kailangang paluguran ang boss nito na ubod ng taas ang expectation sa kanyang asawa. Even their weekend suffered. Kahit na anong pagsisikap niya, mas malakas ang puwersa na naaagaw ng boss ni Ramil ang oras na iyon na para sana sa kanilang mag-asawa. Naglapat ang kanyang mga labi. It had been more than a year pero malinaw na malinaw sa alaala niya ang tagpong iyon. She would never forget Ryan Olivares, her husband’s boss. At sa tuwing masasagi sa isip niya ang lalaking iyon, hindi niya alam kung sino sa kanilang dalawa ng lalaki ang dapat sisihin. The man seduced her. Iyon ang palagi niyang ipinapasok sa isip. Galit siya kay Ryan Olivares. Para sa kanya, ang lalaki ang mas dapat na sisihin. Muntik na siyang umurong magpakasal kay Ramil. Hindi biro ang namagitan sa kanila at ang sumunod na araw ay halos ikabaliw niya. She was a virgin pero palagay niya, marumi siyang ihaharap ni Ramil sa altar. It was her common sense and love for Ramil kaya pinanindigan niyang magpakasal pa rin dito. Gusto niyang patunayan na isang pagsubok lang iyon sa katatagan niya. Pero noong wedding night niya ay muntik na siyang masiraan ng bait. Dahil kahit na anong konsentrasyon ang gawin niya ay nanatili sa memorya niya si Ryan Olivares. Patawarin siya ni Ramil pero hindi niya mapigil ang sarili na ikumpara ang mga halik ng asawa niya sa halik ni Ryan. At masama man ang loob niyang aminin sa sarili, Ryan was a better kisser. Isa sa marami pang dahilan kung bakit ganoon na lang ang galit niya sa lalaki. Kung hindi dahil dito, she wouldn’t have the chance of being kissed by another man. Hindi sana siya magkakaroon ng point of comparison. Sana ay nanatiling nakatuon lang kay Ramil ang lahat nang napukaw na sensuwalidad sa katawan niya. And she wanted her marriage work kaya naman nang hilingin ni Ramil na tumigil siya noon sa pag-oopisina, walang pagdadalawang-isip na pumayag siya. But she felt Ryan Olivares always got in their way. Bagaman nag-fulltime housewife siya ay ramdam niyang hindi niya masolo si Ramil. Palagi niyang kaagaw ang trabaho nito sa kumpanyang iyon. Palagi na lang itong naka-overtime. At sa pananaw niya, ang boss nito ang may kasalanan. Sobrang makapag-demand ng oras ang boss nito kay Ramil kaya naman pati pribado nilang buhay ay naaapektuhan. Minsan ay sinabi niya kay Ramil na mag-resign na lang sa kumpanyang iyon at maghanap ng ibang mapapasukan. Pero tinawanan lang siya ni Ramil. “The best marketing man ako ni Boss Ryan. Hindi iyon papayag na mag-resign ako kung walang mabigat na dahilan. Saka ayaw ko rin. Wala nang mas okay na boss kaysa kay Boss Ryan.” Boss Ryan, Boss Ryan! Hindi yata nila mapag-uusapan ni Ramil ang tungkol sa trabaho nito na hindi mababanggit ang pangalang iyon. Kaya naman kahit hindi na niya uli nakita pa ang lalaki, tila naman kasali pa rin ito sa buhay nilang mag-asawa. “Sorry, sweetheart. Nag-treat si Boss Ryan sa amin kaya ako ginabi.” “Sorry, Eve, may pinaasikaso si Boss Ryan sa akin na product launching, eh.” At kapag ganoon ang linya sa kanya ni Ramil ay napapabuntunghininga na lang siya. Paano ba siya magagalit kung nakikita din naman niya kay Ramil na maligayang-maligaya ito na paluguran ang boss nito? Pero nagsisintir din siya. Paano sila magkakaanak ni Ramil kung pag-uwi nito ng bahay ay gulapay na sa antok at ni hindi na makuhang magpalit ng pantulog? At ang higit na ikinasasama ng loob niya, mas marami pang oras si Ramil sa trabaho at boss ito kaysa sa kanya. Tandang-tanda niya, araw noon ng Linggo at naghahanda sila ni Ramil na mag-Tagaytay. Nang tumunog ang telepono ay sinagot niya. Nasa banyo si Ramil at naliligo. “I want to speak with Ramil, please,” anang tinig. Sumama na agad ang mukha niya nang mabosesan ito. “Sino ito?” kunwa at inosenteng tanong niya. “Ryan Olivares.” Damn you! She gritted her teeth. “Naliligo po, eh. May ibibilin kayo? Misis po niya ito.” “Oh, Evelyn May, pakisabi sa kanyang mag-return call sa akin.” Lalo na siyang nainis. Tila may panunudyo ang tinig nito sa pagbanggit sa pangalan niya. “Sir,” she said with emphasis. “Mag-iwan na lang po kayo ng message.” At pati pamumupo ay talagang idiniin niya. “All right, tell him na puntahan niya si Mr. Sy as soon as possible. Kailangan niyang abutan ang matanda bago ito mag-flight sa New York bukas ng umaga. There are clauses in the contract na kailangang mabigyang linaw. And if he could make the man sign the papers, the better.” Halos magsiklab siya. “Mr. Olivares, araw ng Linggo ngayon. O hindi uso sa inyo ang na kahulugan ng araw ng Linggo sa isang taong may pamilya?” Nakalimutan na niyang boss ito ng asawa niya ay umiral ang galit niya. “May anak na kayo, Eve?” sa halip ay sabi nito. His voice was soothing. Kung binalewala lang nito ang pagtataray niya ay hindi niya masabi. Kaya naman parang lalo nang sinilaban ang galit niya. Kulang na lang ay isigaw niya dito ang: Ni wala na kaming oras para gumawa ng anak! At dahil iyon sa pag-agaw mo ng lahat ng oras sa asawa ko! “Wala pa,” sa halip ay sagot niya na halos mag-untugan ang mga ngipin. Tumawa ang lalaki na tila nakakaloko. “Family is a basic unit. May ama, may ina, may anak.” Humigpit ang hawak niya sa telepono. “Mr. Olivares, hindi ko kailangan ng lecture ninyo. At pasensya na lang kayo, hindi makakarating si Ramil sa Mr. Sy na iyon. Mayroon kaming lakad.” Mukhang hindi rin ito naapektuhan. “Just tell Ramil I called. Nice speaking with you, honey.” At bago pa siya makahuma ay nawala na ito sa linya. Padabog na ibinaba niya ang telepono. “Sweetheart, sino ang kaaway mo?” tanong sa kanya ni Ramil na kalalabas lang ng banyo. “Wala!” paasik na sagot niya at siya naman ang pumasok sa banyo. At akala niya ay tapos na ang chapter na iyon. Nang lumabas siya ng banyo at makita ang klase ng tingin sa kanya ni Ramil, alam niya, talo siya. “Eve, tumawag si Boss Ryan. Kailangan ko raw puntahan si Mr. Sy today.” “Sinabi ba niyang tumawag na siya kanina?” “Siya ang kaaway mo sa telepono kanina?” shocked na wika ni Ramil. Humulagpos na ang pagtitimpi niya. “Siya nga! Inaway ko ang magaling mong boss. Ano ba naman, Ramil? Sunday ngayon. Isusuga ka pa rin ba niya sa trabaho?” Ilang saglit na napamata sa kanya si Ramil. “Eve, importante ito, eh. Saka ako din naman ang nagpiprisinta kay boss na palagi akong on call.” “On call? Ano ka, doktor? Bakit hindi ka pa umalis? Sige na, alis na!” Napatda si Ramil. Hindi malaman kung lalapitan siya o magsasalita. Tinalikuran niya ito at nagbihis ng pang-lakad. “Eve, saan ka pupunta?” “Pupunta akong mag-isa sa Tagaytay! Alangan namang panisin ko ang sarili ko dito sa paghihintay sa iyo?” Itsura ng taong walang magawa ang naging pagbuntunghininga ni Ramil. “I’m sorry, sweetheart.” She snorted. - itutuloy -
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD