“SWEETHEART.”
Nakita niya si Ramil na may dalang malaking flower arrangement. Mukhang tatalunin pa niyon ang mga bulaklak na ginagamit niyang pamunay sa mga kasalan. At isang tingin pa lang niya roon, alam niyang hindi kaunting pera ang ginasta nito.
“Bakit may dala ka niyan? Marami nang bulaklak dito,” gayunman ay pakipot pa rin siya.
“Sweetheart, patawarin mo na ko.” Yumuko ito sa kanya. Alam niyang hahalik ito at hindi siya umiwas.
“First anniversary pa lang natin, nakakalimutan mo na. di lalo na siguro pag ten years na tayo,” sumbat niya.
“Hindi ko na makakalimutan. Promise. Peace na tayo, ‘heart.”
“Okay,” kunwa ay napipilitan pa siya.
Pero masaya na si Ramil. Iniangat siya nito sa inuupuan niya at saka siya niyakap nang mahigpit. “Uwi na tayo, Eve. Doon na tayo mag-celebrate. Suot mo uli iyong suot mo kanina. Ang ganda nu’n.”
“Saka mahal iyon. Binili ko pa iyon sa Marks and Spencer!” irap niya pero napangiti na rin.
“Kaya nga, sulitin natin.” Hinila na siya nito palabas ng opisina niya.
“Teka, iyong bulaklak!” Binalikan niya iyon at ipinasa uli kay Ramil. “Bitbitin mo. Ilalagay ko sa kuwarto natin.” Muntik na niyang makalimutang magpaalam kay Jenna na napatanga sa kanila. “I’m off. Ikaw na’ng bahala dito.”
INUNA pa nilang magkulong sa kuwarto kaysa pansinin ang pagkaing kanina pang madaling-araw naluto. Lagpas na rin ng tanghalian nang maalala nila iyon. Nagtatawanan pa sila nang dumulog sa mesa.
“We’ll shower together pagkatapos nito, ha?” wika ni Ramil.
“Ano ka?” nandidilat ang mga mata niya. “Bah, marunong din akong mapagod!” They made love twice already. At bagaman iyon ay isang gawain na hindi naman niya tinatanggihan, siyempre, kailangan din niya ng pahinga.
“Di ba, sabi ko kanina, mag-check in tayo sa hotel? We’ll do it. Pagkatapos nating mag-shower. Baunin mo iyong nightie, ha?”
Napabungisngis siya. They showered together. Pinauna niyang umahon si Ramil para makapaligo pa siya nang husto. Nagbibihis na siya nang maulinigan niyang may kausap ito sa telepono.
“Ngayon na ba, Boss? Ang usapan namin, sa Monday na ang meeting, ah? Sabado ngayon saka…”
“Sino iyan, Ramil?” she asked.
Wala siyang pakialam kahit na nahuhulaan na rin niya kung sino ang caller. Nagsisimula na naman siyang mainis. Iisa lang naman ang tinatawag ni Ramil na Boss. Si Ryan Olivares. Ang lalaking kahit bihira niyang makita ay kinasusuklaman niya. Ang lalaking sobrang mag-demand ng oras sa asawa niya—na para bang nabuhay si Ramil para magtrabaho dito. Ang lalaking nangahas humalik sa kanya ilang araw bago siya ikasal.
Boss Ryan, he mouthed.
Tumikwas ang nguso niya. Pinatuyo niya ng blower ang buhok habang patuloy pa ring nakikipag-usap si Ramil sa telepono. Pasulyap-sulyap siya dito, nadi-distract marahil si Ramil kay tumalikod ito sa kanya.
“S-sige, Boss Ryan, darating ako.”
Pakiramdam ni Eve ay umakyat ang dugo sa ulo niya. pabagsak na binitiwan niya ang hairbrush at hinarap ang asawa. “What do you mean darating ka?”
He sighed. “Eve, importante, eh. Walang ibang mapagkakatiwalaan si Boss Ryan sa client meeting na iyon kung hindi ako.”
“No! May plano ka—tayo ngayong araw na ito!” sigaw niya agad. Siguro ay daig pa niya ang ina-alta presyon lalo at nakita niyang magpapalit na ng damit si Ryan.
“I’ll be back before dinner, sweetheart. Saka mag-o-overnight pa rin tayo sa hotel. Nasa golf cup pala iyong kliyente. Ngayon daw ang best time na ligawan kasi in good mood. Nananalo yata.” Mabilis na itong nakapagpalit ng white get-up. Mukha na ring maglalaro ng golf. Niyakap siya nito pero tinabig niya. “Sweetheart, please understand. Para sa atin din naman ito. Malaking komisyon iyon.”
At hanggang sa umalis si Ramil ay hindi maipinta ang mukha niya.
THEY NEVER went to hotel. Alas nueve na nang bumalik si Ramil. Galit pa rin siya pero tila nawalan na siya ng lakas na makipag-away pa dito. Hindi na lang siya kumibo. Matapos itong pagbuksan ng pinto ay bumalik na siya sa kama at nahiga.
Balik na naman sila ni Ramil sa alo stage. Hindi siya nito tinigilan hangga’t hindi siya napapaamo. They ended up making love again. It was bittersweet dahil nga sa ubod ng dibdib niya, mayroon pa rin siyang sama ng loob. She never imagined her first wedding anniversary would be like that.
“JENNA, bakit kaya walang gustong magpakasal na a la Medieval age? Di ba, pinanood natin iyong Got To Believe? Iyong mga wedding doon, theme wedding at ang gaganda!”
Tumawa ang assistant niya. “Ma’am, hindi masyadong adventurer ang Pinoy. Mas gusto pa rin nila iyong classic ang dating.”
“Hmn, gusto kong magsisi. Dapat yata iyong kasal ko, ganoon ang ginawa ko. O kaya naman, what if instead of wearing the traditional white wedding gown at nag-itim ako? O kaya, bakit hindi na lang tribal wedding? Igorota naman ako.”
“Ma’am, pagtatawanan kayo!”
Tiningnan niya ito nang matalim. “Alin doon ang nakakatawa? Sa amin sa Benguet, maraming pang nagpapakasal sa tribu. Solemn din naman iyon.”
“Seryoso kayo, ma’am?” Tinitigan siya ni Jenna.
Gumanti siya dito ng titig at mayamaya ay tumawa nang malakas. “Gusto mong atakehin sa puso ang mama ko? Mula nang iwan nu’n ang Bontoc, hindi na siya bumalik doon. Mas gusto niyang isara ang chapter ng pagiging igorota. Haay, colonial mentality. Naimpluwensyahan ni Papa.”
“Ma’am, pogi ang papa ninyo, ‘no?”
“Natural! Siya ang kamukha ko. Matindi nga lang ang kulay ni Mama kaya eto, mas mapagkakamalan yata akong ita kaysa igorota. Sana lang, ‘no? Pati pagiging mestizo ni Papa, nakuha ko. Para ako na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa!” maluwang ang ngiting wika niya.
“Alam ko na ang sikreto ninyo kaya palagi kayong youthful looking at mukhang teenager. Masayahin kayo at murang-mura lang ang tawa. Gagayahin ko iyan.”
Tinaasan niya ng kilay si Jenna. “Ngayon mo lang nalaman? Laughter is the best medicine, Jenna. Kahit na marami kang problema, huwag kang magmukmok. Smile pa rin.”
Matagal pa silang nagkuwentuhan ni Jenna. Kapag hindi hectic ang trabaho nila, para lang silang magkabarkada sa wedding shop niya. Kung anu-anong kalokohan ang naiisip nila.
“Siyangapala, iyong wedding cake para sa kasal ni Monina, itinawag mo na ba uli kay Geraldine?” tanong niya. “The night before the wedding kailangan na niyang dalhin iyon sa restaurant na paggaganapan ng reception.”
“Yes, ma’am. Pati nga iyong printer ng invitation ng kasal ni Kelly tinawagan ko na rin. For pick-up na rin. Hinihintay ko na nga lang iyong errand-boy natin.”
“Good,” nasisiyahang wika niya. “Kapag nakahinga tayo sa mga kasalang iyan, iti-treat ko kayong lahat.”
“Saan, ma’am?”
“Diyan sa kanto. Fish ball saka kikiam,” ngisi niya.
“Ma’am naman!”
Humalakhak siya. “Huwag kang ngang sumisimangot, Jenna. Mukha ka pang matanda sa lola ko. Mag-a-outing tayo. Kakausapin natin si Nicole kung saang resort niya tayo mabibigyan ng malaking discount. At saka siyempre, iyong mag-e-enjoy din tayong lahat sa lugar.”
“’Yan si ma’am, galante. Bubulungan ko si Nicole. Sasabihin ko sa kanyang Amanpulo ang i-suggest sa inyo.”
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Heh! Dollars du’n. Hindi pa natin kayang maglamyerda dun!”
- itutuloy -