Maagang umalis ng bahay si Patricia bitbit anf tatlumpung bilao ng kakanin. Kahit hirap na hirap siya sa pagbitbit ay sinikap niya itong dalhin sa paradahan ng bus. Namumula ang kanyang palad kaya naman ay dahan-dahan niya itong winasiwas. Pagkaraa'y dumating din ang bus na kanyang hinihintay. May tatlo siyang kasabay, kaya pinauna na niya ito dahil ipapalagay niya sa compartment iyong dala niya.
"Saan ka miss?" tanong ng kundoktor kay Pat.
"Sa.. Sta. Ignacia po," nahihiyang sabi ni Patricia. Walang anu-ano ay kinuha na kaagad ng kundoktor ang kanyang bitbit at siya naman ay pumasok na sa loob. Pero bago mangyari iyon, tumingin muna sa kanya ang kundoktor saka pailing-iling.
Habang umaandar ang bus, ang konsensya ni Patricia ay patuloy pa ring naiwan sa bahay. Bago kasi siya umalis ay tinitigan muna niya ang ina na mahimbing pang natutulog. Hindu niya akalain na darating siya sa puntong sisirain niya ang tiwala ng kanyang ina dahil lang sa pera, ngunit kung hindi niya kasi gagawin iyon ay baka lumubog naman sila sa utang. At iyon ang pinakaayaw ni Pat. Ang patuloy mamoblema ang kanyang ina.
Bago umalis ay iniwan niya ang pera sa tabi ng kanyang ina. Inipit niya ito ng matigas nilang unan saka na siya umalis.
Wala pa sila sa kalahati ng byahe, nang tumigil na naman ang bus. May sasakay kasi rito kaya napatingin sa ibaba si Pat. Isang magpapamilya ang sasakay. Kalong-kalong ng ama ang baby, habang ang asawa naman niya ay hawak sa kamay ang anak na babae. Pagkapasok sa busy ay umusog ng upuan si Patricia. Tumabi sa kanya ang lalaki na may bitbit na sanggol, kaya si Patricia ay todo usog sa may upuan na tapat ng bintana.
Nilibang na lang ni Patricia ang sarili sa panunuod sa mga ibon na lumilipag sa himpapawid. Hindi rin kasi siya makakilos ng maayos, gawa ng sobrang sikip sa kanyang pwesto. Ayos lang naman ito sa kanya, dal bukod sa mahilig siya sa mga baby at matiisin din niya. Hindi namalayan ni Patricia na unti-unting tumutuklap ang kanyang mata, kaya sa huli ay hinayaan na lamang niya itong pumikit.
Pagkaaran ng ilang oras, sumigaw ang kundoktor kaya napabangon si Patricia.
"Oh, 'yung Sta. Ignacia diyan oh!"
Sa paraang iyon, nagsimula nang magbulong-bulungan ang mga tao.
"Meron ba tayong pasahero na pupunta doon?" tanong ng drayber.
"Oo boss, hindi ko nga alam anong trip niya sa buhay e," wika ng lalaki na may halong pangingilabot sa kanyang mukha.
Limang minuto bago mag limang oras ang byahe ay biglang tumigil ang bus.
"Nandito na tayo!" sumigaw ang kundoktor kaya dali-dali tumayo si Patricia sa kanyang pwesto. Pinagtitinginan siya ng karamihan ng tao na nadadaan niya palabas ng pinto Kitang-kita sa mukha nila ang gulat at pagtatanong kung ano ang gagawin ng dalaga sa delikadong baryo na iyon. Pagkakuha ng konduktor sa mga bilao, magpapasalamat pa sana ang dalaga ngunit bigla siyang pumasok sa bus.
"Ingat ka diyan, ineng!" ani nito at mabilis na sinara ang pinto. Napangiiti na lang si Pat ng mapait habang inaayos ang mga bilao. Nang maayos na ito sa kamay ni Patricia, humarap na siya sa mismong baryo. Ang baryo ng Sta. Ignacia. Sumalubong sa kanya ang limampung talampakang itim na gate. Sa sobrang laki nito at taas ay talagang malulula kahit sino ang tumingin. Sa totoo lang ay namangha si Patricia sa nakita, pero hindi pa rin maalis sa kanya ang kaba at takot. Ngayon pa lang kasi siya nakapunta sa lugar na ito. Halos sikat ang pangalan ng baryong ito sa lugar nila dahil sa misteryong nangyayari.
Nagdadalawang isip pa si Patricia kung papasok ba siya o tatakbo na lang pauwi, ngunit naaalala niya iyong ginastos na tatlong daan sa pamasahe at limang oras na ginugol para lamang makarating dito.
"Bahala na nga!" Nilakasan ni Pat ang kanyang loob at huminga ng malalim bago maglakad papunta sa tapat ng gate. Tatlong metro lang ang layo nito kay Patricia kaya nilakihan na niya ang hakbang. Nang nasa tapat na siya ng pinto, ibababa na sana niya ang kanyang bitbit ang kakatok sa gate na gawa sa matigas na yero, ngunit biglang nanlaki ang mata niya nang kusa itong bumukas. Halos mamuo ang laway ni Patricia sa kanyang lalamunan sa natuklasan. Hindi niya alam kung guni-guni lang ba iyon o sadyang high-tech lang ang gamit sa Sta. Ignacia.
Pagpasok doon ay nakita na niya ang kabuoan ng baryo. Puro bato ang bahay dito. Simpleng bahay na parang bunggalo ang estilo ngunit walang ka-design-design. Parang itinayong mga simento lang at ang kanilang bubong ay simento rin. Hindi pinahalata ni Patricia na namamangha siya sa lugar. Sa gilid ng mga bahay ay naroon ang mga talipapa. Samu't-sari ang kanilang binibentang pagkain. Ang mga bata ay masayang nagtatakbuhan. Mukha naman silang normal at masaya sa baryong ito kaya dumagdag sa palaisipan ni Patricia kung bakit kalat na kalat sa ibang baryo na misteryso ito.
"Arki! Tara na umuwi na tayo," sigaw ng isang ginang na may dalang supot ng gulay sa kaliwa niyang kamay. Siguro ang anak nito ay kabilang sa mga batang nagtatakbuhan sa gitna ng kalsada.
Bigla namang lumapit sa kanya ang isang batang lalaki na tingin nito'y nasa pitong taong gulang. Pawis na pawis at animo'y masaya sa kanyang ginawa.
"Nako, ikaw talagang bata ka. Magpahinga ka pagkauwi ha!" saad ng kanyang nanay, saka hinawakan ang kamay ng anak.
Nang maramdaman na ni Patricia ang ngalay sa paghawak ng mga bilao, naghanap muna siya ng pagpapatungan,nang makita ang isang upuang de-bakal. Okay na iyon kahit doon sa pwestong iyon nakatutok ang araw, kaysa naman mahirapan na ang dalaga sa pagbuhat ng mabibigat na bilao.
"Hay, saan ko kaya hahanapin 'yun?" bulong ni Patricia sa sarili, saka kinapa ang papel na pinagsulatan niya ng address ng babae. Napabuntong-hininga siya nang magsimula na niyang maramdaman ang pagod. Nagpasya si Pat na magpunta sa pinakaunang talipapa. Tindahan iyon ng mga daing at isang matandang babae ang nakita niyang tindera niyon.
"Tao po," panimula ni Pat nang makita ang matanda na abala sa pagbibilang ng kanyang kinita. Nabigla pa ang matanda at kaagad na tinago ang ang pera sa bulsa saka humarap kay Patricia.
"Ano 'yon ineng?" tanong nito.
"Ah.. alam niyo po ba kung saan ito?" magalang na tanong ni Pat, saka iniladlad ang papel kung saan nakasulat ang address ng kanyang pupuntahan. Mariin itong tiningnan ng matanda at muli ay tumingin sa kanya.
"Ngayon lang kita nakita dito ineng, bago ka lang ba?" tanong sa kanya ng matanda. Hindi alam ni Patricia kung ano ang isasagot dito. Iniisip niya kasi kapag sinabi niyang bago ba siya rito ay baka biglang may sumugod sa kanya at putulin ang ulo niya.
"Ah hindi po. Hindi." Pailing-iling na sabi ni Pat. Sumang-ayon naman ang matanda.
"Hindi ko ito alam e," wika nito. Bakas sa mukha ni Patricia ang pagkadismaya pagkatapos nitong magpasalamat sa tindera. Akala niya ay mabilis niyang mahahanap ang bahay no'n dahil mukha namang mayaman ang ginang nang magkita sila.
Tiningnan muna niya ulit ang mga bilao niya. Nang makita na nasa maayos pa ito, dumiretso muli siya sa pangalawang tindahan. Ang tindahan naman ng mga gulay. Sa pangalawang pagkakataon, nabigo muli si Pat hanggang umabot siya sa ika-siyam na tindahan. Nang umiling ang matandang lalaki na nagbebenta ng gulay ay nagpasalamat kaagad siya at bumalik na kung saan iniwan ang mga bilao.
Pagkarating doon ay natigilan siya sa paglalakad nang may masilayan siyang nakaupo malapit sa kanyang tinda. Paglapit niya ay isang matandang babae pala ang nakaupo doon. Gusot gusto ang suot nitong itim na saya habang nakayuko. Itatabi sana ni Patricia ang paninda at tatabi sa matanda ngunit biglang tumingin ito sa kanya.
"Makikiupo lang ho," pangiti-ngiting sabi ni Pat at tuluyan nang tumabi sa matanda. Ang matanda ay patuloy pa rin sa pagtingin sa ibaba. Si Patricia ay humuhugot din ng lakas ng loob upang tanungin din sa matanda ang address na kanyang hinahanap.
"Ah..lola?" tanong ni Patricia. Hinihintay niyang umangat ang ulo ng matanda ngunit ilang minuto na ang lumipas, hindi pa rin nagbago ang posisyon nito.
"Ah..." muling pagsasalita ni Patricia, ngunit natigil siya nang umangat na ang ulo ng matanda at inayos ang suot. Gulat na tumingin si Patricia sa kanya. Ang matanda kasi ay punong-puno ng itim sa mukha. May straw din sa buhok niya na parang pinaglaruan ng mga bata. Lumunok muli ng laway si Patricia dahil hindi niya akalain na taong grasa pala ang katabi niya. Pero kataka-taka lang dahil ang mga taong grasa sa kanila at maamoy mo ang hinanakit sa kanilang katawan, pero ang matandang ito ay amoy araw lang.
Muling bumalik ang tingin ng matanda sa lupa nang mapansing tulala lang si Pat na nakatingin sa kanya. Sa huli ay hindi nagtagumpay si Patricia na kausapin ang matanda kaya tahimik lamang silang dalawa na nakaupo. Tumingin din sa paligid si Patricia at napansing wala na ang mga batang naglalaro kanina. Masakit na rin sa balat ang sikat ng araw. Tansya ni Pat ay nasa alas onse o alas dose na ng tanghali kaya ganito na kainit.
"May gusto ka bang itanong?" bulong ng matanda,ngunit hindi ito klaro sa pandinig ni Patricia dahil sobrang hina ng boses. Tanging pagbuka lamang ng bibig ang nakita ni Patricia kaya nasabi niyang nagsalita ito.
"Ano ho?" tanong ni Pat sa nag-aalangang boses.
"May gusto ka bang itanong?" wika muli ng matanda. Ngayon ay klaro na sa pandinig ni Pat ang sinabi nito.
"Ah...eh, opo sana kung pwede." Napakamot ng ulo si Pat sa hiya.
"Ano 'yon?" garalgal na tanong nito. Mabilis namang niladlad ni Patricia ang papel saka ipinakita sa matanda. Walang emosyong nagbago rito simula nang makita ang papel. Tanging blankong ekspresyon pa rin.
"Kung sasabihin ko ba kung saan 'yan, sasagutin mo rin ang itatanong ko sa'yo?" may halong pananakot sa boses nito.
"O..opo naman!" pagdadalawang isip na tugon ni Pat, kaya ang matanda ay umupo ng tuwid at pinakrus ang kamay.
"Kakarating mo lang ba rito? Saan ka galing? Bakit ka nagpunta rito? Nahihibang ka ba? Gusto mo na bang mamatay nang maaga?" sunod-sunod ang tanong ng matanda kaya tumigil panandalian ang pagtibok ng puso ni Patricia. Hindi niya alam kung ano ang itsura niya ngayon sa pagkagulat. Basta alam lang niya doble ang laki ng kanyang mata ngayon.
"Pwede pong isa-isa lang?" mahinahong tanong ni Patricia habang nanlalaki pa rin ang mata niya. Prenteng umupo naman ang matanda saka tumango.
"Opo kakarating ko la-" wika ni Patricia ngunit hindi na naman mapigilan nang matanda na sumabat.
"Bakit ka nagpunta dito? Hindi mo ba alam na delikado?" tanong nito.
"A-alam po,ang kaso lang kailangan ko nang pera.. Tsaka ito po oh." Tinuro ni Patricia ang patong-patong na bilao sa tabi niya. "I-dedeliver ko po ito rito."
"Pero teka nga lang po." Umupo nang tuwid si Patricia at sinuri ang matandang babae.
"Kanina pa po kayo nagtatanong, pero 'yung isang tanong ko hindi pa po nasasagot," dipensa ni Pat dahilan para magkaron ng ekspresyon ang mukha ng matanda.
May halong galit ang awa ang pinapakita ng mata nito nang tumingin siya kay Patricia. "Gusto mo ba talagang malaman kung saan 'yan?"
"Opo. Baka kasi masira itong kakanin kung hindi ko pa maibigay."
"Nasa..."
"Ineng!" Tawag ng isang ginang mula sa likuran kaya naputol ang sinasabi ng matanda. Sabay naman silang nnapatingin sa direksyon nito at laking gulat ni Patricia na ang ginang ang nasa likuran nila.
"Kayo po pala aling..." Natigilan si Patricia ng mapag-isip isip niya na hindi pala niya alam ang pangalan ng customer.
"Amethyst," sagot naman ng matanda. "Halika na?"
Mabilis namang tumango si Patricia habang ngingiti-ngiti. Tumingin muli siya sa katabi niyang matanda ngunit nakayuko na ito muli kaya kaya hinayaan na lang niya. Bago kunin ang mga bilao, tumingin muna siya sa relos. Alas tres na pala.Sa isip-isip niya, sakto lang iyon dahil limang oras ang byahe, baka gabi na rin siya makarating sa bahay kung sakali.
Tinulungan naman siyang magbuhat ng limanng bilao ni Amtheyst, hindi niya napansin na may kasama rin palang lalaki sa likuran nito kaya ipinabuhat din sa kanya ang iilan. Tuwang-tuwa si Patricia dahil hindi na gano'n kabigat ang kanyang binubuhat. Dagdag pa na hindi na siya mag-aaksaya ng oras dahil nahanap na niya ang customer.
"Aling Amethyst, saan po ba ang bahay ninyo? Bakit hindi alam ng mga taga rito?" magalang na tanong ni Patricia.
"Malayo kasi rito ang bahay namin,ineng. Tsaka hindi masyadong kilala ang address namin kaya asahan mo nang gano'n talaga ang isasagot sa'yo ng mga tao."
Tumango na lang si Patricia upang sumang-ayon.
Habang naglalakad, pinagmamasdan ng dalaga ang paligid. Ang mga bahay dito ay dikit-dikit. Pantay-pantay din ang laki nila. Wala rin ni isang puno ang nakatanim at puro kable lamang ng kuryente ang makikita mo sa itaas. Dalawang klase lamang na bagay ang makikita rito. Una ang mga simentadong bahay na dire-diretso sa kanan at sa kaliwa ay mga talipapa. Sa pagiinspeksiyon ni Patricia sa lugar, napansin niyang nakatingin karamihan sa kanya ang mga tindera. Sa kanan naman ay wala siyang problema dahil sarado lahat ng pinto nila. Hindi na lang ito pinansin ni Patricia at masayang naglakad kasama nina Amethyst at ng alalay nitong lalaki.
Nang malampasan na nila ang halos dalawampung bahay, hindi pa rin nila matunton ang bahay ni Amethyst, nakaramdam na rin ng uhaw sa sobrang init si Pat at nanlalambot na ang kanyang tuhod sa pagod. Nakikita niya sa dalawa na nasa unahan niya ay wala man lang bakas ng pagod sa mga ito, ni pawis ay walang tumutulo. Samantalang kay Patricia ay basang basa na ang kanyang likuran sa sobrang init.
"A..aling Amethyst? Maari ba akong magtanong?" tanong ni Patricia nang tumigil siya panandalian, tinapunan lang siya ng tingin ni Amethyst at naglakad na muli.
"Magtanong ka na lang habang naglalakad, ineng," wika ni Amethyst. " Pero saglit lang, kanina pa tayo magkasama pero hindi ka pa nagpapakilala sa akin," ani nito.
"Ako nga po pala si Patricia. Pachot po ang tawag sa akin sa bahay," sagot naman ni Patricia.
"Ito namang kasama ko, Adrian ang pangalan," pakilala niya sa lalaking nakasuot ng itim na t-shirt. Malaki ang katawan at malabong ang buhok.
Tumango lang si Patricia dhil hindi na niya kayang sumagot. Tumingin muli siya sa kayang relo nang makita niyang menos kinse na lang bago mag alas kwatro. Kapag inabot sila ng alas kwatro o alas singko dito ay malilintikan na talaga siya sa ina.
"Malapit na po ba tayo? Kailangan ko na rin po kasing umuwi e," pag-uulit ni Patricia, ngunit nagtinginan lang si Amethyst at si Adrian saka impit na tumawa.
Wala nang magawa si Patricia kundi ang sumunod na lang. Iniisip na lang niya na malaking bagay ang perang binayad sa kanya ni Amethyst kaya magtitiyaga na lang siyang sundan ito kahit saang lumalop. Pansin din niya na ang bahay sa kanilang dinaraanan ay walang katapusan. Siguro kung tatansyahin ay nasa apatnapu na ang kanilang nadaanan ngunit walaa pa ring pagbabago ang mga bahay. Gano'n pa rin ang hulma no'n at sarado ang mga pinto.
Iniisip na lang ni Patricia na siguro tulog ang mga tao doon kasi tanghaling tapat nga naman.
Biglang tumunog ang relo ni Patricia, hudyat na alas kwatro na ng hapon, kung kailangang madaliin ay gagawin niya para lamang makauwi ng maaga. Inunahan niya ang dalawa sa paglalakad. Binilisan niya hanggang sa abot ng kanyang makakaya. Nang maramdaman na niyang nakalayo na siya, bigla naman siyang napatigil nang mapansing wala na ang dalawa sa likuran niya.
Paglingon niya ay siya na lang mag-isa ang naglalakad. Halos manlambot ang katawan ni Patricia. Sa isip-isip niya ay parang niloloko na lang siya ng mga 'yon, kaya muli ay napabalik siya sa dating pwesto at palinga-lingang hinahanap ang dalawa. Itatanong niya sana sa isnag tindahan, ngunit nang makita na walang tao doon, umalis na lang siya at hindi na nag aksaya pa ng oras. Malungkot at nanlalambot na bumalik si Patricia sa kanyang dinaanan kanina. Hindi niya alam kung ilang oras na naman ang aabutin ng paglalakad niya. Bitbit pa niya ang tatlong bilao, kaya nahihilo na rin siya sa pagod.
Sinikap niyang makarating muli sa umpisa at iwan na lang sa unahang tindahan ang natirang bilao. Mas kailangan na niyang umuwi ngayon, kaysa makipaglokohan pa sa customer niya. Ilang oras na ang ginugol niya doon, pagkatapos ay paglalaruan lamang siya.
Nang nasa kalagitnaan na siya sa paglalakad, bigla siyang napatigil nang biglang may nagsalita kung saan. Parang nakamikropono ito at naka speaker kaya dinig na dinig ang sinasabi kahit nasaan ka pa.
"Huling isa't-kalahating oras," wika ng isang babae sa likod ng mikropono.
" One and half? Para saan?" Tanong ni Patricia sa sarili. Napatingin naman siya sa kanyang relo at nakitang 5:30 na pala,kaya muli ay minadali niyang maglakad. Habang naglalakad siya, napatingin siya sa aligagang mga tindera. Dali-dali na silang nagliligpit ng mga paninda nila at 'yung iba ay patakbo pang umuwi sa kani-kanilang bahay.
Takang-taka namang tiningnan ito ni Patricia at minadali na ring maglakad. Nang malapit na siya sa unang tindahan, bigla na lang siyang natumba nang mabunggo siya ng malaking lalaki na may dalang puting sako sa kanyang balikat. Pasan-pasan niya ito habang nagmamadali. Hindi na nakahingi ng paumanhin ang lalaki pero tiningnan lamang niya ito ng nakakaawa. Pinulot ni Patricia ang humiwalay na isang bilao tsaka muling tatayo nang biglang may humawak sa kanyang braso.
Ang matandang babae kanina na kausap niya. Masama ang tingin nito sa kanya pero minabuti pa rin siyang tulungan.
"Tumakbo ka na habang may oras pa!" bulong sa kanya ng matanda, ngunit dahil sa sunod-sunod na pagtakbo ng mga tao at pagsigaw nila ay hindi gaanong narinig ni Patricia ang kanyanng sinasabi.
"Treinta minutos na lamang anng natitira," pagsasalita muli ng babae sa mikropono. Halos gulong-gulo na si Patricia sa nanngyayari. Hindi na niya alam ang kannyang gagawin, nang haharapin na sana niya ang matandang babae ay bigla naman itong nawala.
"Anong nangyayari!" inis na bulong niya sa sarili.
Gusto niyang itanong kung ano ang oras na iyon at bakit nagtatakbuhann ang mga tao, ngunit walang gustong kumausap sa kanya at tumatakbo lang anng mga ito.
Nang tingnan muli niya ang orasan, 6:30 na. Lalo siyang kinabahan dahil baka mas nakakatakot pa ang abutan niya sa bahay kapag na-late siya ng uwi.