KABANATA III: MISTERYOSO

1324 Words
PAGKATAPOS makikain ni Lea nagpaalam naman ito na uuwi muna, dahil baka hinahanap na siya ng lola nito. Si Patricia naman ay diretso ng nagsaing, habang si Maria ay naglilinis sa kanilang sala. Mabilis lamang dumaan ang isang araw sa probinsya, kaya hindi namamalayan ni Patricia na magtatakipsilim na. Sakto na rin iyon dahil luto na ang kanilang kanin at ang torta na kaniyang niluto. Habang hinahapag niya sa mesa ang pagkain, napansin ni Patricia na tulala at malalim ang iniisip ng kaniyang inang nakatingin sa labas. "Nay, ayos ka lang ba?" tanong niya. Pakurap-kurap na tumingin sa kaniya si Maria. "Oo naman, medyo nilalamig lang. Ang lamig talaga kapag gabi na." Yakap nito sa sarili. Lumapit sa kaniya ang dalaga at hinawakan ang leeg nito. "Anong malamig? Nilalagnat ka 'nay!" "Hindi anak, baka naarawan lang ako kanina kaya mainit ang katawan ko. Teka ha?" Tumayo ito upang sana ay tulungan si Patricia sa paghahanda ng pagkain, ngunit bigla na lamang itong napahawak sa sandalan ng upuan. "Inay ako na umupo ka muna riyan, siguro dahil 'yan sa paghatid mo ng order sa kabilang barangay. Sabi ko na sa'yo na ako na lang e," panenermon ni Patricia at saka inabot niya ang tubig sa ina. "Oo na, pasensya na inay ha? Hindi na po mauulit inay," pagbibiro nito, kaya natawa ng palihim si Patricia. Pinauna muna niyang pinakainin ang ina, saka inihatid sa kwarto. Pinainom na rin niya ito ng gamot, dahil pakiramdam niya aabutin hanggang kwarenta ang temperatura ng ina sa sobrang init. "Magpahinga ka na 'nay ha? Bukas ako na po ang bahala sa palengke. Ako na rin ang magluluto mamayang madaling araw, kaya huwag mo ng balaking tumayo riyan!" pagsuway ng dalaga. Tumango lamang si Maria at saka ipinikit ang kanina pa tumutuklap na mata. Bago lumabas ng kwarto, maiging tiningnan ng dalaga ang mukha ng ina. Kitang-kita rito ang pagod kahit na palagi itong ngumingiti sa harapan ni Patricia. Ang puti nitong buhok na siyang sumisimbolo sa kaniyang pagkatanda, ang kulubot na mukha, pati na ang mahinang katawan. Iniisip ni Patricia na kung sanang mayaman lamang sila ay hindi mapapagod ang kaniyang ina sa paggising ng maaga at pagtinda ng kakain. Kung mayaman lamang sila ay buhay pa sana ngayon ang kaniyang ama na namatay dahil sa pulmonya. Pagkatapos niyang siguraduhin na mahimbing na ang pagkakatulog ng ina, lumabas siya ng silid at saka inasikaso naman ang sarili. Mabilis lamang niyang tinapos ang kaniyang pagkain, saka ginawa ang araw-araw nitong nakagawian bago matulog. Pagpasok niya sa kwarto, inunat-unat muna niya ang katawan, bago humimlay sa higaang kawayan at banig naman ang sapin. Kinabukasan... Malamig-lamig pa ang paligid nang gumising na si Patricia. Pinilit niyang bumangon kahit gusto pa niyang matulog, baka kasi kapag nakita nito ng kaniyang ina na mahimbing pa rin natutulog ay pilitin nito ang sarili at siya na ang magluto ng mga kakanin. Lumabas si Patricia mula sa kwarto at kaagad na kinuha ang kaserola at sandok na ginagamit sa pagluluto ng kakanin. Kahit lamig na lamig siya sa tubig ng poso, pinagpatuloy na lamang niya ang ginagawa. "Sana hindi magising si inay habang nagluluto ako," bulong niya sa sarili. Inuna niyang iluto ang kalamay, bago ang iba pang panghimagas. Ilang oras rin siyang natapos, at ngayon ay ramdam na niya ang init ng katawan. "Anak?" Bungad sa kaniya ni Maria na ginugusot pa ang mata. "Nay, ang aga mo namang bumangon? Hindi pa ako tapos dito." Lingon niya sa ina, habang sinasalin ang ibang kakanin sa bilao. Naglakad naman si Maria papunta sa tabi mesa at saka ito umupo. "Ayos na ako 'nak. Tsaka sanay naman akong gumising ng maaga e, ikaw lang ang mapilit." Wala ng nagawa si Patricia kung hindi pakinggan na lamang ang kaniyang ina, kaysa makipag argumento pa rito. Kahit kasi siya ay sumusuko na rin sa kakulitan nito. Nang matapos na siya sa pagluluto, kaagad naman siyang pumasok sa loob ng kwarto at naghanap ng susuotin. Si Maria naman ay inayos na ang kaniyang mga ititinda, at binilinan nito na mag traysikel na lamang dahil hindi niya kakayanin ang mga dadalhin. Mabilis na natapos si Patricia sa pag-aayos. Katulad ng araw-araw niyang suot, isang t-shirt na dilaw at jogging pants na itim naman ang napili niya, para raw hindi mahirap gumalaw kapag maraming bumibili. "Mag ingat ka 'nak!" sigaw ng ina sa loob ng bahay habang kumakaway pa ito. Lumingon naman panandalian si Patricia. "Iyong gamot mo 'nay ah?" paalala niya, bago tuluyang umandar ang traysikel. Mabilis nakarating si Patricia sa palengke. Buti na lamang at tinulungan siya ng drayber na mag bitbit, dahil baka magpa tatlong balik pa ito. "Salamat kuya!" paalam ni Patricia, bago buksan ang kanilang pwesto. Napansin niya ang pwesto ni Aling Susan na hindi pa rin bukas. Alas syete na at wala pa rin ito, gayong palagi namang nauuna itong magbukas sa kanila. "Baka puyat kakatsismis," bulong sa sarili. Kaagad na inilapag ni Patricia sa harapan ang paninda, dahil nakikita niyang parami nang parami ang mga taong dumaraan. Sinipat niya panandalian ang pwesto ni Aling Susan, ngunit hanggang ngayon ay sarado pa rin ito. Inilagay naman niya ang upuan sa paboritong pwesto nang biglang may dumating na isang matanda. Mukha itong mayaman, dahil napakaganda ng suot nito. Dala pa niya ang pulang bag na tingin nito'y nasa daang libo ang presyo. Ang kanyang suot na porselas at kwintas na napaka kinang din. "Hija, maaari bang tikman muna ang tinda mo bago ako um-order?" tanong nito sa dalaga. Mabilis namang tumango si Patricia at ibinigay ang pinaka mabenta nilang kakanin. Dahan-dahan nitong nilalantakan ang kalamay na nasa plastik, at patango-tango pa. Pakiramdam tuloy ni Patricia ay nasa job interview siya at hinihintay ang hatol ng kaniyang magiging boss. "Masarap ah?" Tingin sa kaniya ng matanda habang dumukot ito ng tissue sa bag at pinunasan ang kaunting mantika sa bibig. "Opo. Gawa po ng nanay ko 'yan!" pagmamalaki ni Patricia, kahit siya naman ang nagtimpla no'n. "Sige, kuha akong tatlumpung bilao nito," mabilis na sabi ng matanda tsaka may dinukot sa kaniyang bag. Nanlaki naman ang mata ni Patricia at hindi makapaniwala sa sinabi nito. "T-totoo po? Tatlumpu? 30 piraso?" pag-uulit niya, sabay nilunok ang namuong laway sa bibig. "Oo ineng. Nagustuhan ko ang timpla ng nanay mo, kaya iyan ang napili ko bukas para sa aking kaarawan. Makakagawa ka ba?" "Aba opo! Teka lang," paalam ni Patricia at mabilis niyang kinuha ang bolpen at papel na nasa loob ng durabox. "Ano po ang address ninyo? Sure po 'yan ha? Kailan po?" "Bukas sana?" Lalo naman nanlaki ang mata ni Patricia at nanginginig ang kamay na isulat kung ano mang address ang sabihin nito. "Bago ko ibigay ang address, magkano lahat kapag tatlumpu? Babayaran ko na sana para hindi na ako maabala bukas," wika ng matanda. Mabilis naman niyang kinuha ang kalkulador na nakapatong sa mesa at saka kinalkula ang presyo ng kalamay. "Ma'am, nasa sampung libo ho," aniya. Dinukot naman ng matanda sa kaniyang wallet ang malulutong na pera at mabilis na iniabot kay Patricia. Galak na galak ang dalagang tanggapin ito. "Pwede na po bang malaman ang address kung saan ihahatid bukas?" tanong niya, habang hawak na nito ang bolpen at papel. "Kalye purol 469,"pag gaya niya sa sinasabi ng matanda. "Sta. Ignacia." Napatigil sa pag susulat ang dalaga at tila nabingi sa huling sinabi ng nito. "A-ano ho, 'yung huli ninyong sinabi?" "Sta. Ignacia. See you there lady," saad nito at saka umalis. Tulalang tinitingnan lamang ito ni Patricia hanggang sa mawala na ito sa paningin niya. Napaupo na lamang siya sa monoblock at tila nanlambot ang buong kalamnan, nang malamang sa Sta. Ignacia ito mag-dedeliver. Kung hindi lang nila kailangan ng pera ay baka mabilis pa sa segundo kung isauli niya ito. Ngunit pinanindigan na lamang niya ang ginawang kagagahan. "Naisahan ako do'n ah?" Kamot niya sa ulo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD