KABANATA IV: PERA

3028 Words
TUWANG-TUWA si Patricia habang naglalakad pauwi sa kanila bitbit ang basket sa kanan niyang kamay. Hindi na niya iniisip kung ano ang dalang panganib ng perang iyon kapag nagpatuloy at nagpunta pa siya sa baryo. Basta sa ngayon, alam niya sa sarili na malaking tulong iyon sa araw-araw nilang gastusin. Dagdag din sa puhunan nila para sa panindang kakanin. "Patricia!" Biglang natigil sa paglalakad si Pat at humarap sa gawing kaliwa kung saan ang tindahan. "Mukhang marami kang benta ngayon ah? Ang saya mo e," wika ni Mang Berting habang sumisipsip siya ng softdrinks na nasa bote. Si Mang Berting ang matalik na kaibigan ng kanyang ama noong nabubuhay pa ito. Napakamot ng ulo si Pat at ngumiti ng tipid. " Hindi naman po. Sapat lang ito para bukas," wika naman ni Pat. Tumango lamang si Mang Berting, kaya nagpaalam na si Pat at tumuloy na sa paglakad. Kilala si Pat sa kanilang baryo. Bukod kasi sa maganda ito ay mabait pa siya. Kasundo niya lahat ng mga kapitbahay nila dahil marunong siyang makibagay. Madalas nga ay kinukulit siya na mag reyna elena sa kanila para naman daw umangat-angat ang baryo nila. Pero dahil mahiyain si Pat, palagi ang tanggi niya rito. Limang dipa na lang ang layo at naroon na siya sa kanilang munting bahay na nasa gitna nang bukid. Lalo pang binilisan ni Pat ang lakad dahil excited niyang ibalita sa ina ang malaking pera na kinita sa kakanin. Pero kahit gano'n, may parte pa rin sa kanya na kinakabahan siya. Baka kasi hindi iyon matanggap ng inay niya dahil nga sa balita. Kung sa kanya lang ay ayos na ito. Lalo na ngayon, may sakit pa rin ang kanyang ina. Pag-uwi sa bahay, kaagad na tinanggal ni Pat ang tsinelas saka mabilis na tumakbo sa loob ng bahay. " Inay?" tawag niya rito habang binaba ang basket sa may mesa. Habang tinatawag ang kanyang inay, hinahanap na rin niya ito sa bawat sulok ng bahay, ngunit parang walang tao rito. " 'Nay?" tawag muli niya pero sa pangalawang pagkakataon ay walang sumagot. Nang akmang papasok na sana si Pat sa kwarto nila, napatigil siya sa harapan ng pinto at nakita ang nakalukot na resibo na nakasiksik sa dingding. Kinuha niya iyon ay binasa. Naalala niya na due date na pala ng ilaw at tubig nila. Dahil sa sobrang init din, dumoble ang gastos ng kanilang tubig. "Grabeng isang libo't dalawang daan na tubig naman ito," bulong niya sa sarili nang maisip-isip na hindi naman sila gaanong gumagamit ng kuryente. Ni wala nga silang tv at ref, pero gano'n pa rin ang bayarin. "Buti na lang talaga, naghulog ng blessing si Lord kaya wala ng problema si Inay sa gastos. Isiniksik muli ni Pat ang resibo sa dingding, saka pumasok na sa kwarto. Pagkabihis niya ay mabilis siyang tumakbo papunta sa likuran ng bahay kung saan doon nakatanim ang iba't-ibang gulay na tinanim ng kanyang ina. Naalala niya na doon pala madalas magtambay ang ina, kaya mabilis siyang pumunta roon. "Nay!" tawag niya nang makita si Maria na namimitas ng okra. "Kanina ko pa po kayo tinatawag," ani nito. "Pasensya ka na anak, medyo nalibang lang ako sa pag-harvest ng gulay natin. Tingnan mo o! Ang lalaki na nila." Masayang itinaas ng kanyang ina ang napitas na okra. Tumingin din sa paligid si Pat at nakita ang maliit na sisidlan na may laman na ring mga gulay. Hindi maipagkakailang magaganda ang naging tubo ng halaman ng kanyang ina. Napakalulusog kasi ng mga gulay at walang pesteng sumisira dito. Iilan lamang sa gulay niyang nakatanim sa likod ay ang okra, talong, kalabasa ngunit maliit pa ito, kamatis, at mga dahon-dahon katulad ng pechay at malunggay. "Kumusta na pala ang benta mo anak? Naubos ba ang paninda mo?" tanong ng kanyang ina at saka naupo sila sa kahoy na upuan. Biglang nag-iba ang mood ni Pat nang maalala ang pera. Pero ayaw muna niya itong sabihin sa ina dahil baka hindi ito pumayag bukas. "Opo 'nay. Ubos na po lahat." Kinapa ni Pat ang bulsa sa likuran at kinuha ang mga pera na nakasilid sa plastik saka inabot sa inay. "Mamaya may good news pa ako sa iyo," dagdag pa niya. Tumaas naman ang kilay ng ina. " Good news? Ano naman 'yun?" "Mamaya siyempre. Pero siya nga pala 'nay, 'yan ba ang ang uulamin natin mamaya?" Tsaka niya tiningnan ang mga gulay. Tumango naman ang kanyang ina. "Oo 'nak. Kailangan nating magtipid ngayon. Lalo na dumating na naman ang bagong bill ng kuryente at tubig natin. Sa kakarampot na kinikita natin, napupunta lang doon ang pinaghihirapan natin," saad ng nanay niya. Bakas din dito ang lungkot kaya kitang-kita ni Pat ang problemadong mukha ng ina. Gusto na sana niyang aminin sa inay ang malaking pera na naibenta niya para bukas, pero inisip niya na mamaya na lang habang kumakain. Nang matapos na ang kanyang ina sa pagpitas, pumasok na rin sila sa loob ng kanilang bahay. Nagsisimula na kasing sumugod ang malalaking lamok sa labas, kaya inunahan na nila ito. Nagsaing na rin Pat habang si Maria naman ay nagluto na ng kanilang ulam. Dahil sa kakapusan ng pera, tanging gulay lang ang iniluto nito at walang kasahog-sahog. Pero kahit gano'n, masaya pa rin sila at nagpapasalamat dahil mayroon pa rin silang nakakain kahit papaano. Habang naghahain si Pat ng kanilang pagkain sa mesa, naalala niya ang nararamdamang sakit ng kanyang ina, kaya agad hinanap ng mata niya ang ina. "Nay? Siya nga pala, ayos ka na ba talaga?" tanong nito. "Oo anak. Pwede na nga akong magbenta bukas e. Gusto mo buhatin pa kita, para makita mo kung gaano ako kalakas?" Pagbibiro ng ina na nasa loob ng kanilang kwarto. "Si inay talaga." Pailing-iling na sabi ni Pat. Nang tapos na siyang maghain, tatawagan na sana niya ang ina na kanina pa nasa kwarto ay bigla siyang nagulat nang sakto itong lumabas. Nanlilisik ang mata ng kanyang ina habang hawak ang sampung libo sa kanyang kanang kamay. "Pat. Ano ito?" malamig na tanong niya sa anak. Si Pat naman ay naestatwa sa kanyang kinatatayuan dahil nabigla din siya na nakalkal ng inay niya ang pera sa kanyang bag. "Ah... ano... 'yan 'yung..." pautal-utal na sabi ni Pat habang lumulunok siya ng namumuong laway sa kanyang bibig. "Ano!?" Sigaw ng ina. Sa puntong ito,alam na niya na galit na ang ina kaya lumapit na siya rito. "Ninakaw mo ba ito?! Saan galing ang malaking halata na ito?!" Mabilis na umiling-iling si Pat at lumapit sa ina. "Hindi po...'nay..." "Eh ano?! Sumagot ka! Masama ang magsinungaling Patricia!" Ngayon kumpirmado na galit na nga ang ina. Imbis kasi na tawagin niya ito sa pangalang Pat ay binuo na niya sa galit. "K-kinita ko po kanina 'yan." Sa sobrang taranta ay napayuko na lang si Pat. Tumigil naman sa kakasalita ang kanyang ina. "Kinita mo? Hindi aabot ng tatlong libo ang kita ng tinda natin, tapos aabutin pa ng sampung libo, Patricia? Umamin ka nga! Saan mo ninakaw ito?!" "Hindi...nagkakamali ka inay. Hindi ako nagnakaw. Benta 'yan para bukas. Gusto sana kitang isorpresa, ang kaso nauna ka na sa akin," malungkot at takot na pahayag ni Pat. "T-totoo?" Bumaba ang tono ng pananalita ni Maria. "May nag-order sa iyo para bukas?" Tumango naman si Patricia. "Sorry po, hindi ko agad nasabi. Pasensya na kayo 'nay." "Ayos lang, pero sino ba ang nag-order sa iyo? Bat ang laking halaga naman ito?Tsaka saan daw ide-deliver? Para matulungan na kita bukas," aniya. Bigla namang tumaas ang ulo ni Pat at mabilis na umiling. "Huwag na 'nay, magpahinga ka na lang diyan. Ako na ang bahala,"mabilis nitong sabi. Nakaramdam agad ng pagbabago ang kanyang ina nang iniwas ni Pat ang tingin dito. "Hindi nga? 'Yung totoo, saan mo nakuha ito?" paniniguro ni Maria. " Inay, may nag-order nga sa atin na isang matanda, dahil birthday daw niya bukas," medyo may pagkadiin na ang sinabi ni Pat dahil ayaw maniwala ng kanyang ina. "Sinong matanda? Taga saan?" "Hindi ko po kilala.." "Taga saan ang matanda Patricia?" "Sa kakulitan ng kanyang ina, napakamot na la ng siya sa kanyang ulo. "Sa...Sta...Ignacia po." Biglang nanlaki ang mata ng kanyang ina saka hinawakan siya sa magkabilang braso. "Alam mo kung gaano kadelikado doon diba! Bakit mo ito tinanggap? Baka mamaya mamamatay tao 'yung nagbigay sa'yo nito!Bakit mo tinanggap!" inis na sabi ng kanyang ina habang iniyuyugyog pa rin siya. " Inay...Alam mo po kasing..." "Ibalik mo ito!" walang paligoy-ligoy na sabi ng kanyang ina kaya nanlaki ang mata ni Pat at napatitig rito. "A-ano ho?" "Ibalik mo to!" pag-uulit ng ina saka hinawakan ang kaliwanag kamay ni Pat. "Halika!Tutulungan kita! Ibabalik mo 'to, at huwag na huwag kang tutulog doon! Maliwanag?!" Alam na ni Pat na mangyayari ang ganitong bagay, pero hindi niya akalain na hihilahin siya ng ina pabalik sa palengke. "Inay, masyado na pong madilim. Hali na kayo," pamimilit ni Pat sa ina pero sadyang matigas pa rin ito habang hawak ang kamay ni Pat sa kaliwa at ang sampung libo sa kanan. "Kahit madaling araw pa 'yan anak! Kailangan mong isauli ito. Alam mo naman ang krimen na nagaganap doon diba? Malay mo ba na kung ano ang mangyayari sa iyo?! Para sa sampung libo iisaalang-alang ko ang buhay mo?!" Hindi na muling nakasagot si Pat at hinayaan na lang niyang magpahatak siya sa kanyang ina. Kahit pinagtitinginan na sila ng mga taong nadadaanan nila ay walang pakialam ang ina. Dahil ang nasa isip lang niya ngayon ay maisoli ang pera. Nang malapit na sila sa palengke, binitawan din ng ina ang kamay ni Pat. Pero nakakapagtakang hindi siya nito kinikibo. Naglakas loob na si Pat na kausapin ang ina,pero patuloy lang ito sa paglinga-linga sa paligid na akala mo ay kahit anong oras ay may susugod sa kanilang kung ano. "Inay? Patawarin mo..po ako," nahihiyang sabi ni Pat. Bigla namang humarap sa kanya ang ina habang nanlilisik ang mata. "Sabihin mo nga sa akin Patricia, ano ang itsura nang matanda na iyon?" "Mukha po siyang mayaman inay," mabilis na tugon ng dalaga. "A-anong suot niya? Taga saan siya? Hindi ba siya mukhang kriminal? Mamatay tao? Nang-ho-hostage? Ano, Patricia! Sagutin mo ako!" Halos awang-awa siya sa ina habang tinitingnan niya ito. Nagiging aligaga siya dahil sa pera na tinanggap ng anak. Puro iling lamang ang sagot ni Patricia. "Anak ano?! Hindi ko hahayaan na ang sampung libo ito ang sisira ng pamilya natin! Kaya sagutin mo ako!" Nawawalan na ng boses ang kanyang ina dahil sa pagtatanong ng kasagutan. Si Patricia naman ay nagsisimula nang mangilid ang luha. "Anak!"Niyugyog siya ng ina kaya ang kanina pa pinipigilang luha ay nagsimula nang tumulo. "Sorry po, 'nay. Akala ko po kasi matutuwa ka sa dala kong pera dahil mababayaran na natin ang gastusin sa bahay. Alam..ko po na delikado doon, pero nagbakasali lang naman...ako." Hindi na napigilan ni Patricia ang kanyang pag-iyak. Pakiramdam niya ay kasalanan niya ang lahat. Sa pagkabigla ay niyakap siya ng ina, kaya lalo siyang humagulgol. "Pasensya ka na anak. Huwag ka nang umiyak. Alam ko iniisip mo lang ang kalagayan natin, pero sana naman huwag sa ganitong paraan." Lumihas ang ina sa pagkakayakap at tiningnan ang mukha ni Patricia. "Ang ganda mo naman kahit umiiyak," pagbibiro ng ina kaya natawa ng bahagya si Pat. "S-sorry po talaga inay. Hayaan po ninyo, bukas na bukas ibabalik ko 'yang pera sa matanda kapag nagkita kami," sinserong sabi ni Patricia. "Promise?" "Promise 'nay," wika ni Pat. Kaya nakumbinsi niyang umuwi na sila. Pagkauwi nang bahay, dumiretso na sa pagkain ang mag-ina. Nagutom din kasi si Patricia sa pagpapaiyak sa kanya ng ina. Nang matapos na silang kumain, kaagad na inayos ni Patricia ang mesa at pinagpahinga ang ina sa kwarto. Araw-araw ay ganito ang ginagawa niya. Ayaw niya kasing iasa ang garampot na gawaing bahay sa kanyang ina dahil mabilis na itong mapagod. Pagkalinis ng mesa, ang hugasin naman ang inayos ni Pat. Habang hinahanda ang hugasin, napansin ni Patricia na ubos na pala ang panghugas nila ng pinggan, kaya nagpasya siyang punatahan ang ina upang manghingi ito ng pambili. Nang malapit na siya sa kwarto, rinig niya ang malakas na buntong hininga ng ina. Sinilip muna niya ito sa butas ng dingding kung ano ang ginagawa. Binibilang nito ang perang kinita ngayong araw. Habang binibilang, natutulala ang ina nang malaman na kulang pa ito sa panggastos at pambayad sa kuryente at ilaw nila. Wala pa rin doon ang puhunan nila ng kakanin kaya napapaisip ito. Oo, alam ni Patricia na kulang na kulang ang tatlong libo para sa lahat ng gastusin kaya problemado ang ina niya ngayon. "Hay bahala na!" bulong ng ina habang hinihiwalaya ang sampung libo na isasauli ni Patricia Bukas. Nang akmang tatayo ang kanyang ina, dali-daling tumakbo si Patricia patungo sa lababo at kunwaring naghuhugas. "Inay?" tawag nito. Sakto naman at palabas ang kanyang ina sa kwarto nang maabutan siyang nagbabanlaw ng mga kubyertos. "Pwede ba akong humingi ng sampung piso pambili lang ng panghugas?" tanong ni Patricia. "Oo naman! Marami tayong pera diyan. Teka lang ha?" wika ng iba at bumalik sa loob ng kwarto dala ang pekeng ngiti. Gano'n naman lagi ang ina niya, kapag may problema ay palagi itong nakangiti. Ni walang angal na lumalabas sa bibig nito kahit hirap na hirap na siya, kaya minsan, si Patricia na ang naghahanap ng solusyon para sa problema. Habang naglalakad si Patricia patungo ng tindahan, tila hindi maalis ang tingin niya sa kanyang dinaraanan. Tahimik lang siyang naglalakad habang nakatingin sa lupa nang may makabunggo sa kanya. " Ay sorry.." Aligagang sabi ng ale, kaya agad napadako ang tingin ni Pat rito kaya pareho silang nabigla. "Oh Pat! Ikaw pala," wika ni Aling Susan. Mabilis namang nagbago ang ekspresyon ng mukha ni Pat at todo ang ngiti sa kanya. Isa sa katangian ni Patricia: Ang magpakita ng pekeng emosyon. " Aling Susan, ikaw pala. Siya nga pala, bakit hindi ka nagbukas ngayon ng tindahan mo? Nakakalungkot tuloy sa pwesto," ani Patricia. Oo nakakalungkot talaga, lalo na wala siyang naririnig na malakas na tawa at malakas makipag chismisan. " Ah, iyon ba? Wala. Umalis na ako," sagot ni Aling Susan ngunit may bahid ng kalungkutan sa kanyang pananalita. "Ha? Bakit naman? Paano niyan wala na akong kasama doon?" tanong ni Patricia. "Tsaka malulungkot si Inay kapag hindi ka na niya maabutan doon." "Wala e, hindi ko nabawi ang puhunan ko. Wala na akong pang simula, tsaka bagsak na ang negosyo ko. Siguro sa susunod na lang ulit," malungkot na pahayag ni Aling Susan. Hindi naman makapaniwala si Patricia sa nasagap na balita. Halos magkasabayan lang kasing nagbukas ang ina niya pati ni Aling Susan ng pwesto doon at dalawampung taon na sila roon sa pwestong iyon. Tiyak na malulungkot ang inay niya kapag nalaman na wala na siyang kadaldalan sa pwesto. "Oh siya sige. Mauna na ako ha? Mag-ingat ka. Masyado kang seryoso maglakad e," ani Aling Susan kaya nagpaalam na sila sa isa't-isa. Sakto naman at dalawang hakbang na lang ay naroon na siya sa tindahan. Muntik pa niyan makalimutan ang bibilhin, buti na lang at nakita niya ang anak ng tindera na may bula sa kamay. Pagkaabot niya ng bayad, dumiretso na agad siya ng uwi. Palalim na rin kasi nang palalim ang gabi. Habang naglalakad si Pat, hindi niya maiwasang isipin ang sinabi ni aling Susan pati ng kanyang ina. Kung tutuusin ay malaking kaginhawaan iyong sampung libo na natanggap niya at hindi na rin mamomoblema ang ina na bayaran ang tubig at kuryente nila. Sa kabilang banda, pinangako ni Patricia na ibabalik niya bukas na bukas ang pera. At kung hindi man niya ito magawa, sigurado malaking tampo ang mangyayari sa kanila ng ina. "Hays! Bakit ba ako binigyan ng ganito problema!" Impit ang bibig ni Patricia habang naglalakad. Gusto niyang sumigaw sa inis ngunit hindi niya magawa, kaya ibinaling na lang niya sa maliit na bato ang kanyang inis. Sinipa-sipa niya ito hanggang makarating sa tapat ng kanilang bahay. Pansin rin niya na dinadamayan siya ng buwan at mga bituin sa problema niya dahil napakaliwanag ng kalangitan ngayon. Pagtingin niya sa bilog na buwan ay napangiti na lang siya ng tipid. Iba talaga ang nagagawa ng buwan sa mga taong may problema. Ang bilis nagbago ng mood ni Patricia pagkatapos no'n. Bago siya pumasok, huminga muna siya ng malalim. Wala na siyang ibang choice kundi gawin ang naiisip niya. Isasaalang-alang muna niya ang tampo ng ina para sa kabuhayan nila. Magpapaliwanag na lamang siya rito kapag tapos na niyang ideliver lahat ng kakanin bukas. Sinisiguro naman niya na pagkatapos noon ay uuwi na agad siya sa kanila ng buo. Syempre uuwi nang may ulo. Pagkapasok sa bahay, nadatnan na niya sa kwarto ang ina na nakahiga na sa banig. Ngumiti na lang si Patricia at dumiretso na sa lababo. Habang naghuhugas ng pinggan nai-set na niya sa utak niya kung anong oras siyang gigising mamayang madaling araw. Oo buo na ang desisyon ni Patricia. Ihahatid lang naman niya iyon bukas sa Sta. Ignacia at didiretso na siya sa pwesto nila. Aagahan na lang din niyang magluto dahil maaga rin nagiging ang ina. Dagdag pa na marami rin in-order sa kanya kaya magdo-double time siya bukas. Pagkatapos maglinis ng lababo, hinanda na rin ni Patricia ang gagamiting mga sangkap at kaserola bukas para hindi na siya magahol sa oras. Successful naman ang lahat kaya dumiretso na siya sa kanilang kwarto. Dahan-dahan siyang umakyat ng papag dahil baka magising nito ang mahimbing nang natutulog na kanyang ina. Tumingin muna siya rito panandalian at ngumiti. "Kanino pa ba ako nagmana ng kagandahan, kundi sa'yo rin nay? Goodnight. Sorry ha, kung hindi ko magagampanan ang promise ko sa'yo. Babawi ako pagkatapos nitong lahat." Bago makatulog, natulala muna si Patricia sa kanilang pawid na bubong. Imipit siyang napangiti at inisip lahat ng gagawin niya bukas. "Itay, pagpasensyahan niyo na kung magiging makulit muna ako ngayon ha?" Pagkausap niya sa kanyang itay. "Gusto ko lang makatulong kay inay, kahit sa ganitong paraan lang. Sana kumbinsihin mo si inay na huwag masyadong mag-alala sa akin. Ang o.a kasi niya kanina e," natatawang bulong ni Pat sa kawalan habang iniisip ang nangyari kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD